Ayon kay Lucas 24:1-53

24  Pero maagang-maaga noong unang araw ng linggo, pumunta sila sa libingan, dala ang mababangong sangkap na inihanda nila.+ 2  Gayunman, nakita nilang naalis na* ang bato sa libingan,*+ 3  at nang pumasok sila, hindi nila nakita ang katawan ng Panginoong Jesus.+ 4  Habang naguguluhan pa sila sa nangyari, dalawang lalaki na may nagniningning na damit ang nakita nilang nakatayo sa tabi nila. 5  Natakot ang mga babae at yumuko, kaya sinabi ng mga lalaki: “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay?+ 6  Wala siya rito dahil binuhay na siyang muli. Alalahanin ninyo nang makipag-usap siya sa inyo noong nasa Galilea pa siya. 7  Sinabi niyang ang Anak ng tao ay kailangang maibigay sa kamay ng mga makasalanan at ibayubay sa tulos at buhaying muli sa ikatlong araw.”+ 8  Kaya naalaala nila ang mga sinabi niya,+ 9  at umalis sila sa libingan* para ibalita sa 11 apostol at sa iba pang alagad ang lahat ng ito.+ 10  Sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago, gayundin ang iba pang babae+ na kasama ng mga ito, ang nagbalita sa mga apostol. 11  Pero iniisip nilang imahinasyon lang ang sinabi ng mga babae, at hindi sila naniwala sa mga ito. 12  Pero tumayo si Pedro at tumakbo papunta sa libingan.* Yumuko siya para sumilip, at mga telang lino lang ang nakita niya. Kaya umalis siya na nagtataka sa nangyari. 13  Pero nang mismong araw na iyon, may dalawang alagad na naglalakbay papunta sa isang nayon na tinatawag na Emaus, mga 11 kilometro mula sa Jerusalem, 14  at pinag-uusapan nila ang lahat ng nangyari. 15  Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol dito, si Jesus mismo ay lumapit at lumakad kasabay nila, 16  pero hindi nila siya nakilala.+ 17  Sinabi niya: “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo habang naglalakad?” At tumigil sila sa paglalakad, na nalulungkot. 18  Sumagot ang isa sa kanila na si Cleopas: “Dayuhan ka ba sa Jerusalem at walang nakakausap? Bakit hindi mo alam ang mga nangyari doon nitong nakaraan?”* 19  Nagtanong siya: “Ano?” Sinabi nila: “Ang mga nangyari kay Jesus na Nazareno.+ Isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, sa harap ng Diyos at ng lahat ng tao.+ 20  Ibinigay siya ng aming mga punong saserdote at mga tagapamahala para mahatulan ng kamatayan,+ at ipinako nila siya sa tulos.+ 21  Pero inaasahan namin na ang taong ito ang magliligtas sa Israel.+ At ito na ang ikatlong araw mula nang mangyari ang mga iyon. 22  Isa pa, nagulat din kami sa sinabi ng ilan sa mga babaeng alagad. Maaga silang pumunta sa libingan,*+ 23  at nang hindi nila nakita ang katawan niya, pinuntahan nila kami at sinabing may nagpakita sa kanilang mga anghel na nagsabing buháy si Jesus. 24  Kaya ang ilan sa mga kasama namin ay pumunta sa libingan,*+ at nakita nilang totoo ang sinabi ng mga babae, pero hindi nila nakita si Jesus.” 25  Kaya sinabi niya sa kanila: “Mga di-makaunawa at mabagal ang puso sa pagtanggap sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26  Hindi ba kailangang danasin ng Kristo ang mga ito+ para matanggap niya ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya?”+ 27  At pasimula kay Moises at sa lahat ng Propeta,*+ ipinaliwanag niya sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaniya. 28  Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan ng mga alagad, nagkunwari siyang mas malayo pa ang lalakbayin niya. 29  Pero pinigilan nila siyang umalis at sinabi: “Sumama ka muna sa amin, dahil lumulubog na ang araw at malapit nang dumilim.” Kaya tumuloy siya sa bahay at nanatiling kasama nila. 30  Habang nakaupo* siya sa mesa kasama nila, kumuha siya ng tinapay, nanalangin, pinagpira-piraso ito, at ibinigay sa kanila.+ 31  Nang pagkakataong iyon, nabuksan ang mga mata nila at nakilala nila siya; pero bigla siyang nawala.+ 32  Sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi ba nagniningas ang puso natin habang kinakausap niya tayo sa daan, habang malinaw niyang ipinapaliwanag* sa atin ang Kasulatan?” 33  Nang mismong oras na iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem, at nakita nila ang 11 apostol at ang iba pang nagtitipong kasama ng mga ito, 34  na nagsabi: “Talaga ngang binuhay-muli ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon!”+ 35  Ikinuwento naman nila ang mga nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay.+ 36  Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo si Jesus sa gitna nila at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 37  Pero nagulat sila at natakot dahil akala nila, isang espiritu ang nakikita nila.+ 38  Kaya sinabi niya: “Bakit kayo naguguluhan, at bakit nagkaroon ng mga pag-aalinlangan sa puso ninyo? 39  Tingnan ninyo ang mga kamay at paa ko para malaman ninyo na ako nga ito; hawakan ninyo ako at tingnan, dahil ang isang espiritu ay walang laman at buto, hindi gaya ng nakikita ninyo sa akin.” 40  Nang sabihin niya ito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at paa. 41  Pero habang hindi pa sila makapaniwala dahil sa sobrang saya at pagkamangha, sinabi niya: “Mayroon ba kayong pagkain?”+ 42  Kaya binigyan nila siya ng inihaw na isda, 43  at kinuha niya ito at kinain sa harap nila. 44  Pagkatapos, sinabi niya: “Ito ang sinasabi ko sa inyo noong kasama pa ninyo ako,+ na kailangang matupad ang lahat ng bagay tungkol sa akin na nakasulat sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa mga Awit.”+ 45  At binuksan niya ang isip nila para lubusan nilang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan,+ 46  at sinabi niya, “Ito ang nakasulat: Ang Kristo ay magdurusa at mabubuhay-muli sa ikatlong araw,+ 47  at sa ngalan niya ay ipangangaral ang mensahe ng pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan+ sa lahat ng bansa,+ pasimula sa Jerusalem.+ 48  Kayo ay magpapatotoo tungkol sa mga ito.+ 49  At ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Pero manatili muna kayo sa lunsod hanggang sa matanggap ninyo ang* kapangyarihan mula sa kaitaasan.”+ 50  Pagkatapos, isinama niya sila sa labas ng lunsod hanggang sa Betania, at itinaas niya ang mga kamay niya at pinagpala sila. 51  Habang pinagpapala niya sila, nahiwalay siya sa kanila at umakyat sa langit.+ 52  Yumukod sila sa kaniya at bumalik sa Jerusalem na masayang-masaya.+ 53  At palagi silang nasa templo, na pumupuri sa Diyos.+

Talababa

O “alaalang libingan.”
O “naigulong na palayo.”
O “alaalang libingan.”
O “alaalang libingan.”
O posibleng “Ikaw lang ba ang bisita sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga nangyari doon nitong nakaraan?”
O “alaalang libingan.”
O “alaalang libingan.”
O “pasimula sa isinulat ni Moises at ng mga propeta.”
O “nakahilig.”
O “habang lubusan niyang binubuksan.”
Lit., “madamtan kayo ng.”

Study Notes

unang araw ng linggo: Tingnan ang study note sa Mat 28:1.

libingan: Tingnan ang study note sa Mat 27:60.

mababangong sangkap na inihanda nila: Tingnan ang study note sa Mar 16:1.

bato: Tingnan ang study note sa Mar 15:46.

ng Panginoong Jesus: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.​—Para malaman kung paano ginagamit ang mga sinaunang manuskrito para mabuo ang tekstong Griego, tingnan ang Ap. A3.

dalawang lalaki na may nagniningning na damit: Tumutukoy ito sa mga anghel. (Ihambing ang Luc 24:23.) Sa Gaw 1:10, ang “dalawang lalaki na nakaputing damit” ay mga anghel din.

Wala siya rito dahil binuhay na siyang muli: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.​—Tingnan ang Ap. A3.

ibayubay sa tulos: O “ibitin sa tulos.”​—Tingnan ang study note sa Mat 20:19 at Glosari, “Tulos”; “Pahirapang tulos.”

umalis sila . . . para ibalita sa 11 apostol . . . ang lahat ng ito: Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay puwede sanang sa mga lalaking alagad muna ipinaalám ng dalawang anghel, na tinukoy sa Luc 24:4 bilang mga “lalaki na may nagniningning na damit.” Pero ibinigay sa mga babae ang pribilehiyo na unang makaalam ng tungkol dito. (Luc 24:6-9; Ju 20:11-18) At mga babae rin ang pinagkatiwalaan na ibalita ito “sa 11 apostol at sa iba pang alagad.” Bukod diyan, si Maria Magdalena ay isa sa mga alagad na unang nakakita sa binuhay-muling si Jesus.​—Ju 20:16; tingnan ang study note sa Mat 28:7.

sa libingan: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.

Maria Magdalena: Tingnan ang study note sa Luc 8:2.

Juana: Pinaikling pambabaeng anyo ng pangalang Hebreo na Jehohanan, na nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-Loob.” Si Juana, na pinagaling ni Jesus, ay asawa ni Cuza, na isa sa mga opisyal ni Herodes Antipas. Dalawang beses lang siyang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at mababasa lang siya sa Ebanghelyo ni Lucas.​—Luc 8:2, 3.

. . . sa nangyari: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.​—Tingnan ang Ap. A3.

mga 11 kilometro: Mga 7 mi. Lit., “60 estadyo.” Ang isang Romanong estadyo ay 185 m (606.95 ft).​—Tingnan sa Glosari, “Milya,” at Ap. B14.

ipinaliwanag: Ang salitang Griego na di·er·me·neuʹo ay puwedeng mangahulugang “isalin sa ibang wika.” (Gaw 9:36; 1Co 12:30) Pero nangangahulugan din ito na “linawin ang kahulugan; ipaliwanag nang mabuti.” Sa talatang ito, tumutukoy ito sa pagpapaliwanag sa ibig sabihin ng mga hula.

nagniningas: Ang ekspresyong ginamit dito ay galing sa salitang Griego na puwedeng tumukoy sa matitinding emosyon, gaya ng kagalakan at kasiyahan, at sa pagiging interesadong-interesado at sabik. Inilalarawan nito ang reaksiyon ng dalawang alagad habang malinaw na ipinapaliwanag sa kanila ni Jesus ang Hebreong Kasulatan.

malinaw niyang ipinapaliwanag . . . ang Kasulatan: Ang pandiwang Griego para sa “malinaw na ipaliwanag” (di·a·noiʹgo) ay ginamit nang tatlong beses sa kabanatang ito. Una, sa Luc 24:31, inilarawan nito kung paano “nabuksan ang mga mata” ng dalawang alagad kaya nalaman nila na si Jesus ang kausap nila. Ikalawa, sa Luc 24:32, ginamit naman ang salitang ito para sa pariralang ‘malinaw na ipinapaliwanag.’ At ikatlo, sa Luc 24:45, ginamit ang salitang Griegong ito para ilarawan kung paano “binuksan” ni Jesus ang isip ng mga alagad para maintindihan ng mga ito ang Hebreong Kasulatan.​—Tingnan din ang Gaw 7:56, “bukás”; 16:14, “binuksan”; at 17:3, “ipinaliwanag [lit., “lubusang binuksan”],” kung saan ginamit din ang salitang Griego na ito.

at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan”: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.

espiritu: Ang salitang Griego na pneuʹma ay puwedeng tumukoy sa di-nakikitang espiritung persona, pero dito, maliwanag na tumutukoy ito sa isang aparisyon o pangitain. Ipinakita ni Jesus sa mga alagad niya ang kaniyang mga kamay at paa at sinabi: “Hawakan ninyo ako at tingnan, dahil ang isang espiritu ay walang laman at buto, hindi gaya ng nakikita ninyo sa akin.” (Luc 24:39) Patunay ito na hindi siya aparisyon kundi nagkatawang-tao siya, gaya ng mga anghel noon, para makita siya ng mga alagad.​—Gen 18:1-8; 19:1-3.

mga kamay at paa ko: Karaniwan nang ipinapako ng mga Romano sa tulos ang mga kamay (at malamang na pati ang mga paa) ng isang akusado, gaya ng ginawa nila kay Jesus. (Aw 22:16; Ju 20:25, 27; Col 2:14) Naniniwala ang ilang iskolar na ipinako ang mga paa ni Jesus sa mismong tulos o sa isang tabla na nakakabit sa tulos.

. . . at paa: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.​—Tingnan ang Ap. A3.

isda: Sa ilang bagong manuskrito, idinagdag ang pananalitang “at pulot-pukyutan,” pero hindi ito mababasa sa luma at maaasahang mga manuskrito.

sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa mga Awit: Maliwanag na hinati-hati ni Jesus ang Hebreong Kasulatan sa paraang tinatanggap at naiintindihan ng mga Judio. Ang “Kautusan” (sa Hebreo, Toh·rahʹ) ay tumutukoy sa mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. Ang “mga Propeta” (sa Hebreo, Nevi·ʼimʹ) ay tumutukoy sa mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan, kasama na ang tinatawag na Unang mga Propeta (ang mga aklat ng Bibliya mula Josue hanggang Mga Hari). Ang “mga Awit” ay ang ikatlong seksiyon, na naglalaman ng natitira pang mga aklat sa Hebreong Kasulatan at tinatawag ding Mga Akda, o Kethu·vimʹ sa Hebreo. Tinawag itong “mga Awit” dahil ito ang unang aklat sa ikatlong seksiyon. Ang terminong “Tanakh,” na tawag ng mga Judio sa Hebreong Kasulatan, ay ang pinagsama-samang unang letra ng tatlong seksiyong ito (TaNaKh). Ang paggamit ni Jesus ng tatlong terminong ito ay nagpapakita na buo na ang kanon ng Hebreong Kasulatan noong nasa lupa siya at na tinatanggap niya ito.

Kayo ay magpapatotoo: O “Kayo ay magiging saksi.” Isa ito sa mga unang pagkakataon na sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na “magpapatotoo” sila tungkol sa kaniyang buhay at ministeryo, kasama na ang kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. (Ihambing ang Ju 15:27.) Bilang tapat na mga Judio, ang mga alagad ni Jesus ay mga saksi na ni Jehova at nagpapatotoo na sila na Siya lang ang tunay na Diyos. (Isa 43:10-12; 44:8) Pagkalipas ng mga 40 araw mula nang mangyari ang ulat na ito, inulit at idiniin ni Jesus ang bagong atas nila na magpatotoo tungkol sa kaniya.​—Tingnan ang study note sa Gaw 1:8.

ang ipinangako ng aking Ama: Tumutukoy sa banal na espiritu na ipinangako sa Joe 2:28, 29 at Ju 14:16, 17, 26. Palalakasin ng aktibong puwersang ito ang mga alagad ni Jesus para makapagpatotoo sila sa buong lupa.​—Gaw 1:4, 5, 8; 2:33.

lunsod: Ang Jerusalem.

Pagkatapos: Ipinapakita sa Gaw 1:3-9 na umakyat si Jesus sa langit 40 araw pagkatapos siyang buhaying muli. Kaya pagkatapos ng mga pangyayari noong araw na buhaying muli si Jesus (Nisan 16), na nakaulat sa Luc 24:1-49, lumipas pa ang panahon bago naganap ang mga pangyayari sa araw na umakyat siya sa langit (Iyyar 25), na nakaulat naman sa talatang ito hanggang sa katapusan ng kabanata.​—Tingnan ang Ap. A7.

Betania: Tingnan ang study note sa Mat 21:17.

at umakyat sa langit: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito. Sinabi rin ni Lucas sa Gaw 1:1, 2 na ang “unang ulat” niya, ang Ebanghelyo, ay tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus “hanggang sa araw na dalhin siya [si Jesus] sa langit.” Kaya makatuwiran lang na isama ni Lucas sa ulat niya ang mga pananalitang ito tungkol sa pag-akyat ni Jesus sa langit.

Yumukod: O “Nagpatirapa; Nagbigay-galang.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pagsamba sa isang diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” (Mat 4:10; Luc 4:8) Pero sa kontekstong ito, kinilala ng mga alagad ang binuhay-muling si Jesus bilang kinatawan ng Diyos. Kaya yumukod sila sa kaniya, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil siya ang “Anak ng Diyos,” ang inihulang “Anak ng tao,” ang Mesiyas na binigyan ng awtoridad ng Diyos. (Luc 1:35; Mat 16:13-16; Ju 9:35-38) Katulad ito ng ginagawa ng mga tao noon sa Hebreong Kasulatan na yumuyukod sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Sa maraming pagkakataon, yumukod kay Jesus ang mga tao bilang pasasalamat dahil isiniwalat ng Diyos kung sino talaga si Jesus o bilang pagkilala na pinapaboran siya ng Diyos.​—Mat 14:32, 33; 28:5-10, 16-18; Ju 9:35, 38; tingnan din ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 14:33; 15:25.

Yumukod . . . sa kaniya at: Hindi makikita ang pananalitang ito sa ilang manuskrito, pero mababasa ito sa luma at maaasahang mga manuskrito.​—Tingnan ang Ap. A3.

palagi silang nasa templo: Nang patayin si Jesus, takot na takot ang mga alagad sa mga kaaway, kaya patago silang nagtitipon. (Ju 20:19, 26) Pero napatibay sila nang turuan sila ni Jesus matapos siyang buhaying muli (Gaw 1:3) at nang makita nila ang pag-akyat niya sa langit makalipas ang 40 araw. Kaya hindi na sila nagtago sa mga tao at hayagan nilang pinuri ang Diyos. Bukod sa Ebanghelyo ni Lucas, isinulat din niya ang aklat ng Mga Gawa para iulat ang masigasig na pangangaral ng mga alagad.​—Tingnan ang study note sa Gaw 1:1.

Media