Ayon kay Mateo 1:1-25
Talababa
Study Notes
Mateo: Ang pangalang Griego na isinaling “Mateo” ay malamang na pinaikling anyo ng pangalang Hebreo na isinaling “Matitias” (1Cr 15:18), na ang ibig sabihin ay “Regalo ni Jehova.”
Ayon kay Mateo: Hindi sinabi ng sinumang manunulat ng Ebanghelyo na sila ang sumulat ng ulat nila, at ang mga pamagat ay lumilitaw na hindi bahagi ng orihinal nilang isinulat. Ang ilang manuskrito ng Ebanghelyo ni Mateo ay may pamagat na Eu·ag·geʹli·on Ka·taʹ Math·thaiʹon (“Mabuting Balita [o, “Ebanghelyo”] Ayon kay Mateo”), at sa iba naman ay ginamit ang mas maikling pamagat na Ka·taʹ Math·thaiʹon (“Ayon kay Mateo”). Hindi malinaw kung kailan idinagdag o sinimulang gamitin ang mga pamagat. Sinasabi ng ilan na nagsimula ito noong ikalawang siglo C.E. dahil may mga natagpuang manuskrito ng Ebanghelyo na mula pa noong mga huling bahagi ng ikalawang siglo o mga unang bahagi ng ikatlong siglo kung saan makikita ang mas mahabang pamagat. Ayon sa ilang iskolar, ang mga unang salita sa aklat ni Marcos (“Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos”) ang posibleng dahilan kung bakit ginamit ang salitang “ebanghelyo” (lit., “mabuting balita”) para tukuyin ang mga ulat na iyon. Posibleng naglagay ng mga pamagat kasama ng pangalan ng sumulat ng aklat dahil praktikal ito—mas madaling matukoy ang mga aklat.
aklat ng kasaysayan: Ang pambungad na pananalita ni Mateo sa Griego, Biʹblos ge·neʹse·os (mula sa salitang geʹne·sis), ay puwede ring isaling “rekord ng kasaysayan” o “rekord ng talaangkanan.” Ang salitang Griego na geʹne·sis ay literal na nangangahulugang “pinagmulan; kapanganakan; linya ng angkan.” Ito ang ginamit sa Septuagint para sa terminong Hebreo na toh·le·dhohthʹ, na halos ganoon din ang kahulugan at karaniwang isinasalin na “kasaysayan” sa aklat ng Genesis.—Gen 2:4; 5:1; 6:9; 10:1; 11:10, 27; 25:12, 19; 36:1, 9; 37:2.
kasaysayan ni Jesu-Kristo: Tinunton ni Mateo ang linya ng angkan ni Jesus mula sa anak ni David na si Solomon. Tinunton naman ni Lucas ang linya mula sa anak ni David na si Natan. (Mat 1:6, 7; Luc 3:31) Tinunton ni Mateo ang legal na karapatan ni Jesus sa trono ni David mula kay Solomon hanggang kay Jose, ang legal na ama ni Jesus. Lumilitaw namang sinundan ni Lucas ang talaangkanan ni Maria, na nagpapakitang talagang kadugo ni David si Jesus.
Kristo: Ang titulong ito ay mula sa salitang Griego na Khri·stosʹ at katumbas ng titulong “Mesiyas” (mula sa salitang Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Noong panahon ng Bibliya, pinapahiran ng langis ang hihiranging tagapamahala.
anak: Sa talaangkanang ito, ang “anak” ay puwedeng tumukoy sa anak, apo, o inapo.
anak ni David: Ipinapakita nito na si Jesus ang inapo ni David na magiging tagapagmana ng tipan para sa Kaharian na ipinakipagtipan kay David.—2Sa 7:11-16; Aw 89:3, 4.
anak ni Abraham: Dahil isinulat ito ni Mateo para sa mga Judio, sinimulan ni Mateo kay Abraham ang pagtunton sa talaangkanan ni Jesus para ipakita na si Jesus ang legal na supling, o tagapagmana sa pangako ng Diyos kay Abraham, na gagamitin ng Diyos para pagpalain ang lahat ng bansa.
Naging anak ni Abraham si Isaac: Lit., “Iniluwal ni Abraham si Isaac.” Ang salitang “anak” ay puwede ring tumukoy sa apo o inapo.—Mat 1:8, 11.
Tamar: Ang una sa limang babae na inilista ni Mateo sa talaangkanan ng Mesiyas. Ang iba pa ay sina Rahab at Ruth, na parehong hindi Israelita (tal. 5); si Bat-sheba, na “asawa ni Uria” (tal. 6); at si Maria (tal. 16). Malamang na kaya isinama ang mga babaeng ito sa talaangkanan ng mga lalaki ay dahil may natatangi sa paraan kung paano sila naging ninuno ni Jesus.
si David na hari: May ibang mga hari na binanggit sa talaangkanang ito, pero si David lang ang tinawag na “hari.” Ang dinastiya ng mga hari sa Israel ay tinawag na “sambahayan ni David.” (1Ha 12:19, 20) Sa pagtawag kay Jesus na “anak ni David” sa talata 1, itinampok ni Mateo ang Kaharian at tinukoy si Jesus bilang ang tagapagmanang hari gaya ng ipinangako sa tipan kay David.—2Sa 7:11-16.
asawa ni Uria: Si Bat-sheba, na asawa ni Uria na Hiteo, isa sa mga banyagang mandirigma ni David.—2Sa 11:3; 23:8, 39.
anak ni Jehoram si Uzias: Ang ibig sabihin ng “anak” dito ay “inapo,” gaya ng karaniwang pagkakagamit ng terminong ito sa mga talaangkanan. Gaya ng makikita sa 1Cr 3:11, 12, tatlong masasamang hari (sina Ahazias, Jehoas, at Amazias) sa linya ni David ang tinanggal sa pagitan nina Jehoram at Uzias (tinatawag ding Azarias).
anak ni Josias si Jeconias: Ang salitang “anak” dito ay tumutukoy sa “apo,” dahil ang anak talaga ni Josias ay si Jehoiakim, na siyang ama ni Jeconias, na tinatawag ding Jehoiakin at Conias.—2Ha 24:6; 1Cr 3:15-17; Es 2:6; Jer 22:24.
anak ni Sealtiel si Zerubabel: Maraming beses na tinukoy si Zerubabel na anak ni Sealtiel (Ezr 3:2, 8; 5:2; Ne 12:1; Hag 1:1, 12, 14; 2:2, 23; Luc 3:27), pero minsan siyang tinukoy na anak ni Pedaias, kapatid ni Sealtiel. (1Cr 3:19) Malamang na anak talaga ni Pedaias si Zerubabel, pero ang kinikilalang legal na ama niya ay si Sealtiel.—Tingnan ang mga study note sa Luc 3:27.
Jose: Sa ulat ni Mateo, hindi sinabing “naging anak ni” Jose (tingnan ang study note sa Mat 1:2) si Jesus. Sinabi lang nito na si Jose ay asawa ni Maria, na nagsilang kay Jesus. Kaya ipinapakita ng talaangkanan sa Mateo na kahit hindi talaga anak ni Jose si Jesus, legal na anak ni Jose si Jesus kaya isa siyang legal na tagapagmana ni David. Ipinapakita naman ng talaangkanan sa Lucas na si Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang inang si Maria, ay nararapat na tagapagmana ni David dahil inapo siya nito.
Kristo: Tingnan ang study note sa Mat 1:1 at Glosari.
nakatakda nang ikasal: Sa mga Hebreo, ang mga “nakatakda nang ikasal” ay mayroon nang matibay na kasunduan. Ang mga magkasintahang nakatakda nang ikasal ay itinuturing nang mag-asawa, kahit na hindi pa sila nagsasama sa iisang bahay; magsasama lang sila kapag natapos na ang kasalan.
espiritu: Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na pneuʹma sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa tekstong ito, tumutukoy ang “espiritu” sa aktibong puwersa ng Diyos.—Tingnan sa Glosari “Ruach; Pneuma.”
asawa . . . diborsiyuhin: Dahil ang mga nakatakda nang ikasal ay itinuturing nang mag-asawa, tama lang na tukuyin si Jose bilang asawa ni Maria at si Maria naman bilang asawa ni Jose. (Mat 1:24, tlb.) Kailangan ng diborsiyo para mapawalang-bisa ang kasunduang magpakasal.
anghel ni Jehova: Maraming beses na lumitaw ang ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, mula Gen 16:7. Sa mga paglitaw nito sa mga unang kopya ng Septuagint, ang salitang Griego na agʹge·los (anghel; mensahero) ay sinusundan ng pangalan ng Diyos na nakasulat sa mga letrang Hebreo. Ganiyan ang makikita sa Zac 3:5, 6 sa isang kopya ng Septuagint na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, na mula pa noong mga 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. (Tingnan ang Ap. C.) Pinanatili ng maraming salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos sa ekspresyong “anghel ni Jehova” sa tekstong ito.—Tingnan ang Ap. A5 at introduksiyon ng Ap. C3; Mat 1:20.
Jehova: Ito ang una sa 237 paglitaw ng pangalan ng Diyos, Jehova, sa mga teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa bersiyong ito.—Tingnan ang Ap. C.
anak ni David: Para ihanda si Jose sa maririnig niya, tinawag siya ng anghel na “anak ni David” para ipaalaala ang pangako sa tipan kay David.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6.
pakasalan si Maria: O “iuwi sa bahay si Maria na asawa mo.” Ayon sa kaugalian ng mga Judio, nagsisimula ang pagiging mag-asawa kapag nagkasundo nang magpakasal ang magkasintahan. Natatapos ang kasalan kapag iniuwi na ng lalaki ang babae sa bahay niya. Karaniwan nang may itinatakdang araw para dito na may kasamang selebrasyon. Sa paggawa nito, ipinapaalám ng lalaki sa publiko na kinukuha na niya ang babae para maging asawa. Kaya ang pag-aasawa ay nalalaman ng madla, kinikilala, inirerekord, at pinagtitibay.—Gen 24:67; tingnan ang study note sa Mat 1:18, 19.
nagdadalang-tao siya: O “ang bata ay ipinagbubuntis.” Lit., “ang nabuo sa kaniya ay.” Ang salitang Griego para dito ay isinaling “nagsilang” sa talata 16 at “naging anak ni” sa talata 2-16.—Tingnan ang study note sa Mat 1:2.
Jesus: Katumbas ng pangalang Hebreo na Jesua o Josue, pinaikling anyo ng Jehosua, na ang ibig sabihin ay “Si Jehova ay Kaligtasan.”
para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propeta niya: Ito at ang katulad na mga ekspresyon ay lumitaw nang maraming beses sa Ebanghelyo ni Mateo, malamang na para idiin sa mga Judio ang papel ni Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas.—Mat 2:15, 23; 4:14; 8:17; 12:17; 13:35; 21:4; 26:56; 27:9.
Jehova: Ang pagsipi na makikita sa talata 23 ay mula sa Isa 7:14, kung saan sinabing si Jehova ang nagbigay ng tanda. (Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Mat 1:22.) Ito ang unang pagsipi ni Mateo sa Hebreong Kasulatan.
birhen: Sinipi dito ni Mateo ang Isa 7:14 sa Septuagint na gumamit ng terminong par·theʹnos, “isa na hindi kailanman nakipagtalik,” para sa salitang Hebreo na ʽal·mahʹ, na may mas malawak na kahulugan at puwedeng isalin na “birhen” o “kabataang babae.” Sa patnubay ng banal na espiritu, ginamit ni Mateo ang salitang Griego para sa “birhen” sa pagtukoy sa ina ni Jesus.
Emmanuel: Pangalang Hebreo na lumitaw sa Isa 7:14; 8:8, 10. Ang Emmanuel ay isa sa mga titulo at pangalan na tumutukoy sa Mesiyas.
Jehova: Tingnan ang study note sa Mat 1:20 at introduksiyon sa Ap. C3; Mat 1:24.
hindi siya nakipagtalik kay: Lit., “hindi niya kinilala si.” Sa wikang Griego na ginamit sa Bibliya, ang pandiwang “kilalanin” ay ginagamit na panghaliling termino para sa pakikipagtalik; ganoon din ang pandiwang Hebreo para sa “kinilala,” na isinaling “nakipagtalik” sa Gen 4:1, 1Sa 1:19, at sa iba pang teksto.