Ayon kay Mateo 10:1-42

10  Pagkatapos, tinawag niya ang kaniyang 12 alagad at binigyan sila ng awtoridad na magpalayas ng masasamang* espiritu+ at magpagaling ng bawat uri ng sakit at kapansanan. 2  Ito ang 12 apostol:+ Si Simon, na tinatawag na Pedro,+ at si Andres+ na kapatid niya; si Santiago na anak ni Zebedeo at ang kapatid niyang si Juan;+ 3  si Felipe at si Bartolome;+ si Tomas+ at si Mateo+ na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo; 4  si Simon na Cananeo; at si Hudas Iscariote, na bandang huli ay nagtraidor sa kaniya.+ 5  Ang 12 ito ay isinugo ni Jesus matapos bigyan ng ganitong tagubilin:+ “Huwag kayong pumunta sa rehiyon ng mga banyaga, at huwag kayong pumasok sa anumang lunsod ng mga Samaritano;+ 6  sa halip, pumunta lang kayo sa nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.+ 7  Humayo kayo at mangaral. Sabihin ninyo: ‘Ang Kaharian ng langit ay malapit na.’+ 8  Magpagaling kayo ng mga maysakit,+ bumuhay ng mga patay, magpagaling ng mga ketongin, magpalayas ng mga demonyo. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.+ 9  Huwag kayong magdala* ng ginto, o pilak, o tanso,+ 10  o ng lalagyan ng pagkain para sa paglalakbay, o ekstrang* damit, o sandalyas, o tungkod,+ dahil ang mga manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng pagkain.+ 11  “Saanmang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino ang karapat-dapat, at manatili kayo sa bahay niya habang naroon kayo sa lugar na iyon.+ 12  Kapag pumapasok kayo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan. 13  Kung karapat-dapat ang sambahayan, magkaroon nawa sila ng kapayapaang hinangad ninyo para sa kanila;+ pero kung hindi sila karapat-dapat, manatili nawa sa inyo ang kapayapaan. 14  Saanmang lugar hindi tanggapin o pakinggan ang sinasabi ninyo, kapag umalis kayo sa bahay o sa lunsod na iyon, ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa.+ 15  Sinasabi ko sa inyo, mas magaan pa ang magiging parusa sa Sodoma at Gomorra+ sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa lunsod na iyon. 16  “Isinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo;*+ kaya maging maingat kayong gaya ng ahas pero walang muwang na gaya ng kalapati.+ 17  Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadalhin nila kayo sa mga hukuman,+ at hahagupitin nila kayo+ sa mga sinagoga nila.+ 18  At dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari+ dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila at sa mga bansa.+ 19  Pero kapag dinala nila kayo roon, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano ninyo ito sasabihin, dahil ipaaalam sa inyo ang sasabihin ninyo sa oras na iyon;+ 20  ang magsasalita ay hindi lang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.+ 21  Bukod diyan, ipapapatay ng kapatid ang kapatid niya, at ng ama ang anak niya, at ang mga anak ay lalaban sa mga magulang nila at ipapapatay ang mga ito.+ 22  At kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko,+ pero ang makapagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas.+ 23  Kapag pinag-uusig nila kayo sa isang lunsod, tumakas kayo papunta sa ibang lugar;+ dahil sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo malilibot ang lahat ng lunsod sa Israel hanggang sa dumating ang Anak ng tao. 24  “Ang estudyante ay hindi nakahihigit sa guro niya, at ang alipin ay hindi nakahihigit sa panginoon niya.+ 25  Sapat na para sa estudyante na maging gaya ng guro niya, at sa alipin na maging gaya ng panginoon niya.+ Kung tinawag ng mga tao na Beelzebub+ ang panginoon ng sambahayan, paano pa kaya ang mga kasama niya sa bahay? 26  Kaya huwag kayong matakot sa kanila, dahil walang anumang natatakpan na hindi malalantad, at walang lihim na hindi malalaman.+ 27  Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag, at ang ibinubulong ko sa inyo,* ipangaral ninyo mula sa mga bubungan ng bahay.+ 28  Huwag kayong matakot sa makapapatay sa katawan pero hindi makapupuksa sa buhay;+ sa halip, matakot kayo sa makapupuksa sa buhay at katawan sa Gehenna.+ 29  Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nahuhulog* sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.+ 30  At kayo, biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.+ 31  Kaya huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.+ 32  “Bawat isa na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao+ ay kikilalanin ko rin sa harap ng Ama ko na nasa langit.+ 33  Pero kung ikinakaila ako ng sinuman sa harap ng mga tao, ikakaila ko rin siya sa harap ng Ama ko na nasa langit.+ 34  Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa; dumating ako para magdala, hindi ng kapayapaan, kundi ng espada.+ 35  Dahil dumating ako para maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi, ng anak na lalaki at ng kaniyang ama, at ng anak na babae at ng kaniyang ina, at ng manugang na babae at ng kaniyang biyenang babae.+ 36  Kaya ang magiging kaaway ng isa ay ang sarili niyang pamilya. 37  Kung mas mahal ng isa ang kaniyang ama o ina kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin; at kung mas mahal ng isa ang kaniyang anak na lalaki o anak na babae kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin.+ 38  At sinumang ayaw pumasan sa kaniyang pahirapang tulos at ayaw sumunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.+ 39  Sinumang nagsisikap magligtas ng buhay* niya ay mamamatay,* at sinumang mamatay alang-alang sa akin ay muling mabubuhay.+ 40  “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.+ 41  Ang tumatanggap sa isang propeta dahil ito ay propeta ay tatanggap ng gantimpala para sa isang propeta,+ at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil ito ay taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala para sa taong matuwid. 42  At sinumang nagbibigay sa isa sa mga hamak na ito ng kahit isang baso ng malamig na tubig na maiinom dahil isa siyang alagad, sinasabi ko sa inyo, tiyak na tatanggap siya ng gantimpala.”+

Talababa

Lit., “maruruming.”
O “maglagay sa sinturon.” Isang uri ng sinturon na mapaglalagyan ng pera.
Lit., “dalawang.”
O “ng mababangis na aso.”
Lit., “ang naririnig ng tainga ninyo.”
O “bumababa.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “mawawalan ng buhay.”

Study Notes

apostol: O “isinugo.” Ang salitang Griego na a·poʹsto·los ay mula sa pandiwang a·po·stelʹlo, na nangangahulugang “isugo.” (Mat 10:5; Luc 11:49; 14:32) Ang pangunahing kahulugan nito ay malinaw na makikita sa sinabi ni Jesus sa Ju 13:16, kung saan isinalin itong “ang isinugo.”

Si Simon, na tinatawag na Pedro: May limang pangalan si Pedro sa Kasulatan: (1) “Symeon,” anyong Griego ng pangalang Hebreo na “Simeon”; (2) pangalang Griego na “Simon” (ang Symeon at Simon ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “marinig; makinig”); (3) “Pedro” (pangalang Griego na nangangahulugang “Isang Bato”; siya lang ang may ganitong pangalan sa Kasulatan); (4) “Cefas,” ang Semitikong katumbas ng Pedro (posibleng kaugnay ng salitang Hebreo na ke·phimʹ [malalaking bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29); at (5) ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Ju 1:42; Mat 16:16.

Bartolome: Nangangahulugang “Anak ni Tolmai.” Ipinapalagay na siya si Natanael na binanggit ni Juan. (Ju 1:45, 46) Sa mga Ebanghelyo, makikitang pinag-uugnay nina Mateo at Lucas sina Bartolome at Felipe kung paanong pinag-uugnay ni Juan sina Natanael at Felipe.—Mat 10:3; Luc 6:14.

Mateo: Tinatawag ding Levi.—Tingnan ang study note sa Mar 2:14; Luc 5:27.

maniningil ng buwis: Dahil dating maniningil ng buwis si Mateo, ang manunulat ng Ebanghelyong ito, marami siyang binanggit na numero at halaga ng pera. (Mat 17:27; 26:15; 27:3) Mas espesipiko rin siya pagdating sa bilang. Hinati niya ang talaangkanan ni Jesus sa tatlong grupo na may tig-14 na henerasyon (Mat 1:1-17), at nag-ulat siya ng pitong kahilingan sa panalangin ng Panginoon (Mat 6:9-13), pitong ilustrasyon sa Mat 13, at pitong kaawa-awang kalagayan sa Mat 23:13-36. Para sa terminong “maniningil ng buwis,” tingnan ang study note sa Mat 5:46.

si Santiago na anak ni Alfeo: Tingnan ang study note sa Mar 3:18.

Tadeo: Sa listahan ng mga apostol sa Luc 6:16 at Gaw 1:13, hindi kasama ang pangalang Tadeo; ang mababasa roon ay “Hudas na anak ni Santiago,” kaya masasabing ang Tadeo ay isa pang pangalan ng apostol na tinawag ni Juan na “Hudas, hindi si Hudas Iscariote.” (Ju 14:22) Posibleng ginagamit minsan ang pangalang Tadeo dahil baka mapagkamalan siyang si Hudas Iscariote, ang Hudas na nagtraidor.

Cananeo: Itinatawag kay apostol Simon para ipakitang iba siya sa apostol na si Simon Pedro. (Mar 3:18) Ipinapalagay na ang terminong ito ay mula sa salitang Hebreo o Aramaiko, na nangangahulugang “Panatiko; Masigasig.” Tinukoy ni Lucas ang Simon na ito bilang “masigasig,” gamit ang salitang Griego na ze·lo·tesʹ, na nangangahulugan ding “panatiko; masigasig.” (Luc 6:15; Gaw 1:13) Posibleng si Simon ay dating kasama sa Mga Panatiko, isang partidong Judio na kontra sa mga Romano, pero posible ring tinawag siyang Cananeo dahil sa kaniyang sigasig.

Iscariote: Posibleng nangangahulugang “Lalaki Mula sa Keriot.” Ang ama ni Hudas, si Simon, ay tinatawag ding “Iscariote.” (Ju 6:71) Karaniwang iniisip na ang terminong ito ay nagpapahiwatig na sina Simon at Hudas ay mula sa Keriot-hezron, isang bayan sa Judea. (Jos 15:25) Kung gayon, si Hudas lang ang taga-Judea sa 12 apostol at ang iba pa ay taga-Galilea.

mangaral: Ibig sabihin, maghayag ng mensahe sa publiko.—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.

Ang Kaharian ng langit ay malapit na: Tingnan ang study note sa Mat 4:17.

ketongin: Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”

manatili kayo sa bahay niya: Tingnan ang study note sa Mar 6:10.

batiin: Ang isang karaniwang pagbati ng mga Judio ay: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”—Huk 19:20; Mat 10:13; Luc 10:5.

ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa: Ang paggawa nito ay nangangahulugang wala nang pananagutan ang mga alagad sa anumang parusa na ibibigay ng Diyos sa mga tao. Ganito rin ang pananalitang ginamit sa Mar 6:11 at Luc 9:5. Pero idinagdag nina Marcos at Lucas ang pananalitang “bilang patotoo sa kanila [o, “laban sa kanila”].” Ginawa ito nina Pablo at Bernabe sa Antioquia ng Pisidia (Gaw 13:51), at nang ipagpag ni Pablo ang damit niya sa Corinto, sinabi niya: “Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo. Ako ay malinis.” (Gaw 18:6) Posibleng ang paggawa nito ay pamilyar na sa mga alagad. Pagkagaling ng mga panatikong Judio sa teritoryo ng mga Gentil, ipinapagpag nila ang itinuturing nilang maruming alikabok sa sandalyas nila bago pumasok ulit sa teritoryo ng mga Judio. Pero maliwanag na hindi iyan ang ibig sabihin ni Jesus nang ibigay niya ang tagubiling ito sa mga alagad niya.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

mas magaan pa ang magiging parusa sa: Tingnan ang study note sa Luc 10:12.

maingat . . . gaya ng ahas: Dito, ang maingat ay nangangahulugang matalino, makatuwiran, at nag-iisip. Ayon sa mga zoologist, karamihan ng mga ahas ay maingat at mas gusto nilang lumayo kaysa umatake. Kaya nagbababala si Jesus sa mga alagad niya na maging maingat sa mga sumasalansang at umiwas sa mga posibleng panganib habang nangangaral.

pero walang muwang na gaya ng kalapati: Ang payong ito ni Jesus na may dalawang bahagi (maging maingat at maging walang muwang) ay magkaugnay. (Tingnan ang study note sa maingat . . . gaya ng ahas sa tekstong ito.) Ang salitang Griego na isinaling “walang muwang” (lit., “walang halo,” ibig sabihin, “walang bahid; dalisay; inosente”) ay lumitaw rin sa Ro 16:19 (“inosente pagdating sa masama”) at Fil 2:15 (“maging walang kapintasan at dalisay, mga anak ng Diyos”). Dito sa Mat 10:16, lumilitaw na kasama sa pagiging “walang muwang” ang pagiging totoo, tapat, hindi nanlilinlang, at malinis ang motibo. Ginagamit kung minsan ang kalapati sa mga Hebreong paglalarawan at tula bilang sagisag ng mga katangiang ito at iba pang kaugnay na mga katangian. (Sol 2:14; 5:2; ihambing ang study note sa Mat 3:16.) Ipinapakita ni Jesus na kapag pinag-uusig ang kaniyang tulad-tupang mga tagasunod na gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo, kailangan nilang pagsamahin ang mga katangian ng ahas at kalapati at maging maingat, matalino, dalisay ang puso, walang kapintasan, at inosente.—Luc 10:3.

mga hukuman: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na sy·neʹdri·on, na nasa anyong pangmaramihan at isinalin dito na “mga hukuman,” ay karaniwan nang tumutukoy sa mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem, ang Sanedrin. (Tingnan sa Glosari, “Sanedrin,” at study note sa Mat 5:22; 26:59.) Pero ginagamit din ang terminong ito para sa isang asamblea o pagtitipon. Dito, tumutukoy ang termino sa lokal na mga hukuman na naglilitis sa mga sinagoga at may kapangyarihang magpataw ng parusang paghagupit at pagtitiwalag.—Mat 23:34; Mar 13:9; Luc 21:12; Ju 9:22; 12:42; 16:2.

dahil sa pangalan ko: Tingnan ang study note sa Mat 24:9.

makapagtitiis: O “nagtitiis.”—Tingnan ang study note sa Mat 24:13.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

Beelzebub: Posibleng ibang anyo ng Baal-zebub, na nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng mga Langaw,” ang Baal na sinasamba ng mga Filisteo sa Ekron. (2Ha 1:3) Ginamit sa ilang manuskritong Griego ang iba pang anyo nito na Beelzeboul at Beezeboul, na posibleng nangangahulugang “May-ari (Panginoon) ng Marangal na Tahanan (Tirahan),” o kung iniuugnay naman sa salitang Hebreo na zeʹvel (dumi ng hayop) na hindi ginamit sa Bibliya, nangangahulugan itong “May-ari (Panginoon) ng Dumi ng Hayop.” Gaya ng ipinapakita sa Mat 12:24, tumutukoy ang terminong ito kay Satanas—ang pinuno ng mga demonyo.

paano pa kaya: Tingnan ang study note sa Mat 7:11.

sa liwanag: Ibig sabihin, gawin nang hayagan, sa publiko.

ipangaral ninyo mula sa mga bubungan ng bahay: Idyoma na nangangahulugang “ihayag sa publiko.” Noong panahon ng Bibliya, patag ang bubong ng mga bahay kaya puwede roong mag-anunsiyo at anumang gawin doon ay malalaman ng maraming tao.—2Sa 16:22.

sa makapupuksa sa buhay at katawan: Diyos lang ang may kakayahang pumuksa sa “buhay” ng isang tao (tumutukoy sa pag-asa niyang mabuhay magpakailanman) o bumuhay sa kaniyang muli para magkaroon siya ng buhay na walang hanggan. Isang halimbawa ito na nagpapakitang ang terminong Griego na isinasalin kung minsan na “kaluluwa” ay namamatay at puwedeng mapuksa. Ang iba pang halimbawa ay Mar 3:4; Luc 17:33; Ju 12:25; Gaw 3:23.

buhay: Tumutukoy ito sa buhay ng tao sa hinaharap sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Ang salitang Griego na psy·kheʹ at ang katumbas nito sa Hebreo na neʹphesh ay tumutukoy sa (1) mga tao, (2) mga hayop, o (3) buhay ng tao o hayop. (Gen 1:20; 2:7; 1Pe 3:20; pati mga tlb.) Ginamit ang salitang Griego na psy·kheʹ para tumukoy sa “buhay ng isang tao” sa mga tekstong gaya ng Mat 6:25; 10:39; 16:25, 26; Mar 8:35-37; Luc 12:20; Ju 10:11, 15; 12:25; 13:37, 38; 15:13; Gaw 20:10. Nakakatulong ang mga tekstong iyan para maintindihan natin kung ano talaga ang kahulugan ng sinabi ni Jesus sa tekstong ito.—Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Gehenna: Nangangahulugan ng walang-hanggang pagkapuksa.—Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari.

maya: Ang salitang Griego na strou·thiʹon ay nasa pangmaliit na anyo at tumutukoy sa anumang maliit na ibon, pero karaniwan itong tumutukoy sa maya, ang pinakamurang ibon na ibinebenta bilang pagkain.

isang barya na maliit ang halaga: Lit., “isang assarion,” ang suweldo para sa 45-minutong trabaho. (Tingnan ang Ap. B14.) Si Jesus ay nasa ikatlong paglalakbay niya sa Galilea para mangaral nang sabihin niyang ang dalawang maya ay nagkakahalaga ng isang assarion. Lumilitaw na pagkalipas ng isang taon, noong nangangaral siya sa Judea, sinabi naman ni Jesus na ang limang maya ay mabibili sa dalawang assarion. (Luc 12:6) Kapag pinaghambing ang dalawang ulat na ito, makikita nating napakaliit ng halaga ng maya para sa mga negosyante kaya ang ikalimang maya ay libre na.

biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo: Ang bilang ng buhok sa ulo ng isang tao ay karaniwan nang mahigit 100,000. Dahil alam na alam ni Jehova ang napakaliliit na detalyeng gaya nito, masasabi nating interesadong-interesado siya sa bawat tagasunod ni Kristo.

pumasan: Lit., “kumuha; humawak.” Sa tekstong ito, lumalarawan ito sa pagtanggap sa responsibilidad at anumang sakripisyo na kaakibat ng pagiging alagad ni Jesus.

pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.” Ito ang unang paglitaw ng salitang Griego na stau·rosʹ. Sa klasikal na Griego, pangunahin itong tumutukoy sa isang patayong tulos o poste. Kapag ginamit sa makasagisag na paraan, tumutukoy ito kung minsan sa pagdurusa, kahihiyan, kalupitan, at kamatayan pa nga na nararanasan ng mga tao dahil sa pagiging tagasunod ni Jesus.—Tingnan sa Glosari.

dahil ito ay propeta: Lit., “sa ngalan ng isang propeta.” Sa kontekstong ito, ang idyomang Griego na “sa ngalan ng” ay nagpapahiwatig ng pagkilala sa katungkulan at gawain ng isang propeta.—Ihambing ang study note sa Mat 28:19.

gantimpala para sa isang propeta: Ang mga tumatanggap at sumusuporta sa tunay na mga propeta ng Diyos ay saganang pagpapalain. Isang halimbawa nito ay ang ulat tungkol sa biyuda sa 1Ha 17.

Media