Ayon kay Mateo 16:1-28
Talababa
Study Notes
Sinabi niya sa kanila: Sa ilang mahahalagang sinaunang manuskrito, hindi mababasa ang kasunod na bahagi ng talata 2 at ang buong talata 3. Kahit na hindi tiyak kung talagang lumitaw ang mga salitang ito sa Bibliya, maraming awtoridad ang pabor sa pagsasama ng bahaging ito dahil mababasa ito sa maraming luma at bagong manuskrito.
taksil: Lit., “mapangalunya.” Tumutukoy ito sa espirituwal na pangangalunya, o kawalang-katapatan sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Mar 8:38.
tanda ni Jonas: Tingnan ang study note sa Mat 12:39.
sa kabilang ibayo: Sa kabilang ibayo ng Lawa ng Galilea, maliwanag na sa direksiyon ng Betsaida sa hilagang-silangang baybayin ng lawa.
lebadura: O “pampaalsa.” Madalas itong gamitin sa Bibliya bilang sagisag ng kasamaan at kasalanan; dito, tumutukoy ito sa masasamang turo.—Mat 16:12; 1Co 5:6-8; ihambing ang study note sa Mat 13:33.
basket: Sa mga ulat tungkol sa dalawang pagkakataon na makahimalang nagpakain si Jesus ng maraming tao (tingnan ang study note sa Mat 14:20; 15:37; 16:10 at kaparehong ulat sa Mar 6:43; 8:8, 19, 20), espesipikong binabanggit ang magkaibang klase ng basket na ginamit sa pangongolekta ng natirang pagkain. Nang pakainin ang mga 5,000 lalaki, ginamit ang salitang Griego na koʹphi·nos (isinaling “basket”); nang pakainin ang 4,000 lalaki, ginamit naman ang salitang Griego na sphy·risʹ (isinaling “malalaking basket”). Ipinapakita nito na nakita mismo ng mga manunulat ang mga pangyayaring ito o nakuha nila ang detalyeng ito sa mapagkakatiwalaang mga saksi.
malalaking basket: Tingnan ang study note sa Mat 15:37; 16:9.
Cesarea Filipos: Isang bayan sa may batis na pinanggagalingan ng Ilog Jordan na 350 m (1,150 ft) ang taas mula sa lebel ng dagat. Ang bayan ay mga 40 km (25 mi) sa hilaga ng Lawa ng Galilea at malapit sa timog-kanlurang paanan ng Bundok Hermon. Tinawag itong Cesarea ng tetrarkang si Felipe, anak ni Herodes na Dakila, bilang parangal sa Romanong emperador. Para hindi ito maipagkamali sa Cesarea na daungang lunsod, tinawag itong Cesarea Filipos, na nangangahulugang “Cesarea ni Felipe.”—Tingnan ang Ap. B10.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
Juan Bautista: Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
Elias: Tingnan ang study note sa Mat 11:14.
Simon Pedro: Tingnan ang study note sa Mat 10:2.
ang Kristo: Tinukoy ni Pedro si Jesus bilang “ang Kristo” (sa Griego, ho Khri·stosʹ), isang titulo na katumbas ng “Mesiyas” (mula sa Hebreo na ma·shiʹach), na parehong nangangahulugang “Pinahiran.” Dito, ang titulong “Kristo” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego, maliwanag na para idiin ang katungkulan ni Jesus bilang ang Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.
buháy na Diyos: Termino na ginamit para ipakitang si Jehova ay buháy at aktibo, kabaligtaran ng walang-buhay na mga diyos ng mga bansa (Gaw 14:15), gaya ng mga diyos na sinasamba sa rehiyon ng Cesarea Filipos (Mat 16:13). Lumilitaw rin ang terminong ito sa Hebreong Kasulatan.—Deu 5:26; Jer 10:10.
anak ni Jonas: O “Bar-jonas.” Maraming pangalang Hebreo ang may kasamang salitang Hebreo na ben o salitang Aramaiko na bar, na parehong nangangahulugang “anak,” at sinusundan ng pangalan ng ama bilang apelyido. Ang paggamit ng salitang Aramaiko na bar sa ilang pangalang pantangi, gaya ng Bartolome, Bartimeo, Bernabe, at Bar-Jesus, ay ebidensiya ng impluwensiya ng Aramaiko sa wikang Hebreo na ginagamit noong panahon ni Jesus.
tao: Lit., “laman at dugo,” isang karaniwang ekspresyon ng mga Judio. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa makalamang kaisipan o kaisipan ng tao.—Gal 1:16, tlb.
Ikaw si Pedro, at . . . sa batong ito: Ang salitang Griego na peʹtros na nasa anyong panlalaki ay nangangahulugang “isang bato.” Dito, ginamit ito bilang pangalang pantangi (Pedro), ang anyong Griego ng pangalang ibinigay ni Jesus kay Simon. (Ju 1:42) Ang anyong pambabae na peʹtra ay isinaling “bato” at puwedeng tumukoy sa batong sahig o malaking bato. Ang salitang Griego ay lumitaw rin sa Mat 7:24, 25; 27:60; Luc 6:48; 8:6; Ro 9:33; 1Co 10:4; 1Pe 2:8. Maliwanag na hindi inisip ni Pedro na siya ang bato na pagtatayuan ni Jesus ng kongregasyon niya, dahil isinulat niya sa 1Pe 2:4-8 na si Jesus ang matagal nang inihula na “batong pundasyon,” na ang Diyos mismo ang pumili. Tinukoy rin ni apostol Pablo si Jesus bilang “pundasyon” at “espirituwal na bato.” (1Co 3:11; 10:4) Kaya lumilitaw na sinasabi rito ni Jesus: ‘Ikaw, na tinawag kong Pedro, Isang Bato, ay nakakilala sa Kristo, ang “batong ito,” na magiging pundasyon ng kongregasyong Kristiyano.’
kongregasyon: Ito ang unang paglitaw ng terminong Griego na ek·kle·siʹa. Mula ito sa dalawang salitang Griego na ek, na nangangahulugang “labas,” at ka·leʹo, na nangangahulugang “tawagin.” Tumutukoy ito sa grupo ng mga tao na tinawag at tinipon para sa isang layunin o gawain. (Tingnan sa Glosari.) Sa kontekstong ito, inihula ni Jesus ang pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano, ang “mga buháy na bato [na] itinatayo bilang isang espirituwal na bahay.” (1Pe 2:4, 5) Ang terminong Griego ay madalas gamitin sa Septuagint bilang katumbas ng terminong Hebreo na isinasaling “kongregasyon,” na kadalasang tumutukoy sa buong bayan ng Diyos. (Deu 23:3; 31:30) Sa Gaw 7:38, ang mga Israelita na lumabas mula sa Ehipto ay tinawag na “kongregasyon.” Ang mga Kristiyano naman na tinawag “mula sa [o, palabas ng] kadiliman” at ‘pinili mula sa sanlibutan’ ang bumubuo sa “kongregasyon ng Diyos.”—1Pe 2:9; Ju 15:19; 1Co 1:2.
Libingan: O “Hades,” ang libingan ng mga tao sa pangkalahatan. (Tingnan sa Glosari.) Sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay nasa loob ng “pinto ng kamatayan” (Aw 107:18) at “pintuang-daan ng Libingan” (Isa 38:10), ibig sabihin, nasa ilalim ng kapangyarihan ng kamatayan. Nangangako si Jesus na madaraig ang Libingan, ibig sabihin, mabubuksan ang “pintuang-daan” ng Libingan para makalaya ang mga naroon sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Ang pagkabuhay niyang muli ay patunay na mangyayari ang pangakong ito. (Mat 16:21) Dahil ang kongregasyon ay nakatatag kay Jesus, ang magpapalaya sa mga miyembro nito mula sa kamatayan, hindi ito matatalo o permanenteng mapipigilan ng Libingan.—Gaw 2:31; Apo 1:18; 20:13, 14.
mga susi ng Kaharian ng langit: Sa Bibliya, ang mga binigyan ng mga susi, literal man o makasagisag, ay pinagkatiwalaan ng awtoridad. (1Cr 9:26, 27; Isa 22:20-22) Kaya ang terminong “susi” ay naging sagisag ng awtoridad at responsibilidad. Ginamit ni Pedro ang “mga susi” na ipinagkatiwala sa kaniya para magkaroon ng pagkakataon ang mga Judio (Gaw 2:22-41), Samaritano (Gaw 8:14-17), at Gentil (Gaw 10:34-38) na tumanggap ng espiritu ng Diyos at makapasok sa Kaharian sa langit.
itali . . . kalagan: O “ikandado . . . buksan.” Maliwanag na tumutukoy sa mga desisyon na nagbabawal o nagpapahintulot sa isang gawain o pangyayari.—Ihambing ang study note sa Mat 18:18.
naitali na . . . nakalagan na: Ang anyo ng mga pandiwang Griego rito na ‘itali’ at ‘kalagan’ ay kakaiba at nagpapahiwatig na anuman ang mapagpasiyahan ni Pedro (“anuman ang itali mo”; “anuman ang kalagan mo”) ay napagpasiyahan na sa langit; hindi mauuna ang desisyon ni Pedro.—Ihambing ang study note sa Mat 18:18.
ang Kristo: Tingnan ang study note sa Mat 16:16.
Jesus: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “Jesu-Kristo.”
matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”
punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.
eskriba: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.
Diyan ka sa likuran ko: O “Lumagay ka sa likuran ko.” Dito, “sinaway” nang matindi ni Jesus si Pedro. (Mar 8:33) Hindi hinayaan ni Jesus na may anumang humadlang sa pagtupad niya ng kalooban ng kaniyang Ama. Ayon sa ilang diksyunaryo, ang idyomang ito ay nangangahulugang “Umalis ka sa harapan ko!” at isinasalin ito sa ilang Bibliya na “Lumayo ka sa akin.” Malamang na ipinaalala rin ng pananalitang ito kay Pedro kung saan siya dapat lumagay bilang tagasunod ng kaniyang Panginoon; hindi niya dapat hadlangan si Jesus.
Satanas: Hindi sinasabi rito ni Jesus na si Pedro si Satanas na Diyablo. Tinawag niya si Pedro na Satanas dahil kumokontra ito, ang mismong kahulugan ng salitang Hebreo na sa·tanʹ. Malamang na ipinapahiwatig ni Jesus na hinayaan ni Pedro na maimpluwensiyahan siya ni Satanas dahil sa ginawa niya sa pagkakataong ito.
Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin: Lit., “Nakakatisod ka sa akin.” Tingnan ang study note sa Mat 18:7.
dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili: Ipinapakita nito ang pagiging handa ng isang tao na lubusang pagkaitan ang sarili o ibigay ang sarili niya sa Diyos. Ang pariralang Griego ay puwedeng isaling “dapat niyang hindian ang sarili niya,” na angkop lang dahil posibleng kasama rito ang pagtanggi sa personal na mga kagustuhan, ambisyon, o ginhawa. (2Co 5:14, 15) Iyon din ang pandiwang Griego na ginamit ni Mateo nang iulat niya ang pagtanggi ni Pedro na kilala nito si Jesus.—Mat 26:34, 35, 75.
pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.” Sa klasikal na Griego, ang salitang stau·rosʹ ay pangunahing tumutukoy sa isang patayong tulos o poste. Kapag ginamit sa makasagisag na paraan, tumutukoy ito kung minsan sa pagdurusa, kahihiyan, kalupitan, at kamatayan pa nga na nararanasan ng mga tao dahil sa pagiging tagasunod ni Jesus.—Tingnan sa Glosari.
Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.