Ayon kay Mateo 18:1-35

18  Pagkatapos, ang mga alagad ay lumapit kay Jesus at nagsabi: “Sino talaga ang pinakadakila* sa Kaharian ng langit?”+ 2  Kaya tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. 3  Sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, malibang kayo ay magbago* at maging gaya ng mga bata,+ hinding-hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng langit.+ 4  Kaya ang sinumang magpapakababa na gaya ng batang ito ang siyang pinakadakila sa Kaharian ng langit;+ 5  at ang sinumang tumatanggap sa isang batang gaya nito alang-alang sa akin ay tumatanggap din sa akin.+ 6  Pero ang sinumang tumisod sa* isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin, mas mabuti pang bitinan ang leeg niya ng isang gilingang-bato na iniikot ng isang asno at ihulog siya sa gitna ng dagat.+ 7  “Kaawa-awa ang mundo dahil sa mga bagay na nakakatisod! Totoo, magkakaroon talaga ng mga dahilan ng pagkatisod, pero kaawa-awa ang taong pagmumulan nito! 8  Kaya nga, kung nagkakasala ka dahil sa iyong kamay o paa, putulin mo ito at itapon.+ Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang kamay o iisang paa kaysa may dalawang kamay o dalawang paa ka nga, pero ihahagis ka naman sa walang-hanggang apoy.+ 9  At kung nagkakasala ka dahil sa mata mo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang mata, kaysa may dalawang mata ka nga, pero ihahagis ka naman sa maapoy na Gehenna.+ 10  Huwag na huwag ninyong hahamakin ang isa sa maliliit na ito, dahil sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama na nasa langit.+ 11  —— 12  “Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may 100 tupa at maligaw ang isa sa mga ito,+ hindi ba niya iiwan sa mga bundok ang 99 at hahanapin ang isa na naligaw?+ 13  At kung makita niya ito, sinasabi ko sa inyo, mas matutuwa siya rito kaysa sa 99 na hindi naligaw. 14  Sa katulad na paraan, hindi gusto ng aking Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.+ 15  “Kung ang kapatid mo ay magkasala, puntahan mo siya at sabihin mo ang pagkakamali niya* nang kayong dalawa lang.+ Kung makinig siya sa iyo, natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama.+ 16  Pero kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, para sa patotoo* ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat bagay.*+ 17  Kung hindi siya makinig* sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig* kahit sa kongregasyon, ituring mo siyang gaya ng tao ng ibang bansa+ at gaya ng maniningil ng buwis.+ 18  “Sinasabi ko sa inyo, anumang bagay ang itali ninyo sa lupa ay naitali na sa langit, at anumang bagay ang kalagan ninyo sa lupa ay nakalagan na sa langit.+ 19  Muli ay sinasabi ko sa inyo, kung ang dalawa sa inyo sa lupa ay magkasundong humiling ng isang mahalagang bagay, ibibigay iyon sa kanila ng aking Ama na nasa langit.+ 20  Dahil kapag may dalawa o tatlong tao na nagtitipon sa pangalan ko,+ kasama nila ako.” 21  Pagkatapos, lumapit sa kaniya si Pedro at nagsabi: “Panginoon, hanggang ilang ulit ako dapat magpatawad sa kapatid ko na nagkakasala sa akin? Hanggang sa pitong ulit ba?” 22  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Sinasabi ko sa iyo, hindi hanggang sa pitong ulit, kundi hanggang sa 77 ulit.+ 23  “Iyan ang dahilan kung bakit ang Kaharian ng langit ay gaya ng isang hari na gustong maningil ng utang ng mga alipin niya. 24  Nang magsimula siyang maningil, dinala sa harap niya ang isang lalaking may utang na 10,000 talento. 25  Pero dahil hindi niya ito kayang bayaran, iniutos ng hari na siya at ang kaniyang asawa at mga anak at ang lahat ng pag-aari niya ay ipagbili para makabayad siya.+ 26  Kaya ang alipin ay lumuhod at yumukod sa harap ng hari at nagsabi, ‘Pasensiya na po kayo, babayaran ko rin ang lahat ng utang ko sa inyo.’ 27  Naawa ang hari, kaya pinalaya niya ito at hindi na pinabayaran ang utang nito.+ 28  Pero paglabas ng aliping iyon, nakita niya ang kapuwa niya alipin na may utang sa kaniya na 100 denario, at sinunggaban niya ito at sinakal at sinabi, ‘Bayaran mo ang utang mo.’ 29  Kaya lumuhod ang kapuwa niya alipin at nagmakaawa sa kaniya, ‘Pasensiya ka na, babayaran ko rin ang utang ko sa iyo.’ 30  Pero hindi niya ito pinagbigyan, at ipinabilanggo niya ang kapuwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31  Nang makita ng mga kapuwa niya alipin ang nangyari, lungkot na lungkot sila, at nagpunta sila sa hari para sabihin ang lahat ng nangyari. 32  Pagkatapos, ipinatawag siya ng hari at sinabi sa kaniya, ‘Napakasama mong alipin. Hindi ko na pinabayaran sa iyo ang lahat ng utang mo nang magmakaawa ka sa akin. 33  Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapuwa mo alipin, gaya ko na naawa sa iyo?’+ 34  Sa galit ng hari, ipinabilanggo niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang nito. 35  Ganiyan din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit+ kung hindi ninyo patatawarin mula sa puso ang inyong kapatid.”+

Talababa

O “pinakaimportante.”
O “manumbalik.”
O “magpahina sa pananampalataya ng; maging dahilan ng pagkakasala ng.”
Lit., “sawayin mo siya.”
Lit., “bibig.”
O “ang lahat ng sinabi.”
O “Kung ayaw niyang magbigay-pansin.”
O “Kung ayaw niyang magbigay-pansin.”

Study Notes

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

gilingang-bato na iniikot ng isang asno: O “malaking gilingang-bato.” Lit., “gilingang-bato ng isang asno.” Ang ganitong gilingang-bato, na malamang na may diyametrong 1.2-1.5 m (4-5 ft), ay napakabigat kaya kailangan itong iikot ng isang asno.

dahilan ng pagkatisod: Ang orihinal na kahulugan ng salitang Griego na skanʹda·lon, na isinaling “dahilan ng pagkatisod,” ay ipinapalagay na tumutukoy sa isang bitag; sinasabi ng ilan na tumutukoy ito sa isang patpat na pinagkakabitan ng isang pain. Nang maglaon, tumutukoy na rin ito sa anumang bagay na puwedeng ikatisod o ikabagsak ng isa. Sa makasagisag na diwa, tumutukoy ito sa isang pagkilos o kalagayan na nagiging dahilan para malihis ng landas ang isang tao o magkasala. Sa Mat 18:8, 9, ang kaugnay na pandiwang skan·da·liʹzo, na isinaling “nagkakasala dahil,” ay puwede ring isalin na “nagiging bitag.”

putulin mo ito: Gumamit dito si Jesus ng eksaherasyon. Sinasabi niya rito na dapat maging handa ang isang tao na alisin ang anumang bagay na kasinghalaga ng kaniyang kamay, paa, o mata sa halip na hayaan itong maging dahilan para mawala ang katapatan niya at magkasala siya. (Mat 18:9) Maliwanag na hindi naman niya sinasabing literal na putulin ng isang tao ang bahagi ng katawan niya, at hindi rin niya sinasabing sunod-sunuran ang isang tao sa gustong gawin ng mga kamay, paa, at mata niya. Ibig lang niyang sabihin, dapat patayin ng isang tao ang bahagi ng katawan niya, o gumawi na parang wala siya nito, sa halip na gamitin ito para magkasala. (Ihambing ang Col 3:5.) Hindi niya dapat hayaan ang anumang bagay na maging hadlang para magtamo siya ng buhay.

Gehenna: Tingnan ang study note sa Mat 5:22 at Glosari.

nakikita . . . ang mukha ng aking Ama: O “nakakalapit . . . sa aking Ama.” Dahil nakakalapit mismo sa Diyos ang mga espiritung nilalang, sila lang ang nakakakita sa mukha ng Diyos.—Exo 33:20.

kanilang mga anghel: Sa Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan, tinitiyak sa mga lingkod ng Diyos na laging nandiyan ang di-nakikitang hukbo ng mga anghel ni Jehova para protektahan sila. (2Ha 6:15-17; Aw 34:7; 91:11; Gaw 5:19; Heb 1:14) Ang mga termino sa orihinal na wika na isinasaling “anghel” ay nangangahulugang “mensahero.” (Tingnan ang study note sa Ju 1:51.) Ang sinabi ni Jesus tungkol sa maliliit na ito (tumutukoy sa mga alagad niya) at “kanilang mga anghel” ay hindi nangangahulugang bawat tapat na Kristiyano ay may anghel de la guwardiya. Sa halip, binabantayan ng mga anghel ang espirituwal na kapakanan ng mga tunay na Kristiyano sa pangkalahatan at nagmamalasakit sila sa bawat alagad ni Kristo.​—Tingnan ang study note sa Gaw 12:15.

Mababasa sa ilang manuskrito: “Dahil dumating ang Anak ng tao para iligtas ang nawala,” pero hindi makikita ang pananalitang ito sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito. May ganiyang pananalita sa Luc 19:10. Kaya iniisip ng ilan na kinuha ng mga tagakopya noon ang ekspresyong ito sa ulat ni Lucas.​—Tingnan ang Ap. A3.

aking: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “inyong.”

ang kapatid mo: Tingnan ang study note sa Mat 5:23.

kongregasyon: Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kinakatawan ng mga hukom at mga opisyal ang kongregasyon ng Israel sa paghatol sa bayan. (Deu 16:18) Noong panahon ni Jesus, ang mga lumabag sa Kautusan ay mananagot sa mga hukuman na binubuo ng matatandang lalaki ng mga Judio. (Mat 5:22) Nang maglaon, nag-aatas na ang banal na espiritu ng may-gulang na mga lalaking magsisilbing hukom sa bawat kongregasyong Kristiyano. (Gaw 20:28; 1Co 5:1-5, 12, 13)—Para sa kahulugan ng terminong “kongregasyon,” tingnan ang study note sa Mat 16:18 at Glosari.

gaya ng tao ng ibang bansa at gaya ng maniningil ng buwis: Mga taong iniiwasan ng mga Judio hangga’t maaari.—Ihambing ang Gaw 10:28.

anumang bagay ang itali ninyo . . . ang kalagan ninyo: Sa kontekstong ito, ang “itali” ay maliwanag na nangangahulugang “hatulang nagkasala” at ang “kalagan” naman ay “pawalang-sala.” Ipinapakita ng anyong pangmaramihan na “ninyo” na hindi lang si Pedro ang gagawa ng ganitong mga desisyon.—Ihambing ang study note sa Mat 16:19.

naitali na . . . nakalagan na: Ang anyo ng mga pandiwang Griego rito na ‘itali’ at ‘kalagan’ ay kakaiba at nagpapakitang anuman ang mapagpasiyahan ng mga alagad (“anumang bagay ang itali ninyo”; “anumang bagay ang kalagan ninyo”) ay napagpasiyahan na sa langit. Susunod lang ang desisyon ng mga alagad sa naging desisyon sa langit, hindi ito mauuna rito; at gagawa ng desisyon ang mga alagad batay sa mga simulaing nabuo na sa langit. Hindi sinasabi nito na sinusuportahan o pinagtitibay ng langit ang naging desisyon sa lupa. Sa halip, nangangahulugan ito na tatanggap ang mga alagad ng patnubay mula sa langit. Idiniriin nito na kailangan ang ganoong patnubay para matiyak na anumang pagpasiyahan sa lupa ay kaayon ng napagpasiyahan na sa langit.—Ihambing ang study note sa Mat 16:19.

inyo . . . inyo . . . kanila: Kahit na gumamit sa orihinal na Griego ng panghalip na “inyo” sa simula ng teksto at pinalitan ito ng “kanila” sa dulo, maliwanag na iisa lang ang tinutukoy ng mga panghalip na ito. Iyan ang dahilan kung bakit ganito ang pagkakasalin ng huling bahagi ng teksto sa ilang Bibliya: “. . . ibibigay iyon sa inyo ng aking Ama na nasa langit.”

77 ulit: Lit., “pitumpung pito.” Ang ekspresyong ito sa Griego ay puwedeng mangahulugang “70 at 7” (77 ulit) o “70 ulit na 7” (490 ulit). Ang katulad na ekspresyon sa Hebreo na mababasa sa Gen 4:24 ay isinalin sa Septuagint na “77 ulit,” kaya sinusuportahan nito ang saling “77 ulit” sa talatang ito. Anuman ang unawa rito ng mga tao, ang pag-uulit sa bilang na pito ay nangangahulugang “walang takdang bilang” o “walang limitasyon.” Nang sabihin ni Jesus kay Pedro na hindi lang 7 kundi 77 ulit dapat magpatawad, sinasabi niya sa mga tagasunod niya na huwag magtakda kung ilang beses lang magpapatawad. Sa kabaligtaran, sinasabi sa Babilonyong Talmud (Yoma 86b): “Kung ang isang tao ay makagawa ng pagkakasala, sa una, ikalawa, at ikatlong pagkakataon ay pinatatawad siya, sa ikaapat na pagkakataon ay hindi na siya patatawarin.”

10,000 talento: Ang isang talento pa lang ay katumbas na ng mga 20-taóng suweldo ng isang karaniwang manggagawa, kaya kailangan niyang mabuhay nang daan-daang libong taon para magtrabaho at mabayaran ang ganito kalaking utang. Maliwanag, gumamit dito si Jesus ng eksaherasyon para ipakitang imposibleng mabayaran ang utang. Ang 10,000 talentong pilak ay katumbas ng 60,000,000 denario.​—Tingnan ang study note sa Mat 18:28; Glosari, “Talento”; at Ap. B14.

yumukod sa harap ng hari: O “nagbigay-galang sa hari.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay ginagamit para tumukoy sa pagsamba sa diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paggalang o pagpapasakop ng isang alipin sa taong may awtoridad sa kaniya.—Tingnan ang study note sa Mat 2:2; 8:2.

hindi na pinabayaran ang utang nito: O “pinatawad na sa pagkakautang.” Sa makasagisag na diwa, ang utang ay puwedeng tumukoy sa kasalanan.—Tingnan ang study note sa Mat 6:12.

100 denario: Maliit man ang 100 denario kumpara sa 10,000 talento (60,000,000 denario), malaking halaga pa rin ito; katumbas ito ng suweldo para sa 100-araw na pagtatrabaho ng isang manggagawa.​—Tingnan ang Ap. B14.

Hindi ko na pinabayaran sa iyo ang lahat ng utang mo: O “Pinatawad na kita sa lahat ng pagkakautang mo.”​—Tingnan ang study note sa Mat 6:12.

ipinabilanggo niya: Lit., “ibinigay niya sa mga tagapagbilanggo.” Ang terminong Griego na ba·sa·ni·stesʹ na isinasaling “tagapagbilanggo” ay nangangahulugang “tagapagpahirap,” malamang na dahil karaniwan nang pinapahirapan ng mga tagapagbilanggo ang mga nasa bilangguan. Pero nang maglaon, ginagamit na rin ang terminong ito para tumukoy sa basta tagapagbilanggo lang, maliwanag na dahil sinasaktan man ang mga nasa bilangguan o hindi, nahihirapan pa rin sila.—Tingnan ang study note sa Mat 8:29.

Media