Ayon kay Mateo 21:1-46

21  Nang malapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage sa Bundok ng mga Olibo,+ nagsugo si Jesus ng dalawang alagad.+ 2  Sinabi niya sa kanila: “Pumunta kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at makakakita kayo agad ng isang asnong nakatali, kasama ang isang bisiro.* Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin sa akin. 3  Kung may magtanong sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kailangan ng Panginoon ang mga ito.’ At agad niyang ipadadala ang mga ito.” 4  Talagang nangyari ito para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propeta: 5  “Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion: ‘Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo,+ mahinahon,+ at nakasakay sa asno, oo, sa isang bisiro, na anak ng hayop na pantrabaho.’”+ 6  Kaya umalis ang mga alagad at ginawa ang iniutos sa kanila ni Jesus.+ 7  Dinala nila ang asno at ang bisiro nito, at ipinatong nila sa mga ito ang mga balabal nila, at umupo siya sa mga iyon.+ 8  Inilatag ng karamihan sa mga tao ang mga balabal nila sa daan;+ ang iba naman ay pumutol ng mga sanga mula sa mga puno at inilatag nila ang mga ito sa daan. 9  Gayundin, ang mga taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kaniya ay patuloy na sumisigaw: “Iligtas nawa ang Anak ni David!+ Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova!+ Iligtas nawa siya, ang dalangin namin sa langit!”+ 10  At nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lunsod. Sinasabi ng mga tao: “Sino ito?” 11  Ang mga taong kasama niya ay nagsasabi: “Ito ang propetang si Jesus,+ mula sa Nazaret ng Galilea!” 12  Pumasok si Jesus sa templo at pinalayas ang lahat ng nagtitinda at bumibili sa templo, at itinaob niya ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati.+ 13  At sinabi niya sa kanila: “Nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan,’+ pero ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”+ 14  Gayundin, lumapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at pilay, at pinagaling niya sila. 15  Nang makita ng mga punong saserdote at mga eskriba ang mga himalang ginawa niya at ang mga batang lalaki na sumisigaw sa templo, “Iligtas nawa ang Anak ni David!”+ nagalit sila.+ 16  Sinabi nila sa kaniya: “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” Sumagot si Jesus: “Oo. Hindi pa ba ninyo nabasa ang ganito, ‘Mula sa bibig ng mga bata at sanggol ay pinalabas mo ang papuri’?”+ 17  At iniwan niya sila at umalis sa lunsod papuntang Betania. Doon siya nagpalipas ng gabi.+ 18  Kinaumagahan, habang pabalik siya sa lunsod, nagutom siya.+ 19  May nakita siyang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan niya iyon, pero wala itong bunga kundi mga dahon lang.+ Kaya sinabi niya rito: “Huwag ka nang mamunga kahit kailan.”+ At natuyot agad ang puno ng igos. 20  Nang makita ito ng mga alagad, namangha sila at sinabi nila: “Paano nangyaring natuyot agad ang puno ng igos?”+ 21  Sinabi sa kanila ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, kung may pananampalataya kayo at hindi nag-aalinlangan, hindi lang ang ginawa ko sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Kahit pa sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umangat ka at mahulog sa dagat,’ mangyayari iyon.+ 22  At lahat ng hihilingin ninyo sa panalangin ay ibibigay sa inyo kung nananampalataya kayo.”+ 23  Pumasok siya sa templo. Habang nagtuturo siya, lumapit sa kaniya ang mga punong saserdote at ang matatandang lalaki ng bayan. Sinabi nila: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng ganiyang awtoridad?”+ 24  Sinabi ni Jesus sa kanila: “May itatanong din ako sa inyo. Kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot, sasabihin ko rin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito: 25  Sino ang nagbigay kay Juan ng awtoridad na magbautismo, ang langit o ang mga tao?” Nag-usap-usap sila: “Kung sasabihin natin, ‘Ang langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’+ 26  Kung sasabihin naman natin, ‘Ang mga tao,’ baka kung ano ang gawin sa atin ng mga tao, dahil lahat sila ay naniniwalang propeta si Juan.”+ 27  Kaya sumagot sila kay Jesus: “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito. 28  “Pag-isipan ninyo ito. Isang tao ang may dalawang anak. Nilapitan niya ang nakatatandang anak at sinabi rito, ‘Anak, magtrabaho ka ngayon sa ubasan.’ 29  Sinabi nito, ‘Ayoko po,’ pero nakonsensiya ito at nagpunta sa ubasan. 30  Nilapitan niya ang nakababatang anak at ganoon din ang sinabi niya. Sumagot ito, ‘Sige po,’ pero hindi ito nagpunta. 31  Sino sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?” Sumagot sila: “Ang nakatatandang anak.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna na sa inyo sa Kaharian ng Diyos.+ 32  Dahil si Juan ay dumating sa inyo na nagtuturo ng matuwid na daan, pero hindi kayo naniwala sa kaniya. Ang mga maniningil ng buwis at mga babaeng bayaran ay naniwala sa kaniya.+ Nakita ninyo ito, pero hindi pa rin kayo nagsisi at hindi kayo naniwala sa kaniya. 33  “Pakinggan ninyo ang isa pang ilustrasyon: May isang tao na nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid.+ Binakuran niya ang ubasan, gumawa siya rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo siya ng isang tore;+ pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain.+ 34  Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa ani. 35  Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang mga alipin niya. Ang isa ay binugbog nila, ang isa pa ay pinatay nila, at ang isa pa ay pinagbabato nila.+ 36  Nagpapunta siya uli ng ibang mga alipin, na mas marami kaysa sa nauna, pero ganoon din ang ginawa nila sa mga ito.+ 37  Sa kahuli-hulihan ay pinapunta niya sa kanila ang anak niya. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ 38  Pagkakita nila sa anak, nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana.+ Patayin natin siya at kunin ang mana niya!’ 39  Kaya sinunggaban nila siya at kinaladkad palabas ng ubasan at pinatay.+ 40  Ngayon, kapag dumating ang may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?” 41  Sinabi nila sa kaniya: “Dahil masama sila, pupuksain niya sila at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka, na magbibigay sa kaniya ng parte niya kapag anihan na.” 42  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan, ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong-panulok.+ Nagmula ito kay Jehova at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?+ 43  Kaya sinasabi ko sa inyo, ang Kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang gumagawa ng kalooban ng Diyos.* 44  Gayundin, ang taong babagsak sa batong ito ay magkakaluray-luray;+ at ang sinumang mababagsakan nito ay madudurog.”+ 45  Matapos marinig ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga ilustrasyon niya, nahalata nila na tungkol sa kanila ang sinasabi niya.+ 46  Gusto nilang dakpin siya, pero natatakot sila sa mga tao dahil propeta ang turing ng mga tao kay Jesus.+

Talababa

O “anak ng asno.”
Lit., “isang bansang nagluluwal ng bunga nito.”

Study Notes

Betfage: Ang pangalan ng nayong ito na nasa Bundok ng mga Olibo ay mula sa salitang Hebreo, na posibleng nangangahulugang “Bahay ng mga Unang Igos.” Ito ay pinaniniwalaang nasa pagitan ng Jerusalem at Betania sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo, malapit sa tuktok nito, mga 1 km (wala pang 1 mi) mula sa Jerusalem.—Mar 11:1; Luc 19:29; tingnan ang Ap. A7, Mapa 6.

isang asnong nakatali, kasama ang isang bisiro: Sa ulat lang ni Mateo parehong binanggit ang asno at bisiro. (Mar 11:2-7; Luc 19:30-35; Ju 12:14, 15) Lumilitaw na isang hayop lang ang binanggit nina Marcos, Lucas, at Juan dahil sa bisiro lang naman sumakay si Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 21:5.

para matupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propeta: Ang unang bahagi ng sinipi sa Mat 21:5 ay lumilitaw na mula sa Isa 62:11 at ang ikalawang bahagi naman ay mula sa Zac 9:9.—Tingnan ang study note sa Mat 1:22.

anak na babae ng Sion: O “anak na babae na Sion,” gaya ng mababasa sa ilang salin. Sa Bibliya, ang mga lunsod ay madalas ihalintulad sa babae o tukuyin gamit ang mga terminong pambabae. Sa ekspresyong ito, ang “anak na babae” ay puwedeng tumukoy sa mismong lunsod o sa mga nakatira sa lunsod. Ang pangalang Sion ay nauugnay sa lunsod ng Jerusalem.

mahinahon: O “mapagpakumbaba.”​—Tingnan ang study note sa Mat 5:5.

sa asno, oo, sa isang bisiro: Kahit dalawang hayop ang binanggit sa Mat 21:2, 7, binanggit sa hula sa Zac 9:9 na sa isang hayop lang sasakay ang hari.—Tingnan ang study note sa Mat 21:2.

ang asno at ang bisiro nito: Tingnan ang study note sa Mat 21:2, 5.

umupo siya sa mga iyon: Tumutukoy sa mga balabal.

Iligtas nawa: Lit., “Hosanna.” Ang terminong Griego ay mula sa ekspresyong Hebreo na nangangahulugang “iligtas mo, aming dalangin” o “pakisuyong iligtas.” Dito, ginamit ang terminong ito para humiling sa Diyos ng kaligtasan o tagumpay; puwede itong isaling “pakisuyong iligtas si.” Nang maglaon, ginagamit na ang ekspresyong ito hindi lang sa panalangin, kundi pati sa pagpuri. Ang ekspresyong Hebreo ay mababasa sa Aw 118:25, na bahagi ng mga Salmong Hallel, na regular na inaawit sa panahon ng Paskuwa. Kaya talagang maiisip agad ang pananalitang ito sa eksenang binanggit sa teksto. Ang isang paraan ng pagsagot ng Diyos sa panalanging ito na iligtas ang Anak ni David ay ang pagbuhay-muli sa kaniya. Sa Mat 21:42, sinipi ni Jesus ang Aw 118:22, 23 para tumukoy sa Mesiyas.

Anak ni David: Dito, ang ekspresyong ito ay nagpapakitang kinikilala ng mga taong iyon na talagang nagmula si Jesus sa angkan ni David at na siya ang ipinangakong Mesiyas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1, 6; 15:25; 20:30.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:25, 26, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

nagkagulo: O “nayanig.” Ang tindi ng kaguluhang nangyari sa lunsod ay ipinapahiwatig ng pandiwang Griego na literal na tumutukoy sa mga epekto ng lindol o bagyo. (Mat 27:51; Apo 6:13) Ang kaugnay na pangngalang Griego na sei·smosʹ ay isinasaling “bagyo” o “lindol.”—Mat 8:24; 24:7; 27:54; 28:2.

templo: Posibleng tumutukoy sa bahagi ng templo na tinatawag na Looban ng mga Gentil.—Tingnan ang Ap. B11.

pinalayas ang lahat ng nagtitinda: Tingnan ang study note sa Luc 19:45.

tagapagpalit ng pera: Maraming iba’t ibang uri ng barya na ginagamit noon, pero lumilitaw na isang uri lang ng barya ang puwedeng ipambayad sa taunang buwis sa templo o sa pagbili ng hayop na panghandog. Kaya ang mga Judiong nagpupunta sa Jerusalem ay kailangang magpapalit ng pera para tanggapin sa templo ang ibabayad nila. Maliwanag na nakita ni Jesus na napakalaki ng sinisingil ng mga tagapagpalit ng pera at maituturing na silang nangingikil.

pugad ng mga magnanakaw: O “kuweba ng mga magnanakaw.” Nasa isip ni Jesus ang nasa Jer 7:11. Malamang na tinawag niyang “magnanakaw” ang mga mangangalakal at tagapagpalit ng pera dahil masyadong mataas ang sinisingil nila sa pagbebenta ng hayop na panghandog at sa pagpapalit ng pera. Galit na galit din si Jesus dahil ang bahay-panalanginan ni Jehova, o lugar ng pagsamba sa kaniya, ay ginawang lugar ng negosyo.

templo: Posibleng tumutukoy sa Looban ng mga Gentil. (Ihambing ang study note sa Mat 21:12.) Sa ulat lang ni Mateo mababasa na may lumapit kay Jesus na mga bulag at pilay sa templo at na pinagaling niya sila, gaya ng nagawa na niya sa naunang pagkakataon. (Mat 15:30) Sinasabi ng ilan na ayon sa tradisyong Judio, bawal pumunta ang mga bulag at pilay sa ilang bahagi ng templo, pero wala namang binabanggit na ganoon sa Hebreong Kasulatan. Totoo man o hindi ang pagbabawal na iyon, posibleng ipinapakita ng ulat ni Mateo na ang sigasig ni Jesus noong mga huling araw ng ministeryo niya sa lupa ay hindi lang nakita sa paglilinis ng templo, kundi pati sa pagpapagaling ng mga bulag at pilay na lumalapit sa kaniya roon.​—Tingnan ang Ap. A7.

Iligtas nawa ang Anak ni David: Tingnan ang study note sa Mat 21:9.

Betania: Nayon sa timog-silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo na mga 3 km (2 mi) mula sa Jerusalem. (Ju 11:18) Lumilitaw na ang bahay nina Marta, Maria, at Lazaro sa nayong ito ang pinakatirahan ni Jesus sa Judea. (Ju 11:1) Sa ngayon, nasa lokasyon nito ang isang maliit na nayon na may pangalang Arabiko na nangangahulugang “Lugar ni Lazaro.”

wala itong bunga kundi mga dahon lang: Karaniwan nang hindi namumunga ang puno ng igos sa panahong ito, pero ang punong nakita ni Jesus ay may mga dahon, at kadalasan nang tanda ito na may bunga na ang puno. Dahil puro dahon lang ang puno, alam ni Jesus na hindi na ito mamumunga, kaya nakakadaya ang hitsura nito. Dahil diyan, isinumpa ni Jesus ang punong ito na hindi na mamunga kahit kailan, kaya natuyot ito.

Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.

punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4.

matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

Sinabi nito, ‘Ayoko po’: Sa ilang manuskritong Griego, iba ang pagkakasunod ng sinabi at ginawa ng dalawang anak sa talinghagang ito sa Mat 21:28-31. (Tingnan ang salin sa naunang bersiyon ng Bagong Sanlibutang Salin.) Pareho lang ang ideya ng mga saling ito, pero mas maraming manuskrito ang sumusuporta sa kasalukuyang salin.

maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.

ilustrasyon: O “talinghaga.”​—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

tore: Dahil mataas ito, ginagamit ito sa pagbabantay laban sa mga magnanakaw at mga hayop.—Isa 5:2.

pinaupahan: Karaniwan ito sa Israel noong unang siglo. Dito, ang ubasan ay inihandang mabuti ng may-ari, kaya makatuwiran lang na umasa siyang kikita siya.

pupuksain niya sila: O “magdadala siya sa kanila ng masamang pagkapuksa.” Sa Griego, ginamit ang magkaibang anyo ng isang salitang-ugat bilang pag-uulit para idiin ang mensahe ng paghatol: “Dahil masama sila, magdadala siya sa kanila ng masamang pagkapuksa.”

sa Kasulatan: Kadalasan nang tumutukoy ito sa buong Hebreong Kasulatan.

pangunahing batong-panulok: O “pinakaimportanteng bato.” Ang ekspresyong Hebreo sa Aw 118:22 at ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “ulo ng kanto.” Iba-iba ang intindi rito, pero lumilitaw na tumutukoy ito sa batong inilalagay sa tuktok ng kanto ng pinagdugtong na dalawang pader para maging matibay ang pagkakadugtong ng mga ito. Sinipi ni Jesus ang hulang ito para tukuyin ang sarili niya bilang ang “pangunahing batong-panulok.” Kung paanong kapansin-pansin ang bato sa pinakatuktok ng isang gusali, ganiyan din si Jesu-Kristo, dahil siya ang pinakatuktok na bato sa kongregasyong Kristiyano ng mga pinahiran, na inihalintulad sa isang espirituwal na templo.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 118:22, 23, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

Media