Ayon kay Mateo 8:1-34

8  Pagbaba niya sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2  At isang lalaking ketongin ang lumapit at lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Panginoon, kung gugustuhin mo lang, mapagagaling* mo ako.”+ 3  Kaya hinipo niya ang lalaki at sinabi: “Gusto ko! Gumaling ka.”+ Nawala agad ang ketong nito.+ 4  Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino,+ pero humarap ka sa saserdote+ at maghandog ka ng hain na itinakda ni Moises,+ para makita nila* na gumaling ka na.”+ 5  Pagpasok niya sa Capernaum, isang opisyal ng hukbo ang lumapit sa kaniya at nakiusap:+ 6  “Ginoo, nakaratay sa bahay ang lingkod ko. Paralisado siya at hirap na hirap.” 7  Sinabi niya sa lalaki: “Pagdating ko roon, pagagalingin ko siya.” 8  Sumagot ang opisyal ng hukbo: “Ginoo, hindi ako karapat-dapat na puntahan mo sa bahay, pero sabihin mo lang na gumaling siya at gagaling ang lingkod ko. 9  Dahil ako rin ay nasa ilalim ng awtoridad ng iba, at may hawak din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ nagpupunta siya, at sa isa pa, ‘Halika!’ lumalapit siya, at sa alipin ko, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.” 10  Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya at sinabi sa mga sumusunod sa kaniya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong nakita sa Israel na may ganito kalaking pananampalataya.+ 11  Pero tinitiyak ko sa inyo na marami mula sa silangan at kanluran ang darating at uupo sa mesa kasama nina Abraham at Isaac at Jacob sa Kaharian ng langit,+ 12  samantalang ang mga anak ng Kaharian ay itatapon sa kadiliman sa labas. Iiyak sila roon at magngangalit ang mga ngipin nila.”+ 13  Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa opisyal ng hukbo: “Umuwi ka na. Dahil nagpakita ka ng pananampalataya, mangyari nawa ang hinihiling mo.”+ At ang lingkod ay gumaling nang oras na iyon.+ 14  Pagdating ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan nitong babae+ na nakahiga at nilalagnat.+ 15  Kaya hinipo niya ang kamay ng babae,+ at nawala ang lagnat nito, at bumangon ito at inasikaso siya. 16  Pero nang gumabi na, maraming tao na sinasaniban ng demonyo ang dinala sa kaniya; at pinalayas niya ang mga espiritu sa isang simpleng utos, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit, 17  para matupad ang sinabi ng propetang si Isaias: “Siya mismo ang nag-alis ng aming mga sakit at nagdala ng aming mga karamdaman.”+ 18  Nang makita ni Jesus ang mga tao sa palibot niya, inutusan niya ang mga alagad na sumama sa kaniya sa kabilang ibayo.+ 19  At may isang eskriba na lumapit at nagsabi sa kaniya: “Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.”+ 20  Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang mga asong-gubat* ay may lungga at ang mga ibon sa langit ay may pugad, pero ang Anak ng tao ay walang sariling bahay na matulugan.”*+ 21  Pagkatapos, isa sa mga alagad ang nagsabi sa kaniya: “Panginoon, puwede bang umuwi muna ako at ilibing ang aking ama?”+ 22  Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Patuloy mo akong sundan, at hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay.”+ 23  At nang sumakay siya sa isang bangka, sinundan siya ng mga alagad niya.+ 24  Pagkatapos, biglang nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at natatabunan na ng mga alon ang bangka; pero natutulog siya.+ 25  At lumapit sila at ginising siya at sinabi: “Panginoon, iligtas mo kami, mamamatay na kami!” 26  Pero sinabi niya sa kanila: “Bakit takot na takot kayo?* Bakit ang liit ng pananampalataya ninyo?”+ Pagkatapos, bumangon siya at sinaway ang hangin at ang lawa, at biglang naging kalmado ang paligid.+ 27  Kaya namangha ang mga alagad at nagsabi: “Sino ba talaga ang taong ito? Kahit ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kaniya.” 28  Nang makarating siya sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno, dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo ang sumalubong sa kaniya. Galing sila sa mga libingan,+ at napakabangis nila kaya walang naglalakas-loob na dumaan doon. 29  At sumigaw sila: “Bakit nandito ka, Anak ng Diyos?+ Pumunta ka ba rito para parusahan kami+ bago ang takdang panahon?”+ 30  Sa may kalayuan, isang malaking kawan ng mga baboy ang nanginginain.+ 31  Kaya nagmakaawa sa kaniya ang mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy.”+ 32  Sinabi niya sa kanila: “Sige, umalis kayo!” Kaya lumabas sila at pumasok sa mga baboy; at ang buong kawan ay nagtakbuhan sa bangin, nahulog sa lawa, at nalunod. 33  Ang mga tagapag-alaga naman ng baboy ay nagtakbuhan papunta sa lunsod at ipinamalita ang lahat ng nangyari, pati ang tungkol sa mga lalaking sinasaniban ng demonyo. 34  At ang mga tao sa lunsod ay nagpunta kay Jesus, at pagkakita sa kaniya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang lupain.+

Talababa

O “mapalilinis.”
Malamang na tumutukoy sa mga saserdote.
Sa Ingles, fox.
Lit., “walang mahigan ng kaniyang ulo.”
O “Bakit ang hina ng loob ninyo?”

Study Notes

ketongin: May malubhang sakit sa balat. Sa Bibliya, ang ketong ay hindi lang tumutukoy sa ketong na alam natin sa ngayon. Sinumang napatunayang may ketong ay mamumuhay malayo sa mga tao hanggang sa gumaling siya.—Lev 13:2, tlb., 45, 46; tingnan sa Glosari, “Ketong; Ketongin.”

lumuhod sa harap niya: O “yumukod sa harap niya; nagbigay-galang sa kaniya.” Sa ulat ng Hebreong Kasulatan, ang mga tao noon ay yumuyukod din sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Maliwanag, kinilala ng lalaking ito na ang kausap niya ay kinatawan ng Diyos na may kapangyarihang magpagaling. Angkop lang na lumuhod o yumukod para magpakita ng paggalang sa Hari na pinili ni Jehova.—Mat 9:18; para sa higit pang impormasyon sa salitang Griego na ginamit dito, tingnan ang study note sa Mat 2:2.

hinipo niya ang lalaki: Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat na nakabukod ang mga ketongin para hindi mahawa ang iba. (Lev 13:45, 46; Bil 5:1-4) Pero nagdagdag ng mga tuntunin ang mga Judiong lider ng relihiyon. Halimbawa, sinasabi nilang dapat na apat na siko, o mga 1.8 m (6 ft), ang layo ng isang tao sa isang ketongin, pero kapag mahangin, dapat na 100 siko ang layo, o mga 45 m (150 ft). Dahil diyan, naging malupit ang pagtrato sa mga ketongin. Sa sinaunang akda ng mga Judio, pinuri pa ang isang rabbi na nagtago sa mga ketongin at ang isa pa na pinagbabato ang mga ketongin para hindi sila makalapit. Pero ibang-iba si Jesus. Nahabag siya sa ketongin kaya ginawa niya ang isang bagay na talagang ikinagulat ng mga Judio—hinipo niya ang lalaki. Ginawa niya iyan kahit kaya niya namang pagalingin ang ketongin sa pamamagitan lang ng salita.—Mat 8:5-13.

Gusto ko: Hindi lang basta pinakinggan ni Jesus ang kahilingan kundi sinabi niyang gusto niyang gawin ito. Ipinapakita nitong hindi niya ito ginawa dahil lang sa obligasyon.

Huwag mo itong sasabihin kahit kanino: Tingnan ang study note sa Mar 1:44.

humarap ka sa saserdote: Ayon sa Kautusang Mosaiko, kailangang kumpirmahin ng saserdote na magaling na ang isang ketongin. Ang gumaling na ketongin ay dapat na pumunta sa templo at magdala ng dalawang buháy at malilinis na ibon, kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo bilang hain.Lev 14:2-32

Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.

opisyal ng hukbo: O “senturyon,” kumandante ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.

lingkod ko: Ang salitang Griego na isinaling “lingkod” ay literal na nangangahulugang “anak; kabataan” at puwedeng itawag sa isang minamahal na alipin, gaya ng isang personal na tagapaglingkod.

marami mula sa silangan at kanluran: Ipinapakita nito na may mga di-Judio na magiging bahagi ng Kaharian.

uupo sa mesa: O “hihilig sa mesa; kakain.” Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang may nakapalibot na malambot na mga upuan sa isang mesa sa mga salusalo o malalaking handaan. Ang mga kumakain ay nakahilig sa malambot na upuan at nakaharap sa mesa, at kadalasan nang nakapatong sa kutson ang kaliwang siko nila. Ang kanang kamay ang karaniwang ginagamit nila sa pagkuha ng pagkain. Ang pagkain nang sama-sama sa iisang mesa ay nagpapahiwatig ng malapít na ugnayan. Nang panahong iyon, halos imposibleng kumain ang mga Judio kasama ng mga di-Judio.

magngangalit ang mga ngipin nila: Nagpapahiwatig ito ng matinding stress, kawalan ng pag-asa, at galit, na posibleng may kasama pang pagsasalita ng masakit at marahas na paggawi.

biyenan nitong babae: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.

nilalagnat: Tingnan ang study note sa Luc 4:38.

nang gumabi na: Ibig sabihin, nang matapos na ang araw ng Sabbath, gaya ng makikita sa kaparehong ulat sa Mar 1:21-32 at Luc 4:31-40.

para matupad ang sinabi ng propetang si Isaias: Tingnan ang study note sa Mat 1:22.

nagdala: O “naglayo; nag-alis.” Sa patnubay ng banal na espiritu, ipinakita ni Mateo na ang makahimalang pagpapagaling ni Jesus ay katuparan ng Isa 53:4. Ang mas malaking katuparan nito ay mangyayari kapag lubusan nang inalis ni Jesus ang kasalanan, kung paanong ang mga kasalanan ng Israel ay dinadala sa ilang ng kambing “para kay Azazel” tuwing Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:10, 20-22) Sa pamamagitan ng pag-aalis ni Jesus sa mga kasalanan natin, mawawala rin ang mismong dahilan ng pagkakasakit ng lahat ng mga nananampalataya sa bisa ng kaniyang hain.

sa kabilang ibayo: Ang silangang baybayin ng Lawa ng Galilea.

Anak ng tao: Lumilitaw ito nang mga 80 beses sa Ebanghelyo. Ginamit ito ni Jesus para tukuyin ang sarili niya, maliwanag na para idiin na isa talaga siyang tao na ipinanganak ng isang babae, at katumbas siya ni Adan, na may kapangyarihang tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Ro 5:12, 14, 15) Ginamit din ang ekspresyong ito para tukuyin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo.—Dan 7:13, 14; tingnan sa Glosari.

ilibing ang aking ama: Tingnan ang study note sa Luc 9:59.

hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay: Tingnan ang study note sa Luc 9:60.

malakas na bagyo: Karaniwan lang ang malalakas na bagyo sa Lawa ng Galilea. Mga 210 m (700 ft) ang baba nito mula sa lebel ng dagat, at mas mainit ang hangin sa dagat kumpara sa nakapalibot na mga talampas at bundok. Dahil diyan, nagkakaroon ng pagbabago sa atmospera at nabubuo ang malakas na hangin na pinagmumulan ng malalaking alon.

ang liit ng pananampalataya ninyo: Hindi sinasabi ni Jesus na wala silang pananampalataya kundi kulang sila sa pananampalataya.—Mat 14:31; 16:8; Luc 12:28; tingnan ang study note sa Mat 6:30.

lupain ng mga Gadareno: Ang rehiyon sa kabilang (sa silangang) baybayin ng Lawa ng Galilea. Posibleng ito ang rehiyon mula sa lawa hanggang sa Gadara, na 10 km (6 mi) mula sa lawa. Ang konklusyong iyan ay sinusuportahan ng mga barya na nagmula sa Gadara, dahil kadalasan nang may nakalarawang barko sa mga baryang iyon. Sinabi naman nina Marcos at Lucas na sa “lupain ng mga Geraseno” nagpunta si Jesus. (Tingnan ang study note sa Mar 5:1.) Malamang na nagpapang-abot ang mga hangganan ng dalawang lupaing ito.—Tingnan ang Ap. A7, Mapa 3B, “Mga Pangyayari sa May Lawa ng Galilea,” at Ap. B10.

dalawang: Sa mga ulat sa Marcos (5:2) at Lucas (8:27), isa lang ang binanggit na lalaking sinapian ng demonyo.—Tingnan ang study note sa Mar 5:2.

libingan: O “alaalang libingan.” (Tingnan sa Glosari, “Alaalang libingan.”) Malamang na ang mga libingang ito ay mga kuweba o mga uka sa malalaking bato at karaniwan nang nasa labas ng lunsod. Iniiwasan ng mga Judio ang mga libingang ito para hindi sila maging marumi ayon sa Kautusan. Kaya madalas itong puntahan ng mga baliw o sinasapian ng demonyo.

Bakit nandito ka, . . . ?: O “Ano ang kinalaman namin sa iyo?” Ang literal na salin nito ay “Ano sa amin at sa iyo?” Ang Semitikong idyoma na ito ay makikita sa Hebreong Kasulatan (Jos 22:24; Huk 11:12; 2Sa 16:10; 19:22; 1Ha 17:18; 2Ha 3:13; 2Cr 35:21; Os 14:8), at may katumbas itong pariralang Griego na ginagamit naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28; Ju 2:4). Nag-iiba ang kahulugan nito depende sa konteksto. Sa talatang ito, nangangahulugan ito ng pakikipag-away at pagpapalayas, at para sa ilan, puwede itong isalin na “Huwag mo kaming pakialaman!” o “Umalis ka dito!” Sa ibang konteksto naman, nangangahulugan lang ito na may ibang pananaw ang nagsasalita o ayaw niyang makisangkot sa isang partikular na gawain pero hindi nangangahulugang nanghahamak siya, nagmamataas, o nakikipag-away.—Tingnan ang study note sa Ju 2:4.

parusahan kami: Lit., “pahirapan kami.” Ang kaugnay na terminong Griego ay tumutukoy sa mga tagapagbilanggo. (Tingnan ang study note sa Mat 18:34.) Kaya sa kontekstong ito, lumilitaw na ang ‘parusa’ ay tumutukoy sa paggapos o pagbibilanggo sa “kalaliman” gaya ng binabanggit sa kaparehong ulat sa Luc 8:31.

baboy: Ang mga baboy ay marumi ayon sa Kautusan, pero inaalagaan ang mga baboy sa lugar na ito. Hindi sinabi sa ulat kung ang “mga tagapag-alaga” ng baboy (Mat 8:33) ay mga Judio na lumalabag sa Kautusan. Pero may tindahan ng karne ng baboy sa komunidad ng mga di-Judio na nakatira sa rehiyon ng Decapolis, dahil para sa mga Griego at Romano, masarap na pagkain ang baboy.

Media