Liham sa mga Taga-Roma 4:1-25

4  Kung gayon, ano ang sasabihin nating natamo ni Abraham, na ating ninuno?* 2  Halimbawa, kung si Abraham ay ipinahayag na matuwid dahil sa mga gawa, puwede siyang magyabang, pero hindi sa Diyos. 3  Ano ba ang sinasabi sa Kasulatan? “Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova, at dahil dito, itinuring siyang matuwid.”+ 4  Para sa taong nagtatrabaho, ang bayad sa ginawa niya ay nararapat sa kaniya at hindi masasabing walang-kapantay na kabaitan. 5  Pero para sa taong hindi umaasa sa gawa kundi nananampalataya sa Diyos na nagpapahayag sa isang makasalanan bilang matuwid, ang taong iyon ay ituturing na matuwid dahil sa pananampalataya niya.+ 6  Gaya rin ng sinabi ni David tungkol sa kaligayahan ng tao na itinuturing na matuwid ng Diyos pero hindi dahil sa mga gawa: 7  “Maligaya ang mga pinagpaumanhinan sa kasamaan nila at pinatawad sa mga kasalanan nila; 8  maligaya ang tao na ang kasalanan ay hindi na aalalahanin* pa ni Jehova.”+ 9  Pero ang kaligayahan bang ito ay para lang sa mga tuli o pati sa mga di-tuli?+ Dahil sinasabi natin: “Dahil sa pananampalataya ni Abraham, itinuring siyang matuwid.”+ 10  Kailan siya itinuring na matuwid? Noong tuli na siya o hindi pa? Noong hindi pa siya tuli. 11  Pagkatapos, tumanggap siya ng isang tanda+—ang pagtutuli—bilang tatak ng pagiging matuwid niya dahil sa kaniyang pananampalataya habang hindi pa tuli, para maging ama siya ng lahat ng may pananampalataya+ na di-tuli at maituring din silang matuwid; 12  at para maging ama siya ng mga tuli, hindi lang ng mga nanghahawakan sa pagtutuli kundi pati ng mga may pananampalatayang gaya ng sa ama nating si Abraham+ habang hindi pa siya tuli. 13  Tinanggap ni Abraham at ng mga supling niya ang pangako na magiging tagapagmana siya ng isang sanlibutan, hindi sa pamamagitan ng kautusan+ kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid dahil sa pananampalataya.+ 14  Dahil kung ang mga nagsasagawa ng kautusan ang mga tagapagmana, nagiging walang silbi ang pananampalataya at walang saysay ang pangako. 15  Sa katunayan, ang Kautusan ay nagbubunga ng poot,+ pero kung saan walang kautusan, wala ring paglabag.+ 16  Kaya nga sa pamamagitan iyon ng pananampalataya at sa gayon ay masasabing kapahayagan ng walang-kapantay na kabaitan;+ sa ganitong paraan, naging tiyak ang katuparan ng pangako sa lahat ng supling niya,+ hindi lang sa mga nagsasagawa ng Kautusan kundi pati sa mga may pananampalatayang gaya ng kay Abraham, na ama nating lahat.+ 17  (Gaya nga ng nasusulat: “Inatasan kita bilang ama ng maraming bansa.”)+ Nangyari ito sa harap ng Diyos, na sinampalatayanan niya, na bumubuhay ng mga patay+ at tumatawag* sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon. 18  Kahit parang imposible, umasa pa rin siya at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa, gaya ng sinabi: “Magiging ganiyan karami ang mga supling mo.”+ 19  Alam niya na parang patay na ang katawan niya (dahil mga 100 taóng gulang na siya)+ at na baog si Sara,+ pero hindi nanghina ang pananampalataya niya. 20  Dahil sa pangako ng Diyos, hindi siya nawalan ng pananampalataya at nanghina, kundi naging malakas siya dahil sa pananampalataya kaya naluwalhati niya ang Diyos 21  at naging lubusan siyang kumbinsido na kaya Niyang gawin ang ipinangako Niya.+ 22  Dahil dito, “itinuring siyang matuwid.”*+ 23  Pero isinulat ang mga salitang “itinuring siyang matuwid” hindi lang para sa kaniya,+ 24  kundi para din sa atin na ituturing ding matuwid, dahil naniniwala tayo sa Kaniya na bumuhay-muli kay Jesus na ating Panginoon.+ 25  Hinayaan ng Diyos na mamatay siya para sa mga pagkakamali natin+ at binuhay siyang muli para maipahayag tayong matuwid.+

Talababa

O “ninuno ayon sa laman?”
O “bibilangin.”
O posibleng “nagsasalita tungkol.”
O “ibinilang ito na katuwiran sa kaniya.”

Study Notes

ano ang sasabihin nating natamo ni Abraham, na ating ninuno: Ang mababasa sa ilang manuskrito ay “ano ang sasabihin natin tungkol kay Abraham, na ating ninuno.” Pero kung pagbabatayan ang iba pang manuskrito, mas matibay ang basehan ng saling ito.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Gen 15:6, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang Ap. C.) Ang mababasa dito sa mga natitirang manuskritong Griego ay The·osʹ (Diyos), posibleng dahil ito ang terminong ginamit sa Gen 15:6 sa mga kopya ng Septuagint. Posibleng ito rin ang dahilan kaya “Diyos” ang ginamit sa karamihan ng mga salin. Pero Tetragrammaton ang mababasa sa orihinal na tekstong Hebreo kung saan ito sinipi, kaya ginamit ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto. Ang buong parirala na sinipi mula sa Gen 15:6 ay mababasa rin sa Gal 3:6 at San 2:23.

dahil dito, itinuring siyang matuwid: O “ibinilang itong katuwiran sa kaniya.” Sa Roma kabanata 4, siyam na beses ginamit ang “itinuring” o ibang anyo nito para ipanumbas sa salitang Griego na lo·giʹzo·mai (tal. 3, 5, 6, 9, 10, 11, 22, 23, 24) at isang beses naman itong isinalin na “aalalahanin” (tal. 8). Ang pandiwang Griegong ito ay ginagamit noon para sa mga kalkulasyon. Puwede itong tumukoy sa ipon o utang. Ang pananampalataya ni Abraham na may kasamang gawa ay “ibinilang [idinagdag] na katuwiran sa kaniya.” (Ro 4:20-22, tlb.) Hindi ito nangangahulugang walang kasalanan si Abraham at ang iba pang tapat na mga lalaki’t babae bago ang panahong Kristiyano. Pero isinaalang-alang ng Diyos ang pananampalataya nila sa pangako niya at ang pagsisikap nilang sundin ang utos niya. (Gen 3:15; Aw 119:2, 3) Kaya itinuring sila ng Diyos na walang-sala kumpara sa ibang tao, na walang kaugnayan sa kaniya. (Aw 32:1, 2; Efe 2:12) Siyempre, alam ng mga tapat na gaya ni Abraham na kailangan nilang matubos mula sa kasalanan, at hinihintay nila ang itinakdang panahon ng Diyos para dito. (Aw 49:7-9; Heb 9:26) Pero habang wala pa iyon, puwede pa ring magkaroon ng mabuting kaugnayan si Jehova sa di-perpektong mga tao dahil sa pananampalataya nila, at puwede niya silang pagpalain nang hindi nalalabag ang perpekto niyang pamantayan ng katarungan.​—Aw 36:10.

nararapat: O “gaya ng utang.” Ang isang manggagawa ay nararapat tumanggap ng bayad sa pinagtrabahuhan niya. Karapatan niyang makuha iyon, gaya ng utang sa kaniya. Hindi iyon regalo o espesyal na kabaitan.

walang-kapantay na kabaitan: O “di-sana-nararapat na kabaitan; regalo.” Ang isang manggagawa ay nararapat tumanggap ng bayad. Hindi niya ito itinuturing na regalo o espesyal na kabaitan. Pero di-sana-nararapat na kabaitan ang pagpapalaya ng Diyos sa di-perpektong mga tao mula sa hatol na kamatayan at ang pagdedeklara sa kanilang matuwid dahil sa pananampalataya. Hindi ito isang bagay na karapatan nilang makuha dahil sa pagsisikap nila; sa halip, dahil lang ito sa pagkabukas-palad ni Jehova.​—Ro 3:23, 24; 5:17; 2Co 6:1; Efe 1:7; tingnan sa Glosari.

Maligaya: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, 50 beses lumitaw ang salitang Griego na ma·kaʹri·os. Inilalarawan dito ni Pablo ang “kaligayahan ng tao na itinuturing na matuwid ng Diyos pero hindi dahil sa mga gawa.” (Ro 4:6) Ang terminong Griego na ito ay ginamit para ilarawan ang Diyos (1Ti 1:11) at si Jesus sa kaniyang maluwalhating kalagayan sa langit (1Ti 6:15). Ginamit din ang terminong ito sa kilaláng mga kasabihan tungkol sa kaligayahan sa Sermon sa Bundok. (Mat 5:3-11; Luc 6:20-22) Dito sa Ro 4:7, 8, ang “maligaya” ay sinipi mula sa Aw 32:1, 2. Ang ganitong uri ng kapahayagan ay karaniwan sa Hebreong Kasulatan. (Deu 33:29; 1Ha 10:8; Job 5:17; Aw 1:1; 2:12; 33:12; 94:12; 128:1; 144:15; Dan 12:12) Ang mga ekspresyong Hebreo at Griego para sa “maligaya” ay hindi lang tumutukoy sa saya na nadarama ng isang tao dahil nalilibang siya. Ipinapakita ng Kasulatan na para maging tunay na maligaya ang isang tao, kailangan niyang mahalin ang Diyos, paglingkuran Siya nang tapat, at makuha ang pagsang-ayon at pagpapala Niya.

pinagpaumanhinan: O “pinatawad.” Ang salitang Griego na a·phiʹe·mi ay pangunahin nang nangangahulugang “pakawalan” (Ju 11:44; 18:8), pero puwede rin itong mangahulugang “kanselahin ang utang” (Mat 18:27, 32) at “patawarin” ang kasalanan (Mat 6:12). (Tingnan ang mga study note sa Mat 6:12.) Ginamit din ang terminong ito sa salin ng Septuagint sa Aw 32:1 (31:1, LXX), na sinipi ni Pablo.

pinatawad: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na e·pi·ka·lyʹpto. Literal itong nangangahulugan na “takpan,” pero dito, nangangahulugan itong “patawarin.” Dito, sumipi si Pablo sa Aw 32:1; at sa Septuagint (Aw 31:1), ang pandiwang Griego na ito ang ipinanumbas sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “takpan” at tumutukoy sa pagpapatawad ng kasalanan.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Aw 32:2, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

tatak: O “garantiya; patunay.” Dito, ang “tatak” ay ginamit sa makasagisag na paraan bilang indikasyon ng pagmamay-ari. Ang pagtutuli kay Abraham ay nagsilbing “tatak,” o kumpirmasyon, ng pagiging matuwid niya dahil sa pananampalataya, na naipakita na niya kahit noong hindi pa siya tuli.​—Ihambing ang study note sa Ju 3:33.

ama siya ng lahat ng may pananampalataya: Sa espirituwal na diwa, si Abraham ang ama ng lahat ng alagad ni Jesu-Kristo, hindi lang ng mga inapo niya na tapat sa Diyos. Idiniin ni Pablo na tapat na si Abraham bago pa ito matuli. (Ro 4:10) Kaya tinatawag siyang “ama” ng mga di-tuling Judio, o Gentil, na nananampalataya kay Jesus. Kaya anuman ang lahi ng mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano sa Roma, puwede nilang tawaging ama si Abraham dahil sa pananampalataya at pagsunod nila.​—Tingnan ang study note sa Ro 4:17.

mga supling: O “mga inapo.” Lit., “binhi.”​—Tingnan ang Ap. A2.

paglabag: Ang Griegong pa·raʹba·sis ay pangunahin nang tumutukoy sa “paglampas,” ibig sabihin, paglampas sa limitasyon, gaya ng paglabag sa batas.

supling: Tingnan ang study note sa Ro 4:13.

Gaya nga ng nasusulat: Tumutukoy sa Gen 17:5, kung saan sinabi ni Jehova kay Abram: “Gagawin kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito ang basehan ni Jehova kaya ang pangalang Abram ay ginawa niyang Abraham, na nangangahulugang “Ama ng Pulutong; Ama ng Marami.” Ganito natupad ang pangako: Ang anak ni Abraham na si Ismael ay nagkaanak ng “12 pinuno ayon sa kanilang mga angkan.” (Gen 25:13-16; 17:20; 21:13, 18) Pinagmulan din ng mga bansa ang anim na anak na lalaki ni Abraham kay Ketura. (Gen 25:1-4; 1Cr 1:28-33; Ro 4:16-18) At nagmula ang mga Israelita at mga Edomita sa anak ni Abraham na si Isaac. (Gen 25:21-26) Gayundin, sa espirituwal na diwa, naging ama si Abraham ng mga tao na iba-iba ang lahi, kasama na ang mga Kristiyano sa kongregasyon sa Roma, na “may pananampalatayang gaya ng kay Abraham.”​—Ro 4:16.

tumatawag sa mga bagay na wala, na para bang umiiral ang mga iyon: Ganito inilarawan ang Diyos dahil siguradong matutupad ang mga layunin niya. (Isa 55:10, 11) Ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang pangako ng Diyos kay Abram na siya ay “magiging ama ng maraming bansa,” kahit na wala pa silang anak noon ni Sarai. (Gen 17:4-6) Para bang matagal nang umiiral ang mga anak at inapo ni Abraham bago pa man sila ipanganak. Ang pariralang Griego na ito sa dulo ng talata 17 ay puwede ring isaling “nagpapairal sa mga bagay na hindi umiiral.” Idiniriin ng saling iyan ang kakayahang lumalang ng Diyos, na siguradong ginamit niya para si Abraham ay maging “ama ng maraming bansa.”

mga supling: Tingnan ang study note sa Ro 4:13.

baog si: O “patay ang sinapupunan ni.” Ang salitang Griego na neʹkro·sis ay kaugnay ng pandiwang ne·kroʹo, na ginamit sa simula ng pangungusap at isinaling parang patay. Baog si Sara (Sarai), pero makahimalang naibalik ang kakayahan niyang magkaanak kahit napakatanda na niya. (Gen 11:30; 18:11) Sinabi rin ni Pablo na si Abraham ay “para na ring patay.” (Heb 11:11, 12) Kaya sa diwa, parehong naranasan nina Abraham at Sara ang isang bagay na maikukumpara sa pagkabuhay-muli nang maibalik ang kakayahan nilang magkaanak.​—Gen 18:9-11; 21:1, 2, 12; Ro 4:20, 21.

nanghina: Ang salitang Griego na di·a·kriʹno ay tumutukoy sa isa na hindi sigurado, nagdadalawang-isip, o hindi makapagdesisyon. Ang salitang Griego na ito ay isinasalin ding “mag-alinlangan.”​—Mat 21:21; Mar 11:23; Gaw 10:20; 11:12; San 1:6.

itinuring: Tingnan ang study note sa Ro 4:3.

Media