Liham sa mga Taga-Roma 5:1-21

5  Kaya ngayong ipinahayag na tayong matuwid dahil sa pananampalataya,+ panatilihin nawa natin ang mapayapang kaugnayan sa Diyos, na natamo natin sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo;+ 2  dahil nanampalataya tayo sa kaniya, nabuksan ang daan para makatanggap tayo ng walang-kapantay na kabaitan, na tinatamasa natin ngayon.+ Magsaya rin tayo dahil sa pag-asang tumanggap ng kaluwalhatian mula sa Diyos.+ 3  Hindi lang iyan. Magsaya rin tayo habang nagdurusa,+ dahil alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng kakayahang magtiis;*+ 4  ang kakayahang magtiis* naman, ng pagsang-ayon ng Diyos;*+ ang pagsang-ayon ng Diyos, ng pag-asa,+ 5  at hindi mabibigo ang pag-asa natin;+ dahil ang ating puso ay pinuno ng Diyos ng kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng banal na espiritu na ibinigay niya sa atin.+ 6  Sa katunayan, noong mahina pa tayo,+ namatay si Kristo sa itinakdang panahon para sa mga di-makadiyos. 7  Bihirang mangyari na may handang mamatay para sa isang matuwid na tao; baka mayroon pa para sa isang mabuting tao. 8  Pero ipinakita* sa atin ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa ganitong paraan: Namatay si Kristo para sa atin habang makasalanan pa tayo.+ 9  At dahil ipinahayag na tayong matuwid sa bisa ng kaniyang dugo,+ mas makakatiyak tayo na makaliligtas tayo sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos.+ 10  Dahil kung noong mga kaaway pa tayo ng Diyos ay naipagkasundo na tayo sa kaniya sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak,+ lalo pa nga tayong makakatiyak, ngayong naipagkasundo na tayo, na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay. 11  Nagsasaya rin tayo dahil sa kaugnayan natin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na naging daan para maipagkasundo tayo sa Diyos.+ 12  Kaya sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan,+ kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.+ 13  Dahil nasa sangkatauhan* na ang kasalanan bago pa magkaroon ng Kautusan, pero walang nahahatulang nagkasala kapag walang kautusan.+ 14  Gayunpaman, ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga hindi nakagawa ng pagkakasalang gaya ng kay Adan, na may pagkakatulad sa isa na darating.+ 15  Pero ang regalo ng Diyos ay hindi katulad ng nagawang pagkakasala. Dahil kung namatay ang marami dahil sa pagkakasala ng isang tao, nakinabang naman nang malaki ang* marami+ dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos at sa kaniyang walang-bayad na regalo. Ibinigay ang regalong ito sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ng isang tao, si Jesu-Kristo.+ 16  Isa pa, ang mga pakinabang mula sa walang-bayad na regalo ay ibang-iba sa resulta ng pagkakasala ng isang tao.+ Dahil sa isang pagkakasala, nahatulang may-sala ang lahat ng tao,+ pero dahil sa regalong ibinigay matapos ang maraming pagkakasala, naipahayag na matuwid ang maraming tao.+ 17  Kung dahil sa pagkakasala ng isang tao ay naghari ang kamatayan, sa pamamagitan naman ng isang tao,+ si Jesu-Kristo, mabubuhay at mamamahala bilang hari+ ang mga tumatanggap ng walang-kapantay na kabaitan at walang-bayad na regalo ng katuwiran*+ na saganang ibinibigay ng Diyos.+ 18  Kaya nga kung sa pamamagitan ng isang pagkakasala, ang lahat ng uri ng tao ay nahatulan,+ sa pamamagitan naman ng isang matuwid na gawa, ang lahat ng uri ng tao+ ay naipahahayag na matuwid para sa buhay.+ 19  Dahil lang sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging makasalanan,+ pero dahil sa pagkamasunurin ng isang tao, marami ang magiging matuwid.+ 20  At nagkaroon ng Kautusan para mas makita ng mga tao na makasalanan sila.+ Pero habang dumarami ang kasalanan, lalo ring sumasagana ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 21  Bakit? Para kung paanong naghari ang kasalanan kasama ng kamatayan,+ makapaghari din ang walang-kapantay na kabaitan nang may katuwiran at mabuksan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon.+

Talababa

O “ng pagbabata.”
O “ng sinang-ayunang kalagayan.”
O “ang pagbabata.”
O “inirerekomenda.”
O “sanlibutan.”
O “nag-uumapaw naman ang pakinabang ng.”
Tingnan sa Glosari.

Study Notes

panatilihin nawa natin ang mapayapang kaugnayan: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “mayroon tayong mapayapang kaugnayan.”

Magsaya: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “nagsasaya.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “magmalaki.”

Magsaya: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang mababasa ay “nagsasaya.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “magmalaki.”

kakayahang magtiis: Ang pangngalang Griego na hy·po·mo·neʹ ay ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa “pagtitiis” na may kasamang lakas ng loob, paninindigan, at pagtitiyaga. Ang ganitong tao ay hindi nawawalan ng pag-asa kahit may mga hadlang, pag-uusig, pagsubok, o tukso. Ang kaugnay na pandiwa na hy·po·meʹno, na isinasaling “magtiis,” ay literal na nangangahulugang “manatili sa ilalim.” Karaniwan na, nangangahulugan itong “pananatili sa halip na pagtakas; paninindigan; pagtitiyaga; pananatiling matatag.” (Mat 10:22; Ro 12:12; Heb 10:32; San 5:11) Kapag nakakapagtiyaga at nakakapanindigan ang isang Kristiyano sa tulong ng Diyos, napapatunayan niyang may kakayahan siyang magtiis.

pag-asa: Sa Bibliya, ang salitang Griego na ginamit dito na el·pisʹ ay nangangahulugang “paghihintay sa mabuti.” Sa kontekstong ito, binanggit muna ni Pablo ang pagdurusa, pagtitiis, at pagsang-ayon ng Diyos bago niya binanggit ang pag-asa. Kaya ang tinutukoy niya ay hindi ang pag-asa ng isa nang una nitong malaman ang mabuting balita mula sa Diyos. Sa halip, ang tinutukoy niya ay ang mas matibay na pag-asa ng isang Kristiyano matapos siyang makapagtiis ng pagsubok. Kapag nakakapagtiis ang isang Kristiyano ng pagsubok, nakakatiyak siyang may pagsang-ayon siya ng Diyos. Dahil dito, tumitibay ang pag-asa niya.​—Heb 6:11.

hindi mabibigo: Ang pariralang Griego dito, na pangunahin nang nangangahulugang “hindi mapapahiya,” ay nagpapakitang hindi mapapahiya o mabibigo ang taong may tunay na pananampalataya sa Diyos. Ginamit sa Ro 9:33; 10:11; 1Pe 2:6 ang anyong passive ng pandiwang Griego sa pariralang ito.

mga di-makadiyos: O “mga walang galang sa Diyos.” Madalas gamitin ang terminong ito para tumukoy sa masasamang tao (2Pe 2:5; Jud 4), pero dito, tumutukoy ito sa lahat ng makasalanang tao na malayo sa Diyos pero puwedeng tubusin.​—Col 1:21.

naipagkasundo: Ang pandiwang Griego na ka·tal·lasʹso, na dalawang beses ginamit sa talatang ito at dalawang beses din sa 2Co 5:18, 19, ay pangunahin nang nangangahulugang “magbago; makipagpalitan.” Nang maglaon, nangangahulugan na itong “maging magkaibigan mula sa pagiging magkaaway.” Kapag ginagamit ito para sa kaugnayan ng tao sa Diyos, tumutukoy ito sa pagkakaroon ulit ng magandang kaugnayan sa kaniya. Ginamit ni Pablo ang pandiwang ito para tumukoy sa ‘pakikipagkasundo’ ng isang babae sa asawa niya pagkatapos nilang maghiwalay. (1Co 7:11) Ang kaugnay na pandiwang di·al·lasʹso·mai ay ginamit sa Mat 5:24 para sa utos ni Jesus na ‘makipagkasundo sa kapatid’ bago mag-alay ng handog sa altar. (Tingnan ang study note sa Mat 5:24.) Kailangang makipagkasundo ng mga tao sa Diyos dahil ang unang tao, si Adan, ay naging masuwayin at naipasa niya ang kasalanan at pagiging di-perpekto sa lahat ng inapo niya. Kaya ang mga tao ay napalayo sa Diyos at naging kaaway niya, dahil labag sa pamantayan niya na kunsintihin ang mga pagkakasala.​—Ro 5:12; 8:7, 8.

dahil silang lahat ay nagkasala: Sa talatang ito, ipinaliwanag ni Pablo kung paano lumaganap ang kasalanan at kamatayan sa lahat ng tao. Ang paliwanag na ito ay kaayon ng pinakatema ng aklat ng Roma: Hindi nagtatangi ang Diyos, at binibigyan niya ng pag-asang maligtas ang lahat ng makasalanang tao na nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Ipinaliwanag ni Pablo na ang mga Judio at di-Judio ay parehong makasalanan at kailangang manampalataya sa Diyos na Jehova at sa pantubos ng kaniyang Anak para maging matuwid sila sa paningin ng Diyos. (Ro 1:16, 17) Ang salitang Griego para sa “sanlibutan” ay isinalin ditong sangkatauhan. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Sa ibang salin ng talatang ito, may gatlang sa dulo (may gatlang din sa ilang akademikong edisyon ng tekstong Griego), na nagpapakitang naputol ang pangangatuwiran dito ni Pablo, at lumilitaw na ang karugtong nito ay nasa talata 18. Kaya lumilitaw na ito ang buong ideya: Sa talata 12, sinimulan ni Pablo ang pangangatuwiran niya sa paglalarawan kay Adan (“sa pamamagitan ng isang tao,” ang lahat ay naging makasalanan) at tinapos niya ito sa talata 18 (“sa pamamagitan naman ng isang matuwid na gawa, ang lahat ng uri ng tao ay naipahahayag na matuwid para sa buhay”) at sa talata 19. Ibig sabihin, dahil sa katapatan ni Jesus hanggang kamatayan, naging posible para sa marami na maging matuwid at maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya nila.

ang kamatayan ay namahala bilang hari: Dito, inilalarawan ang kamatayan bilang “hari” na namamahala sa mga tao mula pa noong panahon ni Adan; kasabay nitong namamahala ang isa pang “hari,” ang kasalanan. (Ro 6:12) Ipinapatupad ng mga haring ito ang “kautusan” nila sa mga tao, o mayroon silang malakas na impluwensiya sa mga ito. Ibig sabihin, ang pagiging di-perpekto ng mga tao ay nagtutulak sa kanila na magkasala, at nagbubunga ito ng kamatayan. (Ro 7:23; tingnan ang study note sa Ro 8:2.) Pero nang dumating si Kristo sa lupa at mailaan ang pantubos, ang walang-kapantay na kabaitan na ang naghari sa mga tumatanggap sa regalo ng Diyos at nabuksan ang “daan tungo sa buhay na walang hanggan.”​—Ro 5:15-17, 21.

namahala bilang hari: Sa maraming salin, ang pandiwang Griego na ginamit dito, ba·si·leuʹo, ay tinutumbasan lang ng “mamahala.” Angkop din naman ang saling iyon (Mat 2:22), pero ang pandiwang ito ay kaugnay ng pangngalang Griego para sa “hari,” ba·si·leusʹ. Kaya puwede rin itong isaling “mamahala bilang hari; maghari.” (Luc 19:14, 27) Ginagamit ito kay Jesu-Kristo (Luc 1:33; 1Co 15:25) at sa Diyos na Jehova (Apo 11:15, 17; 19:6), na namamahala bilang mga hari sa langit. Ginagamit din ito sa tapat na mga pinahirang Kristiyano, na may pag-asang ‘pamahalaan ang lupa bilang mga hari.’ (Apo 5:10; 20:4, 6; 22:5; Ro 5:17b) Pero sa kontekstong ito, ginamit ito ni Pablo para sa kasalanan, kamatayan, at walang-kapantay na kabaitan.

na may pagkakatulad sa isa na darating: Ang unang tao, si Adan, ay may pagkakatulad kay Jesu-Kristo, na ang pagdating ay ipinangako ng Diyos na Jehova sa hardin ng Eden bago niya hatulan sina Adan at Eva. (Gen 3:15) Sina Adan at Jesus ay parehong perpektong tao. Pareho din silang ama; si Adan ay ama ng makasalanang mga tao. (Gen 1:28) Ama rin si Jesus dahil siya ang Punong Kinatawan ng Diyos para sa buhay at ang “Walang-Hanggang Ama” ng masunuring mga tao. (Isa 9:6; Gaw 3:15) Sumuway si Adan sa Diyos kaya naging ama siya ng mga makasalanan; ang kanilang Manunubos, si Jesus, ay kailangang maging perpektong tao gaya ni Adan para matubos sila sa kasalanan. Kaayon ito ng prinsipyong “buhay para sa buhay.” (Deu 19:21) Kaya sinabi ni Pablo sa 1Co 15:45: “Nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng buhay.’ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.” Ang salitang Griego na isinaling “pagkakatulad” ay tyʹpos, na literal na nangangahulugang “parisan,” kaya ang pariralang “may pagkakatulad sa isa” ay puwede ring isaling “parisan ng isa.” Pero pagdating sa pagsunod, ibang-iba si Jesus kay Adan; lubusang sumunod si Jesus kay Jehova, samantalang naging rebelde at masuwayin naman si Adan.

naipahayag na matuwid: O “nabigyang-katuwiran.”​—Tingnan ang study note sa Ro 5:18.

isang matuwid na gawa: O “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran.” Ang salitang Griego na di·kaiʹo·ma ay puwedeng tumukoy sa paggawa ng isang bagay na nakaaabot sa pamantayan ng kung ano ang tama at makatarungan. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa perpektong katapatan ni Jesus sa Diyos sa buong buhay niya, kasama na ang paghahandog niya ng buhay. Si Jesus lang ang tao na perpektong nakaabot sa pamantayan ng Diyos sa pagiging matuwid sa harap ng mga pagsubok. Dahil sa kaniyang “matuwid na gawa,” kinilala siyang matuwid ng Diyos at naging kuwalipikado siya sa atas sa kaniya ng Diyos bilang Hari at Saserdote sa langit. Dahil din diyan, puwedeng maipahayag na matuwid ang mga nananampalataya sa kaniya.​—Ro 3:25, 26; 4:25; 5:17-19.

Media