Liham sa mga Taga-Roma 9:1-33

9  Bilang tagasunod ni Kristo, nagsasabi ako ng totoo; hindi ako nagsisinungaling, at sa pamamagitan ng banal na espiritu, nagpapatotoo ang konsensiya ko 2  na labis akong namimighati at hindi nawawala ang kirot sa puso ko. 3  Kung puwede lang sana, ako na lang ang mapalayo sa Kristo bilang isa na isinumpa sa halip na ang mga kapatid ko, ang mga kamag-anak ko, 4  na mga Israelita. Inampon sila bilang mga anak+ at tumanggap ng kaluwalhatian, ng mga tipan,+ ng Kautusan,+ ng pribilehiyong maglingkod,+ at ng mga pangako.+ 5  Sila rin ay nanggaling sa mga ninuno+ na pinagmulan ng Kristo.+ Purihin nawa magpakailanman ang Diyos na namamahala sa lahat. Amen. 6  Hindi naman ibig sabihin nito na nabigo ang salita ng Diyos. Dahil hindi lahat ng nagmumula kay Israel ay talagang Israelita.+ 7  Hindi rin lahat sa kanila ay mga anak kahit pa supling sila ni Abraham;+ dahil ang sabi, “Kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.”+ 8  Ibig sabihin, ang mga anak sa laman ay hindi talaga mga anak ng Diyos,+ kundi ang mga anak sa pamamagitan ng pangako+ ang siyang ibibilang na supling. 9  Dahil ito ang pangako: “Sa ganitong panahon, darating ako, at si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.”+ 10  Pero hindi lang noon ibinigay ang pangako, kundi noon ding magdalang-tao ng kambal si Rebeka kay Isaac, na ninuno natin;+ 11  dahil noong hindi pa sila ipinanganganak at wala pa silang nagagawang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kung sino ang pinili niya, para maipakitang ang pagpili ay nakadepende, hindi sa mga gawa, kundi sa Isa na tumatawag; 12  sinabi sa babae: “Ang nakatatanda ay magiging alipin ng nakababata.”+ 13  Gaya nga ng nasusulat: “Inibig ko si Jacob, pero kinapootan ko si Esau.”+ 14  Ibig bang sabihin, hindi makatarungan ang Diyos? Hindi naman!+ 15  Dahil sinabi niya kay Moises: “Kaaawaan ko ang mga gusto kong kaawaan, at kahahabagan ko ang mga gusto kong kahabagan.”+ 16  Kaya nga, nakadepende ito, hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng isang tao, kundi sa Diyos na maawain.+ 17  Dahil sinasabi sa Kasulatan tungkol sa Paraon: “Pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.”+ 18  Kaya kinaaawaan niya ang mga gusto niyang kaawaan, pero hinahayaan niya ang iba na patigasin ang puso nila.+ 19  Kaya sasabihin mo sa akin: “Bakit humahanap pa siya ng mali? Sino na ba ang nakasalungat sa kalooban niya?” 20  Pero sino ka, O tao, para sumagot sa Diyos?+ Sasabihin ba ng isang bagay na hinubog sa isa na humubog sa kaniya: “Bakit mo ako ginawang ganito?”+ 21  Hindi ba may awtoridad ang magpapalayok na gumawa ng isang espesyal* na sisidlan at isang pangkaraniwang* sisidlan mula sa iisang limpak ng putik?*+ 22  Kaya ano ang problema kung pinagtitiisan ng Diyos ang mga sisidlan ng poot na karapat-dapat wasakin, kahit na kalooban niyang ipakita ang kaniyang poot at kapangyarihan? 23  At kung ginawa ito ng Diyos para maihayag ang kaniyang saganang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa,+ na patiuna niyang inihanda para luwalhatiin, 24  samakatuwid nga ay tayo, na tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa ibang mga bansa,+ sino ang puwedeng kumuwestiyon dito? 25  Gaya rin ito ng sinasabi niya sa Oseas: “Ang hindi ko bayan+ ay tatawagin kong ‘bayan ko,’ at ang babaeng hindi minahal ay tatawagin kong ‘mahal’;+ 26  at sa lugar kung saan sinabi ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo bayan,’ doon ay tatawagin silang ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”+ 27  Bukod diyan, inihayag din ni Isaias tungkol sa Israel: “Kahit ang mga Israelita ay kasindami ng buhangin sa dagat, ang maliit na grupo lang na naiwan ang maliligtas.+ 28  Dahil maglalapat si Jehova ng hatol sa lupa, at tatapusin niya ito agad.”+ 29  Inihula pa ni Isaias: “Kung hindi nagligtas ng supling natin si Jehova ng mga hukbo, naging gaya na tayo ng Sodoma at naging katulad ng Gomorra.”+ 30  Kaya ano ang masasabi natin? Na ang mga tao ng ibang mga bansa, kahit hindi nagsisikap na maging matuwid,+ ay naging matuwid sa harap ng Diyos dahil sa pananampalataya;+ 31  pero ang Israel, kahit nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa tunguhin ng kautusang iyon. 32  Bakit? Dahil sinikap nilang maging matuwid sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa “batong katitisuran”;+ 33  gaya ng nasusulat: “Tingnan ninyo! Maglalagay ako sa Sion ng isang batong+ katitisuran at isang malaking bato na haharang sa kanilang landas, pero ang mananampalataya rito ay hindi mabibigo.”+

Talababa

Lit., “marangal.”
Lit., “walang-dangal na.”
O “luwad.”

Study Notes

mapalayo . . . bilang isa na isinumpa: Ibig sabihin, isinumpa ng Diyos. Gumagamit dito si Pablo ng eksaherasyon. Sinasabi niya rito na handa niyang tanggapin ang sumpa ng Diyos na para sana sa mga kapatid niya, ang mga di-sumasampalatayang Judio, na nagtakwil sa ipinangakong Mesiyas. (Ihambing ang Gal 3:13.) Pero ang ibig niya talagang sabihin ay handa niyang ibigay ang buong makakaya niya para makinabang sila sa pagliligtas ng Diyos.

Inampon sila bilang mga anak: Ang ekspresyong ito ay ginamit sa makasagisag na paraan para sa likas na mga Israelita. Dito, lumilitaw na tumutukoy ito sa kanilang espesyal na katayuan habang may bisa pa ang pakikipagtipan sa kanila ng Diyos bilang kaniyang bayan. Kaya sa Hebreong Kasulatan, ang likas na Israel ay tinutukoy minsan bilang anak o mga anak ng Diyos. (Exo 4:22, 23; Deu 14:1, 2; Isa 43:6; Jer 31:9; Os 1:10; 11:1) Pero magiging totoong anak lang ng Diyos ang isa kapag nailaan na ang pantubos sa pamamagitan ni Kristo Jesus at kung tatanggapin niya ang kaayusang ito ng Diyos at mananampalataya rito.​—Ju 1:12, 13; 2Co 6:16-18; Gal 4:4, 5.

maglingkod: O “mag-ukol ng sagradong paglilingkod; sumamba.” Dito, tumutukoy ito sa paglilingkod na nasa tipang Kautusan. Sa Heb 9:1, 6, ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para tumukoy sa pagsamba sa tabernakulo, kung saan nag-aalay ng mga handog para sa Israel noong may bisa pa ang tipang Kautusan. Sa Ro 12:1, ginamit din ni Pablo ang ekspresyong ito para tumukoy naman sa pagsamba ng mga Kristiyano.​—Tingnan ang study note sa Ro 12:1.

Purihin nawa magpakailanman ang Diyos na namamahala sa lahat: Tumutukoy ito sa Diyos na Jehova; isa itong panghihikayat na purihin siya sa lahat ng ginawa niya para sa kaniyang bayan, kasama na ang mga naunang binanggit sa ulat na ito. Pero sa pagkakasalin ng ibang bersiyon, pinalitaw na si Kristo ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Halimbawa, ang mababasa ay “si Kristo, ang Diyos na namamahala sa lahat.” Posible ang ganiyang salin kung gramatika lang ang pagbabatayan, pero kailangan ding tingnan ang konteksto. Binanggit sa naunang talata ang paglalaan ng Diyos sa bayan niya. Tingnan din ang sinasabi sa Ro 9:6-13. Ipinapakita ng mga talatang ito na ang katuparan ng layunin ng Diyos ay nakadepende, hindi sa pinagmulang lahi ng isa, kundi sa kalooban ng Diyos. Sinipi naman sa talata 14-18 ang mensahe ng Diyos sa Paraon, na nakaulat sa Exo 9:16, para idiin na ang Diyos ang namamahala sa lahat. At sa talata 19-24, lalo pang idiniin ang pagiging kataas-taasan ng Diyos gamit ang ilustrasyon tungkol sa magpapalayok at mga sisidlang luwad na ginagawa niya. Kaya kung titingnan ang konteksto, lohikal na sabihin ni Pablo na ‘ang Diyos ang namamahala sa lahat.’ Kapansin-pansin din na sa mga isinulat ni Pablo, pinakamadalas niyang gamitin ang ganitong mga ekspresyon ng papuri, hindi para kay Kristo Jesus, kundi sa Diyos. (Ro 11:34-36; 16:27; Gal 1:4, 5; Fil 4:20; 1Ti 1:17) Malinaw na ipinakita ni Pablo na magkaiba si Jesus at ang Diyos na Jehova, gaya sa Ro 15:5, 6, kung saan hinihimok niya ang kapuwa niya mga Kristiyano na ‘luwalhatiin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.’ (2Co 1:3; Efe 1:3) Ang saling ito sa Ro 9:5 ay malinaw ding sinusuportahan ng sinabi ni Pablo sa 1Co 15:27, 28.​—Para sa higit pang paliwanag sa Ro 9:5, tingnan ang Kingdom Interlinear, Ap. 2D, “God, Who Is Over All.”

Amen: Ang terminong ito ay madalas gamitin ng mga manunulat ng mga liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para maghayag ng papuri sa Diyos.​—Ro 16:27; Efe 3:21; 1Pe 4:11; tingnan ang study note sa Ro 1:25.

supling: O “mga inapo.” Lit., “binhi.”​—Tingnan ang Ap. A2.

supling: Tingnan ang study note sa Ro 9:7.

hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng isang tao: Lit., “hindi sa isa na nagnanais o sa isa na tumatakbo.” Ang literal na ekspresyong “isa na tumatakbo” ay ginamit dito sa makasagisag na paraan at tumutukoy sa isa na nagsisikap umabot ng isang tunguhin. Sa mga liham ni Pablo, madalas niyang gamitin ang ilustrasyon tungkol sa isang mananakbo. (1Co 9:24-26; Gal 5:7; Fil 2:16) Nang talakayin ni Pablo ang tungkol sa pagpili ng Diyos sa espirituwal na Israel, ipinaliwanag niya na ang likas na Israel ay umasa sa kanilang pagiging inapo ni Abraham at sa pagsisikap nilang maging “matuwid” sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ni Moises. Tumatakbo sila, o “nagsisikap na maging matuwid,” sa maling paraan. (Ro 9:30-32) Kailangang umasa ng mga miyembro ng tunay na “Israel,” hindi sa sarili nilang pagsisikap o tagumpay, kundi sa awa ng Diyos. (Ro 9:6, 7) Totoo, kailangan nilang ibigay ang buo nilang makakaya sa paglilingkod sa Diyos, pero kung wala ang awa ng Diyos, wala ring kabuluhan ang pagsisikap nila.

sinasabi sa Kasulatan tungkol sa Paraon: Lit., “sinasabi ng Kasulatan sa Paraon.” Sa kasunod na bahagi, sumipi si Pablo mula sa Exo 9:16. Bahagi ito ng mensahe na iniutos ni Jehova kay Moises na sabihin sa Paraon ng Ehipto. (Exo 9:13-19) Pero sa pagkakasabi dito ni Pablo, para bang ang “Kasulatan” ang direktang nakikipag-usap sa Paraon. Ganito rin ang istilong ginamit ni Pablo sa Ro 3:19 (tlb.), kung saan sinabi niya: “Lahat ng bagay na sinasabi ng Kautusan ay para sa mga nasa ilalim ng Kautusan.” Angkop lang ang paggamit ng personipikasyon sa ganitong mga konteksto, dahil ang Hebreong Kasulatan, kasama na ang Kautusan, ay salita ng Diyos—sa diwa, ang Diyos mismo ang nagsasalita. Gumamit din si Jesus ng personipikasyon para sa banal na espiritu ng Diyos. Halimbawa, sinabi niya na ito ay “magtuturo” at “magpapatotoo.”​—Ju 14:26; 15:26.

Pinanatili kitang buháy: Sa maraming bersiyon, isinalin itong “Itinaas kita,” na para bang ang Diyos mismo ang nagtalaga sa kaniya bilang Paraon. Pero sinipi dito ni Pablo ang Exo 9:16, kung saan malinaw sa konteksto ang ibig sabihin nito. Nang ipaalám ng Diyos ang tungkol sa ikapitong salot, sinabi niya sa Paraon: “Kung tutuosin, puwede kong gamitin ang kapangyarihan ko para padalhan ka . . . ng matinding sakit, at nabura ka na sana sa lupa.” (Exo 9:15) Pero hindi pinatay ng Diyos ang Paraon. Sa halip, sinabi ni Jehova: “Pinanatili kitang buháy [o “Hinayaan kitang manatili”; lit., “Pinanatili kitang nakatayo”].” (Exo 9:16) Kapansin-pansin din na sa Griegong Septuagint, isinalin itong “Pinanatili kang buháy.” Kaya batay sa konteksto ng Hebreong Kasulatan at sa salin ng Septuagint, ang terminong Griego na ito sa Ro 9:17 ay nangangahulugang pinanatiling buháy ng Diyos ang Paraon hanggang sa maipakita Niya ang Kaniyang kapangyarihan.

para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa: Sinipi dito ni Pablo ang Exo 9:16. Bahagi ito ng ipinasabi ni Jehova kay Moises sa Paraon pagkatapos ng ikaanim na salot. (Exo 9:8-15) Sa Bibliya, ang salitang “pangalan” ay tumutukoy kung minsan sa mismong indibidwal, sa reputasyon niya, at sa lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili. (Exo 34:5, 6; tingnan ang study note sa Mat 6:9; Ju 17:6, 26.) Laging idinidiin sa Bibliya ang pagpapabanal at pagbabangong-puri sa pangalan ng Diyos. Halimbawa, nanalangin ang salmista: “Malaman nawa ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Aw 83:18) Sa aklat ng Ezekiel, mahigit 50 beses na mababasa ang sinabing ito ni Jehova: “Malalaman [ng mga tao] na ako si Jehova.” (Eze 6:7; 38:23) Tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na ipanalanging pabanalin ang pangalan ng Diyos. (Mat 6:9) Pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ihayag sa mga tao ang pangalan ng Diyos (Heb 13:15), at mababasa sa Apo 15:4: “O Jehova, sino ang hindi matatakot sa iyo at luluwalhati sa pangalan mo?”

magpapalayok: Gumagawa ng luwad na lutuan, pinggan, at iba pang sisidlan. Ang terminong Griego na ke·ra·meusʹ ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maghalo,” na posibleng tumutukoy sa paghahalo ng tubig sa lupa o luwad bago ito gamitin. Ang salitang Hebreo para sa magpapalayok (yoh·tserʹ) ay literal na nangangahulugang “tagahulma.” Sa Hebreong Kasulatan, maraming beses na ginamit ang awtoridad, o karapatan, ng magpapalayok sa luwad para ilarawan ang karapatan ng Diyos na mamahala sa lahat ng indibidwal at bansa.​—Isa 29:16; 45:9; 64:8; Jer 18:1-12.

sisidlan: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang ilustrasyon niya tungkol sa magpapalayok. (Tingnan ang study note sa Ro 9:21.) Ang salitang Griego na skeuʹos ay literal na tumutukoy sa anumang klase ng sisidlan. Pero sa Kasulatan, madalas itong gamitin para tumukoy sa mga tao. (Gaw 9:15, tlb.; 2Ti 2:20, tlb.) Halimbawa, ang mga Kristiyano ay inihalintulad sa mga sisidlang luwad na pinagkatiwalaan ng isang mahalagang kayamanan, ang ministeryo. (2Co 4:1, 7) Sa konteksto ng Ro 9:21-23, makikita na hindi pa pinupuksa ng Diyos ang masasamang tao, o ang mga sisidlan ng poot, para maligtas ang mga wastong nakaayon. Magbibigay ito sa kanila ng sapat na panahon para mahubog ng Diyos at maging “mga sisidlan ng awa.”​—Ro 9:23.

inihayag din ni Isaias tungkol sa Israel: Dito at sa sumunod na talata, sumipi si Pablo mula sa Isa 10:22, 23. Mababasa sa mga talatang ito ang hulang natupad noong 607 B.C.E., kung kailan ginamit ni Jehova ang Imperyo ng Babilonya para ilapat ang hatol niya sa Israel. Sinakop nila ang buong lupain, kasama na ang Jerusalem. Ang mga Judio ay naging bihag sa Babilonya nang 70 taon. Pagkatapos nito, “isang maliit na grupo lang” ang bumalik sa Jerusalem para ibalik ang tunay na pagsamba. Sa liham na ito ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinakita niya na nagkaroon pa ng katuparan ang hulang ito noong unang siglo C.E. Nang panahong iyon, isang “maliit na grupo” lang ng mga Judio ang naging tagasunod ni Jesus at nanumbalik kay Jehova sa espirituwal. (Ro 11:4, 5) Nang maglaon, may sumama sa kanilang mga mánanampalatayáng Gentil, at nabuo ang isang espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.”​—Gal 6:16.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 10:23, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

tatapusin niya ito agad: O “mabilis at lubusan niya itong isasagawa.” Dito, sumipi si Pablo mula sa salin ng Septuagint sa Isa 10:22, 23. Natupad ang hulang ito sa Jerusalem noong 607 B.C.E. at 70 C.E., kung kailan mabilis at lubusang inilapat ni Jehova ang hatol niya.

supling: Tingnan ang study note sa Ro 9:7.

Jehova: Sa pagsiping ito sa Isa 1:9, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.​—Tingnan ang Ap. C.

Jehova ng mga hukbo: Ang ekspresyong ito ay mula sa Hebreong Kasulatan, kung saan ginamit ito at ang kahawig nitong mga ekspresyon nang 283 beses, at ang unang paglitaw nito ay sa 1Sa 1:3. Kombinasyon ito ng Tetragrammaton at ng salitang Hebreo para sa “mga hukbo,” tseva·ʼohthʹ. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dalawang beses lumitaw ang Griegong katumbas ng ekspresyong ito, dito at sa San 5:4. Sina Pablo at Santiago ay parehong sumipi o bumanggit ng mga hula mula sa Hebreong Kasulatan. Sa mga talatang iyon, ginamit ang Sa·ba·othʹ, transliterasyon sa Griego ng salitang Hebreo na tseva·ʼohthʹ, “mga hukbo.” Sa mga manuskritong Griego, ang literal na mababasa ay “Panginoong Sabaoth” (sa Griego, Kyʹri·os Sa·ba·othʹ), pero sinasabi ng isang diksyunaryo na ang Sa·ba·othʹ ay “isang katawagan para sa Diyos . . . =יהוה צְבָאוֹת [YHWH tseva·ʼohthʹ] Yahweh Panginoon ng mga Hukbo, Panginoon ng mga Laksa-laksa.” (A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, Ikatlong Edisyon) Mababasa sa Ap. C1 ang iba pang dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalang Jehova sa mismong teksto.

mga hukbo: O “makalangit na mga hukbo.” Ang terminong Griego na Sa·ba·othʹ ay isang transliterasyon ng salitang Hebreo na tseva·ʼohthʹ, ang anyong pangmaramihan ng tsa·vaʼʹ, na pangunahin nang tumutukoy sa literal na hukbo. (Gen 21:22; Deu 20:9; tingnan ang study note sa Jehova ng mga hukbo sa talatang ito.) Lumilitaw na ang “mga hukbo” dito ay pangunahin nang tumutukoy sa mga anghel. Kaya ang ekspresyong “Jehova ng mga hukbo” ay nagdiriin sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso, na may awtoridad sa napakalaking hukbo ng mga espiritung nilalang. (Aw 103:20, 21; 148:1, 2; Isa 1:24; Jer 32:17, 18) Pero may nagsasabi rin na ang “mga hukbo” sa ekspresyong “Jehova ng mga hukbo” ay hindi lang tumutukoy sa mga anghel, kundi pati sa mga sundalong Israelita at walang-buhay na mga nilalang sa langit, gaya ng bituin.

rito: Tumutukoy sa makasagisag na bato sa Isa 28:16, na sinipi ni Pablo. Ang bato ay tumutukoy kay Jesu-Kristo, gaya ng makikita sa konteksto ng Ro 10:11 at 1Pe 2:6 na parehong sumipi sa hula ni Isaias. Kaya ang Griegong panghalip na ginamit dito ay puwede ring isaling “sa kaniya.” Ganiyan ang pagkakasalin sa Ro 10:11, kung saan sinipi ni Pablo ang isang bahagi ng hulang ito sa Isaias pero hindi niya binanggit ang “bato.” Kaya ipinapakita ng mga ipinasulat ng Diyos kina Isaias, Pablo, at Pedro na ang sinumang nananampalataya kay Jesus ay tiyak na hindi mabibigo.

hindi mabibigo: Dito, sinipi ni Pablo ang salin ng Septuagint sa Isa 28:16. Ang pariralang Griego na ito ay pangunahin nang nangangahulugang “hindi mahihiya (mapapahiya).” Idiniriin nito na ang mga nananampalataya kay Jesu-Kristo, ang makasagisag na bato sa hula ni Isaias, ay hindi mapapahiya at mabibigo, di-gaya ng iba na walang saysay ang pananampalataya. Ito rin ang ekspresyong ginamit sa Ro 10:11 at 1Pe 2:6.

Media