Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)

C3

Mga Talata sa Juan Kung Saan Lumitaw ang Pangalan ni Jehova Kahit Hindi Mula sa Tuwiran o Di-tuwirang Pagsipi

JUAN 12:38a “Jehova, sino ang nanampalataya . . . ?”

DAHILAN: Sa pagsiping ito mula sa Isaias 53:1, isang beses lang lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo ang pangalan ng Diyos, sa pariralang “kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya?” Pero sa patnubay ng Diyos, sumipi si Juan sa salin ng Septuagint ng hulang ito ni Isaias, kung saan ang tekstong Griego ay nagsimula sa anyo ng salitang Kyʹri·os (Panginoon) na ginagamit sa pakikipag-usap sa Diyos. (Tingnan ang Roma 10:16, na sumipi rin sa Isaias 53:1.) Posibleng idinagdag ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang unang paglitaw ng pangalan ng Diyos para maging malinaw sa mga mambabasa na ang Diyos ang tinatanong ng propeta. Ang Kyʹri·os sa mas bagong mga kopya ng Septuagint ay kadalasan nang ipinampapalit sa Tetragrammaton na lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo (gaya ng ginawa sa pangalawang paglitaw ng Kyʹri·os sa pagsiping ito). Kaya ginamit sa saling ito ang pangalan ng Diyos.—Tingnan ang Juan 12:38b.

REPERENSIYA:

  • Sinabi ng The Bible Commentary, na inedit ni F. C. Cook, 1981 reprint, tungkol sa unang paglitaw ng “Panginoon” sa Roma 10:16 na sinipi rin mula sa Isaias 53:1: “Ipinapakita ng salitang ‘Panginoon,’ na idinagdag dito at sa mga bersiyong Griego ng Isai. liii. I [53:1], na kinakausap ng propeta si Jehova bilang ang pinagmulan ng mensahe . . . Ang pagdadagdag na ito ay kaayon ng orihinal na kahulugan ng teksto at ng kasunod na sinabi ni San Pablo sa tal. 17.”

  • Sinabi ng The Interpretation of St. Paul’s Epistle to the Romans, ni R.C.H. Lenski, tungkol sa Roma 10:16 na sinipi rin mula sa Isaias 53:1: “Idinagdag ni Pablo ang ‘Panginoon’ sa pagsipi dahil ang tinatanong ng propeta ay si Yahweh.”

  • Sa aklat na The Principles and Practice of New Testament Textual Criticism, binanggit ni G. D. Kilpatrick na sa Juan 12:38, dalawang beses lumitaw ang “Κύριος [Kyʹri·os] = Yahweh.”

  • Sa talatang ito, dalawang beses na ginamit sa Complete Jewish Bible, ni David H. Stern, 1998, ang malaking letra at pinaliit na malalaking letra para sa salitang “ADONAI.” Sa introduksiyon ng Bibliyang ito, sinabi ng tagapagsalin: “Ang salitang ‘ADONAI ay ginagamit . . . kapag naniniwala ako bilang tagapagsalin na ang salitang Griego na ‘kurios’ ay ipinampalit sa tetragrammaton.”

  • Ang The Companion Bible, na may mga komentaryo ni E. W. Bullinger, na inilimbag noong 1999, ay gumamit ng malaking letra at pinaliit na malalaking letra para sa PANGINOON nang dalawang beses sa mismong teksto ng Juan 12:38 para ipakita na pareho itong tumutukoy kay Jehova. Sa Apendise 98, “Divine Names and Titles in New Testament,” sa p. 142, dalawang beses inilista ang Juan 12:38 sa ilalim ng “PANGINOON . . . Tumutukoy kay Jehova.”

  • Sinasabi ng The Scofield Reference Bible, 1909, ni C. I. Scofield, sa isang marginal note sa unang paglitaw ng “Panginoon” sa Juan 12:38: “Jehova. Isa. 53.1.”

  • Sa NLT Study Bible, Ikalawang Edisyon, 2008, ginamit ang “PANGINOON” na nasa malaking letra at pinaliit na malalaking letra para sa dalawang paglitaw nito sa Juan 12:38. Sa “Introduction to the New Living Translation,” sinabi ng komite sa pagsasalin ng Bibliyang ito: “Karaniwan na, isinasalin naming ‘PANGINOON’ ang tetragrammaton (YHWH), gamit ang anyo . . . na karaniwan sa mga saling Ingles.” Sinabi ng komite tungkol sa Bagong Tipan: “Ang salitang Griego na kurios ay laging isinasaling ‘Panginoon,’ pero isinasalin itong ‘PANGINOON’ kapag malinaw na sumisipi ang Bagong Tipan mula sa Lumang Tipan.” (Sa amin ang italiko.)

SUMUSUPORTANG REPERENSIYA: J12, 14, 16-18, 22, 23, 34-36, 39, 46, 52, 61, 65, 66, 88, 93, 100-102, 105, 106, 114-118, 122, 130, 133, 136, 144-147, 149, 190, 191, 201, 204, 212, 225, 236, 244, 262, 265, 271, 273, 289, 295-297, 322-325