Ayon kay Juan 9:1-41
9 Habang naglalakad, nakita ni Jesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag.
2 Tinanong siya ng mga alagad niya: “Rabbi,+ sino ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang taong ito, siya ba o ang mga magulang niya?”
3 Sumagot si Jesus: “Hindi ang taong ito ang nagkasala o ang mga magulang niya, pero nagbukas ito ng pagkakataon para maipakita ang mga gawa ng Diyos.+
4 Habang araw pa, dapat nating isakatuparan ang mga gawain ng nagsugo sa akin,+ dahil kapag gumabi na, wala nang taong makagagawa.
5 Hangga’t ako ay nasa mundo,* ako ang liwanag ng sangkatauhan.”*+
6 Pagkasabi nito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik at ipinahid niya iyon sa mga mata ng lalaki+
7 at sinabi rito: “Pumunta ka sa imbakan ng tubig ng Siloam (na isinasaling “Isinugo”) at maghilamos ka roon.” Kaya pumunta siya at naghilamos. Pagbalik niya, nakakakita na siya.+
8 Sinabi ng mga kapitbahay at ng mga nakakita sa kaniya noong pulubi pa siya: “Hindi ba ito ang lalaking namamalimos noon?”
9 Sinasabi ng ilan: “Siya nga iyon.” Sinasabi naman ng iba: “Hindi, pero kamukha nga niya.” Paulit-ulit na sinasabi ng lalaki: “Ako nga iyon.”
10 Kaya tinanong nila siya: “Paano nangyaring nakakakita ka na ngayon?”
11 Sumagot siya: “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid niya iyon sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa Siloam at maghilamos ka roon.’+ Kaya pumunta ako at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.”
12 Kaya sinabi nila: “Nasaan ang taong iyon?” Sumagot siya: “Hindi ko alam.”
13 Dinala nila sa mga Pariseo ang lalaki na dating bulag.
14 Nagkataong Sabbath nang araw na gumawa si Jesus ng putik at pagalingin niya siya.*+
15 Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya: “Nilagyan niya ng putik ang mga mata ko, at naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.”
16 Sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi isinugo ng Diyos ang taong iyon dahil hindi niya sinusunod ang Sabbath.”+ Sinabi naman ng iba: “Puwede bang makagawa ng ganitong himala ang isang makasalanan?”+ Kaya nagkabaha-bahagi sila.+
17 At muli nilang tinanong ang lalaki: “Tutal, ikaw ang pinagaling niya, ano ang masasabi mo tungkol sa kaniya?” Sumagot ang lalaki: “Isa siyang propeta.”
18 Pero hindi naniwala ang mga Judio na dati siyang bulag at napagaling, kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya.
19 Tinanong nila ang mga magulang: “Ito ba ang anak ninyo? Ipinanganak ba siyang bulag? Paano nangyari na nakakakita na siya ngayon?”
20 Sumagot ang mga magulang niya: “Siya nga ang anak namin at ipinanganak siyang bulag.
21 Pero hindi namin alam kung paano nangyaring nakakakita na siya ngayon. Hindi rin namin alam kung sino ang nagpagaling sa kaniya. Tanungin ninyo siya. Nasa hustong gulang na siya. Siya ang dapat sumagot sa inyo.”
22 Sinabi ito ng mga magulang niya dahil natatakot sila sa mga Judio;+ nagkasundo na kasi ang mga Judio na kung kikilalanin ng sinuman si Jesus bilang Kristo, ang taong iyon ay dapat itiwalag mula sa sinagoga.+
23 Iyan ang dahilan kaya sinabi ng mga magulang niya: “Nasa hustong gulang na siya. Tanungin ninyo siya.”
24 Kaya muli nilang tinawag ang lalaki na dating bulag at sinabi sa kaniya: “Sa harap ng Diyos, magsabi ka ng totoo;* alam namin na makasalanan ang taong iyon.”
25 Sumagot siya: “Kung makasalanan man siya, hindi ko alam. Pero ito ang alam ko, bulag ako noon at nakakakita na ako ngayon.”
26 Sinabi nila: “Ano ang ginawa niya? Paano ka niya pinagaling?”
27 Sumagot siya: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo nakinig. Bakit gusto ninyong marinig ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?”
28 Kaya sinabi nila nang may panlalait: “Alagad ka ng taong iyon, pero mga alagad kami ni Moises.
29 Alam naming nakipag-usap ang Diyos kay Moises, pero kung tungkol sa taong iyon, hindi namin alam kung sino ang nagsugo sa kaniya.”
30 Sinabi ng lalaki: “Parang ang hirap paniwalaan na hindi ninyo alam kung sino ang nagsugo sa kaniya pero napagaling niya ako.
31 Alam nating hindi nakikinig ang Diyos sa mga makasalanan,+ pero nakikinig ang Diyos sa mga may takot sa kaniya at gumagawa ng kalooban niya.+
32 At ngayon lang may nakapagpagaling sa isang ipinanganak na bulag.
33 Kung hindi mula sa Diyos ang taong ito, wala siyang magagawang anuman.”+
34 Kaya sinabi nila sa kaniya: “Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak na makasalanan?” At pinalayas* nila siya!+
35 Nabalitaan ni Jesus na pinalayas* nila siya, at nang makita niya ang lalaki, sinabi niya: “Nananampalataya ka ba sa Anak ng tao?”
36 Sumagot ang lalaki: “Sino siya, Ginoo, para manampalataya ako sa kaniya?”
37 Sinabi ni Jesus: “Nakita mo na siya, at ang totoo, siya ang kausap mo ngayon.”
38 Sinabi niya: “Nananampalataya ako sa kaniya, Panginoon.” At yumukod siya sa kaniya.
39 Sinabi ni Jesus: “Dumating ako sa mundong* ito para mahatulan ang mga tao, para makakita ang mga hindi nakakakita+ at maging bulag ang mga nakakakita.”+
40 Narinig ito ng mga Pariseo na naroroon, at sinabi nila sa kaniya: “Mga bulag din ba kami?”
41 Sinabi ni Jesus: “Kung mga bulag kayo, wala kayong kasalanan. Pero sinasabi ninyo ngayon, ‘Nakakakita kami.’ Nananatili ang kasalanan ninyo.”+
Talababa
^ O “sanlibutan.”
^ O “sanlibutan.”
^ Lit., “idilat ang mga mata niya.” Ganito rin ang literal na ideya sa tal. 17, 21, 26, 30, at 32.
^ Lit., “Magbigay ka ng kaluwalhatian sa Diyos.”
^ O “itiniwalag.”
^ O “itiniwalag.”
^ O “sanlibutang.”