Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

2 Tulong Para Masolusyunan ang mga Problema

2 Tulong Para Masolusyunan ang mga Problema

May mga problema sa buhay na hindi mawala-wala, minsan, taon ang itinatagal. Baka malalâ na ito bago pa natin mamalayan. Makatutulong ba ang Bibliya para masolusyunan ang mga nakapanghihinang problemang iyan? Tingnan ang ilang halimbawa.

SOBRANG PAG-AALALA

Sinabi ni Rosie, “Hindi maalis-alis sa akin ang pag-aalala. Habang iniisip ko kasi ang problema, naiisip ko ang mas malalang sitwasyon.” Anong mga teksto ang makatutulong? Ang isa ay ang Mateo 6:34: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.” Sinabi ni Rosie na nakatulong sa kaniya ang sinabi ni Jesus na huwag nang mag-alala sa mga bagay na mangyayari pa lang. Sinabi niya, “Ayoko nang dagdagan ang aking alalahanin ng mga bagay na hindi pa nangyayari at baka hindi naman mangyari.”

Nadama rin ni Yasmine na natatalo na siya ng kabalisahan. “Sa loob ng isang linggo, ilang araw akong iyak nang iyak, at may mga gabing hindi ako makatulog. Pagod na pagod na ako sa kakaisip ng mga negatibong bagay.” Anong teksto ang nakatulong? Binanggit niya ang 1 Pedro 5:7: ‘Ihagis ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ Sinabi ni Yasmine: “Sa paglipas ng panahon, lagi akong nananalangin kay Jehova, at sinagot niya ang mga ito. Para bang nabunutan ako ng tinik. Nagiging negatibo pa rin ako paminsan-minsan, pero ngayon alam ko na ang gagawin ko.”

PAGPAPALIBAN-LIBAN

Sinabi ng kabataang si Isabella: “Akala ko namamana ang pagpapaliban-liban, kasi gano’n din si Daddy. Isinasaisantabi ko ang mahahalagang bagay para lang magrelaks o manood ng TV. Masamang makasanayan ito kasi nakadaragdag ito ng stress at nakakaapekto sa kalidad ng trabaho.” Nakatulong sa kaniya ang prinsipyong nasa 2 Timoteo 2:15: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya.” Sinabi ni Isabella, “Ayokong ikahiya ni Jehova ang trabaho ko dahil lang sa nagpaliban-liban ako.” Malaki na ang ipinagbago niya.

Sinabi naman ni Kelsey: “Kapag may project ako, ipinagpapaliban ko ito hanggang sa huling segundo. Pagkatapos, maiiyak ako, hindi makakatulog, at mag-aalala. Hindi ito nakabuti sa akin.” Nakatulong kay Kelsey ang Kawikaan 13:16: “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman, ngunit ang hangal ay magkakalat ng kamangmangan.” Sinabi niya kung ano ang natutuhan niya sa pagbubulay-bulay sa tekstong ito: “Mas mabuting maging praktikal at magplano nang maaga. Ngayon may planner na ako sa mesa para maiskedyul ko ang mga kailangan kong gawin, at maaga itong matapos.”

KALUNGKUTAN

“Hiniwalayan ako ng mister ko, at iniwan sa akin ang apat naming maliliit na anak,” ang kuwento ni Kirsten. Anong prinsipyo sa Bibliya ang nakatulong sa kaniya? Sinasabi sa Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” Humingi ng tulong si Kirsten sa mga gaya niyang naglilingkod kay Jehova. Ano ang resulta? “Napakalaki ng naitulong sa akin ng mga kaibigan ko! May nag-iwan ng mga groseri at bulaklak sa pinto namin. Tatlong beses kaming tinulungang mag-iina ng isang maliit na grupo para makalipat ng bahay. May tumulong din sa akin na makahanap ng trabaho. Laging handang tumulong sa akin ang mga kaibigan ko.”

Nakadama rin ng lungkot si Delphine, na binanggit kanina. Naalala niya: “Nakikita ko ang ibang tao at napakasaya nila. Pero pakiramdam ko, nag-iisa ako sa mundo. Napakalungkot ko.” Nakatulong sa kaniya ang Awit 68:6: “Pinatatahan ng Diyos sa bahay ang mga nag-iisa.” Ipinaliwanag niya: “Alam kong hindi lang literal na bahay ang tinutukoy rito. Sa halip, naunawaan ko na naglalaan ang Diyos ng isang espirituwal na tahanan, isang lugar kung saan may tunay na kapanatagan. Madarama mong may kasama ka at may malapít na kaugnayan sa ibang nagmamahal kay Jehova. Pero alam kong bago ako maging malapít sa iba, kailangan ko munang maging malapít kay Jehova. Kaya nakatulong sa akin ang Awit 37:4: ‘Magkaroon ka ng masidhing kaluguran kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng iyong puso.’”

Sinabi niya: “Alam kong kailangan kong magkaroon ng mas malapít na kaugnayan kay Jehova, ang pinakamabuting Kaibigan. Gumawa ako ng listahan ng mga gusto kong gawin kasama ng iba. Kaya nagkaroon ako ng mga kaibigang umiibig din kay Jehova. Natutuhan kong tingnan ang magagandang katangian ng iba at hindi ang kanilang kahinaan.”

Siyempre pa, ang mga kaibigang naglilingkod sa Diyos ay hindi perpekto. Gaya ng iba, may mga problema rin ang mga Saksi ni Jehova. Pero dahil sa turo ng Bibliya, nauudyukan ang mga tao na tumulong sa iba hangga’t posible. Isang katalinuhan na makipagkaibigan sa ganitong mga tao. Pero makatutulong din ba ang prinsipyo sa Bibliya para makayanan ang mga problemang walang solusyon sa ngayon, gaya ng malubhang pagkakasakit at pangungulila?

Ang pagsunod sa payo ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng nagmamalasakit na mga kaibigan