Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Gagawin ng Diyos?

Ano ang Gagawin ng Diyos?

Kung nasa kagipitan ka, tiyak na aasahan mong tutulungan ka ng kaibigan mo. Kaya para sa iba, ang Diyos ay hindi kaibigan dahil hindi niya sila tinutulungan. Pero ang totoo, marami nang ginawa ang Diyos para sa atin, at kikilos din siya para lutasin ang mga problema at pagdurusa natin sa ngayon. Ano ang gagawin ng Diyos?

WAWAKASAN NIYA ANG LAHAT NG KASAMAAN

Wawakasan ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa pamamagitan ng pagbunot sa ugat nito. Sinasabi ng Bibliya kung sino iyon: “Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Ang “masama” na ito ay walang iba kundi ang tinatawag ni Jesus na “tagapamahala ng mundong ito,” si Satanas na Diyablo. (Juan 12:31) Ang impluwensiya ni Satanas sa mundo ang ugat ng malulubhang problema sa lupa. Ano ang gagawin ng Diyos?

Malapit nang kumilos ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, para “mapuksa niya ang nagdudulot ng kamatayan, ang Diyablo.” (Hebreo 2:14; 1 Juan 3:8) Ipinakikita ng Bibliya na alam mismo ng Diyablo na “kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya” bago siya puksain. (Apocalipsis 12:12) Aalisin din ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng masama.​—Awit 37:9; Kawikaan 2:22.

GAGAWIN NIYANG PARAISO ANG LUPA

Pagkatapos alisin ang lahat ng kasamaan sa lupa, kikilos ang Maylikha para tuparin ang kaniyang walang-hanggang layunin para sa mga tao at sa lupa. Ano ang maaasahan natin?

Namamalaging kapayapaan at katiwasayan. “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan dahil sa lubos na kapayapaan.”​—Awit 37:11.

Sagana at masustansiyang pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.”​—Awit 72:16.

Maayos na tirahan at kasiya-siyang gawain. “Magtatayo sila ng mga bahay at titira sa mga iyon, at magtatanim sila ng ubas at kakainin ang bunga nito. . . . At lubusan silang masisiyahan sa mga gawa ng kanilang mga kamay.”​—Isaias 65:21, 22.

Gusto mo bang maranasan ang ganiyang kalagayan? Malapit nang magkatotoo iyan.

AALISIN NIYA ANG SAKIT AT KAMATAYAN

Sa ngayon, lahat ay nagkakasakit at namamatay. Pero hindi na iyan mangyayari sa hinaharap. Malapit nang gamitin ng Diyos ang haing pantubos ni Jesus para “ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ano ang resulta?

Mawawala na ang sakit. “Walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako.’ Ang bayang naninirahan sa lupain ay patatawarin sa kasalanan nila.”​—Isaias 33:24.

Mawawala na ang kamatayan. “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at papahirin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.”​—Isaias 25:8.

Mabubuhay magpakailanman ang mga tao. “Ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”​—Roma 6:23.

Mabubuhay-muli ang mga namatay. “Bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Makikinabang sila sa pantubos, na regalo ng Diyos.

Paano ito gagawin ng Diyos?

MAGTATATAG SIYA NG ISANG PERPEKTONG GOBYERNO

Tutuparin ng Diyos ang layunin niya para sa sangkatauhan at sa lupa sa pamamagitan ng isang makalangit na gobyerno, na ang Tagapamahala ay si Jesu-Kristo. (Awit 110:1, 2) Ito ang gobyerno, o kaharian, na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod: “Ama namin na nasa langit, . . . dumating nawa ang Kaharian mo.”​—Mateo 6:9, 10.

Mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa at aalisin nito ang lahat ng paghihirap at pagdurusa. Ang Kahariang ito ang pinakamahusay na pamahalaan! Kaya naman nagsikap si Jesus na ipangaral ang “mabuting balita ng Kaharian” noong nandito siya sa lupa at inutusan niya ang kaniyang mga alagad na gawin din iyon.​—Mateo 4:23; 24:14.

Dahil sa pag-ibig niya sa mga tao, ipinangako ng Diyos na Jehova na gagawin niya ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ito para sa kanila. Hindi ka ba nauudyukan nito na mas kilalanin siya at mapalapít sa kaniya? Paano ka makikinabang kung gagawin mo iyan? Ipapaliwanag iyan ng susunod na artikulo.

ANO ANG GAGAWIN NG DIYOS? Aalisin ng Diyos ang sakit at kamatayan, magiging payapa ang mga tao sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian niya, at gagawin niyang paraiso ang lupa