Anong Uri Siya ng Diyos?
Habang nalalaman natin ang mga katangian ng isang tao, mas nakikilala natin siya at lumalalim ang ating pagkakaibigan. Ganiyan din kay Jehova. Habang nalalaman natin ang mga katangian niya, mas nakikilala natin kung anong uri siya ng Diyos, at lumalalim din ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya. Sa lahat ng magagandang katangian ng Diyos, may apat na nangingibabaw: ang kaniyang kapangyarihan, karunungan, katarungan, at pag-ibig.
ANG DIYOS AY MAKAPANGYARIHAN
“O Kataas-taasang Panginoong Jehova, ikaw ang gumawa ng langit at lupa sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan mo.”—JEREMIAS 32:17.
Makikita ang kapangyarihan ng Diyos sa mga likha niya. Kapag nakatayo ka sa labas sa matinding sikat ng araw, ano ang nararamdaman mo sa iyong balat? Init ng araw. Ang totoo, resulta iyan ng kapangyarihan ni Jehova. Gaano ba kainit ang araw? Sa pinakagitna nito, ang araw ay may temperaturang mga 15,000,000 digri Celsius. Bawat segundo, ang araw ay naglalabas ng enerhiyang katumbas ng pagsabog ng daan-daang milyong bombang nuklear.
Pero ang araw ay maliit lang kumpara sa milyon-milyong bituin sa uniberso. Ayon sa pagtaya ng mga siyentipiko, ang UY Scuti, isa sa pinakamalalaking bituin, ay may diyametrong mga 1,700 beses ang laki kaysa sa diyametro ng araw. Kung ipapalit ang UY Scuti sa kinaroroonan ng araw, sasakupin nito ang lupa at lalampas pa sa orbit ng planetang Jupiter. Makakatulong iyan para mas maintindihan natin ang sinabi ni Jeremias na nilikha ng Diyos na
Jehova ang langit at ang lupa, o ang uniberso, gamit ang Kaniyang dakilang kapangyarihan.Paano tayo nakikinabang sa kapangyarihan ng Diyos? Ang buhay natin ay nakadepende sa mga nilikha ng Diyos, gaya ng araw at ng lahat ng likas na yaman dito sa lupa. Ginagamit din ng Diyos ang kapangyarihan niya para tulungan ang mga indibidwal. Paano? Noong unang siglo, binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Mababasa natin: “Ang mga bulag ay nakakakita na, ang mga lumpo ay nakalalakad, ang mga ketongin ay gumagaling, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay binubuhay.” (Mateo 11:5) Kumusta naman ngayon? “Nagbibigay siya ng lakas sa pagod,” ang sabi ng Bibliya. Idinagdag pa nito na “ang mga umaasa kay Jehova ay muling lalakas.” (Isaias 40:29, 31) Nagbibigay rin ang Diyos ng “lakas na higit sa karaniwan” para maharap at matiis natin ang mga problema at pagsubok sa buhay. (2 Corinto 4:7) Tiyak na mapapalapít ka sa Diyos na maibiging ginagamit ang kaniyang kapangyarihan para sa kapakanan natin.
ANG DIYOS AY MARUNONG
“Napakarami ng mga gawa mo, O Jehova! Lahat ng iyon ay ginawa mo nang may karunungan.”—AWIT 104:24.
Habang natututo tayo tungkol sa mga likha ng Diyos, lalo tayong humahanga sa karunungan niya. Ang totoo, may isang larangan ng siyensiya na tinatawag na biomimetics, o biomimicry. Dito, pinag-aaralan at ginagaya ng mga siyentipiko ang mga likha ni Jehova para mapahusay ang kanilang mga disenyo. Ang ilang halimbawa ay ang disenyo ng lens ng camera o disenyo ng mga eroplano.
Mas kitang-kita ang karunungan ng Diyos sa kahanga-hangang disenyo ng katawan ng tao. Halimbawa, pag-isipan ang paglaki ng isang sanggol. Nagsisimula ang proseso sa isang pertilisadong selula, na naglalaman ng lahat ng impormasyon ng genes. Ang selulang iyon ay mahahati at darami bilang magkakatulad na selula. Pero sa tamang panahon, ang mga selulang ito ay bubuo ng espesyal na mga uri, gaya ng blood cells, nerve cells, at bone cells. Pagkatapos, mabubuo ang mga organ at magsisimulang gumana. Sa loob lang ng siyam na buwan, ang orihinal na selula ay magiging isang sanggol na binubuo ng bilyon-bilyong selula. Dahil sa karunungang makikita sa disenyong ito, marami ang sasang-ayon sa sinabi ng manunulat ng Bibliya: “Pinupuri kita dahil sa kahanga-hangang paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”—Awit 139:14.
Paano tayo nakikinabang sa karunungan ng Diyos? Alam ng Maylikha kung ano ang kailangan natin para maging maligaya. Mula sa kaniyang malawak na kaalaman at kaunawaan, nagbibigay siya ng matalinong payo sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Halimbawa, sinasabi nito: “Patuloy ninyong . . . patawarin ang isa’t isa.” (Colosas 3:13) Bakit isang katalinuhan ang payong iyan? Ayon sa mga doktor, ang pagiging mapagpatawad ay nakakatulong sa mahimbing na pagtulog at nakapagpapababa ng blood pressure. Makakatulong din ito para maiwasan ang depresyon at iba pang problema sa kalusugan. Gaya ng isang matalino at mapagmalasakit na kaibigan, ang Diyos ay hindi nagsasawang magbigay ng kapaki-pakinabang na payo. (2 Timoteo 3:16, 17) Tiyak na gusto mo ng ganiyang kaibigan.
ANG DIYOS AY MAKATARUNGAN
“Iniibig ni Jehova ang katarungan.”—AWIT 37:28.
Laging ginagawa ng Diyos ang tama. Ang totoo, “imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat!” (Job 34:10) Matuwid ang mga hatol niya, gaya ng sinabi ng salmista kay Jehova: “Hahatulan mo nang may katarungan ang mga bayan.” (Awit 67:4) Dahil “si Jehova ay tumitingin sa puso,” hindi siya madadaya ng pagkukunwari. Lagi niyang nalalaman ang katotohanan at lagi siyang humahatol nang tama. (1 Samuel 16:7) Alam din ni Jehova ang lahat ng kawalang-katarungan at katiwalian dito sa lupa, at nangangako siya na “ang masasama ay lilipulin mula sa lupa.”—Kawikaan 2:22.
Pero ang Diyos ay hindi isang malupit na hukom na gusto lang magparusa. Nagpapakita siya ng awa kung kailangan. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay maawain at mapagmalasakit” kahit sa masasama na talagang nagsisisi. Hindi ba’t iyan ang tunay na katarungan?—Awit 103:8; 2 Pedro 3:9.
Paano tayo nakikinabang sa katarungan ng Diyos? Sinabi ni apostol Pedro: “Hindi nagtatangi ang Diyos, kundi tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.” (Gawa 10:34, 35) Nakikinabang tayo sa katarungan ng Diyos dahil hindi siya kailanman nagtatangi o nagpapakita ng paboritismo. Tatanggapin niya tayo at ang ating pagsamba anuman ang ating lahi, nasyonalidad, edukasyon, o katayuan sa buhay.
Dahil gusto ng Diyos na makinabang tayo sa katarungan niya, binigyan niya tayo ng konsensiya. Sa Kasulatan, ang konsensiya ay gaya ng ‘kautusang nakasulat sa ating puso,’ na “nagpapatotoo” kung tama o mali ang pagkilos natin. (Roma 2:15) Paano tayo nakikinabang dito? Kung sasanayin sa mabuti ang konsensiya, uudyukan tayo nito na umiwas sa masama o di-makatarungang pagkilos. At kapag nakagawa tayo ng pagkakamali, tutulungan tayo nitong magsisi at ituwid iyon. Oo, kung nauunawaan natin ang pananaw ng Diyos sa katarungan, mapapalapít tayo sa kaniya!
ANG DIYOS AY PAG-IBIG
“Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 JUAN 4:8.
Ipinapakita ng Diyos ang kapangyarihan, karunungan, at katarungan, pero hindi sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay kapangyarihan, karunungan, o katarungan. Sinasabi nito na siya ay pag-ibig. Bakit? Dahil sa kapangyarihan ni Jehova, nagagawa niyang kumilos; katarungan at karunungan naman ang gumagabay sa kaniyang pagkilos. Pero pag-ibig ang nag-uudyok sa kaniya na kumilos. Pag-ibig ang nasa likod ng lahat ng ginagawa niya.
Kahit taglay na ni Jehova ang lahat, pag-ibig ang nagpakilos sa kaniya na gumawa ng matatalinong nilalang, sa langit at sa lupa, na puwedeng makinabang at masiyahan sa kaniyang pag-ibig at pangangalaga. Inihanda niya ang lupa para maging tirahan ng mga tao. Nagpapakita pa rin siya ng pag-ibig sa lahat dahil “pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti at nagpapaulan siya sa mga taong matuwid at di-matuwid.”—Mateo 5:45.
Karagdagan pa, “si Jehova ay napakamapagmahal at maawain.” (Santiago 5:11) Iniibig niya ang mga taong taimtim na gustong lumapit sa kaniya at makilala siya. Nakikita ng Diyos ang bawat indibidwal na iyon. Ang totoo, “nagmamalasakit siya” sa iyo.—1 Pedro 5:7.
Paano tayo nakikinabang sa pag-ibig ng Diyos? Nagagandahan tayo sa paglubog ng araw. Natutuwa tayong marinig ang tawa ng isang sanggol. Pinapahalagahan natin ang pagmamahal ng mga kapamilya natin. Hindi naman natin kailangan ang mga ito para mabuhay, pero nagpapasaya ito sa atin.
Nakikinabang din tayo sa isa pang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos: ang panalangin. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat.” Gaya ng isang mapagmahal na ama, gusto niyang sabihin natin sa kaniya kahit ang nilalaman ng ating puso. Dahil sa kaniyang di-makasariling pag-ibig, nangangako si Jehova na ibibigay niya “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Filipos 4:6, 7.
Nakatulong ba ang pagtalakay na ito sa mga pangunahing katangian ni Jehova—kapangyarihan, karunungan, katarungan, at pag-ibig—na malaman mo kung anong uri siya ng Diyos? Para lumalim pa ang pagpapahalaga mo sa Diyos, alamin kung ano na ang mga nagawa niya at gagawin pa para sa iyo.
ANONG URI SIYA NG DIYOS? Si Jehova ay mas makapangyarihan, marunong, at makatarungan kaysa sa sinuman. Pero pag-ibig ang nangingibabaw na katangian niya