Paano Ka Makikinabang Kung Kilala Mo ang Diyos?
Sa mga artikulong ito, natulungan tayong masagot ang tanong na, Sino ang Diyos? Nakita natin sa Bibliya na ang pangalan niya ay Jehova, at na ang nangingibabaw na katangian niya ay pag-ibig. Tinalakay rin natin kung ano na ang nagawa niya at kung ano pa ang gagawin niya para sa mga taong nilalang niya. Marami pa tayong matututuhan tungkol sa Diyos, pero baka iniisip mo kung ano ang maitutulong nito sa iyo.
Nangangako si Jehova na “kung hahanapin mo siya, hahayaan niyang makita mo siya.” (1 Cronica 28:9) May mahalagang regalong naghihintay sa iyo kapag nakilala mo ang Diyos—‘magiging matalik na kaibigan’ ka ni Jehova. (Awit 25:14) Ano ang mga pagpapala ng pagiging kaibigan niya?
Tunay na kaligayahan. Si Jehova ay “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Kung magiging malapít ka sa kaniya at tutularan mo siya, magiging maligaya ka, at makakabuti ito sa iyo sa emosyonal, mental, at pisikal na paraan. (Awit 33:12) Magiging maligaya ka rin sa pamamagitan ng pag-iwas sa masamang pamumuhay at pagkakaroon ng mabubuting kaugalian at magandang kaugnayan sa iba. Sasang-ayon ka sa sinabi ng salmista: “Sa akin, nakakabuti ang paglapit sa Diyos.”—Awit 73:28.
Pangangalaga at atensiyon. Nangako si Jehova sa kaniyang mga lingkod: “Papayuhan kita habang nakatingin ako sa iyo.” (Awit 32:8) Ibig sabihin, binibigyang-pansin ni Jehova ang bawat lingkod niya at inaalagaan sila ayon sa pangangailangan nila. (Awit 139:1, 2) Kapag nagkaroon ka ng mabuting kaugnayan kay Jehova, mapapatunayan mo na lagi siyang nandiyan para sa iyo.
Isang magandang kinabukasan. Bukod sa maligaya at kasiya-siyang buhay ngayon, inaalok ka rin ng Diyos na Jehova ng isang magandang kinabukasan. (Isaias 48:17, 18) Sinasabi ng Bibliya: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Sa mahirap na panahong ito, ang pag-asang ibinibigay ng Diyos ay parang angkla na “tiyak at matatag.”—Hebreo 6:19.
Ilan lang ito sa mahahalagang dahilan para kilalanin ang Diyos at magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya. Inaanyayahan ka namin na kausapin ang isa sa mga Saksi ni Jehova o magpunta sa jw.org/tl para sa karagdagang impormasyon.