Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”​—Santiago 4:8

Nakikinig Ba ang Diyos sa Panalangin Natin?

Nakikinig Ba ang Diyos sa Panalangin Natin?

Naisip mo na ba kung pinapakinggan ng Diyos ang panalangin mo? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Ipinapanalangin ng marami ang kanilang problema sa Diyos, pero hindi pa rin ito nawawala. Ibig bang sabihin, hindi pinapansin ng Diyos ang mga panalangin natin? Hindi! Tinitiyak ng Bibliya na nakikinig ang Diyos kapag nananalangin tayo sa tamang paraan. Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya.

NAKIKINIG ANG DIYOS.

“O Dumirinig ng panalangin, lalapit sa iyo ang lahat ng uri ng tao.”​—Awit 65:2.

Nananalangin ang iba kasi gumagaan ang pakiramdam nila, kahit hindi sila naniniwalang may nakikinig sa kanila. Pero ang panalangin ay hindi lang isang therapy na nagpapagaan ng pakiramdam kapag may problema tayo. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova * ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya nang may katapatan. . . . Dinirinig niya ang paghingi nila ng tulong.”​—Awit 145:18, 19.

Kaya makakatiyak tayo na pinapakinggan ng Diyos na Jehova ang mga panalangin ng mga lingkod niya. Tinitiyak niya: “Tatawag kayo at lalapit at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.”​—Jeremias 29:12.

GUSTO NG DIYOS NA MANALANGIN KA SA KANIYA.

“Magmatiyaga kayo sa pananalangin.”​—Roma 12:12.

Pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘patuloy na manalangin’ at na “manalangin sa bawat pagkakataon.” Malinaw, gusto ng Diyos na Jehova na manalangin tayo sa kaniya.​—Mateo 26:41; Efeso 6:18.

Bakit gusto ng Diyos na manalangin tayo sa kaniya? Pag-isipan ito: Gustong-gusto ng mga magulang kapag sinasabi ng mga anak nila, “Pa, puwede pong magpatulong?” Siyempre, alam naman ng tatay ang kailangan at nararamdaman ng anak niya, pero kapag narinig niya na humihingi ito ng tulong, nakikita niya na nagtitiwala sa kaniya ang anak niya at na malapít ito sa kaniya. Ganiyan din kapag nananalangin tayo sa Diyos na Jehova. Ipinapakita nating nagtitiwala tayo sa kaniya at gusto nating mapalapít sa kaniya.​—Kawikaan 15:8; Santiago 4:8.

TALAGANG NAGMAMALASAKIT SA IYO ANG DIYOS.

“[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.”​—1 Pedro 5:7.

Gusto ng Diyos na manalangin tayo sa kaniya kasi mahal niya tayo at nagmamalasakit siya sa atin. Alam na alam niya ang mga problema at álalahanín natin, at gusto niya tayong tulungan.

Laging nananalangin si Haring David sa Diyos na Jehova para humingi ng tulong, at sinasabi niya sa kaniya ang naiisip niya at nararamdaman. (Awit 23:1-6) Ano naman ang naramdaman ng Diyos para kay David? Mahal ng Diyos si David at nakinig siya sa maraming panalangin nito. (Gawa 13:22) Nakikinig din ang Diyos sa mga panalangin natin kasi mahal niya tayo.

“MAHAL KO SI JEHOVA DAHIL DINIRINIG NIYA ANG TINIG KO”

Iyan ang sinabi ng isa sa mga sumulat ng awit na mababasa sa Bibliya. Sigurado siyang pinakinggan ng Diyos ang mga panalangin niya, at may malaking epekto iyon sa kaniya. Naramdaman niya na mas naging malapít siya sa Diyos at nagkaroon siya ng lakas para harapin ang mga kabalisahan at problema sa buhay.​—Awit 116:1-9.

Kapag sigurado tayong pinapakinggan ng Diyos ang mga panalangin natin, mas gugustuhin nating laging makipag-usap sa kaniya. Ganito ang nangyari kay Pedro na nakatira sa hilagang bahagi ng Spain. Namatay ang 19-anyos na anak niya sa isang aksidente sa daan. Sa sobrang lungkot niya, ibinuhos niya sa Diyos ang nararamdaman niya at paulit-ulit siyang nanalangin para tulungan at patibayin siya ng Diyos. Ano ang nangyari? Sinabi ni Pedro: “Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko. Naramdaman naming mag-asawa ang alalay at tulong ng mga kapatid.”

Minsan, ang sagot sa mga panalangin natin ay pampatibay at suporta mula sa nagmamalasakit na mga kaibigan

Hindi naman nabuhay ang anak ni Pedro nang manalangin siya. Pero natulungan silang mag-asawa ng panalangin sa iba’t ibang paraan. Sinabi ng asawa niyang si María Carmen: “Nakayanan ko ang pagdadalamhati dahil sa panalangin. Alam kong naiintindihan ako ng Diyos na Jehova kasi kapag nananalangin ako sa kaniya, napapanatag ako at gumagaan ang loob ko.”

Pinapatunayan ng Bibliya at ng personal na mga karanasan na talagang nakikinig ang Diyos sa mga panalangin. Pero malinaw na hindi sinasagot ng Diyos ang ilang panalangin. Bakit?

^ par. 5 Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.​—Awit 83:18.