Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dinalaw at pinagaling ni Jesus ang biyenang babae ni Pedro.—Mateo 8:14, 15; Marcos 1:29-31

Di-pag-aasawa ng mga Ministrong Kristiyano—Kahilingan Ba?

Di-pag-aasawa ng mga Ministrong Kristiyano—Kahilingan Ba?

ANG mga relihiyon sa buong mundo—gaya ng Simbahang Romano Katoliko, mga simbahang Ortodokso, Budismo, at iba pa—ay humihiling sa kanilang mga lider at klero na manatiling walang asawa. Iniisip ng marami na ito ang nasa likod ng sunod-sunod na iskandalo ng seksuwal na pang-aabusong nagsasangkot sa mga klerigo ng iba’t ibang relihiyon.

Kaya angkop lang na itanong, Kaayon ba ng Bibliya ang celibacy, o ang hindi pag-aasawa ng mga ministrong Kristiyano? Para masagot iyan, talakayin natin ang pinagmulan ng tradisyong ito at kung ano ang pananaw ng Diyos tungkol dito.

ANG TRADISYONG HINDI PAG-AASAWA SA KASAYSAYAN NG RELIHIYON

Inilarawan ng Encyclopædia Britannica ang terminong celibacy bilang “ang kalagayan ng pagiging walang asawa at, sa gayo’y hindi pakikipagtalik, na kadalasan nang nauugnay sa mga opisyal ng relihiyon o deboto.” Sa isang talumpati ni Pope Benedict XVI sa Roman Curia noong 2006, iniugnay niya ang sapilitang di-pag-aasawa sa “isang tradisyong mula pa noong panahong malapit sa kapanahunan ng mga Apostol.”

Pero hindi isinasagawa noon ng unang-siglong mga Kristiyano ang tradisyong ito. Sa katunayan, binabalaan ni apostol Pablo, na nabuhay noong unang siglo, ang mga mananampalataya laban sa mga magsasalita ng “nagliligaw na kinasihang mga pananalita” at sa mga “ipinagbabawal ang pag-aasawa.”—1 Timoteo 4:1-3.

Ang di-pag-aasawa ay naging bahagi ng relihiyong “Kristiyano” sa Kanluran noong ikalawang siglo. Ayon sa aklat na Celibacy and Religious Traditions, ang tradisyong ito ay “kaayon ng pagpipigil sa sekso na nauuso noon sa Imperyo ng Roma.”

Nang sumunod na mga siglo, isinulong ng mga konsilyo ng simbahan at ng diumano’y mga Ama ng Simbahan ang hindi pag-aasawa ng klero. Inakala nilang ang pakikipagtalik ay nagpaparumi sa klero at hindi angkop sa kanilang tungkulin. Gayunman, binabanggit ng Encyclopædia Britannica na “hanggang noong ika-10 siglo, marami pa ring pari at ilang obispo pa nga ang may asawa.”

Ang hindi pag-aasawa ng klero ay pinagtibay sa ginanap na mga Lateran Council noong 1123 at 1139 sa Roma, at ito ang naging paninindigan ng Simbahang Romano Katoliko hanggang ngayon. Dahil dito, naiwasan ng simbahan na mawala ang kapangyarihan o kayamanan na nagiging resulta kapag ipinamana ng isang may-asawang pari sa kaniyang mga anak ang ari-arian ng simbahan.

ANG PANANAW NG DIYOS SA HINDI PAG-AASAWA NG MGA MINISTRO

Malinaw na mababasa sa Bibliya ang pananaw ng Diyos tungkol sa hindi pag-aasawa ng mga ministro. Mababasa natin dito ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga nanatiling walang asawang gaya niya “dahil sa kaharian ng langit.” (Mateo 19:12) May sinabi rin si apostol Pablo tungkol sa mga Kristiyanong tumulad sa kaniya sa pagiging walang asawa “alang-alang sa mabuting balita.”—1 Corinto 7:37, 38; 9:23.

Pero hindi iniutos ni Jesus at ni Pablo na huwag mag-asawa ang mga ministro. Sinabi ni Jesus na ang pagiging walang asawa ay isang “kaloob.” Pero hindi lahat ng kaniyang tagasunod ay may ganitong kaloob. Nang sumulat si Pablo tungkol “sa mga birhen,” o sa mga hindi nag-asawa, tuwiran niyang inamin: “Wala akong utos mula sa Panginoon, kundi ibinibigay ko ang aking opinyon.”—Mateo 19:11; 1 Corinto 7:25.

Ipinakikita rin ng Bibliya na maraming ministrong Kristiyano noong unang siglo, kasama na si apostol Pedro, ang may asawa. (Mateo 8:14; Marcos 1:29-31; 1 Corinto 9:5) Ang totoo, dahil sa pagiging laganap noon ng imoralidad sa buong imperyo ng Roma, sinabi ni Pablo na ang isang tagapangasiwang Kristiyano na may asawa ay dapat na “asawa ng isang babae” at dapat na ang kaniyang “mga anak [ay] nagpapasakop.”—1 Timoteo 3:2, 4.

Hindi ito pag-aasawa na walang seksuwal na ugnayan sa kaniyang asawa, dahil tuwirang sinasabi ng Bibliya na dapat “ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang kaniyang kaukulan” at na “huwag ipagkait” ng mag-asawa sa isa’t isa ang seksuwal na ugnayan. (1 Corinto 7:3-5) Maliwanag na hindi hinihiling ng Diyos sa mga ministrong Kristiyano ang di-pag-aasawa, ni pinipilit man silang gawin ito.

ALANG-ALANG SA MABUTING BALITA

Kung hindi sapilitan ang di-pag-aasawa, bakit sinabi ni Jesus at ni Pablo na magandang manatiling walang asawa? Dahil kapag walang asawa ang isa, mas marami siyang pagkakataon na ibahagi ang mabuting balita sa mga tao. Mas malaya siya kasi wala siyang mga alalahanin na ikinababahala ng mga may-asawa.—1 Corinto 7:32-35.

Halimbawa, si David na may malaking suweldo at magandang trabaho sa Mexico City ay nag-resign para lumipat sa isang bayan sa Costa Rica at magturo ng Bibliya. Nakatulong ba kay David ang pagiging binata para magawa ito? “Oo naman,” ang sagot niya. “Mahirap mag-adjust sa bagong kultura at ibang paraan ng pamumuhay, pero dahil sarili ko lang ang iniintindi ko, mas madali ko itong nagawa.”

Sinabi ni Claudia, isang Kristiyanong walang asawa na lumipat sa isang lugar kung saan kailangan ang mga ebanghelisador: “Nag-e-enjoy ako sa paglilingkod sa Diyos. Mas napalapít ako sa Diyos at tumibay ang pananampalataya ko sa kaniya kasi nadarama ko ang pag-aalaga niya.”

“Hindi mahalaga kung may asawa ka o wala. Basta ibinibigay mo sa Diyos na Jehova ang buong makakaya mo, magiging maligaya ka.”—Claudia

Hindi mahirap manatiling walang asawa. Dagdag pa ni Claudia: “Hindi mahalaga kung may asawa ka o wala. Basta ibinibigay mo sa Diyos na Jehova ang buong makakaya mo, magiging maligaya ka.”—Awit 119:1, 2.