Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailan Darating ang Wakas? Ang Sabi ni Jesus

Kailan Darating ang Wakas? Ang Sabi ni Jesus

Natutuhan natin sa naunang artikulo na kapag binabanggit ng Bibliya ang wakas ng mundo, hindi ito tumutukoy sa wakas ng lupa o ng sangkatauhan. Tumutukoy ito sa wakas ng masamang sistema ng mundong ito at sa lahat ng tagasuporta nito. Pero sinasabi ba ng Bibliya kung kailan mangyayari ito?

PANSININ ANG DALAWANG SINABI NI JESUS TUNGKOL SA WAKAS:

“Kaya patuloy kayong magbantay dahil hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”​—MATEO 25:13.

“Manatili kayong mapagmasid, manatili kayong gisíng, dahil hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.”​—MARCOS 13:33.

Kaya walang taong nakakaalam kung kailan eksaktong darating ang wakas ng sistemang ito. Pero may “takdang panahon” ang Diyos—eksaktong “araw at oras”—kung kailan darating ang wakas. (Mateo 24:36) Ibig bang sabihin, imposible nating malaman kung malapit na ang wakas? Hindi. Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na abangan ang mga pangyayaring magpapakita na malapit na ang wakas.

TANDA NG WAKAS

Ang mga pangyayaring tinutukoy ni Jesus ang magiging tanda ng “katapusan ng sistemang ito.” Sinabi ni Jesus: “Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian, at magkakaroon ng taggutom at lindol sa iba’t ibang lugar.” (Mateo 24:3, 7) Sinabi din niya na magkakaroon ng “mga epidemya.” (Lucas 21:11) Nakikita mo na bang nangyayari ang mga inihula ni Jesus?

Nagdurusa ang mga tao ngayon dahil sa digmaan, gutom, at lindol, pati na sa sunod-sunod na sakit. Halimbawa, noong 2004, nagkaroon ng malakas na lindol sa Indian Ocean kaya nagkaroon ng tsunami na pumatay ng mga 225,000 katao. Sa loob ng mahigit isang taon, mga 2.6 milyon ang namatay sa buong mundo dahil sa COVID-19 pandemic. Sinabi ni Jesus na ang mga pangyayaring gaya nito ay nagpapakitang malapit na ang wakas ng sistemang ito.

“MGA HULING ARAW”

Tinatawag ng Bibliya na “mga huling araw” ang panahon bago ang wakas. (2 Pedro 3:3, 4) Ayon sa 2 Timoteo 3:1-5, magiging napakasama ng ugali ng mga tao sa mga huling araw. (Tingnan ang kahong “ Bago ang Wakas ng Mundo.”) Napapansin mo ba na may mga tao ngayon na makasarili, sakim, mabangis, at walang pagmamahal sa kapuwa? Katibayan din iyan na napakalapit na ng wakas ng mundo.

Gaano katagal ang mga huling araw? Ayon sa Bibliya, maikling panahon lang ito. Pagkatapos, pupuksain ng Diyos “ang mga sumisira sa lupa.”​—Apocalipsis 11:15-18, talababa; 12:12.

MALAPIT NA ANG PARAISONG LUPA!

Nagtakda na ang Diyos ng araw at oras kung kailan niya wawakasan ang masamang sistemang ito. (Mateo 24:36) Pero may isa pang magandang balita—‘hindi gusto ng Diyos na mapuksa ang sinuman.’ (2 Pedro 3:9) Binibigyan niya ng pagkakataon ang mga tao na matuto tungkol sa kaniya at sundin siya. Bakit? Kasi gusto niyang makaligtas tayo sa wakas ng mundo at mabuhay sa bagong sanlibutan niya kung saan magiging paraiso ang lupa.

Nag-organisa ang Diyos ng isang programa ng pagtuturo sa buong mundo para maturuan ang mga tao kung paano sila magiging bahagi ng bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian niya. Sinabi ni Jesus na ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos ay ipangangaral “sa buong lupa.” (Mateo 24:14) Noong 2019, ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay gumugol ng mahigit dalawang bilyong oras sa pangangaral at pagtuturo tungkol sa pag-asang nasa Bibliya. Sinabi ni Jesus na ang pangangaral na ito ay gagawin sa buong mundo bago dumating ang wakas.

Napakalapit nang magwakas ng pamamahala ng tao. Pero ito ang magandang balita: Puwede kang makaligtas sa wakas ng mundo at makasama sa Paraisong lupa na ipinangako ng Diyos. Ipapakita sa susunod na artikulo kung paano ka makakasama sa bagong sanlibutang iyan.

Ang mga hula ni Jesus tungkol sa “mga huling araw” ay nagbibigay sa atin ng pag-asa