Paraiso—Malapit Na!
Nilalang ng Diyos ang lupa para tirhan ng mga matuwid magpakailanman. (Awit 37:29) Inilagay niya ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, sa napakagandang hardin ng Eden, at ipinagkatiwala niya sa kanila at sa kanilang mga inapo ang pananagutang sakahin ang lupa at alagaan iyon.—Genesis 1:28; 2:15.
Ibang-iba na ang mundo ngayon sa Paraisong iyan. Pero hindi pa rin nagbabago ang isip ng Diyos; gusto pa rin niyang maging paraiso ang lupa. Paano niya gagawin iyan? Gaya ng ipinakita sa mga naunang artikulo, hindi wawasakin ng Diyos ang mismong lupa kundi patitirahin niya dito ang mga tapat. Kapag tinupad na ng Diyos ang mga pangako niya, ano ang magiging kalagayan sa lupa?
Isang gobyerno para sa buong mundo
Kapag namahala na ang gobyerno ng Diyos sa buong mundo, magiging napakasaya ng buhay sa lupa. Magkakaisa rin ang mga tao at magkakaroon ang bawat isa ng makabuluhang trabaho. Inatasan ng Diyos si Jesu-Kristo para mamahala sa buong lupa. Di-gaya ng maraming lider sa ngayon, talagang nagmamalasakit si Jesus sa mga sakop niya. Mamamahala siya nang may pag-ibig, at magiging mabait siya, maawain, at patas na Hari.—Isaias 11:4.
Magkakaisa ang lahat ng tao
Hindi na magkakabaha-bahagi ang mga tao dahil sa nasyonalidad o lahi. Magkakaisa ang lahat ng tao. (Apocalipsis 7:9, 10) Mamahalin ng lahat ng tao sa lupa ang Diyos at ang kapuwa nila, at makikipagtulungan sila para matupad ang layunin ng Diyos at mapangalagaan ang lupa, na kanilang tahanan.—Awit 115:16.
Maaalagaan na ang kalikasan at mga hayop
Kapag namamahala na sa lupa ang Kaharian ng Diyos, gagamitin ng Maylalang ang kapangyarihan niya para manatiling balanse ang panahon at klima. (Awit 24:1, 2) Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya ang kapangyarihang ibinigay sa kaniya ng Diyos nang patigilin niya ang isang bagyo nang walang kahirap-hirap. (Marcos 4:39, 41) Sa ilalim ng pamamahala ni Kristo, hindi na tayo matatakot sa mga likas na sakuna. Ibabalik ng Kaharian ng Diyos ang dating ganda ng kalikasan at hindi na magkakasakitan ang mga tao at hayop.—Oseas 2:18.
Perpektong kalusugan at saganang pagkain
Magkakaroon ang lahat ng perpektong kalusugan. Wala nang magkakasakit, tatanda, o mamamatay. (Isaias 35:5, 6) Mararanasan ng mga tao ang isang maganda at malinis na kapaligiran gaya ng naranasan ng unang mag-asawa sa hardin ng Eden. Gaya rin sa Eden, mamumunga nang sagana ang lupa at magkakaroon ng maraming pagkain ang lahat ng tao sa bagong sanlibutan. (Genesis 2:9) At gaya ng bansang Israel noon, ang lahat ng nasa Paraiso ay “kakain . . . hanggang sa mabusog.”—Levitico 26:4, 5.
Tunay na kapayapaan at kapanatagan
Kapag pinamahalaan na ng gobyerno ng Diyos ang lupa, magiging payapa na at magiging mabait at patas sa isa’t isa ang lahat ng tao. Mawawala na ang digmaan, pag-abuso sa kapangyarihan, at wala nang magkukulang sa pangangailangan nila. Nangangako ang Bibliya: “Uupo ang bawat isa sa kanila sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:3, 4.
Magkakaroon ang lahat ng magandang bahay at makabuluhang trabaho
Ang bawat pamilya ay magkakaroon ng sariling bahay at hindi na mag-aalalang mapalayas doon. Magkakaroon din tayo ng trabahong magpapasaya sa atin. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang mga nasa bagong sanlibutan ay “hindi . . . magpapagod nang walang saysay.”—Isaias 65:21-23.
Pinakamabuting edukasyon
Nangangako ang Bibliya: “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova.” (Isaias 11:9) Matututo ang lahat ng sakop ng Kaharian ng Diyos mula sa walang-katapusang karunungan ng kanilang Maylalang, si Jehova, at tungkol sa magagandang bagay na nilalang niya. Hindi nila gagamitin ang kaalaman nila para gumawa ng mga sandata o saktan ang iba. (Isaias 2:4) Sa halip, matututo sila kung paano magiging mapagpayapa sa isa’t isa at kung paano aalagaan ang lupa.—Awit 37:11.
Buhay na walang hanggan
Inihandang mabuti ng Diyos ang lupa para lubusan tayong masiyahan sa buhay araw-araw. Gusto niyang mabuhay ang mga tao sa lupa magpakailanman. (Awit 37:29; Isaias 45:18) Para magawa iyan, “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman.” (Isaias 25:8) Ipinapangako ng Bibliya na “mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.” (Apocalipsis 21:4) Bibigyan ng Diyos ng pagkakataong mabuhay magpakailanman ang mga ililigtas niya kapag winasak na niya ang masamang sanlibutang ito. Bibigyan din niya ng ganiyang pagkakataon ang mga patay na bubuhaying muli sa bagong sanlibutan.—Juan 5:28, 29; Gawa 24:15.
Alamin pa kung paano ka makakaligtas sa wakas ng mundong ito at kung paano ka makakasama sa mas magandang mundo na malapit nang dumating. Makipag-aral ng Bibliya nang libre sa isang Saksi ni Jehova, o makipag-ugnayan sa kanila gamit ang website na jw.org.