Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Ka Makakasama sa Bagong Sanlibutan

Kung Paano Ka Makakasama sa Bagong Sanlibutan

Ipinakita sa mga naunang artikulo na malapit nang wakasan ng Diyos ang masamang lipunan ng tao, pati na ang mga problema nito. Sigurado tayong mangyayari iyan. Bakit? Kasi sinasabi ng Bibliya:

“Ang sanlibutan ay lumilipas.”​—1 JUAN 2:17.

Alam natin na may makakaligtas kasi sinasabi rin ng tekstong iyan:

“Ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”

Kaya kung gusto nating maligtas, kailangan nating gawin ang kalooban ng Diyos. At para malaman ang kalooban ng Diyos, dapat muna natin siyang makilala.

KAILANGAN NATING “MAKILALA” ANG DIYOS PARA MALIGTAS

Sinabi ni Jesus: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos.” (Juan 17:3) Para makaligtas at mabuhay magpakailanman, kailangan nating “makilala” ang Diyos. Para magawa iyan, hindi sapat na basta naniniwala tayong may Diyos o may alam lang tayong ilang bagay tungkol sa kaniya. Kailangan nating makipagkaibigan sa kaniya. Walang pinagkaiba iyan sa pakikipagkaibigan sa isang tao. Kung gusto nating mapalapít sa taong iyon, kailangan nating maglaan ng panahon sa kaniya. Ganiyan din ang pakikipagkaibigan sa Diyos. Tingnan ang ilang katotohanan sa Bibliya na makakatulong sa atin na magkaroon at mapanatili ang pakikipagkaibigan sa Diyos.

BASAHIN ARAW-ARAW ANG SALITA NG DIYOS, ANG BIBLIYA

Makakaligtas ka sa wakas ng mundo kung mananalangin ka para sa tulong ng Diyos at gagawin mo ang kalooban niya

Regular tayong kumakain para mabuhay. Pero sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi ni Jehova.”​—Mateo 4:4.

Sa ngayon, makikita natin ang mga salita ni Jehova sa mga pahina ng Bibliya. Habang pinag-aaralan mo ang banal na aklat na iyan, malalaman mo ang mga nagawa niya noon, mga ginagawa niya ngayon, at mga gagawin niya sa hinaharap.

MANALANGIN PARA SA TULONG NG DIYOS

Ano ang puwede mong gawin kung gusto mong sundin ang Diyos pero nahihirapan kang ihinto ang mga bagay na ayaw niya? Sa ganiyang sitwasyon, talagang makakatulong sa iyo kung kilalang-kilala mo ang Diyos.

Tingnan ang halimbawa ng isang babae na tatawagin nating Sakura. Imoral ang pamumuhay niya. Nang mag-aral siya ng Bibliya, natutuhan niya ang utos ng Diyos na “tumakas . . . mula sa seksuwal na imoralidad.” (1 Corinto 6:18) Nanalangin sa Diyos si Sakura para magawa niyang ihinto ang masamang ginagawa niya. Pero kailangan niya pa ring patuloy na paglabanan ang tukso. “Kapag sumasagi sa isip ko ang imoral na mga bagay,” ang sabi niya, “sinasabi ko iyon kay Jehova sa panalangin, kasi alam ko na hindi ko ’to kaya nang mag-isa. Nakatulong sa akin ang panalangin para mas mapalapít ako kay Jehova.” Gaya ni Sakura, milyon-milyon din ang lumalapit sa Diyos para makilala siya. Binibigyan niya sila ng lakas para magbago at magawa ang mga gusto niya.​—Filipos 4:13.

Habang mas nakikilala mo ang Diyos, mas kikilalanin ka niya bilang isang matalik na kaibigan. (Galacia 4:9; Awit 25:14) Pagkatapos, puwede ka nang makasama sa bagong sanlibutan ng Diyos. Pero ano kaya ang magiging buhay sa bagong sanlibutan? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

^ par. 15 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.