TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL
Mabubuhay-Muli ang mga Patay!
Si Gail, na binanggit sa naunang artikulo, ay nag-aalinlangan kung makakayanan niya ang pagdadalamhati sa pagkamatay ng kaniyang asawang si Rob. Pero umaasa siyang makikita niya itong muli sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. “Paborito kong teksto ang Apocalipsis 21:3, 4,” ang sabi niya. Mababasa rito: “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Sinabi ni Gail: “Talagang napakaganda ng pangakong ito. Naaawa ako sa mga taong namatayan na hindi alam na may pag-asa palang makitang muli ang mga mahal nila sa buhay.” Dahil dito, nagboluntaryo si Gail bilang buong-panahong ebanghelisador at ibinabahagi niya sa iba ang pangako ng Diyos sa hinaharap kung kailan “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”
‘Imposible!’ baka masabi mo. Pero pag-isipan ang lalaking si Job. Nagkaroon siya ng malubhang sakit. (Job 2:7) Hiniling niya na mamatay na siya, pero nanampalataya pa rin siya sa Diyos na kaya siyang buhaying muli rito sa lupa. Buong-pagtitiwala niyang sinabi: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, . . . Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo. Ang gawa ng iyong mga kamay ay mimithiin mo.” (Job 14:13, 15) Nagtitiwala si Job na aalalahanin siya ng kaniyang Diyos at mimithiin Niya na buhayin siyang muli.
Malapit na itong gawin ng Diyos—kay Job at sa napakaraming iba pa—kapag naging paraiso na ang lupang ito. (Lucas 23:42, 43) “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli,” ang sabi ng Bibliya sa Gawa 24:15. “Huwag kayong mamangha rito,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Makikita ni Job ang katuparan ng pangakong iyon. Magkakaroon siya ng pag-asang maibalik ang “lakas ng kaniyang kabataan,” at ang kaniyang laman ay magiging “higit na sariwa pa . . . kaysa noong kabataan.” (Job 33:24, 25) Gayundin ang mangyayari sa lahat ng magpapahalaga sa maawaing paglalaan ng Diyos na pagkabuhay-muli dito sa lupa.
Kung namatayan ka ng minamahal, posibleng hindi lubusang maaalis ng mga impormasyong tinalakay natin ang iyong pagdadalamhati. Pero kung bubulay-bulayin mo ang mga pangako ng Diyos sa Bibliya, magkakaroon ka ng tunay pag-asa at ng lakas na makapagpatuloy sa buhay.—1 Tesalonica 4:13.
Gusto mo bang matuto nang higit pa kung paano mahaharap ang pagdadalamhati? O baka may iba ka pang tanong, gaya ng, “Bakit hinahayaan ng Diyos ang kasamaan at pagdurusa?” Pakisuyong magpunta sa aming website na jw.org/tl at tingnan ang nakaaaliw at praktikal na sagot ng Bibliya.