Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako.”​—AWIT 139:16

Nauunawaan Ka Ba ng Diyos?

Nauunawaan Ka Ba ng Diyos?

ANG ITINUTURO SA ATIN NG PAGLALANG

Pag-isipan ang isa sa pinakamalapít na ugnayan ng mga tao—ang makikita sa identical twins. Napakalapít nila sa isa’t isa. “Naiintindihan pa nga ng mga kambal ang isa’t isa nang hindi na kailangang magpaliwanagan,” ang sabi ni Nancy Segal, direktor ng Twin Studies Center at mayroon ding kakambal. Ganito inilarawan ng isang babae ang kaugnayan niya sa kaniyang kakambal: “Talagang kilalang-kilala namin ang isa’t isa.”

Bakit ganoon na lang nila kakilala ang isa’t isa? Ayon sa mga pag-aaral, nakakaapekto ang kapaligiran at ang pagpapalaki sa kanila. Pero malaking papel din ang ginagampanan ng pagkakapareho nila ng genes.

PAG-ISIPAN ITO: Tiyak na ang Maylikha ng kahanga-hangang genetic material natin ay may espesyal na kaunawaan sa kayarian ng bawat isa sa atin. Kaya sinabi ng salmistang si David: “Iningatan mo ako sa sinapupunan ng aking ina. Ang mga buto ko ay hindi tago sa iyo nang gawin ako sa lihim. . . . Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako; ang lahat ng bahagi ko ay nakasulat sa iyong aklat.” (Awit 139:13, 15, 16) Tanging ang Diyos ang nakaaalam at nakauunawa, hindi lang sa ating kayarian, kundi pati na rin sa lahat ng karanasang humubog sa ating pagkatao. Tinitiyak sa atin ng espesyal na kaunawaan ng Diyos tungkol sa atin at sa ating genes na kilalang-kilala niya tayo sa kaliit-liitang detalye.

ANG ITINUTURO NG BIBLIYA TUNGKOL SA KAUNAWAAN NG DIYOS

Nanalangin si David: “O Jehova, sinuri mo ako, at kilala mo ako. Alam mo kapag umuupo ako at kapag tumatayo ako. Mula sa malayo ay alam mo ang mga iniisip ko. Bago pa man lumabas ang salita sa bibig ko, O Jehova, alam na alam mo na iyon.” (Awit 139:1, 2, 4) Alam din ni Jehova ang laman ng ating puso at ang “takbo ng pag-iisip ng bawat isa.” (1 Cronica 28:9; 1 Samuel 16:6, 7) Ano ang itinuturo nito tungkol sa Diyos?

Kahit hindi natin masabi sa kaniya ang lahat ng iniisip at nadarama natin, nakikita ng Maylikha kung ano ang ginagawa natin at nauunawaan niya kung bakit natin ito ginagawa. Alam din niya ang mabubuting bagay na gusto nating gawin, kahit hindi natin ito magawa dahil sa ating mga kahinaan. At dahil nilikha tayo ng Diyos na may kakayahang umibig, gustong-gusto niyang pagmasdan at unawain ang ating kaisipan at motibo na udyok ng pag-ibig natin.​—1 Juan 4:7-10.

Tiyak na napapansin ni Jehova ang lahat. Alam pa nga niya ang pinagdaraanan natin kahit hindi ito alam o naiintindihan ng iba

Tinitiyak sa atin ng Kasulatan

  • “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa kanilang pagsusumamo.”​—1 PEDRO 3:12.

  • Nangangako ang Diyos: “Bibigyan kita ng kaunawaan at ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Papayuhan kita habang nakatingin ako sa iyo.”​—AWIT 32:8.

ANG DIYOS AY MAAWAIN

Kung alam nating nauunawaan ng Diyos ang ating sitwasyon at pinagdaraanan, matutulungan ba tayo nito na makayanan ang matitinding problema? Pansinin ang karanasan ni Anna, na mula sa Nigeria. “Nagdududa ako noon kung sulit pa bang mabuhay dahil napakahirap ng sitwasyon ko,” ang sabi niya. “Biyuda ako at ang anak kong babae ay may hydrocephalus (sobra-sobrang fluid sa utak). Pagkatapos, na-diagnose akong may breast cancer. Kinailangan kong magpaopera, magpa-chemotherapy, at radiotherapy. Hiráp na hiráp ako dahil pareho kaming nasa ospital ng anak ko.”

Ano ang nakatulong kay Anna? “Pinag-isipan kong mabuti ang mga tekstong gaya ng Filipos 4:6, 7, na nagsasabing ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip.’ Sa tuwing naaalala ko ang tekstong ito, damang-dama ko na malapít ako kay Jehova, at na mas naiintindihan niya ako kaysa sa sarili ko. Talagang pinatibay din ako ng mga kapatid sa loob ng kongregasyong Kristiyano.

“Nakikipaglaban pa rin ako sa sakit ko, pero bumuti na ang sitwasyon naming mag-ina. Dahil nasa panig namin si Jehova, natutuhan naming maging positibo kapag napapaharap sa mga pagsubok. Tinitiyak sa atin ng Santiago 5:11: ‘Itinuturing nating maligaya ang mga nakapagtiis. Nalaman ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at kung paano siya pinagpala ni Jehova nang bandang huli, at nakita ninyo na si Jehova ay napakamapagmahal [o, “napakamapagmalasakit,” talababa] at maawain.’” Talagang naunawaan ni Jehova ang sitwasyon ni Job, kaya makatitiyak tayong nauunawaan din niya ang pinagdaraanan natin.