Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Wawakasan Na ng Diyos ang Lahat ng Pagdurusa

Wawakasan Na ng Diyos ang Lahat ng Pagdurusa

“O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng saklolo at hindi mo diringgin? Hanggang kailan ako makikiusap na iligtas mo ako sa karahasan at hindi ka kikilos?” (Habakuk 1:2, 3) Iyan ang sinabi ni Habakuk, isang lalaking sinasang-ayunan ng Diyos. Ipinapakita ba ng pagdaing niya na kulang siya ng pananampalataya? Hindi naman. Tiniyak ng Diyos kay Habakuk na may itinakda Siyang panahon para wakasan ang lahat ng pagdurusa.​—Habakuk 2:2, 3.

Kapag nagdurusa ka o ang isang taong malapít sa iyo, baka maisip mo na mabagal ang Diyos at dapat ay kumikilos na siya. Pero tinitiyak ng Bibliya: “Si Jehova ay hindi mabagal sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng iniisip ng iba; ang totoo, matiisin siya sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.”​—2 Pedro 3:9.

KAILAN KIKILOS ANG DIYOS?

Napakalapit na! Sinabi ni Jesus na may henerasyong makakakita sa mga pangyayari na magiging tanda ng mga huling araw ng “sistemang ito.” (Mateo 24:3-42) Ipinapakita ng katuparan ng hula ni Jesus sa ating panahon na malapit nang kumilos ang Diyos. *

Pero paano wawakasan ng Diyos ang lahat ng pagdurusa? Noong narito si Jesus sa lupa, ginamit niya ang kapangyarihan ng Diyos para tulungan ang mga nagdurusa. Tingnan ang ilang halimbawa.

Likas na mga Sakuna: Sa Dagat ng Galilea, muntik nang lumubog ang bangkang sinasakyan ni Jesus at ng mga apostol niya dahil sa isang malakas na bagyo. Pero ipinakita ni Jesus at ng kaniyang Ama na kaya nilang kontrolin ang puwersa ng kalikasan. (Colosas 1:15, 16) Sinabi ni Jesus: “Tigil! Tumahimik ka!” Ang resulta? “Tumigil ang hangin, at biglang naging kalmado ang paligid.”​—Marcos 4:35-39.

Sakit: Kilalá si Jesus sa kakayahan niyang magpagaling ng mga bulag at pilay, pati na ng mga epileptiko, ketongin, at anumang uri ng sakit. “Pinagaling niya ang lahat ng may sakit.”​—Mateo 4:23, 24; 8:16; 11:2-5.

Kakapusan sa Pagkain: Ginamit ni Jesus ang kapangyarihang ibinigay ng kaniyang Ama para paramihin ang kakaunting pagkain. Noong ministeryo niya sa lupa, iniulat na dalawang beses siyang nagpakain ng libo-libo.​—Mateo 14:14-21; 15:32-38.

Kamatayan: Ipinapakita ng tatlong ulat ng pagkabuhay-muli na ginawa ni Jesus na may kapangyarihan si Jehova na alisin ang kamatayan. Isa sa mga taong binuhay niyang muli ay apat na araw nang patay.​—Marcos 5:35-42; Lucas 7:11-16; Juan 11:3-44.

^ par. 5 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga huling araw, tingnan ang aralin 32 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at mada-download nang libre sa www.dan124.com/tl.