Ang Masaklap na Realidad ng Kamatayan
ISIPING nanonood ka ng video ng isang celebrity, marahil isang sikát na musician na hinahangaan mo. Nagsimula ang kuwento noong bata siya at nag-aaral pa lang tumugtog. Ipinakita ang patuloy na pagpapraktis niya, at nang maglaon, ang kaniyang mga concert at pagpunta sa iba’t ibang bansa, hanggang sa maging sikát siya sa buong mundo. Pagkatapos, ipinakitang tumanda siya at natapos ang kuwento—namatay siya.
Ang video na ito ay hindi kathang-isip lang; hango ito sa tunay na buhay ng isang taong patay na. Siya man ay musician, siyentipiko, atleta, o iba pang sikát na tao, iisa lang ang magiging takbo ng kuwento. Posibleng marami siyang nagawa noong nabubuhay pa siya. Pero baka maisip mo kung anong tagumpay pa ang naabot niya kung hindi siya naging biktima ng masaklap na realidad ng pagtanda at kamatayan.
Nakakalungkot isipin pero iyan ang mangyayari sa ating lahat. (Eclesiastes 9:5) Anuman ang gawin natin, hindi natin matatakasan ang epekto ng pagtanda at kamatayan. Puwede rin tayong biglang mamatay dahil sa aksidente o pagkakasakit. Sabi nga ng Bibliya, lahat tayo ay gaya ng hamog na “lumilitaw nang sandali at pagkatapos ay naglalaho.”—Santiago 4:14.
Para sa ilan, walang katiyakan at kabuluhan ang buhay, kaya sinasabi nilang “kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.” (1 Corinto 15:32) Pero kung mamumuhay ang isa sa ganoong paraan, hindi ba parang tinatanggap niya na kamatayan ang wakas ng lahat ng bagay? Darating ang panahon—lalo na kapag nasa mahirap na sitwasyon—maitatanong mo, ‘Ganito na lang ba ang buhay?’ Saan mo makikita ang sagot?
Marami ang umaasa sa siyensiya. Dahil sa pagsulong ng siyensiya at medisina, humaba ang buhay ng tao. At nagsisikap ang mga siyentipiko na lalo pa itong pahabain. Anuman ang resulta nito, nariyan pa rin ang mga tanong: Bakit tayo tumatanda at namamatay? Mawawala pa kaya ang kamatayan? Tatalakayin sa susunod na mga artikulo ang mga paksang ito at ang sagot sa tanong na: Ganito na lang ba ang buhay?