BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Marahas Ako at Punô ng Galit
-
ISINILANG: 1974
-
BANSANG PINAGMULAN: MEXICO
-
DATING MARAHAS AT BASAG-ULERO
ANG AKING NAKARAAN:
Ipinanganak ako sa Ciudad Mante, isang magandang lugar sa estado ng Tamaulipas, Mexico. Mabait at bukas-palad ang mga tagarito. Pero nakalulungkot, napakapanganib ng lugar na ito dahil sa mga sindikato.
Pangalawa ako sa apat na magkakapatid na lalaki. Pinabinyagan ako ng mga magulang ko sa Simbahang Katoliko, at nang maglaon, naging miyembro ako ng koro ng parokya. Ayaw kong magalit sa akin ang Diyos kasi takot na takot akong mapunta sa maapoy na impiyerno.
Noong limang taon ako, iniwan kami ni Tatay. Lungkot na lungkot ako. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa iyon gayong mahal na mahal namin siya. Laging wala sa bahay si Inay dahil kailangan niyang magtrabaho para may maipakain sa aming magkakapatid.
Dahil dito, hindi ako pumapasok sa eskuwela at nakikipagbarkada ako sa mga mas nakatatanda sa akin. Tinuruan nila akong magmura, manigarilyo, magnakaw, at makipagsuntukan. Dahil ayaw kong madehado, nag-aral ako ng boksing, wrestling, at martial arts, pati na ng paggamit ng sandata. Lumaki akong marahas. Madalas akong masangkot sa barilan, at ilang beses akong naiiwang duguan at nakahandusay sa kalye. Halos madurog ang puso ni Inay nang makita niya akong ganito at kailangang isugod sa ospital!
Noong 16 anyos ako, pumunta sa amin si Jorge, isang kababata ko. Sinabi niyang Saksi ni Jehova siya at may mahalaga siyang mensahe para sa amin. Ipinaliwanag niya sa amin ang mga paniniwala niya gamit ang Bibliya. Hindi pa ako nakakabasa ng Bibliya at gustong-gusto kong malaman ang tungkol sa pangalan ng Diyos at sa kaniyang mga layunin. Inalok niya kaming mag-aral ng Bibliya at pumayag kami.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Para akong nabunutan ng tinik nang malaman ko ang katotohanan tungkol sa maapoy na impiyerno—na hindi iyon itinuturo ng Bibliya. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5) Nawala ang matinding takot ko sa Diyos. Sa halip, nalaman kong isa siyang mapagmahal na Ama na ang gusto ay ang pinakamabuti para sa kaniyang mga anak.
Sa patuloy kong pag-aaral ng Bibliya, nakita kong dapat kong baguhin ang aking personalidad. Kailangan kong maging mapagpakumbaba at huwag maging marahas. Nakatulong sa akin ang payo sa 1 Corinto 15:33, na nagsasabi: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Naisip ko na para mabago ang personalidad ko, iiwasan ko na ang masasamang kasama. Kaya nakipagkaibigan ako sa mga miyembro ng tunay na kongregasyong Kristiyano—mga taong kapag may di-pagkakaunawaan ay nagkakapit ng mga prinsipyo sa Bibliya sa halip na magsuntukan o mag-away.
Ang isa pang teksto na nakatulong sa akin ay ang sinasabi sa Roma 12:17-19: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, . . . sapagkat nasusulat: ‘“Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,” sabi ni Jehova.’” Naunawaan kong si Jehova ang mag-aalis ng kawalang-katarungan sa kaniyang takdang panahon at paraan. Unti-unti kong napagtagumpayan ang aking pagiging marahas.
Hinding-hindi ko malilimutan ang nangyari noong isang gabing pauwi ako. Sinugod ako ng isang grupo ng mga kabataang dati naming kalaban. Hinampas ng lider nila ang likod ko at sumigaw, “Lumaban ka!” Nanalangin ako kay Jehova, at hiniling kong sana’y makapagpigil ako. Kahit gustong-gusto ko nang lumaban, lumayo na lang ako. Kinabukasan, nakasalubong ko ulit ang lider ng grupo at nag-iisa siya. Kumulo ang dugo ko at gusto ko sanang gumanti. Pero nanalangin ulit ako kay Jehova na sana’y makapagpigil ako. Nagulat ako nang lumapit siya at nagsabi: “Pasensiya ka na sa nangyari kagabi. Ang totoo, gusto ko sanang maging gaya mo. Gusto ko ring mag-aral ng Bibliya.” Buti na lang at nakontrol ko ang galit ko! Dahil doon, magkasama na kaming nag-aral ng Bibliya.
Kaya lang, tumigil sa pag-aaral ng Bibliya ang mga kapamilya ko. Pero buo na ang pasiya kong ituloy ang pag-aaral at walang makakapigil sa akin. Alam kong kapag lagi akong nakikisama sa bayan ng Diyos, gagaan ang kalooban ko at magkakaroon ako ng pamilya. Patuloy akong sumulong, at noong 1991, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Dati akong punô ng galit, dominante, at marahas. Pero lubusang binago ng Salita ng Diyos ang buhay ko. Sa ngayon, ibinabahagi ko sa iba ang mensahe ng Bibliya tungkol sa kapayapaan. Dalawampu’t tatlong taon na akong naglilingkod bilang buong-panahong ministro.
Nakapagboluntaryo ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Doon ko nakilala si Claudia, isang masigasig na Kristiyano, at nagpakasal kami noong 1999. Gayon na lang ang pasasalamat ko kay Jehova dahil binigyan niya ako ng isang tapat na kasama!
Naglingkod kami sa isang kongregasyon ng Mexican Sign Language para tumulong sa mga bingi na makilala si Jehova. Nang maglaon, inanyayahan kaming lumipat sa Belize para magturo ng Bibliya sa mga tagaroon. Kahit simple lang ang buhay namin dito, nasa amin namang lahat ang kailangan namin para maging masaya. Hindi namin ito ipagpapalit sa anumang bagay.
Nang maglaon, nag-aral ulit ng Bibliya ang nanay ko at nagpabautismo. Ang aking kuya, ang asawa niya, at ang mga anak nila ay mga Saksi ni Jehova na rin. Naglilingkod na rin kay Jehova ang ilan sa aking mga dating kaibigan na nakausap ko tungkol sa mensahe ng Kaharian.
Nakalulungkot, patay na ang ilang kapamilya ko dahil hindi nila binago ang kanilang ugali. Kung hindi ako nagbago, malamang na patay na rin ako ngayon. Nagpapasalamat ako kay Jehova na inilapit niya ako sa kaniya at sa mga mananamba niya, na naging matiyaga at mabait sa pagtuturo sa akin na isabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya.