Alam Mo Ba?
Noong panahon ng Bibliya, paano ginagawa at ginagamit ang mga balumbon?
Binabanggit sa Ebanghelyo ni Lucas na si Jesus ay nagbukas ng balumbon ni Isaias, binasa ito, at saka inirolyo para isara. Sa dulo naman ng Ebanghelyo ni Juan, bumanggit din si Juan ng tungkol sa balumbon. Sinabi niyang hindi niya naisulat sa kaniyang balumbon ang lahat ng tanda na ginawa ni Jesus.—Lucas 4:16-20; Juan 20:30; 21:25.
Paano ba ginagawa ang mga balumbon? Ang mga piraso ng materyales na gaya ng katad o balat, pergamino (balat ng tupa o kambing), o papiro ay pinagdidikit-dikit para makabuo ng isang rolyo. Pagkatapos, puwede itong irolyo sa isang kahoy na ang may-sulat na bahagi ay nasa loob. Ang sulat ay nakaayos sa maiikling kolum na nakahanay sa malapad na rolyo. Kung mahaba ang balumbon, may kahoy ito sa magkabilang dulo; inilaladlad ito ng magbabasa gamit ang isang kamay habang inirorolyo naman ito ng kabilang kamay hanggang sa makita ang bahaging hinahanap niya.
“Ang maganda sa balumbon, puwede itong gawing mahaba [kadalasa’y mga 10 metro] para magkasya ang isang buong aklat, pero maliit pa rin ito kapag inirolyo,” ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary. Halimbawa, ang Ebanghelyo ni Lucas ay tinatayang magkakasya sa isang balumbon na mga 9.5 metro ang haba. Kung minsan, ang itaas at ibabang bahagi ng balumbon ay ginugupit, pinakikinis gamit ang batong mula sa bulkan, at tinitina.
Sino ang “mga punong saserdote” na binabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan?
Nang magsimula ang kaayusan ng pagkasaserdote sa Israel, isang tao lang ang makapaglilingkod bilang mataas na saserdote, at panghabambuhay ang atas na ito. (Bilang 35:25) Si Aaron ang unang binigyan ng ganitong atas. Pagkatapos, ang natatanging atas na ito ay ipapasa ng ama sa kaniyang panganay na lalaki. (Exodo 29:9) Marami sa mga inapong lalaki ni Aaron ang naglingkod bilang mga saserdote, pero iilan lang ang naging mataas na saserdote.
Nang sakupin ng mga banyaga ang Israel, ang mga di-Israelitang tagapamahala na ang nag-aatas at nag-aalis ng mga mataas na saserdoteng Judio kailanma’t gustuhin nila. Pero lumilitaw, ang mga inaatasan ay halos galing sa mga prominenteng pamilya, na ang karamihan ay mula sa linya ni Aaron. Kaya ang salitang “mga punong saserdote” ay tumutukoy sa pangunahing mga miyembro ng pagkasaserdote. Maaaring kabilang sa mga punong saserdote ang mga pinuno ng 24 na pangkat ng pagkasaserdote; mga prominente mula sa pamilya ng mataas na saserdote; at dating mga mataas na saserdote na inalis sa tungkulin, gaya ni Anas.—1 Cronica 24:1-19; Mateo 2:4; Marcos 8:31; Gawa 4:6.