Tulad Ba ng Hamog ang Iyong Ministeryo?
MAHALAGA ang ating ministeryo. Pero hindi lahat ng nakakausap natin ay nagpapahalaga rito. Kahit nagpapakita ng interes ang iba sa mensahe ng Bibliya, hindi naman nila nakikita na kailangan nilang pag-aralan ang Salita ng Diyos kasama natin.
Ganiyan si Gavin. Dumadalo siya sa mga pulong ng kongregasyon, pero tinatanggihan niya ang alok na pag-aaral ng Bibliya. Sinabi niya: “Kaunti lang ang alam ko sa Kasulatan, at ayaw kong mapahiya. Takót ako na baka madaya ako, at ayaw ko ng responsibilidad.” Ano sa palagay mo? Wala na bang pag-asa si Gavin? Hindi! Pag-isipan ang posibleng mabuting epekto ng turo ng Bibliya sa isang tao. Sinabi ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan: “Ang aking pananalita ay tutulo na gaya ng hamog, gaya ng ambon sa damo.” (Deut. 31:19, 30; 32:2) Inilalarawan ng mga katangian ng hamog kung paano natin epektibong matutulungan ang lahat ng uri ng tao sa ating ministeryo.—1 Tim. 2:3, 4.
PAANO NAGIGING TULAD NG HAMOG ANG ATING MINISTERYO?
Ang hamog ay banayad. Unti-unting nabubuo ang hamog mula sa maliliit na patak ng namuong halumigmig sa hangin. Ang mga salita ni Jehova ay ‘tumulo na gaya ng hamog’ dahil mabait, banayad, at makonsiderasyon siyang nakipag-usap sa kaniyang bayan. Natutularan natin siya kung iginagalang natin ang pananaw ng iba. Pinasisigla natin ang mga tao na mag-isip at gumawa ng sarili nilang konklusyon. Kapag makonsiderasyon tayo, mas pakikinggan tayo at magiging mas epektibo ang ating ministeryo.
Ang hamog ay nakagiginhawa. Magiginhawahan ang iba kung iisipin natin ang pinakamagandang paraan kung paano malilinang ang kanilang interes. Si Gavin, na binanggit sa simula, ay hindi pinilit na mag-aral ng Bibliya. Sa halip, si Chris, ang brother na unang nakausap ni Gavin, ay gumamit ng iba’t ibang paraan para maging mas komportable si Gavin na pag-usapan ang Bibliya. Ipinaliwanag ni Chris kay Gavin na may tema ang Bibliya at kapag naunawaan niya ito, mas maiintindihan niya ang mga naririnig niya sa pulong. Sumunod, sinabi ni Chris na ang mga hula sa Bibliya ang mismong nakakumbinsi sa kaniya na totoo ang Bibliya. Ang resulta? Maraming beses nilang napag-usapan ang tungkol sa katuparan ng mga hula. Naginhawahan si Gavin sa gayong mga pag-uusap kaya pumayag siyang mag-aral ng Bibliya.
Ang hamog ay nagbibigay-buhay. Kapag panahon ng tag-init sa Israel, hindi umuulan sa loob ng ilang buwan. Kung wala ang halumigmig mula sa hamog, malalanta at mamamatay ang mga halaman. Mayroon ding espirituwal na tagtuyot sa ngayon, gaya ng inihula ni Jehova. (Amos 8:11) Ipinangako niya na ang mga pinahirang ebanghelisador ay magiging “tulad ng hamog mula kay Jehova” sa paghahayag nila ng mensahe ng Kaharian, kasama ng “ibang mga tupa.” (Mik. 5:7; Juan 10:16) Pinahahalagahan ba natin ang mensaheng iyon bilang bahagi ng paglalaan ni Jehova para sa buhay?
Ang hamog ay pagpapala mula kay Jehova. (Deut. 33:13) Ang ating ministeryo ay maaaring maging pagpapala sa mga makikinig. Naging totoo iyan kay Gavin. Nang mag-aral siya ng Bibliya, nasagot ang lahat ng tanong niya. Mabilis siyang sumulong hanggang sa bautismo at ngayon, masaya siyang nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian kasama ang kaniyang asawang si Joyce.
PAHALAGAHAN ANG IYONG MINISTERYO
Kung pag-iisipan natin ang tungkol sa hamog, lalo pa nating mapahahalagahan ang ating personal na bahagi sa ministeryo. Paano? Ang isang patak ng hamog ay parang walang epekto, pero dahil sa pinagsama-samang mga patak ng hamog, nadidilig ang lupa. Sa katulad na paraan, parang kaunti lang ang nagagawa natin sa ministeryo bilang indibiduwal. Pero dahil sa sama-samang pagsisikap ng lahat ng ministro ni Jehova, nabibigyan ng patotoo ang “lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14) Magiging pagpapala ba sa iba ang ating ministeryo? Oo, kapag tulad ito ng hamog—banayad, nakagiginhawa, at nagbibigay-buhay!