Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patibaying-Loob ang Isa’t Isa “Lalung-lalo Na” Ngayon

Patibaying-Loob ang Isa’t Isa “Lalung-lalo Na” Ngayon

“Isaalang-alang natin ang isa’t isa [na] nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”—HEB. 10:24, 25.

AWIT: 90, 87

1. Bakit pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo noon na ‘lalung-lalo nang’ patibaying-loob ang isa’t isa?

KAILANGAN nating higit na patibaying-loob ang isa’t isa. Bakit? Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga Kristiyanong Hebreo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Heb. 10:24, 25) Wala pang limang taon pagkaraan niyang sabihin ito, makikita ng mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem na malapit na ang “araw ni Jehova.” Makikita rin nila ang tandang ibinigay ni Jesus na dapat na silang tumakas mula sa lunsod na iyon. (Gawa 2:19, 20; Luc. 21:20-22) Noong 70 C.E., dumating ang araw ni Jehova nang ilapat ng mga Romano ang Kaniyang hatol sa Jerusalem.

2. Bakit dapat tayong maging mas palaisip ngayon na patibaying-loob ang isa’t isa?

2 Sa ngayon, kumbinsido tayo na malapit na ang “dakila at lubhang kakila-kilabot” na araw ni Jehova. (Joel 2:11) Sinabi ni propeta Zefanias: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zef. 1:14) Totoo rin ang babalang iyan sa ating panahon. Kaya naman pinasisigla tayo ni Pablo na “isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Heb. 10:24) Kaya dapat tayong maging mas interesado sa kapakanan ng ating mga kapatid para mapatibay-loob natin sila kapag kinakailangan.

SINO ANG NANGANGAILANGAN NG PAMPATIBAY-LOOB?

3. Ano ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa pampatibay-loob? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

3 “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” (Kaw. 12:25) Totoo iyan sa ating lahat. Lahat tayo ay nangangailangan ng pampatibay-loob sa pana-panahon. Ipinakita ni Pablo na kahit ang mga may pananagutang magpatibay-loob sa iba ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. Sumulat siya sa mga Kristiyano sa Roma: “Nananabik akong makita kayo, upang maibahagi ko sa inyo ang ilang espirituwal na kaloob nang sa gayon ay mapatatag kayo; o, kaya, upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.” (Roma 1:11, 12) Oo, kahit si Pablo, na nagbigay ng mahusay na pampatibay-loob sa iba, ay nangangailangan din ng pampatibay-loob.—Basahin ang Roma 15:30-32.

4, 5. Sino ang puwede nating patibaying-loob sa ngayon, at bakit?

4 Dapat bigyan ng komendasyon ang mga naglilingkod kay Jehova nang buong panahon, gaya ng ating tapat na mga payunir. Marami sa kanila ang nagsakripisyo nang malaki para makapagpayunir. Ganiyan din ang mga misyonero, Bethelite, tagapangasiwa ng sirkito at kanilang asawa, at mga naglilingkod sa mga remote translation office. Nagsasakripisyo sila para makapaglaan ng mas maraming panahon sa sagradong paglilingkod. Kaya naman karapat-dapat sila sa pampatibay-loob. Ang iba naman ay gusto pang maglingkod nang buong panahon pero wala na sa kalagayang gawin iyon. Pinahahalagahan din nila ang pampatibay-loob na natatanggap nila.

5 Ang mga brother at sister na nananatiling single bilang pagsunod sa tagubilin na “mag-asawa . . . tangi lamang sa Panginoon” ay nangangailangan din ng pampatibay-loob. (1 Cor. 7:39) Pinahahalagahan din ng masisipag na asawang babae ang nakapagpapatibay na mga salita mula sa kani-kanilang asawa. (Kaw. 31:28, 31) Huwag din nating kalimutan ang mga kapatid na nananatiling tapat kahit inuusig o may karamdaman. (2 Tes. 1:3-5) Naglalaan si Jehova at si Kristo ng kaaliwan para sa lahat ng tapat na mga lingkod na ito.—Basahin ang 2 Tesalonica 2:16, 17.

PAMPATIBAY-LOOB MULA SA MGA ELDER

6. Ano ang papel ng mga elder ayon sa Isaias 32:1, 2?

6 Basahin ang Isaias 32:1, 2. Ginagamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang pinahirang mga kapatid at ang “mga prinsipe” na kabilang sa ibang mga tupa para patibaying-loob at patnubayan ang mga nalulumbay at pinanghihinaan ng loob. Angkop nga ito dahil ang mga elder ay hindi “mga panginoon” sa pananampalataya ng iba kundi “mga kamanggagawa” ukol sa kagalakan ng kanilang mga kapatid.—2 Cor. 1:24.

7, 8. Bukod sa salita, paano pa mapatitibay-loob ng mga elder ang iba?

7 Matutularan ng mga elder ang halimbawa ni apostol Pablo. Sumulat siya sa mga pinag-uusig na Kristiyano sa Tesalonica: “Taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.”—1 Tes. 2:8.

8 Ipinakita ni Pablo na hindi laging sapat ang mga salita para patibaying-loob ang iba. Sinabi niya sa matatandang lalaki sa Efeso: “Dapat ninyong tulungan yaong mahihina, at dapat ninyong isaisip ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang siya mismo ay magsabi, ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’” (Gawa 20:35) Nalulugod si Pablo na ‘gumugol at lubusang magpagugol’ para sa kaniyang mga kapatid. Ipinakita niya na handa niyang gawin ang anuman para sa kanila. (2 Cor. 12:15) Kaya naman, pinatitibay-loob at inaaliw ng mga elder ang mga kapatid hindi lang sa salita kundi sa gawa. Taimtim silang nagmamalasakit sa kanila.—1 Cor. 14:3.

9. Paano makapagbibigay ng payo ang mga elder sa paraang nakapagpapatibay-loob?

9 Kung minsan, ang mga elder ay kailangang magbigay ng payo para palakasin ang mga kapatid. Pero kailangan nilang sundin ang mga halimbawa sa Bibliya para magawa nila ito sa paraang nakapagpapatibay-loob. Napakahusay ng halimbawang ipinakita ni Jesus hinggil dito. Matapos siyang buhaying muli, nagbigay siya ng matinding payo sa ilang kongregasyon sa Asia Minor. Pero bago siya magpayo, nagbigay muna siya ng magiliw na komendasyon sa mga kongregasyon sa Efeso, Pergamo, at Tiatira. (Apoc. 2:1-5, 12, 13, 18, 19) Sinabi niya sa kongregasyon sa Laodicea: “Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway at dinidisiplina. Kaya nga maging masigasig ka at magsisi.” (Apoc. 3:19) Makabubuting tularan ng mga elder ang halimbawa ni Kristo kapag nagbibigay ng payo.

HINDI LANG ITO PANANAGUTAN NG MGA ELDER

Mga magulang, sinasanay ba ninyo ang inyong mga anak na patibaying-loob ang iba? (Tingnan ang parapo 10)

10. Paano tayo makatutulong para patibaying-loob ang isa’t isa?

10 Hindi lang mga elder ang may pananagutang magpatibay-loob sa iba. Pinasigla ni Pablo ang lahat ng Kristiyano na magsalita ng “mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi . . . ang kaayaaya” sa iba. (Efe. 4:29) Kailangan tayong maging alerto para makita natin ang “pangangailangan” ng iba. Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo: “Iunat [o, palakasin] ninyo ang mga kamay na nakalaylay at ang mga nanghihinang tuhod, at patuloy na gumawa ng tuwid na mga landas para sa inyong mga paa, upang ang may pilay ay hindi malinsad sa kasukasuan, kundi sa halip ay mapagaling ito.” (Heb. 12:12, 13) Lahat tayo, pati ang mga bata, ay makapagsasabi ng mga salitang nakapagpapatibay-loob sa isa’t isa.

11. Ano ang nakatulong kay Marthe noong dumaranas siya ng depresyon?

11 Ganito ang isinulat ni Marthe, * isang sister na dumanas ng depresyon: “Isang araw noong nananalangin ako para sa pampatibay-loob, nakausap ko ang isang nakatatandang sister. Ipinadama niya sa akin ang pagmamahal at pagmamalasakit na kailangang-kailangan ko. Ikinuwento niya na naranasan din niya ang pagsubok na pinagdaraanan ko, kaya hindi pala ako nag-iisa.” Malamang na hindi alam ng nakatatandang sister, pero nakatulong kay Marthe ang mga sinabi niya.

12, 13. Sa anong mga paraan natin maikakapit ang payo sa Filipos 2:1-4?

12 Ganito ang ipinayo ni Pablo sa kongregasyon sa Filipos: “Kung may anumang pampatibay-loob kay Kristo, kung may anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung may anumang pagbabahagi ng espiritu, kung may anumang magiliw na pagmamahal at habag, lubusin ninyo ang aking kagalakan sa bagay na kayo ay may magkakatulad na kaisipan at may magkakatulad na pag-ibig, na nabubuklod sa kaluluwa, na isinasaisip ang iisang kaisipan, na hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Fil. 2:1-4.

13 Oo, lahat tayo ay dapat magmalasakit sa isa’t isa. Makapagbibigay tayo ng “kaaliwan ng pag-ibig” at “magiliw na pagmamahal at habag” para patibaying-loob ang mga kapatid.

MGA PINAGMUMULAN NG PAMPATIBAY-LOOB

14. Ano ang isang pinagmumulan ng pampatibay-loob?

14 Nakapagpapatibay-loob mabalitaan ang katapatan ng mga tinulungan natin noon. Ganiyan ang nadama ni apostol Juan, na sumulat: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Maraming payunir ang makapagsasabi na nakapagpapatibay malaman na ang mga tinulungan nilang mapunta sa katotohanan ay nananatiling tapat, at baka naglilingkod pa nga bilang payunir. Kapag pinanghihinaan ng loob ang isang payunir, mapatitibay siya kung ipaaalaala natin sa kaniya ang mabubuting bagay na nagawa niya noon.

15. Ano ang magagawa natin para patibaying-loob ang mga tapat na naglilingkod?

15 Maraming tagapangasiwa ng sirkito ang nagsabi na napatibay-loob sila at ang kanilang asawa nang makatanggap sila ng kahit maikling thank-you note matapos silang dumalaw sa isang kongregasyon. Ganiyan din ang nadarama ng mga elder, misyonero, payunir, at mga Bethelite kapag pinasasalamatan sila dahil sa kanilang tapat na paglilingkod.

KUNG PAANO TAYO MAGIGING NAKAPAGPAPATIBAY-LOOB

16. Anong simpleng mga bagay ang makapagpapatibay-loob sa iba?

16 Nagkakamali tayo kung iniisip nating hindi tayo nakapagpapatibay-loob dahil hindi tayo mahusay makipag-usap. Ang totoo, kahit simpleng bagay ay puwedeng pagmulan ng pampatibay-loob—isang matamis na ngiti kapag binabati ang iba. Kapag hindi sinuklian ang ating ngiti, baka may pinagdaraanan sila. Makapagbibigay tayo ng kaaliwan kung pakikinggan natin sila.—Sant. 1:19.

17. Ano ang nakatulong sa isang brother noong may problema siya?

17 Talagang napakasakit kay Henri, isang kabataang brother, nang iwan ng kaniyang malalapít na kamag-anak ang katotohanan. Kasama na rito ang kaniyang ama, na dating respetadong elder. Niyaya si Henri ng isang tagapangasiwa ng sirkito para magkape. Matiyaga itong nakinig habang ikinukuwento ni Henri ang kaniyang niloloob. Nakita ni Henri na matutulungan lang niya ang kaniyang mga kapamilya na bumalik sa katotohanan kung siya mismo ay mananatiling tapat. Napatibay rin siya sa pagbabasa ng Awit 46; Zefanias 3:17; at Marcos 10:29, 30.

Lahat tayo ay puwedeng magpatibay-loob sa isa’t isa (Tingnan ang parapo 18)

18. (a) Ano ang isinulat ni Haring Solomon tungkol sa pampatibay-loob? (b) Ano ang iminungkahi ni apostol Pablo?

18 Ipinakikita ng mga karanasan ni Marthe at ni Henri na puwede nating mapatibay-loob ang isang kapatid na nangangailangan ng kaaliwan. Ganito ang isinulat ni Haring Solomon: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti! Ang ningning ng mga mata ay nagpapasaya ng puso; ang mabuting ulat ay nagpapataba ng mga buto.” (Kaw. 15:23, 30) Mapasisigla rin natin ang isang nalulumbay kung magbabasa tayo sa kaniya ng mga artikulo mula sa Bantayan o sa ating website. Ipinakita ni Pablo na puwedeng pagmulan ng pampatibay-loob ang sama-samang pagkanta ng awiting pang-Kaharian. Isinulat niya: “Patuloy na magturo at magpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, mga papuri sa Diyos, mga espirituwal na awit na may kagandahang-loob, na umaawit sa inyong mga puso kay Jehova.”—Col. 3:16; Gawa 16:25.

19. Bakit lalong magiging mahalaga na patibaying-loob natin ang isa’t isa? Kaya ano ang dapat nating gawin?

19 Lalong magiging mahalaga na patibaying-loob natin ang isa’t isa samantalang nakikita nating “papalapit na” ang araw ni Jehova. (Heb. 10:25) Gaya ng sinabi ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano noong panahon niya, “patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa, gaya nga ng ginagawa ninyo.”—1 Tes. 5:11.

^ par. 11 Binago ang mga pangalan.