ARALING ARTIKULO 15
Ano ang Pananaw Mo sa mga Tao sa Teritoryo?
“Tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.”—JUAN 4:35.
AWIT 64 May-kagalakang Nakikibahagi sa Pag-aani
NILALAMAN *
1-2. Ano ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya ang mga salitang nasa Juan 4:35, 36?
SA MGA paglalakbay ni Jesus, nadaraanan niya ang berdeng mga bukirin ng mga butil na nagsisimula pa lang tumubo. (Juan 4:3-6) Mga apat na buwan pa bago ito maging handa para sa pag-aani. Kaya nakakapagtaka ang sinabi ni Jesus: “Tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.” (Basahin ang Juan 4:35, 36.) Ano ang ibig niyang sabihin?
2 Lumilitaw na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pag-aani, o pagtitipon, ng mga tao. Pansinin ang nangyari. Kahit iniiwasan ng mga Judio ang mga Samaritano, nangaral pa rin si Jesus sa isang Samaritana—at nakinig ito! Ikinuwento ng Samaritana sa iba ang nalaman niya tungkol kay Jesus. Ang totoo, habang sinasabi ni Jesus na ang bukirin ay “maputi na para sa pag-aani,” isang malaking grupo ng mga Samaritano ang papunta na sa kaniya dahil gusto nilang matuto pa nang higit. (Juan 4:9, 39-42) Sinasabi sa isang komentaryo sa Bibliya: “Ang pananabik ng mga tao . . . ay nagpapakita na sila ay parang mga butil na handa na para sa pag-aani.”
3. Ano ang magiging epekto sa iyo kung tutularan mo ang pananaw ni Jesus?
3 Kumusta naman ang mga pinangangaralan mo? Itinuturing mo ba silang gaya ng mga butil na puwede nang anihin? Kung oo, ano ang magiging epekto nito sa iyo? Una, magiging mas apurahan ka sa pangangaral. Limitado lang ang panahon ng pag-aani; walang oras ang dapat sayangin. Ikalawa, magiging masaya ka kapag nakikinig ang mga tao sa mabuting balita. Sinasabi ng Bibliya: ‘Nagsasaya ang mga tao sa panahon ng pag-aani.’ (Isa. 9:3) At ikatlo, makikita mo na posibleng maging alagad ang bawat tao, kaya ibabagay mo sa kausap mo ang presentasyon para makuha mo ang interes niya.
4. Ano ang matututuhan natin kay apostol Pablo sa artikulong ito?
4 Para sa ilang alagad, imposibleng maging tagasunod ni Jesus ang mga Samaritano. Pero para kay Jesus, posibleng maging alagad ang mga ito. Dapat na ganiyan din ang pananaw natin sa mga tao sa teritoryo. Nagpakita si apostol Pablo ng napakagandang halimbawa para sa atin. Ano ang matututuhan natin sa kaniya? Tatalakayin sa artikulong ito kung paano niya (1) nalaman ang paniniwala ng mga kausap niya, (2) naunawaan kung saan sila interesado, at (3) nakita na posible silang maging alagad ni Jesus.
ANO ANG PANINIWALA NILA?
5. Bakit nauunawaan ni Pablo ang mga tagapakinig niya sa sinagoga?
5 Madalas mangaral si apostol Pablo sa mga sinagoga ng mga Judio. Halimbawa, sa sinagoga sa Tesalonica, “tatlong magkakasunod na sabbath siyang nangatuwiran sa [mga Judio] mula sa Kasulatan.” (Gawa 17:1, 2) Komportable siya sa sinagoga kasi pinalaki siyang Judio. (Gawa 26:4, 5) Nauunawaan niya ang mga Judio, kaya napangaralan niya sila nang may kumpiyansa.—Fil. 3:4, 5.
6. Ano ang kaibahan ng mga taga-Atenas na nasa pamilihan sa mga pinangaralan ni Pablo sa sinagoga?
6 Dahil sa pag-uusig, napilitan si Pablo na umalis sa Tesalonica at sa Berea, kaya nagpunta siya sa Atenas. Muli, “pumunta siya sa sinagoga at nakipagkatuwiranan doon sa mga Judio at sa iba pa na sumasamba sa Diyos.” (Gawa 17:17) Pero nang mangaral si Pablo sa pamilihan, iba na ang mga tagapakinig niya—kasama na rito ang mga pilosopo at iba pang Gentil. Para sa mga ito, ang mensahe ni Pablo ay isang ‘bagong turo.’ Sinabi nila sa kaniya: “Bago sa pandinig namin ang mga sinasabi mo.”—Gawa 17:18-20.
7. Sa Gawa 17:22, 23, paano ibinagay ni Pablo sa kausap niya ang presentasyon niya?
7 Basahin ang Gawa 17:22, 23. Iba ang paraan ng pangangaral ni Pablo sa mga Gentil na nasa Atenas kumpara sa pangangaral niya sa mga Judio sa sinagoga. Malamang na naisip niya, ‘Ano kaya ang paniniwala ng mga taga-Atenas?’ Nagmasid siyang mabuti at isinaalang-alang ang relihiyosong mga kaugalian ng mga tao. Pagkatapos, humanap siya ng puntong mapagkakasunduan para maituro ang katotohanang nasa Kasulatan. Sinabi ng isang komentarista sa Bibliya: “Bilang isang Judiong Kristiyano, alam niya na ang mga paganong Griego ay hindi sumasamba sa ‘tunay’ na Diyos ng mga Judio at mga Kristiyano, pero sinikap niyang ipakita na ang Diyos na ipinapahayag niya ay kinikilala rin ng mga taga-Atenas.” Kaya ibinagay ni Pablo ang presentasyon niya. Sinabi niya sa mga taga-Atenas na ang mensahe niya ay galing sa “Di-kilalang Diyos” na sinisikap nilang sambahin. Kahit hindi pamilyar ang mga Gentil sa Kasulatan, hindi inisip ni Pablo na hindi sila magiging Kristiyano. Para sa kaniya, para silang mga butil na puwede nang anihin, at ibinagay niya sa kanila ang presentasyon niya.
8. (a) Paano mo malalaman ang relihiyosong paniniwala ng mga tao sa teritoryo ninyo? (b) Kung sabihin ng may-bahay na may relihiyon na siya, ano ang puwede mong isagot?
8 Gaya ni Pablo, maging mapagmasid. Magmasid para malaman mo ang paniniwala ng mga tao sa teritoryo ninyo. Ano ang mga dekorasyon nila sa bahay? Mahahalata mo ba sa pangalan, pananamit, pag-aayos, o sa sinasabi niya kung ano ang relihiyon niya? Baka sinabi niya sa iyo na may relihiyon na siya. Ganito ang sinasabi ng special pioneer na si Flutura kapag may nakakausap siyang ganiyan: “Hindi ko ipipilit sa ’yo ang paniniwala ko. Gusto ko lang sabihin sa ’yo na . . . ”
9. Anong mga punto ang puwede ninyong mapagkasunduan ng isang relihiyosong tao?
9 Anong mga paksa ang puwede mong ipakipag-usap sa isang relihiyosong tao? Humanap ng mga puntong mapagkakasunduan ninyo. Baka isang Diyos lang ang sinasamba niya, baka kinikilala niya si Jesus bilang ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, o baka naniniwala siyang nabubuhay na tayo sa isang masamang sistema na malapit nang magwakas. Kapag alam mo na ang mga mapagkakasunduan ninyo, sabihin sa kaniya ang mensahe ng Bibliya sa paraang magiging interesado siya.
10. Ano ang dapat nating alamin, at bakit?
10 Tandaan na puwedeng hindi naman pinaniniwalaan ng isa ang lahat ng turo ng relihiyon niya. Kaya kahit alam mo na ang relihiyon ng isang tao, kailangan mo pa ring alamin kung ano talaga ang pinaniniwalaan niya. “Inihahalo ng marami sa ngayon ang pilosopiya sa mga relihiyosong paniniwala nila,” ang sabi ni David, isang special pioneer sa Australia. Sinabi naman ni Donalta na taga-Albania, “Sinasabi ng ilang nakakausap namin na may relihiyon na sila, tapos, aaminin din nila na hindi talaga sila naniniwala sa Diyos.” Napansin din ng isang misyonerong brother sa Argentina na sinasabi ng ilang tao na naniniwala sila sa Trinidad, pero hindi naman talaga sila naniniwala na ang 1 Cor. 9:19-23.
Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu ay iisang Diyos. “Sa ganitong sitwasyon, mas madali nang hanapin kung ano ang puwede ninyong mapagkasunduan,” ang sabi niya. Kaya sikaping alamin kung ano talaga ang pinaniniwalaan ng mga tao para gaya ni Pablo, puwede kang “[maging] lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.”—SAAN SILA INTERESADO?
11. Sa Gawa 14:14-17, paano ibinahagi ni Pablo ang mensahe niya sa paraang magiging interesado ang mga taga-Listra?
11 Basahin ang Gawa 14:14-17. Inalam ni Pablo kung saan interesado ang mga tao, at ibinagay niya ang kaniyang presentasyon. Halimbawa, nangaral siya sa mga taga-Listra, na kaunti lang o wala pa ngang alam sa Kasulatan. Kaya nangatuwiran si Pablo sa paraan na mauunawaan nila. Binanggit niya ang tungkol sa masaganang ani at kasiya-siyang buhay. Gumamit siya ng mga salita at halimbawa na madaling maiintindihan ng mga tagapakinig niya.
12. Paano mo malalaman kung saan interesado ang kausap mo para maibagay mo ang iyong presentasyon?
12 Gumamit ng kaunawaan para malaman kung saan interesado ang mga tao sa inyong teritoryo at ibagay ang iyong presentasyon. Paano mo malalaman kung saan interesado ang isang tao habang papalapít ka sa kaniya o sa bahay niya? Muli, magmasid ka. Baka nagtatanim siya o nagdidilig ng halaman, nagbabasa ng aklat, nag-aayos ng sasakyan, o iba pa. Kung angkop, bakit hindi simulan ang pag-uusap ninyo tungkol sa ginagawa niya? (Juan 4:7) Baka may malaman ka rin sa kaniya base sa suot niya—ang lahi niya, trabaho, o paboritong sports team. “May nakausap akong 19-anyos na lalaking nakasuot ng T-shirt na may nakaimprentang sikát na singer,” ang sabi ni Gustavo. “Tinanong ko siya tungkol sa suot niya, at naikuwento niya kung bakit niya gusto ang singer. Dahil sa pag-uusap na iyon, nakapag-aral kami ng Bibliya, at ngayon, isa na siyang Saksi.”
13. Paano mo iaalok ang pag-aaral sa Bibliya sa paraang magiging interesado ang mga tao?
Juan 4:13-15) Halimbawa, pinatuloy ng isang interesadong babae ang sister na si Poppy. Nakita ni Poppy ang isang certificate sa dingding at nalaman niya na ang babae ay nagtapos ng kursong edukasyon. Ipinaliwanag niya na tinuturuan din natin ang mga tao sa pamamagitan ng Bible study at mga pulong. Nagpa-Bible study ang babae at kinabukasan, dumalo na agad ito sa pulong. Di-nagtagal, dumalo rin siya sa isang pansirkitong asamblea. Pagkaraan ng isang taon, nabautismuhan siya. Tanungin ang sarili: ‘Saan interesado ang mga return visit ko? Paano ko maiaalok ang pag-aaral sa Bibliya sa paraang magiging interesado sila?’
13 Kapag nag-aalok ka ng pag-aaral sa Bibliya, dapat na nakakapukaw iyon ng interes; ipakita mo kung paano makakatulong sa kaniya ang pag-aaral ng Bibliya. (14. Paano mo paghahandaan ang pag-aaral ninyo ng bawat Bible study mo?
14 Kapag nagkaroon ka ng Bible study, paghandaan ang bawat pag-aaral ninyo. Isipin ang pinagmulan at interes ng bawat isa sa kanila. Kapag naghahanda, isipin ang mga teksto, video, at ilustrasyong gagamitin mo para ipaliwanag ang mga katotohanan sa Bibliya. Tanungin ang sarili, ‘Ano kayang punto ang magugustuhan at tatagos sa puso ng Bible study ko?’ (Kaw. 16:23) Sa Albania, deretsahang sinabi ng isang babae na ini-study ng payunir na si Flora, “Hindi ako naniniwala sa pagkabuhay-muli.” Hindi pinilit ni Flora ang babae na tanggapin agad ang turo. “Naisip ko na kailangan niya munang makilala ang Diyos na nangako ng pagkabuhay-muli,” ang sabi ni Flora. Mula noon, sa tuwing mag-aaral sila, lagi nang idiniriin ni Flora ang pag-ibig, karunungan, at kapangyarihan ni Jehova. Nang maglaon, naniwala na ang Bible study niya sa pagkabuhay-muli at isa na itong masigasig na Saksi ni Jehova.
ISIPIN NA POSIBLE SILANG MAGING ALAGAD
15. Sa Gawa 17:16-18, anong mga paggawi sa sinaunang Gresya ang bumagabag kay Pablo, pero bakit hindi niya inisip na imposibleng maging alagad ang mga taga-Atenas?
15 Basahin ang Gawa 17:16-18. Hindi inisip ni Pablo na imposibleng maging alagad ang mga taga-Atenas, kahit na ang lunsod nila ay punô ng idolatriya, seksuwal na imoralidad, at paganong pilosopiya. Hindi rin siya nasiraan ng loob sa mga pang-iinsulto nila. Si Pablo mismo ay naging Kristiyano, kahit dati siyang “mamumusong, mang-uusig, at walang galang.” (1 Tim. 1:13) Nakita ni Jesus na posibleng maging alagad si Pablo, at nakita ni Pablo na posible ring maging alagad ang mga taga-Atenas. At hindi siya nagkamali.—Gawa 9:13-15; 17:34.
16-17. Ano ang nagpapakita na posibleng maging alagad ni Kristo ang lahat ng uri ng tao? Magbigay ng halimbawa.
16 Noong unang siglo, iba-iba ang paraan ng pamumuhay ng mga naging alagad ni Jesus. Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa lunsod ng Corinto sa Gresya, sinabi niya na ang ilan sa kongregasyon ay dating mga kriminal o imoral. Sinabi pa niya: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon. Pero hinugasan na kayo.” (1 Cor. 6:9-11) Maiisip mo rin ba na puwedeng magbago at maging alagad ang ganoong uri ng mga tao?
17 Sa ngayon, marami ang handang magbago para maging alagad ni Jesus. Halimbawa, sa Australia, natutuhan ng special pioneer na si Yukina na puwedeng makinig ang lahat *
ng uri ng tao sa mensahe ng Bibliya. Minsan, sa isang opisina ng real estate, napansin niya ang isang babae na may tato at nakasuot ng malaki at maluwag na damit. “Noong una, nagdalawang-isip ako,” ang sabi ni Yukina, “pero nakipag-usap ako sa kaniya. Nalaman ko na talagang interesado siya sa Bibliya, at ang ilan pa nga sa tato niya ay mga teksto sa Awit!” Nagpa-Bible study ang babae at nagsimulang dumalo sa mga pulong.18. Bakit hindi natin dapat husgahan ang mga tao?
18 Sinabi ba ni Jesus na ang bukirin ay handa na para sa pag-aani dahil inaasahan niyang magiging tagasunod niya ang karamihan sa mga tao? Hindi. Inihula sa Kasulatan na iilan lang ang mananampalataya sa kaniya. (Juan 12:37, 38) Nababasa ni Jesus ang puso ng mga tao. (Mat. 9:4) Kahit nagpokus siya sa ilan na maniniwala sa kaniya, masigasig pa rin siyang nangaral sa lahat. Paano pa kaya tayong hindi nakakabasa ng puso? Hindi ba mas dapat nating iwasan na husgahan ang mga tao sa ating teritoryo? Dapat nating isipin na posible silang maging alagad. Sinabi ni Marc, isang misyonero sa Burkina Faso: “Kadalasan, tumitigil sa pag-aaral sa Bibliya ang mga tao na iniisip kong susulong. Pero y’ong mga iniisip ko na hindi magpapatuloy, sila pa y’ong sumusulong. Kaya natutuhan ko na mas mabuting magpagabay sa espiritu ni Jehova.”
19. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga tao sa ating teritoryo?
19 Sa unang tingin, baka walang masyadong aanihin sa teritoryo natin. Pero tandaan ang sinabi ni Jesus sa mga alagad niya. Ang bukirin ay maputi na, o handa na para sa pag-aani. Posibleng magbago ang mga tao at maging alagad ni Kristo. Para kay Jehova, ang mga taong ito ay “kayamanan.” (Hag. 2:7) Kung tutularan natin ang pananaw ni Jehova at ni Jesus, aalamin natin ang pinagmulan at interes ng mga tao. Oo, hindi natin sila ituturing na mga estranghero, kundi iisipin natin na posible silang maging kapatid.
AWIT 57 Mangaral sa Lahat ng Uri ng Tao
^ par. 5 Paano nakakaapekto ang pananaw natin sa mga tao sa teritoryo sa paraan ng ating pangangaral at pagtuturo? Tatalakayin sa artikulong ito ang pananaw ni Jesus at ni apostol Pablo sa mga tagapakinig nila at kung paano natin sila matutularan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng paniniwala at interes ng mga tao at pag-iisíp na posibleng maging alagad ang mga ito.
^ par. 17 Ang iba pang karanasan ng mga taong nagbago ay mababasa sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay.” Ang seryeng ito ay nasa Bantayan hanggang noong 2017. Ngayon, mababasa na ang seryeng ito sa jw.org®. Tingnan sa TUNGKOL SA AMIN > MGA KARANASAN.
^ par. 57 LARAWAN: Habang nasa bahay-bahay ang isang mag-asawa, napansin nila ang (1) isang malinis at maayos na bahay na maraming bulaklak, (2) isang pamilya na may maliit na anak, (3) isang makalat at magulong bahay, at (4) isang relihiyosong pamilya. Saan mo kaya makikita ang posibleng maging alagad ni Kristo?