Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 16

Patuloy na Pahalagahan ang Pantubos

Patuloy na Pahalagahan ang Pantubos

‘Ang Anak ng tao ay dumating para ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.’—MAR. 10:45.

AWIT 18 Salamat sa Pantubos

NILALAMAN *

1-2. Ano ang pantubos, at bakit natin ito kailangan?

NANG magkasala ang perpektong tao na si Adan, naiwala niya ang pagkakataon niya at ng magiging mga anak niya na mabuhay nang walang hanggan. Walang kapatawaran ang ginawa ni Adan. Sinadya niyang magkasala. Pero paano naman ang mga anak niya? Wala silang kinalaman sa kasalanan ni Adan. (Roma 5:12, 14) Mayroon bang puwedeng magawa para mailigtas sila sa hatol na kamatayan na nararapat kay Adan? Mayroon! Di-nagtagal pagkatapos magkasala ni Adan, unti-unting ipinaalam ni Jehova kung paano niya ililigtas ang milyon-milyong supling ni Adan mula sa kasalanan at kamatayan. (Gen. 3:15) Sa takdang panahon ni Jehova, isinugo niya ang kaniyang Anak mula sa langit ‘para ibigay ang buhay nito bilang pantubos na kapalit ng marami.’—Mar. 10:45; Juan 6:51.

2 Ano ang pantubos? Kapag ginamit ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, tumutukoy ito sa halagang ibinayad ni Jesus para mabawi ang naiwala ni Adan. (1 Cor. 15:22) Bakit kailangan natin ng pantubos? Dahil ayon sa pamantayan ni Jehova ng katarungan na makikita sa Kautusan, kailangang magbayad ng buhay para sa buhay. (Ex. 21:23, 24) Naiwala ni Adan ang kaniyang perpektong buhay bilang tao. Para masunod ang pamantayan ng Diyos sa katarungan, ibinigay ni Jesus ang perpektong buhay niya bilang tao. (Roma 5:17) Kaya siya ang naging “Walang-Hanggang Ama” ng lahat ng nananampalataya sa pantubos.​—Isa. 9:6; Roma 3:23, 24.

3. Ayon sa Juan 14:31 at 15:13, bakit handang ibigay ni Jesus ang perpektong buhay niya bilang tao?

3 Handang ibigay ni Jesus ang buhay niya dahil mahal na mahal niya ang kaniyang Ama sa langit, pati na rin tayo. (Basahin ang Juan 14:31; 15:13.) Dahil diyan, naging determinado siyang manatiling tapat hanggang kamatayan at gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. Bilang resulta, matutupad ang layunin ni Jehova para sa mga tao at sa lupa. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit hinayaan ng Diyos na magdusa nang husto si Jesus bago mamatay. Rerepasuhin din natin ang halimbawa ng isang manunulat ng Bibliya na talagang nagpahalaga sa pantubos. At panghuli, tatalakayin natin kung paano maipapakitang ipinagpapasalamat natin ang pantubos at kung paano natin mas mapapahalagahan ang sakripisyong ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin.

BAKIT HINAYAANG MAGDUSA SI JESUS?

Pag-isipan ang lahat ng pagdurusang dinanas ni Jesus para mailaan sa atin ang pantubos (Tingnan ang parapo 4)

4. Ilarawan kung paano namatay si Jesus.

4 Isipin ang nangyari noong araw na patayin si Jesus. Puwede sana siyang tumawag ng maraming anghel para protektahan siya, pero hinayaan niyang arestuhin siya ng mga sundalong Romano, na walang awang nagpahirap sa kaniya. (Mat. 26:52-54; Juan 18:3; 19:1) Hinagupit nila siya kaya nawakwak ang mga laman niya. Pagkatapos, ipinasan nila sa nagdurugo niyang likod ang isang mabigat na tulos. Hirap na hirap si Jesus na pasanin ang tulos papunta sa lugar kung saan siya papatayin, pero di-nagtagal, pinilit ng mga sundalo ang isang lalaki na buhatin ito para sa kaniya. (Mat. 27:32) Pagdating doon ni Jesus, ipinako nila sa tulos ang mga kamay at paa niya. Nang itayo nila ang tulos, nabanat ang mga sugat ni Jesus dahil sa bigat ng katawan niya. Lungkot na lungkot ang mga kaibigan niya at iyak nang iyak ang nanay niya, pero ginawa siyang katatawanan ng mga tagapamahalang Judio. (Luc. 23:32-38; Juan 19:25) Pagkatapos ng ilang oras na pagdurusa, hirap na hirap na ang puso at mga baga niya at kinakapos na siya ng hininga. Bago mamatay, nanalangin siya kay Jehova. Pagkatapos, yumuko siya at nalagutan ng hininga. (Mar. 15:37; Luc. 23:46; Juan 10:17, 18; 19:30) Talaga ngang napakahirap at kahiya-hiya ang pagkamatay ni Jesus!

5. Ano ang mas ikinababahala ni Jesus kaysa sa paraan ng pagpatay sa kaniya?

5 Hindi ang paraan ng pagpatay kay Jesus ang pinakaikinababahala niya. Mas ipinag-aalala niya ang dahilan kung bakit nila siya papatayin. Inakusahan nila siya ng pamumusong—ang paglapastangan sa Diyos o sa pangalan ng Diyos. (Mat. 26:64-66) Hindi matanggap ni Jesus na inakusahan siya ng ganoon kaya hiniling niya sa kaniyang Ama na iligtas siya sa kahihiyang iyon. (Mat. 26:38, 39, 42) Bakit hinayaan ni Jehova na magdusa at mamatay ang minamahal niyang Anak? Talakayin natin ang tatlong dahilan.

6. Bakit kailangang ibitin si Jesus sa pahirapang tulos?

6 Una, kailangang ibitin si Jesus sa tulos para mapalaya ang mga Judio sa isang sumpa. (Gal. 3:10, 13) Nangako kasi sila na susundin nila ang Kautusan ng Diyos, pero hindi nila ito ginawa. Kaya bukod sa pagiging makasalanan na minana nila kay Adan, isinumpa din sila. (Roma 5:12) Sinasabi sa Kautusan ng Diyos sa Israel na ang taong nakagawa ng kasalanang nararapat sa kamatayan ay dapat patayin. Pagkatapos, may mga pagkakataong ang katawan ng nagkasala ay ibinibitin sa tulos. * (Deut. 21:22, 23; 27:26) Kaya nang ibitin si Jesus sa tulos, ginawa niyang posible na makalaya sa sumpang ito at makinabang sa hain niya ang mismong bansang nagtakwil sa kaniya.

7. Ano ang ikalawang dahilan kung bakit hinayaan ng Diyos na magdusa ang Anak niya?

7 Pansinin ang ikalawang dahilan kung bakit hinayaan ng Diyos na magdusa ang Anak niya. Sinasanay ni Jehova si Jesus para maging Mataas na Saserdote natin. Naranasan ni Jesus kung gaano kahirap sundin ang Diyos kapag nasa matinding pagsubok. Sa sobrang hirap ng pinagdaanan niya, nanalangin siya “nang may paghiyaw at mga luha.” Kaya naiintindihan ni Jesus ang mga pinagdadaanan natin at ‘matutulungan niya tayo kapag sinusubok tayo.’ Ipinagpapasalamat natin kay Jehova na binigyan niya tayo ng isang maawaing Mataas na Saserdote na ‘nakakaunawa sa mga kahinaan natin’!—Heb. 2:17, 18; 4:14-16; 5:7-10.

8. Ano ang ikatlong dahilan kung bakit hinayaan ng Diyos na masubok nang husto si Jesus?

8 Ikatlo, hinayaan ni Jehova na magdusa nang husto si Jesus para masagot ang isang mahalagang tanong: Makakapanatili bang tapat sa Diyos ang mga tao kahit sa harap ng matinding pagsubok? Para kay Satanas, hindi! Sinasabi niya na naglilingkod lang ang mga tao sa Diyos dahil sa pansariling pakinabang. At naniniwala siya na hindi nila mahal si Jehova, gaya ni Adan. (Job 1:9-11; 2:4, 5) Dahil sigurado si Jehova na mananatiling tapat si Jesus, hinayaan niyang masubok nang husto ang Anak niya. Nanatiling tapat si Jesus at pinatunayang sinungaling si Satanas.

ISANG MANUNULAT NG BIBLIYA NA TALAGANG NAGPAHALAGA SA PANTUBOS

9. Anong halimbawa ang ipinakita ni apostol Juan para sa atin?

9 Napatibay ang pananampalataya ng maraming Kristiyano dahil sa turo tungkol sa pantubos. Patuloy silang nangaral kahit may pag-uusig at natiis nila ang anumang pagsubok sa buong buhay nila. Tingnan ang halimbawa ni apostol Juan. Patuloy niyang ipinangaral ang katotohanan tungkol kay Kristo at sa pantubos, malamang na sa loob ng mahigit 60 taon. Noong halos 100 taóng gulang na siya, lumilitaw na itinuring siyang banta sa Imperyo ng Roma kaya ipinatapon siya sa isla ng Patmos. Ano ang kasalanan niya? ‘Pagsasalita tungkol sa Diyos at pagpapatotoo tungkol kay Jesus.’ (Apoc. 1:9) Isa ngang napakahusay na halimbawa ng pananampalataya at pagtitiis!

10. Batay sa mga isinulat ni Juan, bakit masasabing pinahalagahan niya ang pantubos?

10 Makikita sa mga aklat ng Bibliya na isinulat ni Juan na mahal na mahal niya si Jesus at talagang pinapahalagahan niya ang pantubos. Mahigit 100 beses niyang binanggit ang tungkol sa pantubos o ang mga pakinabang na naging posible dahil dito. Halimbawa, isinulat ni Juan: “Kung magkasala ang sinuman, may katulong tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo.” (1 Juan 2:1, 2) Idinidiin din ng mga isinulat ni Juan ang kahalagahan ng “pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 19:10) Talagang mahalaga kay Juan ang pantubos. Paano natin siya matutularan?

PAANO MO MAIPAPAKITANG IPINAGPAPASALAMAT MO ANG PANTUBOS?

Kung talagang pinapahalagahan natin ang pantubos, lalabanan natin ang tukso na magkasala (Tingnan ang parapo 11) *

11. Ano ang makakatulong sa atin na malabanan ang tukso?

11 Labanan ang tukso na magkasala. Kung talagang pinapahalagahan natin ang pantubos, hindi natin iisipin: ‘Hindi ko kailangang magsikap na labanan ang tukso. Puwede naman akong humingi ng tawad pagkatapos magkasala.’ Sa halip, kapag natutukso tayong gumawa ng mali, sasabihin natin: ‘Ayoko! Paano ko magagawang magkasala pagkatapos ng lahat ng ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa akin?’ Puwede rin tayong humingi ng lakas kay Jehova at makiusap sa kaniya: ‘Huwag mo akong hayaang mahulog sa tukso.’—Mat. 6:13.

12. Paano natin masusunod ang payo sa 1 Juan 3:16-18?

12 Mahalin ang mga kapatid. Kapag ginagawa natin iyan, ipinapakita rin natin ang pagpapahalaga sa pantubos. Bakit natin nasabi? Dahil ibinigay din ni Jesus ang buhay niya para sa mga kapatid. Kung handa siyang mamatay para sa kanila, siguradong mahal na mahal niya sila. (Basahin ang 1 Juan 3:16-18.) Maipapakita natin ang pagmamahal sa mga kapatid sa pakikitungo natin sa kanila. (Efe. 4:29, 31–5:2) Halimbawa, tinutulungan natin sila kapag may sakit sila o kapag dumadanas sila ng matinding pagsubok, gaya ng sakuna. Pero ano ang dapat nating gawin kapag nasaktan tayo sa sinabi o ginawa ng isang kapatid?

13. Bakit dapat tayong maging mapagpatawad?

13 Madali ka bang magkimkim ng sama ng loob sa isang kapatid? (Lev. 19:18) Kung oo, sundin ang payong ito: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa. Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.” (Col. 3:13) Sa tuwing pinapatawad natin ang ating kapatid, pinapatunayan natin sa ating Ama sa langit na talagang pinapahalagahan natin ang pantubos. Pero paano natin mas mapapahalagahan ang regalong ito ng Diyos?

PAANO MO MAS MAPAPAHALAGAHAN ANG PANTUBOS?

14. Ano ang isang puwede nating gawin para mas mapahalagahan ang pantubos?

14 Pasalamatan si Jehova dahil sa pantubos. “Para sa akin, mahalagang banggitin ang pantubos sa mga panalangin ko araw-araw at pasalamatan si Jehova dahil dito,” ang sabi ng 83-taóng-gulang na sister na si Joanna, na taga-India. Kapag nananalangin ka nang mag-isa, sabihin kay Jehova ang mga pagkakamaling nagawa mo sa araw na iyon at humingi ng tawad. Siyempre, kapag nakagawa ka ng malubhang kasalanan, kailangan mo rin ng tulong ng mga elder. Papakinggan ka nila at bibigyan ng payo mula sa Salita ng Diyos. Mananalangin silang kasama mo, at hihilingin nila kay Jehova na matakpan ng hain ni Jesus ang kasalanan mo ‘para mapagaling ka’ sa espirituwal.​—Sant. 5:14-16.

15. Bakit dapat tayong maglaan ng panahon para basahin at bulay-bulayin ang tungkol sa pantubos?

15 Bulay-bulayin ang tungkol sa pantubos. “Sa tuwing binabasa ko ang tungkol sa pagdurusa ni Jesus,” ang sabi ng 73-taóng-gulang na sister na si Rajamani, “naiiyak ako.” Baka naiiyak ka rin kapag naiisip mo kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng Anak ng Diyos. Pero habang binubulay-bulay mo ang sakripisyong ginawa ni Jesus, mas mamahalin mo siya at ang kaniyang Ama. Para matulungan kang magbulay-bulay tungkol sa pantubos, bakit hindi ito gawing study project?

Sa pamamagitan ng simpleng hapunan, ipinakita ni Jesus sa mga alagad niya kung paano aalalahanin ang sakripisyo niya (Tingnan ang parapo 16)

16. Paano makakatulong sa atin ang pagtuturo sa iba tungkol sa pantubos? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

16 Turuan ang iba tungkol sa pantubos. Sa tuwing sinasabi natin sa iba ang tungkol sa pantubos, mas lalo natin itong napapahalagahan. May magaganda tayong tool na magagamit sa pagtuturo sa iba kung bakit kailangang mamatay ni Jesus para sa atin. Halimbawa, puwede nating gamitin ang aralin 4 ng brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! May pamagat iyon na “Sino si Jesu-Kristo?” O puwede rin ang kabanata 5 ng aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya? na may pamagat na “Ang Pantubos—Pinakamahalagang Regalo ng Diyos.” At taon-taon, mas napapahalagahan natin ang pantubos kapag dumadalo tayo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus at kapag iniimbitahan natin ang iba na dumalo. Isa ngang pribilehiyo mula kay Jehova na turuan ang iba tungkol sa kaniyang Anak!

17. Bakit ang pantubos ang pinakamahalagang regalo ng Diyos sa mga tao?

17 May magaganda tayong dahilan para patuloy na pahalagahan ang pantubos. Dahil sa pantubos, puwede nating maging malapít na kaibigan si Jehova kahit hindi tayo perpekto. Dahil sa pantubos, lubusang masisira ang mga gawa ng Diyablo. (1 Juan 3:8) Dahil sa pantubos, matutupad ang layunin ni Jehova para sa lupa. Magiging paraiso ang buong mundo. Mamahalin ng lahat ng tao si Jehova at paglilingkuran siya. Kaya araw-araw, maghanap tayo ng paraan para ipakita ang pagpapahalaga sa pantubos—ang pinakamahalagang regalo ng Diyos sa mga tao!

AWIT 20 Ibinigay Mo ang Iyong Mahal na Anak

^ par. 5 Bakit kailangang magdusa at mamatay ni Jesus? Sasagutin ng artikulong ito ang tanong na iyan. Tutulungan din tayo nito na mas mapahalagahan ang pantubos.

^ par. 6 Kaugalian ng mga Romano na ipako o ibitin sa tulos ang mga kriminal habang buháy pa ang mga ito, at hinayaan ni Jehova na mamatay sa ganoong paraan ang Anak niya.

^ par. 55 LARAWAN: Pinaglalabanan ng bawat brother ang tuksong tumingin sa mahahalay na larawan, manigarilyo, o tumanggap ng suhol.