Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Makakayanan ang Sobrang Pag-aalala

Kung Paano Makakayanan ang Sobrang Pag-aalala

ANG sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso natin. (Kaw. 12:25) Naranasan mo na ba iyan? Naramdaman mo na bang hindi mo na kaya at gusto mo nang sumuko? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Marami sa atin ang naging caregiver, namatayan ng mahal sa buhay, nakaranas ng sakuna, o napaharap sa iba pang sitwasyon na umuubos ng ating lakas sa pisikal, mental, at emosyonal. Pero ano ang makakatulong sa atin na makayanan ang sobrang pag-aalala? a

Marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Haring David. Nakaranas siya ng matitinding problema at nanganganib pa nga kung minsan ang buhay niya. (1 Sam. 17:34, 35; 18:10, 11) Paano nakayanan ni David ang sobrang pag-aalala? Paano natin matutularan ang halimbawa niya?

KUNG PAANO NAKAYANAN NI DAVID ANG SOBRANG PAG-AALALA

Nagkasabay-sabay ang problema ni David. Tingnan natin ang nangyari sa kaniya noong tumatakas siya kay Haring Saul na gustong pumatay sa kaniya. Pagbalik ni David at ng mga tauhan niya sa Ziklag, nadatnan nilang ninakaw ng mga kaaway ang kanilang ari-arian, sinunog ang kanilang mga bahay, at dinalang bihag ang mga pamilya nila. Ano ang naramdaman ni David? “Umiyak nang malakas si David at ang mga tauhan niya hanggang sa wala na silang lakas para umiyak.” Bukod diyan, “pinag-uusapan ng mga [pinagkakatiwalaang] tauhan niya na batuhin siya.” (1 Sam. 30:1-6) Tatlong mabibigat na problema ang sabay-sabay na hinarap ni David: Nanganganib ang pamilya niya, natatakot siya na baka patayin siya ng mga tauhan niya, at tinutugis siya ni Haring Saul. Malamang na alalang-alala si David!

Ano ang ginawa niya? Agad na “pinatibay ni David ang sarili niya sa tulong ni Jehova na kaniyang Diyos.” Paano? Laging nananalangin si David kay Jehova para humingi ng tulong at lagi niya ring binubulay-bulay kung paano siya tinulungan ni Jehova noon. (1 Sam. 17:37; Awit 18:2, 6) Alam ni David na kailangan niya ang patnubay ni Jehova, kaya humingi siya ng tulong kay Jehova kung ano ang dapat niyang gawin. Nang malaman ni David ang sagot ni Jehova, kumilos siya agad. Dahil diyan, pinagpala ni Jehova si David at ang mga tauhan nito at nabawi nila ang kanilang pamilya at mga ari-arian. (1 Sam. 30:7-9, 18, 19) Napansin mo ba ang tatlong bagay na ginawa ni David? Nanalangin siya kay Jehova para humingi ng tulong, binulay-bulay niya kung paano siya tinulungan ni Jehova noon, at kumilos siya ayon sa tagubilin ni Jehova. Paano natin matutularan si David? Talakayin natin ang tatlong paraan.

TULARAN SI DAVID KAPAG MAY MGA ÁLALAHANÍN

1. Manalangin. Sa tuwing nag-aalala tayo, manalangin kay Jehova para sa tulong at karunungan. Gagaan ang pakiramdam natin kapag ibinubuhos natin sa kaniya sa panalangin ang lahat ng ikinababahala natin. O puwede rin tayong manalangin nang maikli at tahimik kung iyon lang ang ipinapahintulot ng kalagayan natin. Sa tuwing humihingi tayo ng tulong kay Jehova, tinutularan natin ang pagtitiwala ni David: “Si Jehova ang aking malaking bato at ang aking moog at tagapagligtas. Ang aking Diyos ang aking bato; sa kaniya ako nanganganlong.” (Awit 18:2) Nakakatulong ba talaga ang panalangin? Sinabi ng sister na pioneer na si Kahlia: “Pagkatapos kong manalangin, napapanatag ako. Nakakatulong sa akin ang panalangin para maiayon ko ang kaisipan ko sa kaisipan ni Jehova, at lalong tumitibay ang pagtitiwala ko sa kaniya.” Kaya ang panalangin ay isang epektibong tulong mula kay Jehova para makayanan natin ang sobrang pag-aalala.

2. Magbulay-bulay. May naiisip ka bang mga pagsubok noon na nakayanan mo dahil sa tulong ni Jehova? Kapag binubulay-bulay natin kung paano tayo tinulungan ni Jehova pati na ang mga lingkod niya noon, mas napapanatag tayo at lalong tumitibay ang pagtitiwala natin sa kaniya. (Awit 18:17-19) “May listahan ako ng mga panalangin ko na sinagot ni Jehova,” ang sabi ng elder na si Joshua. “Nakatulong ito sa akin para maalala ko ang mga pagkakataon na nanalangin ako kay Jehova nang espesipiko at ibinigay niya sa akin kung ano ang talagang kailangan ko.” Oo, kapag binubulay-bulay natin kung paano tayo tinulungan ni Jehova noon, nagkakaroon tayo ng lakas na makayanan ang sobrang pag-aalala.

3. Kumilos. Bago magdesisyon sa isang sitwasyon, alamin ang sinasabi ng Salita ng Diyos, ang pinakamaaasahang patnubay. (Awit 19:7, 11) Para sa marami, kapag nagre-research sila tungkol sa isang partikular na teksto, mas naiintindihan nila kung paano nila maisasabuhay ang tekstong iyon. Sinabi ng isang elder na si Jarrod: “Kapag nagre-research ako, mas marami akong natututuhan tungkol sa isang teksto at naiintindihan ko kung ano ang gustong sabihin sa akin ni Jehova. Tumatagos iyon sa puso ko kaya kumikilos ako ayon sa patnubay niya.” Kaya kapag iniisip natin ang mga ginawa ni Jehova para sa atin, mas nakakayanan natin ang sobrang pag-aalala.

TUTULUNGAN KA NI JEHOVA

Naintindihan ni David na para makayanan niya ang sobrang pag-aalala, kailangan niya ang tulong ni Jehova. Talagang napahalagahan niya ang tulong ni Jehova kaya nasabi niya: “Sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos ay makaaakyat ako sa pader. Ang tunay na Diyos ang nagbibigay sa akin ng lakas.” (Awit 18:29, 32) Baka pakiramdam natin, kasintaas ng pader ang problema natin. Pero sa tulong ni Jehova, maaakyat natin ang tulad-pader na mga problema! Oo, kapag nananalangin tayo para sa tulong ni Jehova, binubulay-bulay ang mga ginawa niya noon para sa atin, at kumikilos ayon sa kaniyang tagubilin, makapagtitiwala tayo na bibigyan niya tayo ng lakas at karunungan na kailangan para maharap ang sobrang pag-aalala.

a Baka kailangang magpatingin sa doktor ang isang taong nakakaranas ng matindi at nagtatagal na pag-aalala.