Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maligaya ang mga Bukas-Palad

Maligaya ang mga Bukas-Palad

“May . . . kaligayahan sa pagbibigay.”—GAWA 20:35.

AWIT: 76, 110

1. Paanong ang paglalang ay katunayan ng pagkabukas-palad ni Jehova?

KAHIT nag-iisa lang si Jehova noong hindi pa siya nagsisimulang lumalang, hindi lang sarili niya ang iniisip niya. Sa halip, ipinagkaloob niya ang buhay sa matatalinong nilalang—mga tao at espiritung nilalang. Gustong-gusto ng “maligayang Diyos,” si Jehova, na magbigay ng mabubuting kaloob. (1 Tim. 1:11; Sant. 1:17) At dahil gusto niyang maging maligaya rin tayo, tinuturuan niya tayong maging bukas-palad.—Roma 1:20.

2, 3. (a) Bakit nakapagpapaligaya ang pagbibigay? (b) Ano ang tatalakayin natin?

2 Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan. (Gen. 1:27) Ibig sabihin, nilalang tayo para ipakita ang kaniyang personalidad. Kung gayon, para maging maligaya at kontento, dapat nating tularan si Jehova. Dapat tayong maging interesado sa kapakanan ng iba at maging bukas-palad. (Fil. 2:3, 4; Sant. 1:5) Bakit? Simple lang ang sagot: ganiyan kasi tayo nilalang ni Jehova. Kahit hindi tayo perpekto, matutularan pa rin natin ang pagkabukas-palad niya.

3 Sinasabi ng Bibliya kung paano natin iyan magagawa. Repasuhin natin ang ilang aral mula sa Kasulatan tungkol sa paksang ito. Makikita natin kung paano umaakay sa pagsang-ayon ng Diyos ang pagiging bukas-palad at kung paanong ang paglilinang nito ay tutulong sa atin na magampanan ang papel na ibinigay ng Diyos sa atin. Susuriin din natin ang kaugnayan ng pagkabukas-palad at ng kaligayahan, at kung bakit dapat nating patuloy na linangin ang katangiang ito.

KUNG PAANO NATIN MAKAKAMIT ANG PAGSANG-AYON NG DIYOS

4, 5. Paano nagpakita si Jehova at si Jesus ng halimbawa sa pagiging bukas-palad?

4 Gusto ni Jehova na tularan natin siya, kaya natutuwa siya kapag bukas-palad tayo. (Efe. 5:1) Kitang-kita sa pagkakagawa sa atin at sa kagandahan at likas na yaman ng ating kapaligiran na gusto talaga ng Diyos na lumigaya ang tao. (Awit 104:24; 139:13-16) Kaya naman napararangalan natin siya kapag nagsisikap tayong pasayahin ang iba.

5 Tinutularan ng mga tunay na Kristiyano ang Kristo, na nagbigay sa atin ng sakdal na halimbawa kung paano magiging bukas-palad ang isang tao. Sinabi mismo ni Jesus: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Kaya hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din . . . Hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin.” (Fil. 2:5, 7) Tanungin ang sarili: ‘Mapasusulong ko pa ba ang pagtulad ko sa halimbawa ni Jesus?’—Basahin ang 1 Pedro 2:21.

6. Anong aral ang itinuro ni Jesus mula sa talinghaga tungkol sa madamaying Samaritano? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

6 Makakamit natin ang pagsang-ayon ni Jehova kung tutularan natin siya at si Kristo, kung magiging interesado tayo sa kapakanan ng iba, at kung hahanap tayo ng paraan para mailaan ang pangangailangan nila. Oo, sa talinghaga niya tungkol sa madamaying Samaritano, nilinaw ni Jesus na inaasahan niyang magsisikap ang mga tagasunod niya na tumulong, kahit sa mga taong iba ang pinagmulan. (Basahin ang Lucas 10:29-37.) Natatandaan mo ba ang tanong kung kaya binanggit ni Jesus ang talinghagang iyon? Tinanong siya ng isang Judio: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Makikita sa sagot ni Jesus na dapat tayong maging bukas-palad gaya ng Samaritanong iyon kung gusto nating makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.

7. Paano nauugnay sa pansansinukob na isyu ang ating pagiging makasarili o di-makasarili?

7 Maraming magagandang dahilan ang mga Kristiyano para maging bukas-palad. Halimbawa, ang katangiang ito ay nauugnay sa isyung ibinangon ni Satanas sa hardin ng Eden. Paano? Sinabi ni Satanas na mas mabuti para kina Adan at Eva—pati na sa lahat ng tao—na isipin lagi ang kanilang sarili at unahin ang kanilang kapakanan kaysa sa pagsunod sa Diyos. Naging makasarili si Eva at hinangad na maging gaya ng Diyos. Naging makasarili din si Adan at gusto niyang palugdan si Eva. (Gen. 3:4-6) Kitang-kita ang resulta ng desisyon nila. Walang idudulot na kaligayahan ang pagiging makasarili; sa halip, kabaligtaran pa nga. Pero kung bukas-palad tayo, ipinakikita nating naniniwala tayo na ang paraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay ang pinakamahusay.

PAGGANAP SA PAPEL NA IBINIGAY NG DIYOS SA KANIYANG BAYAN

8. Bakit dapat sana’y naging interesado sa pagbibigay ang unang mag-asawa?

8 Binigyan ng Diyos ang unang mag-asawa ng mga tagubiling tutulong sana sa kanila na isipin ang kapakanan ng iba, kahit sila pa lang noon ang nasa hardin ng Eden. Pinagpala sila ni Jehova at sinabihang magpakarami, punuin ang lupa, at supilin iyon. (Gen. 1:28) Kung paanong interesadong-interesado ang Maylalang sa kapakanan ng kaniyang mga nilalang, dapat sana’y naging interesado rin sina Adan at Eva sa kaligayahan ng kanilang magiging mga anak. Gagawing Paraiso ang buong lupa para sa kapakinabangan ng mga anak ni Adan. Ang napakalaking proyektong iyan ay mangangailangan ng pakikipagtulungan ng lumalaki niyang pamilya.

9. Bakit nakapagdulot sana ng kaligayahan ang pagpapalawak ng Paraiso?

9 Para sa sakdal na mga tao, ang pagpapalawak ng Paraiso ay nangangahulugan ng lubos na pakikipagtulungan kay Jehova para matupad ang kaniyang layunin, at nang sa gayo’y makapasok sila sa kaniyang kapahingahan. (Heb. 4:11) Isa itong kasiya-siya at kapaki-pakinabang na proyekto! Nakapagdulot sana ng malaking pagpapala at kasiyahan sa kanila ang pagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba.

10, 11. Paano natin magagampanan ang atas na mangaral at gumawa ng alagad?

10 Sa ngayon, binigyan ni Jehova ng gawain ang kaniyang bayan—ang pangangaral at paggawa ng alagad. Para magawa ang atas na iyan, dapat na interesado talaga tayo sa kapakanan ng iba. Mababata lang natin ang gawaing ito kung tama ang ating motibo—pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.

11 Noong unang siglo C.E., tinukoy ni Pablo ang kaniyang sarili at ang ilang malalapít na kasama bilang “mga kamanggagawa ng Diyos” dahil sa kanilang papel na pagtatanim at pagdidilig ng binhi ng katotohanan ng Kaharian. (1 Cor. 3:6, 9) Puwede rin tayong maging “mga kamanggagawa ng Diyos” ngayon kung bukas-palad tayong magbibigay ng ating panahon, tinatangkilik, at lakas sa gawaing pangangaral na iniatas ng Diyos. Isa nga itong napakalaking pribilehiyo!

Isa sa pinakakasiya-siyang pribilehiyo ang tumulong sa mga tao na maunawaan ang katotohanan (Tingnan ang parapo 12)

12, 13. Para sa iyo, ano ang mga gantimpala sa paggawa ng alagad?

12 Nagdudulot ng malaking kagalakan ang pagiging bukas-palad sa pagbibigay ng ating panahon at lakas para sa pangangaral at paggawa ng alagad. Maraming may sumusulong na Bible study ang makapagsasabi sa iyo na isa ito sa pinakakasiya-siyang karanasan nila. Napakasayang makita na natutuwa ang mga indibiduwal kapag nauunawaan nila ang mga katotohanan mula sa Bibliya, sumusulong sila sa pananampalataya, gumagawa ng mga pagbabago, at kapag ibinabahagi na nila ang katotohanan sa iba. Nadama rin iyan ni Jesus nang ang 70 alagad na isinugo niya para mangaral ay “bumalik na may kagalakan” dahil sa magagandang resulta ng pangangaral nila.—Luc. 10:17-21.

13 Tuwang-tuwa ang mga mamamahayag sa buong daigdig kapag nakikita nilang nababago ang buhay ng mga tao dahil sa mabuting balita. Tingnan ang karanasan ni Anna, isang dalagang sister na lumipat sa isang lugar sa Eastern Europe para maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan. * “Napakaraming oportunidad na makapag-Bible study dito, at ito talaga ang gusto ko,” ang isinulat niya. “Tuwang-tuwa akong maglingkod dito. Tuwing uuwi ako, wala na akong panahon para magpokus sa sarili ko. Iniisip ko ang mga Bible study ko—ang mga problema nila at ikinababahala. Humahanap ako ng mga paraan para mapatibay sila at matulungan sa praktikal na paraan. At talagang nakumbinsi akong ‘may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’”—Gawa 20:35.

Kapag nagbabahay-bahay tayo sa ating teritoryo, binibigyan natin ng pagkakataon ang mga tao na tumugon sa mensahe ng Kaharian (Tingnan ang parapo 14)

14. Kahit kaunti lang ang tumutugon sa mabuting balita, paano ka pa rin magiging masaya sa iyong ministeryo?

14 Natutuwa tayo kapag nabibigyan natin ng pagkakataon ang mga tao na tumugon sa mensahe ng mabuting balita kahit hindi sila makinig. Tutal, ang atas natin ngayon ay kagaya ng atas ni propeta Ezekiel, na sa kaniya’y sinabi ni Jehova: “Sasalitain mo sa kanila ang aking mga salita, makinig man sila o tumanggi.” (Ezek. 2:7; Isa. 43:10) Kahit hindi pinahahalagahan ng ilan ang ating mensahe, pinahahalagahan naman ni Jehova ang ating pagsisikap. (Basahin ang Hebreo 6:10.) Isang mamamahayag ang nagpakita ng napakagandang saloobin tungkol dito. Ganito ang isinulat niya tungkol sa kaniyang ministeryo: “Tayo ay nagtanim, nagdilig, at nanalangin na sana’y palaguin ni Jehova ang interes.”—1 Cor. 3:6.

KUNG PAANO MAGIGING MALIGAYA

15. Paano tumutugon ang marami sa pagkabukas-palad, at dapat bang makaapekto sa atin ang reaksiyon nila?

15 Gusto ni Jesus na maging bukas-palad tayo para maging maligaya tayo. Positibo ang tugon ng marami kapag pinagpakitaan sila ng pagkabukas-palad. “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo,” ang sabi niya. “Ibubuhos nila sa inyong kandungan ang sukat na mainam, pinikpik, niliglig at umaapaw. Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.” (Luc. 6:38) Siyempre pa, hindi lahat ay tutugon sa ating pagkabukas-palad, pero kapag tumugon sila, posibleng maging bukas-palad din sila sa iba. Kaya ugaliin ang pagbibigay, pahalagahan man ito ng mga tao o hindi. Malay mo, baka ang isang pagpapakita mo ng pagkabukas-palad ay napakalaking bagay na pala sa iba.

16. Ano ang dapat na maging motibo natin sa pagiging bukas-palad?

16 Ang mga totoong bukas-palad ay hindi naghihintay ng kapalit kapag nagbibigay sila. Iyan ang nasa isip ni Jesus nang ituro niya: “Kapag naghanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga taong dukha, ang mga lumpo, ang mga pilay, ang mga bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo.” (Luc. 14:13, 14) “Siyang may mabait na mata [o, bukas-palad] ay pagpapalain,” ang sabi ng isang kinasihang manunulat. Sinabi naman ng isa pa: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita.” (Kaw. 22:9; Awit 41:1) Oo, dapat tayong magbigay dahil nagiging masaya tayo kapag tumutulong sa iba.

17. Anong uri ng pagbibigay ang magpapasaya sa iyo?

17 Nang sipiin ni Pablo ang sinabi ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” ang tinutukoy ni Pablo ay hindi lang pagbibigay ng materyal na mga bagay kundi pagbibigay rin ng pampatibay-loob, patnubay, at tulong sa mga nangangailangan nito. (Gawa 20:31-35) Sa salita at halimbawa, tinuruan tayo ng apostol na maging bukas-palad sa pagbibigay ng ating panahon, lakas, atensiyon, at pag-ibig.

18. Ano ang sinabi ng maraming sekular na manunulat tungkol sa pagkabukas-palad?

18 Napansin din ng mga mananaliksik sa larangan ng siyensiyang panlipunan na ang pagbibigay ay nagpapasaya sa mga tao. Ayon sa isang lathalain, “sinasabi ng mga tao na masayang-masaya sila matapos silang magpakita ng kabaitan sa iba.” Ang pagtulong sa iba, ayon sa mga mananaliksik, ay mahalaga para magkaroon ng “higit na layunin at kabuluhan” ang buhay “dahil nasasapatan nito ang pangunahing pangangailangan ng tao.” Kaya naman madalas irekomenda ng mga eksperto na magboluntaryo ang mga tao sa serbisyo publiko para na rin sa kanilang kalusugan at kaligayahan. Hindi na ito bago sa mga tumatanggap sa Bibliya bilang ang Salita ng maibiging Disenyador ng tao, si Jehova.—2 Tim. 3:16, 17.

PATULOY NA LINANGIN ANG PAGKABUKAS-PALAD

19, 20. Bakit mo gustong maging bukas-palad?

19 Napakahirap mapanatili ang pagkabukas-palad kapag napalilibutan tayo ng mga taong makasarili. Pero ayon kay Jesus, ang dalawang pinakadakilang utos ay ang ibigin si Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas at ang ibigin ang kapuwa gaya ng ating sarili. (Mar. 12:28-31) Gaya ng nakita natin sa artikulong ito, ang mga umiibig kay Jehova ay tumutulad sa kaniya. Si Jehova at si Jesus ay parehong bukas-palad. At inirerekomenda nilang gayundin ang gawin natin, dahil talagang magpapasaya iyon sa atin. Kung pagsisikapan nating maging bukas-palad sa ating mga ginagawa para sa Diyos at sa kapuwa, mapararangalan natin si Jehova at makikinabang tayo pati na rin ang iba.

20 Tiyak na pinagsisikapan mo nang tumulong sa iba, lalo na sa mga kapananampalataya. (Gal. 6:10) Kung patuloy mo itong gagawin, siguradong mamahalin ka at pahahalagahan, at dahil dito, magiging maligaya ka. “Ang kaluluwang bukas-palad ay patatabain,” ang sabi ng Kawikaan 11:25, “at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.” Siyempre pa, ang walang-pag-iimbot na pagbibigay, kabaitan, at pagkabukas-palad ay maipakikita sa maraming paraan at sa iba’t ibang pitak ng iyong buhay at ministeryo bilang Kristiyano, na magdudulot ng mga pagpapala. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilan sa mga paraan at pitak na ito.

^ par. 13 Binago ang pangalan.