ARALING ARTIKULO 33
Maliligtas “ang mga Nakikinig sa Iyo”
“Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo. Ibigay mo ang buong makakaya mo sa pagtupad sa mga bagay na ito, dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.”—1 TIM. 4:16.
AWIT 67 Ipangaral ang Salita
NILALAMAN *
1. Ano ang gusto nating lahat para sa mga kapamilya natin?
“MULA nang malaman ko ang katotohanan, pinangarap ko nang makasama sa Paraiso ang buong pamilya ko,” ang sabi ng sister na si Pauline. * “Gustong-gusto kong makasama ang asawa kong si Wayne at ang anak naming lalaki sa paglilingkod kay Jehova.” May mga kapamilya ka bang hindi pa nakakakilala at umiibig kay Jehova? Tulad ni Pauline, malamang na gusto mo ring makasama ang mga kapamilya mo sa paglilingkod kay Jehova.
2. Ano-anong tanong ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Hindi natin mapipilit ang ating mga kapamilya na tanggapin ang mabuting balita, pero makakatulong tayo para maging bukás ang puso’t isip nila sa mensahe ng Bibliya. (2 Tim. 3:14, 15) Bakit dapat tayong magpatotoo sa ating mga kapamilya? Bakit kailangan nating sikaping maintindihan ang nararamdaman nila? Paano natin sila matutulungang ibigin din si Jehova gaya natin? At paano makakatulong sa atin ang mga kapatid sa kongregasyon?
BAKIT DAPAT TAYONG MAGPATOTOO SA ATING MGA KAPAMILYA?
3. Ayon sa 2 Pedro 3:9, bakit dapat tayong magpatotoo sa ating mga kapamilya?
3 Malapit nang wakasan ni Jehova ang sistemang ito. Ang makakaligtas lang ay ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Ginagamit natin ang ating panahon at lakas sa pangangaral sa mga hindi natin kakilala, kaya natural lang na mangaral din tayo sa mga kapamilya natin para makasama natin silang maglingkod kay Jehova. Hindi gusto ng ating maibiging Ama, si Jehova, na mapuksa ang sinuman “kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.”—Basahin ang 2 Pedro 3:9.
4. Anong pagkakamali ang posible nating magawa kapag nagpapatotoo sa mga kapamilya?
4 Dapat nating tandaan na may tama at maling paraan ng pagsasabi ng mensahe ng Kaharian. Baka maingat tayong magsalita kapag nagpapatotoo sa mga hindi natin kilala, pero deretsahan naman tayong makipag-usap sa mga kapamilya natin.
5. Ano ang dapat nating tandaan bago magpatotoo sa ating mga kapamilya?
5 Baka pinagsisisihan ng marami sa atin ang unang pagkakataong nagpatotoo tayo sa ating mga kapamilya at naiisip nating hindi sana ganoon ang ginawa natin. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin, para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.” (Col. 4:5, 6) Mahalagang tandaan ang payong iyan kapag nakikipag-usap sa mga kapamilya natin. Kung hindi, baka sa halip na makinig sila, iwasan nila tayo.
PAANO NATIN MATUTULUNGAN ANG ATING MGA KAPAMILYA?
6-7. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang kailangang maging makonsiderasyon sa asawang di-Saksi.
6 Maging makonsiderasyon. Sinabi ni Pauline, na binanggit kanina: “Noong una, puro espirituwal na bagay lang ang gusto kong sabihin sa asawa ko. Hindi namin pinag-uusapan ang mga nangyayari sa amin sa araw-araw.” Pero walang gaanong alam sa Bibliya si Wayne, na asawa ni Pauline, at hindi niya naiintindihan ang mga sinasabi ni Pauline. Para sa kaniya, puro relihiyon na lang ang nasa isip ng misis niya. Nag-alala siya na baka umaanib na ito sa isang kulto.
7 Inamin ni Pauline na dati, halos gabi-gabi
at tuwing weekend niyang kasama ang mga kapatid—sa pulong, sa pangangaral, at sa mga salusalo. “Kung minsan, umuuwi si Wayne na walang nadadatnan sa bahay, kaya nalulungkot siya,” ang sabi ni Pauline. Siyempre, gusto rin ni Wayne na makasama ang kaniyang mag-ina. Hindi niya kilala ang mga kasama ng kaniyang asawa’t anak, at parang mas mahalaga pa kay Pauline ang mga bago nitong kaibigan kaysa sa kaniya. Kaya nagbanta siyang didiborsiyuhin niya si Pauline. May naiisip ka ba kung paano sana naging mas makonsiderasyon si Pauline?8. Ayon sa 1 Pedro 3:1, 2, ano ang malamang na mas mapansin ng mga kapamilya natin?
8 Magpakita ng mabuting paggawi. Kadalasan, mas napapansin ng ating mga kapamilya ang ginagawa natin kaysa sa sinasabi natin. (Basahin ang 1 Pedro 3:1, 2.) Napag-isip-isip iyan ni Pauline. “Alam kong mahal kami ni Wayne at ayaw naman niya talagang makipagdiborsiyo,” ang sabi niya. “Pero dahil sa banta niya, na-realize kong kailangan kong gawin ang mga bagay-bagay sa paraan ni Jehova. Sa halip na mangaral nang mangaral sa kaniya, naisip kong kailangan kong magpakita ng mabuting paggawi.” Hindi na pinipilit ni Pauline si Wayne na pag-usapan nila ang Bibliya, at nakikipagkuwentuhan na rin siya rito tungkol sa iba pang bagay. Napansin ni Wayne na naging mas mahinahon si Pauline at mas bumait ang anak nila. (Kaw. 31:18, 27, 28) Nang makita ni Wayne ang magandang epekto ng Bibliya sa kaniyang mag-ina, nabuksan ang puso’t isip niya sa mensahe ng Salita ng Diyos.—1 Cor. 7:12-14, 16.
9. Bakit dapat nating patuloy na tulungan ang mga kapamilya natin?
9 Patuloy na tulungan ang iyong mga kapamilya. Jer. 44:4) Gayundin, sinabi ni Pablo kay Timoteo na patuloy na tulungan ang iba. Bakit? Dahil sa paggawa nito, maililigtas niya ang kaniyang sarili at ang mga nakikinig sa kaniya. (1 Tim. 4:16) Mahal natin ang ating mga kapamilya, kaya gusto nating malaman nila ang mga katotohanan sa Bibliya. Nang maglaon, nagkaroon ng magandang epekto sa pamilya ni Pauline ang kaniyang pangangaral at mabuting paggawi. Masaya siyang naglilingkod ngayon kay Jehova kasama ang kaniyang asawa. Pareho silang payunir, at elder na si Wayne.
Magandang halimbawa si Jehova sa atin. “Paulit-ulit” niyang binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na tanggapin ang mabuting balita at mabuhay magpakailanman. (10. Bakit kailangan nating maging matiyaga?
10 Maging matiyaga. Kapag sumusunod na tayo sa mga pamantayan ng Diyos, baka mahirapan ang mga kapamilya natin na tanggapin ang ating bagong paniniwala at pamumuhay. Kadalasan, napapansin agad nila na hindi na tayo sumasali sa kanilang mga relihiyosong pagdiriwang at sa politika. Sa simula, baka magalit sa atin ang ilan sa kanila. (Mat. 10:35, 36) Pero huwag tayong mawalan ng pag-asa. Kung hihinto tayo sa pagtulong sa kanila na maintindihan ang paniniwala natin, parang hinatulan na natin sila na hindi sila karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Hindi sa atin ibinigay ni Jehova ang atas na humatol—para kay Jesus ang atas na iyon. (Juan 5:22) Kung matiyaga tayo, malamang na makinig din ang mga kapamilya natin sa ating mensahe.—Tingnan ang kahong “ Gamitin ang Ating Website sa Pagtuturo.”
11-13. Ano ang natutuhan mo sa pakikitungo ni Alice sa mga magulang niya?
11 Manindigan pero maging mabait. (Kaw. 15:2) Tingnan ang halimbawa ni Alice. Nakilala niya si Jehova noong malayo siya sa mga magulang niya, na mga ateista at aktibo sa politika. Naisip niya na sabihin agad sa kanila ang magagandang bagay na natututuhan niya. Sinabi ni Alice, “Kung patatagalin mo pa ang pagsasabi ng iyong paniniwala, lalong magugulat ang pamilya mo.” Sumulat siya sa mga magulang niya at nagtanong kung ano ang masasabi nila sa mga turo ng Bibliya tungkol sa mga paksang iniisip niyang magugustuhan nila, gaya ng pag-ibig. (1 Cor. 13:1-13) Pinasalamatan niya ang mga magulang niya sa pagpapalaki at pag-aalaga sa kaniya, at pinadalhan niya sila ng mga regalo. Kapag dumadalaw siya sa mga magulang niya, tumutulong siya sa mga gawaing-bahay hangga’t maaari. Sa simula, hindi natuwa ang mga magulang ni Alice nang sabihin niya ang bago niyang paniniwala.
12 Kapag nasa bahay si Alice kasama ang mga magulang niya, nagbabasa pa rin siya ng Bibliya araw-araw. “Nakatulong ito para makita ni Mama kung gaano kahalaga sa akin ang Bibliya,” ang sabi ni Alice. Samantala, naisip ng tatay ni Alice na mag-aral ng Bibliya para maintindihan niya kung bakit nagbago ang pananaw ng anak niya, at gusto rin niyang mahanapan ng mali ang Bibliya. “Binigyan ko siya ng Bibliya at may message ako doon para sa kaniya,” ang sabi ni Alice. Ano ang resulta? Sa halip na makakita ng mali, tumagos sa puso ng tatay ni Alice ang mga nabasa nito sa Salita ng Diyos.
13 Kailangan nating manindigan, pero dapat din tayong manatiling mabait, kahit may tinitiis na mga pagsubok. (1 Cor. 4:12b) Halimbawa, tiniis ni Alice ang pang-uusig ng nanay niya. “Nang magpabautismo ako, tinawag ako ni Mama na ‘masamang anak.’” Ano ang ginawa ni Alice? “Sa halip na manahimik na lang, ipinaliwanag ko sa magalang na paraan na desidido akong maging Saksi ni Jehova at hindi na ’yon magbabago. Tiniyak ko kay Mama na mahal na mahal ko siya. Pareho kaming napaiyak. Pagkatapos, ipinagluto ko siya ng masarap na pagkain. Mula noon, tanggap na ni Mama na nakakatulong ang Bibliya para maging mas mabuti akong tao.”
14. Bakit hindi tayo dapat magpadala sa pressure na makipagkompromiso?
14 Kailangan ng panahon bago maintindihan ng mga kapamilya natin kung gaano kahalaga sa atin na paglingkuran si Jehova. Halimbawa, nang magdesisyon si Alice na magpayunir sa halip na abutin ang career na gusto ng magulang niya para sa kaniya, napaiyak uli ang nanay niya. Pero nanindigan si Alice. “Kapag pinagbigyan mo sila sa isang bagay,” ang sabi ni Alice, “malamang na i-pressure ka nila ulit sa iba pang bagay. Pero kung mabait ka at naninindigan pa rin, baka makinig sa iyo ang ilan sa kanila.” Ganiyan ang nangyari kay Alice. Sa ngayon, parehong payunir ang mga magulang niya, at elder na ang tatay niya.
PAANO MAKAKATULONG ANG KONGREGASYON?
15. Ayon sa Mateo 5:14-16 at 1 Pedro 2:12, paano makakatulong sa ating mga kapamilya ang “mabubuting ginagawa” ng iba?
15 Inilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga tao sa pamamagitan ng “mabubuting ginagawa” ng kongregasyong Kristiyano. (Basahin ang Mateo 5:14-16; 1 Pedro 2:12.) Kung ang asawa mo ay hindi Saksi ni Jehova, may nakilala na ba siyang mga kakongregasyon mo? Si Pauline, na binanggit kanina, ay nag-imbita ng mga kapatid sa bahay nila para makilala ng asawa niyang si Wayne. Natatandaan pa ni Wayne kung paano siya tinulungan ng isang brother na makilalang mabuti ang mga Saksi: “Nag-day off siya sa trabaho para samahan akong manood ng basketbol. Na-realize ko, ‘Tao din pala siya!’”
16. Bakit dapat nating imbitahan sa pulong ang ating mga kapamilya?
16 Malaking tulong din sa ating mga kapamilya kung iimbitahan natin sila sa mga pulong. (1 Cor. 14:24, 25) Ang unang pulong na nadaluhan ni Wayne ay ang Memorial, dahil tapos na ang trabaho niya sa oras na ito at maikli lang ang programa. “Hindi ko naintindihan ang pahayag,” ang sabi niya, “pero tuwang-tuwa ako sa mga nando’n. Nilapitan nila ako, masayang tinanggap, at kinamayan nang mahigpit. Ang babait nila!” May mag-asawang laging tumutulong sa pag-aasikaso sa anak ni Pauline sa mga pulong at sa ministeryo. Kaya nang gusto na ni Wayne na mas maintindihan ang bagong relihiyon ni Pauline, hinilingan niya ang asawang lalaki na mag-Bible study sa kaniya.
17. Sa anong pagkakataon hindi natin dapat sisihin ang ating sarili, pero bakit hindi tayo dapat huminto sa pagtulong sa ating mga kapamilya?
17 Gusto nating makasama ang lahat ng ating kapamilya sa paglilingkod kay Jehova. Pero sa kabila ng mga pagsisikap nating tulungan silang maging lingkod ng Diyos, baka hindi pa rin nila tanggapin ang katotohanan. Kung mangyari iyan, huwag nating sisihin ang ating sarili. Tutal, hindi naman talaga natin mapipilit ang lahat ng tao na tanggapin ang ating paniniwala. Pero malaking bagay kung makikita ng mga kapamilya mo na masaya kang naglilingkod kay Jehova. Ipanalangin sila. Maging mabait sa pagpapatotoo sa kanila. Huwag huminto sa pagtulong sa kanila! (Gawa 20:20) Siguradong pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mo. At kapag nakinig sa iyo ang mga kapamilya mo, maliligtas sila!
AWIT 57 Mangaral sa Lahat ng Uri ng Tao
^ par. 5 Gusto natin na makilala ng mga kapamilya natin si Jehova, pero sila ang magpapasiya kung maglilingkod sila sa kaniya o hindi. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang magagawa natin para mas madali silang makinig sa atin.
^ par. 1 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 53 LARAWAN: Tinutulungan ng kabataang brother ang kaniyang tatay na di-Saksi sa pag-aayos ng kotse. Nang magkaroon siya ng pagkakataon, ipinakita niya ang isang video sa jw.org®.
^ par. 55 LARAWAN: Nakikinig nang mabuti ang sister habang nagkukuwento ang asawa niyang di-Saksi. Pagkatapos, sumama ang sister sa pagrerelaks ng kaniyang mag-ama.
^ par. 57 LARAWAN: Inimbitahan ng sister sa bahay nila ang mga kakongregasyon niya. Kinaibigan ng mga kapatid ang asawa niya. Pagkatapos, dumalo ito sa Memorial.