Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 31

Hinihintay Mo Ba ang “Lunsod na May Tunay na mga Pundasyon”?

Hinihintay Mo Ba ang “Lunsod na May Tunay na mga Pundasyon”?

“Hinihintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang nagdisenyo at gumawa ay ang Diyos.”​—HEB. 11:10.

AWIT 22 Dumating Nawa ang Kaharian!

NILALAMAN *

1. Ano ang mga isinakripisyo ng marami, at bakit?

MAY mga isinakripisyo ang milyon-milyong lingkod ng Diyos sa ngayon. Pinili ng maraming kapatid na huwag nang mag-asawa. Ang ilang mag-asawa naman ay hindi muna nag-anak. At pinanatiling simple ng mga pamilya ang buhay nila. May mahalagang dahilan kung bakit nila ginawa ang mga ito—gusto nilang paglingkuran si Jehova sa abot ng makakaya nila. Kontento sila at nagtitiwalang ilalaan ni Jehova ang lahat ng bagay na talagang kailangan nila. Pagsisisihan ba nila ito? Hindi! Bakit tayo nakakatiyak? Dahil inilaan ni Jehova ang lahat ng pangangailangan ng mga lingkod niya noon. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Abraham, ang “ama . . . ng lahat ng may pananampalataya.”​—Roma 4:11.

2. (a) Ayon sa Hebreo 11:8-10, 16, bakit kusang-loob na iniwan ni Abraham ang Ur? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Kusang-loob na iniwan ni Abraham ang komportableng buhay niya sa lunsod ng Ur. Bakit? Dahil hinihintay niya ang “lunsod na may tunay na mga pundasyon.” (Basahin ang Hebreo 11:8-10, 16.) Ano ang “lunsod” na iyon? Anong mga problema ang napaharap kay Abraham habang hinihintay niyang maitayo ang lunsod na iyon? At paano natin matutularan si Abraham, pati na ang mga tumutulad sa halimbawa niya sa ngayon?

ANO ANG “LUNSOD NA MAY TUNAY NA MGA PUNDASYON”?

3. Ano ang lunsod na hinintay ni Abraham?

3 Ang lunsod na hinintay ni Abraham ay ang Kaharian ng Diyos. Si Jesu-Kristo at ang 144,000 pinahirang Kristiyano ang bumubuo sa Kahariang ito. Tinawag ito ni Pablo na “isang lunsod ng Diyos na buháy, ang makalangit na Jerusalem.” (Heb. 12:22; Apoc. 5:8-10; 14:1) Itinuro ni Jesus sa mga alagad niya na ipanalanging dumating na ang Kahariang ito para mangyari ang kalooban ng Diyos sa lupa, gaya ng sa langit.​—Mat. 6:10.

4. Ayon sa Genesis 17:1, 2, 6, ano ang alam ni Abraham tungkol sa lunsod, o Kaharian, na ipinangako ng Diyos?

4 Alam ba ni Abraham ang mga detalye kung paano ioorganisa ang Kaharian ng Diyos? Hindi. Sa loob ng maraming siglo, “sagradong lihim” ang mga detalyeng iyon. (Efe. 1:8-10; Col. 1:26, 27) Pero alam ni Abraham na magiging hari ang ilan sa mga supling niya dahil ipinangako iyon sa kaniya ni Jehova. (Basahin ang Genesis 17:1, 2, 6.) Napakatibay ng pananampalataya ni Abraham sa mga pangako ng Diyos na para bang nakikita na niya ang Pinahiran, o Mesiyas, na magiging Hari sa Kaharian ng Diyos. Iyan ang dahilan kung kaya sinabi ni Jesus sa mga Judio noong panahon niya: “Si Abraham na inyong ama ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw, at nakita niya iyon at nagsaya.” (Juan 8:56) Maliwanag na alam ni Abraham na ang ilang inapo niya ay magiging bahagi ng Kaharian na itatatag ni Jehova, at handa niyang hintayin ang katuparan ng pangakong iyan ng Diyos.

Paano ipinakita ni Abraham na nananampalataya siya kay Jehova? (Tingnan ang parapo 5)

5. Paano natin nalaman na hinihintay noon ni Abraham ang lunsod na itatatag ng Diyos?

5 Paano ipinakita ni Abraham na hinihintay niya noon ang lunsod, o Kaharian, na itatatag ng Diyos? Una, hindi naging bahagi si Abraham ng anumang kaharian sa lupa. Nagpalipat-lipat siya ng lugar, at hindi siya sumuporta sa sinumang hari sa lupa. Hindi niya rin sinubukang magtatag ng sarili niyang kaharian. Sa halip, patuloy niyang sinunod si Jehova at hinintay ang katuparan ng pangako Niya. Sa paggawa nito, ipinakita ni Abraham na napakatibay ng pananampalataya niya kay Jehova. Alamin natin ang ilang problemang napaharap kay Abraham at kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa niya.

ANONG MGA PROBLEMA ANG NAPAHARAP KAY ABRAHAM?

6. Anong uri ng lunsod ang Ur?

6 Ang lunsod na iniwan ni Abraham ay masasabing ligtas, maalwan, at maunlad. Protektado ito dahil napapalibutan ito ng malaking pader at may malalim na kanal sa tatlong panig nito. Ang mga taga-Ur ay mahusay sa pagsulat at matematika. At lumilitaw na ang lunsod na ito ay sentro ng negosyo; maraming nahukay rito na mga dokumentong pangnegosyo. Ang mga bahay rito ay gawa sa laryo; ang mga dingding nito ay may palitada at pininturahan ng puti. Ang ilang bahay ay may 13 o 14 na kuwarto na nakapalibot sa isang loobang nilatagan ng bato.

7. Bakit kailangang magtiwala ni Abraham na poprotektahan siya ni Jehova pati na ang pamilya niya?

7 Kailangang magtiwala ni Abraham na poprotektahan siya ni Jehova pati na ang pamilya niya. Bakit? Tandaan na iniwan na nina Abraham at Sara ang ligtas at komportableng bahay nila sa Ur para tumira sa mga tolda sa Canaan. Hindi na sila protektado ng malaking pader at malalalim na kanal. Kaya madali na silang salakayin ng mga kaaway.

8. Ano ang isang problemang hinarap ni Abraham?

8 Ginawa ni Abraham ang kalooban ng Diyos. Pero may pagkakataong namroblema siya kung paano pakakainin ang pamilya niya. Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain kung saan siya pinapunta ni Jehova. Dahil dito, pansamantalang lumipat ang buong pamilya ni Abraham sa Ehipto. Pero noong nasa Ehipto na siya, kinuha ng Paraon, na namamahala sa bansang iyon, ang asawa niya. Siguradong nag-alala si Abraham. Napanatag lang siya nang ibalik sa kaniya ng Paraon si Sara dahil sa utos ni Jehova.​—Gen. 12:10-19.

9. Anong mga problema sa pamilya ang kailangang harapin ni Abraham?

9 Nagkaroon ng malalaking problema ang pamilya ni Abraham. Baog ang mahal niyang asawa na si Sara. Matagal nilang tiniis ang problemang iyan. Nang maglaon, ibinigay ni Sara kay Abraham ang kaniyang alilang si Hagar para magkaanak sila sa pamamagitan nito. Pero nang ipagbuntis ni Hagar si Ismael, hinamak niya si Sara. Naging napakahirap ng sitwasyon nila kaya pinalayas ni Sara si Hagar.​—Gen. 16:1-6.

10. Ano ang nangyari kina Ismael at Isaac na sumubok sa pagtitiwala ni Abraham kay Jehova?

10 Nang bandang huli, nagkaanak sina Abraham at Sara. Isaac ang ipinangalan dito ni Abraham. Pareho niyang mahal sina Ismael at Isaac. Pero dahil hindi maganda ang naging pagtrato ni Ismael kay Isaac, napilitan si Abraham na palayasin sina Ismael at Hagar. (Gen. 21:9-14) At pagkalipas ng maraming taon, hiniling ni Jehova kay Abraham na ihandog si Isaac. (Gen. 22:1, 2; Heb. 11:17-19) Sa mga pagkakataong iyon, kailangang magtiwala ni Abraham na magiging maayos ang sitwasyon ng dalawang anak niya sa tulong ni Jehova.

11. Bakit kailangan ni Abraham na matiyagang maghintay kay Jehova?

11 Sa mga panahong ito, kailangan ni Abraham na matiyagang maghintay kay Jehova. Malamang na mahigit 70 anyos na si Abraham nang umalis sila ng pamilya niya sa Ur. (Gen. 11:31–12:4) At mga 100 taon siyang nanirahan sa tolda, na nagpapagala-gala sa lupain ng Canaan. Namatay si Abraham sa edad na 175. (Gen. 25:7) Pero hindi niya nakita ang katuparan ng mga pangako ni Jehova na ibibigay ang lupain ng Canaan sa mga inapo niya. At hindi rin niya naabutan ang panahon nang itatag ang lunsod, ang Kaharian ng Diyos. Pero kahit ganoon, sinabi pa rin na namatay si Abraham “matapos masiyahan sa mahabang buhay.” (Gen. 25:8) Sa kabila ng lahat ng problemang pinagdaanan ni Abraham, napanatili niyang matibay ang pananampalataya niya, at handa siyang maghintay kay Jehova. Paano niya nagawa iyon? Dahil sa buong buhay ni Abraham, pinrotektahan siya ni Jehova at itinuring siyang kaibigan.​—Gen. 15:1; Isa. 41:8; Sant. 2:22, 23.

Gaya nina Abraham at Sara, paano ipinapakita ng mga lingkod ng Diyos na may pananampalataya sila at na matiyaga silang naghihintay? (Tingnan ang parapo 12) *

12. Ano ang hinihintay natin, at ano ang tatalakayin natin?

12 Gaya ni Abraham, hinihintay rin natin ang lunsod na may tunay na mga pundasyon. Pero hindi na natin hinihintay na maitatag iyon. Naitatag na ang Kaharian ng Diyos noong 1914 at namamahala na ito sa langit. (Apoc. 12:7-10) Pero hinihintay nating mamahala ito sa lupa. Habang hinihintay iyan, marami tayong haharaping sitwasyon na gaya ng nangyari kina Abraham at Sara. Natutularan ba ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang halimbawa ni Abraham? Ipinapakita ng mga talambuhay na nasa Bantayan na marami sa ngayon ang may pananampalataya at matiyagang naghihintay gaya nina Abraham at Sara. Talakayin natin ang ilan sa mga ito at alamin kung ano ang matututuhan natin.

PAGTULAD SA HALIMBAWA NI ABRAHAM

Handang magsakripisyo si Bill Walden kaya pinagpala siya ni Jehova

13. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Brother Walden?

13 Maging handang magsakripisyo. Kung gusto nating unahin ang lunsod, o Kaharian ng Diyos, sa ating buhay, dapat tayong maging gaya ni Abraham, na handang magsakripisyo para mapasaya ang Diyos. (Mat. 6:33; Mar. 10:28-30) Tingnan ang halimbawa ni Brother Bill Walden. * Noong 1942, nagsimulang makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova si Bill. Malapit na siyang magtapos noon sa kursong architectural engineering sa isang unibersidad sa United States. Bago pa man siya magtapos, hinanapan na siya ng trabaho ng propesor niya, pero tinanggihan niya ito. Sinabi niyang nakapagdesisyon na siyang unahin ang paglilingkod sa Diyos imbes na tumanggap ng trabahong may malaking suweldo. Di-nagtagal, tinawag siya para magsundalo. Magalang siyang tumanggi, pero pinagmulta siya ng $10,000 at sinentensiyahang makulong nang limang taon. Pinalaya siya pagkalipas ng tatlong taon. Nang maglaon, inanyayahan siyang mag-aral sa Gilead School at naging misyonero sa Africa. Pagkaraan, pinakasalan ni Bill si Eva, at kahit may sakripisyo, magkasama silang naglingkod sa Africa. Pagkalipas ng ilang taon, bumalik sila sa United States para alagaan ang nanay ni Bill. Ito ang masasabi ni Bill sa naging buhay niya: “Napapaluha ako kapag naaalaala ko ang kamangha-manghang pribilehiyo na magamit ni Jehova sa loob ng mahigit 70 taon ng paglilingkod sa kaniya. Madalas ko siyang pasalamatan sa pagpatnubay niya sa akin na gawing karera ang paglilingkod.” Puwede mo rin bang unahin sa buhay mo ang paglilingkod nang buong panahon?

Nadama nina Eleni at Aristotelis Apostolidis na pinalakas sila ni Jehova

14-15. Ano ang natutuhan mo sa karanasan nina Brother at Sister Apostolidis?

14 Huwag asahang hindi ka magkakaproblema. Sa nangyari kay Abraham, nakita natin na nagkakaproblema rin kahit ang mga naglingkod kay Jehova nang buong buhay nila. (Sant. 1:2; 1 Ped. 5:9) Totoong-totoo ito sa naging buhay ni Aristotelis Apostolidis. * Nabautismuhan siya noong 1946 sa Greece, at noong 1952, naging kasintahan niya ang sister na si Eleni, na kapareho niya ng tunguhin. Pero nagkasakit si Eleni at na-diagnose na may brain tumor. Inalis ang tumor, pero pagkaraan ng ilang taon matapos silang magpakasal, nagkaroon ulit siya ng tumor. Inoperahan ulit si Eleni ng mga doktor, pero naparalisa ang ilang bahagi ng katawan niya at nahihirapan na siyang magsalita. Nanatili siyang masigasig kahit na may sakit siya at kahit pinag-uusig sila ng gobyerno noong panahong iyon.

15 Tatlumpung taóng inalagaan ni Aristotelis ang asawa niya. Noong panahong iyon, elder siya at miyembro ng convention committee at tumutulong siya sa pagtatayo ng Assembly Hall. Noong 1987, naaksidente si Eleni habang nangangaral. Na-comatose siya nang tatlong taon, at saka namatay. Ganito ang sinabi ni Aristotelis sa naging buhay niya: “Sa loob ng maraming taon, ang mahihirap na kalagayan, mabibigat na hamon, at di-inaasahang pangyayari ang humihiling ng di-pangkaraniwang antas ng katatagan at pagtitiyaga. Gayunman, lagi akong binibigyan ni Jehova ng kinakailangang lakas upang madaig ang mga problemang ito.” (Awit 94:18, 19) Talagang mahal na mahal ni Jehova ang mga naglilingkod sa kaniya sa abot ng kanilang makakaya kahit may mga problema!

Nagpokus si Audrey Hyde sa hinaharap kaya nanatili siyang positibo

16. Ano ang magandang ipinayo ni Brother Knorr sa asawa niya?

16 Magpokus sa hinaharap. Nagpokus si Abraham sa mga pagpapalang ibibigay sa kaniya ni Jehova sa hinaharap, at nakatulong ito para makayanan niya ang mga problema. Ganiyan ang ginawa ni Sister Audrey Hyde para manatiling positibo kahit na namatay ang unang asawa niya na si Nathan H. Knorr dahil sa kanser at nagkasakit ng Alzheimer’s ang pangalawang asawa niya na si Glenn Hyde. * Sinabi niya na nakatulong sa kaniya ang sinabi ni Brother Knorr ilang linggo bago ito mamatay. Sinabi ni Audrey: “Pinaalalahanan ako ni Nathan: ‘Pagkamatay, tiyak ang ating pag-asa, at hindi na tayo kailangang dumanas pang muli ng kirot.’ Pagkatapos ay hinimok niya ako: ‘Tumingin ka sa unahan, yamang naroon ang iyong gantimpala.’ . . . Idinagdag pa niya: ‘Maging abala ka—sikapin mong gamitin ang iyong buhay sa paggawa ng isang bagay para sa iba. Ito ang tutulong sa iyo na makasumpong ng kagalakan.’” Napakaganda ngang payo ang manatiling abala sa paggawa ng mabuti sa iba at “magsaya . . . dahil sa pag-asa”!—Roma 12:12.

17. (a) Bakit dapat tayong magpokus sa hinaharap? (b) Paano makakatulong sa atin ang Mikas 7:7 para tumanggap tayo ng mga pagpapala sa hinaharap?

17 Sa ngayon, mas marami tayong dahilan para magpokus sa hinaharap. Kitang-kita sa mga pangyayari sa mundo na tayo ay nasa huling bahagi na ng mga huling araw ng sistemang ito. Malapit nang matapos ang paghihintay natin—darating na ang panahon na ang lunsod na may tunay na mga pundasyon ay mamamahala sa buong lupa. Ang isa sa mga pagpapalang magpapasaya sa atin ay ang pagkabuhay-muli ng mga namatay nating mahal sa buhay. Sa panahong iyon, gagantimpalaan ni Jehova si Abraham dahil sa pananampalataya niya at matiyagang paghihintay. Bubuhayin niya itong muli, pati na ang pamilya nito, dito sa lupa. Nandoon ka kaya para salubungin sila? Posible iyan, kung gaya ni Abraham, handa kang magsakripisyo para sa Kaharian ng Diyos, papanatilihin mo ang pananampalataya mo sa kabila ng mga problema, at matiyaga kang maghihintay kay Jehova.​—Basahin ang Mikas 7:7.

AWIT 74 Makiawit Tungkol sa Kaharian!

^ par. 5 Habang hinihintay natin ang katuparan ng mga pangako ng Diyos, baka mainip tayo o humina pa nga ang pananampalataya natin. Ano ang matututuhan natin kay Abraham na tutulong sa atin na matiyagang maghintay sa katuparan ng mga pangako ni Jehova? At anong magandang halimbawa ang ipinakita ng ilang lingkod ni Jehova sa ngayon?

^ par. 13 Mababasa ang talambuhay ni Brother Walden sa Bantayan, isyu ng Disyembre 1, 2013, p. 8-10.

^ par. 14 Mababasa ang talambuhay ni Brother Apostolidis sa Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2002, p. 24-28.

^ par. 16 Mababasa ang talambuhay ni Sister Hyde sa Bantayan, isyu ng Hulyo 1, 2004, p. 23-29.

^ par. 56 LARAWAN: May-edad nang mag-asawa na patuloy na naglilingkod nang tapat kay Jehova kahit may mga problema. Nagpopokus sila sa mga pangako ni Jehova sa hinaharap para manatiling matibay ang pananampalataya nila.