ARALING ARTIKULO 34
Mahalaga Ka sa Kongregasyon ni Jehova!
“Kung paanong ang katawan ay iisa pero maraming bahagi at ang lahat ng bahagi ng katawang iyon, kahit marami, ay bumubuo sa iisang katawan, gayon din ang Kristo.”—1 COR. 12:12.
AWIT 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa
NILALAMAN *
1. Ano ang ating pribilehiyo?
ISANG malaking pribilehiyo na maging bahagi ng kongregasyon ni Jehova! Tayo ay nasa isang espirituwal na paraiso na punong-puno ng mapayapa at masasayang tao. Ano ang papel mo sa kongregasyon?
2. Anong ilustrasyon ang ginamit ni apostol Pablo sa ilang liham niya?
2 Marami tayong matututuhan tungkol dito mula sa ilustrasyong ginamit ni apostol Pablo sa ilang liham niya. Sa bawat liham na ito, inihalintulad ni Pablo ang kongregasyon sa katawan ng tao. Inihalintulad din niya ang bawat miyembro ng kongregasyon sa mga bahagi ng katawan.—Roma 12:4-8; 1 Cor. 12:12-27; Efe. 4:16.
3. Anong tatlong aral ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Anuman ang ating lahi, tribo, kalagayan sa buhay, pinagmulan, kultura, o pinag-aralan, tayong lahat ay mahalaga sa kongregasyon ni Jehova. May magagawa tayo para mapatibay ito. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong mahahalagang aral sa ilustrasyon ni Pablo. Una, matututuhan natin na ang bawat isa sa atin ay may papel na ginagampanan sa kongregasyon ni Jehova. Ikalawa, aalamin natin kung ano ang puwede nating gawin kapag nahihirapan tayong makita ang papel natin sa kongregasyon. At ikatlo, tatalakayin natin kung bakit kailangan nating manatiling abala sa pagganap ng ating papel sa kongregasyon.
ANG BAWAT ISA SA ATIN AY MAY PAPEL NA GINAGAMPANAN
4. Ano ang itinuturo sa atin ng Roma 12:4, 5?
4 Ang bawat isa sa atin ay mahalaga sa pamilya ni Jehova—iyan ang unang aral na matututuhan natin sa ilustrasyon ni Pablo. Sinimulan ni Pablo ang ilustrasyon niya sa pagsasabi: “Kung paanong ang isang katawan ay binubuo ng maraming bahagi na magkakaiba ng gawain, tayo rin, kahit marami, ay isang katawan kaisa ni Kristo at mga bahaging magkakaugnay.” (Roma 12:4, 5) Ano ang ibig sabihin ni Pablo? Magkakaiba ang papel natin sa kongregasyon, pero ang bawat isa sa atin ay mahalaga.
5. Anong mga “regalo” ang ibinigay ni Jehova sa kongregasyon?
5 Kapag iniisip mo kung sino ang may papel na ginagampanan sa kongregasyon, baka ang unang pumasok sa isip mo ay ang mga nangunguna. (1 Tes. 5:12; Heb. 13:17) Totoo na sa pamamagitan ni Kristo, ‘may ibinigay si Jehova na mga tao bilang regalo’ sa Kaniyang kongregasyon. (Efe. 4:8) Kasama sa mga ‘regalong’ ito ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, inatasang katulong ng Lupong Tagapamahala, miyembro ng Komite ng Sangay, tagapangasiwa ng sirkito, field instructor, elder, at ministeryal na lingkod. Ang mga brother na ito ay inatasan ng banal na espiritu para pangalagaan ang mahahalagang tupa ni Jehova at patibayin ang kongregasyon.—1 Ped. 5:2, 3.
6. Ayon sa 1 Tesalonica 2:6-8, ano ang sinisikap gawin ng mga brother na inatasan ng banal na espiritu?
6 Inatasan ng banal na espiritu ang mga brother para gampanan ang magkakaibang responsibilidad. Kung paanong nagtutulungan ang iba’t ibang bahagi ng katawan, gaya ng mga kamay at paa, para makinabang ang buong katawan, nagtutulungan din ang mga brother na inatasan ng banal na espiritu para makinabang ang buong kongregasyon. Hindi sila naghahangad ng papuri. Sa halip, nagsisikap silang patibayin ang mga kapatid. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:6-8.) Ipinagpapasalamat natin kay Jehova ang mapagsakripisyo at kuwalipikadong mga brother na ito.
7. Anong mga pagpapala ang natatanggap ng mga naglilingkod nang buong panahon?
7 May ilan sa kongregasyon na naglilingkod bilang misyonero, special pioneer, o regular pioneer. Ang totoo, ginawa nang priyoridad ng maraming kapatid sa buong mundo ang pangangaral at paggawa ng alagad. Dahil dito, marami silang natulungan na maging alagad ni Kristo Jesus. Kahit karamihan sa kanila ay walang-wala, punong-puno naman sila ng pagpapala ni Jehova. (Mar. 10:29, 30) Mahal na mahal natin ang mga kapatid na ito, at ipinagpapasalamat natin na bahagi sila ng kongregasyon!
8. Bakit napakahalaga kay Jehova ng bawat mamamahayag ng mabuting balita?
8 Ang mga inatasang brother lang ba at mga naglilingkod nang buong panahon ang may papel sa kongregasyon? Siyempre hindi! Ang bawat mamamahayag ng mabuting balita ay mahalaga sa Diyos at sa kongregasyon. (Roma 10:15; 1 Cor. 3:6-9) Ang totoo, ang isa sa pinakamahalagang tunguhin ng kongregasyon ay ang gumawa ng mga alagad ng ating Panginoong Jesu-Kristo. (Mat. 28:19, 20; 1 Tim. 2:4) Ito ang priyoridad ng lahat ng miyembro ng kongregasyon, bautisado man o di-bautisadong mamamahayag.—Mat. 24:14.
9. Bakit napakahalaga sa atin ng mga sister?
Luc. 8:2, 3; Gawa 16:14, 15; Roma 16:3, 6; Fil. 4:3; Heb. 11:11, 31, 35) Ipinagpapasalamat natin kay Jehova ang mga sister sa kongregasyon na may ganito ring magagandang katangian!
9 Ipinakita ni Jehova na mahalaga rin sa kaniya ang mga sister nang bigyan niya sila ng papel na gagampanan sa kongregasyon. Mahalaga sa kaniya ang mga asawang babae, ina, biyuda, at dalaga na tapat na naglilingkod sa kaniya. Maraming ulat sa Bibliya tungkol sa mahuhusay na babaeng nagpalugod sa Diyos. Binibigyan sila ng komendasyon dahil mahuhusay silang halimbawa pagdating sa karunungan, pananampalataya, sigasig, lakas ng loob, pagkabukas-palad, at mabubuting gawa. (10. Bakit napakahalaga sa atin ng mga may-edad?
10 Isang pagpapala rin sa atin ang mga may-edad. Sa ilang kongregasyon, may mga may-edad na napakatagal nang naglilingkod nang tapat kay Jehova. Ang iba naman ay baka baguhan lang sa katotohanan. Anuman ang sitwasyon, karamihan sa kanila ay pinapahirapan na ng iba’t ibang sakit. Dahil diyan, limitado na ang nagagawa nila sa kongregasyon at sa pangangaral. Pero ibinibigay nila ang buong makakaya nila sa ministeryo at ibinubuhos ang lakas nila para patibayin at sanayin ang iba. At natututo tayo sa kanila. Talagang maganda sila para kay Jehova at sa atin!—Kaw. 16:31.
11-12. Paano ka napapatibay ng mga kabataan sa kongregasyon?
11 Isipin din ang mga kabataan. Marami silang nagiging problema habang lumalaki sila sa mundong ito na kontrolado ni Satanas na Diyablo at ng mga baluktot na pilosopiya niya. (1 Juan 5:19) Pero napapatibay tayo kapag nakikita natin ang mga kabataan na nagkokomento sa pulong, nakikibahagi sa ministeryo, at lakas-loob na ipinagtatanggol ang paniniwala nila. Mga kabataan, mahalaga kayo sa kongregasyon ni Jehova!—Awit 8:2.
12 Pero nahihirapan ang ilang kapatid na maniwalang mahalaga sila sa kongregasyon. Ano ang makakatulong para maramdaman ng bawat isa sa atin na mahalaga tayo? Alamin natin.
MAHALAGA KA SA KONGREGASYON
13-14. Bakit naiisip ng ilan na hindi sila mahalaga sa kongregasyon?
13 Pansinin ang ikalawang aral sa ilustrasyon ni Pablo. Tinukoy niya ang problema ng marami sa ngayon—nahihirapan silang maniwala na mahalaga sila sa kongregasyon. Isinulat ni Pablo: “Kahit sabihin ng paa, ‘Hindi ako kamay, kaya hindi ako bahagi ng katawan,’ bahagi pa rin ito ng katawan. At kahit sabihin ng tainga, ‘Hindi ako mata, kaya hindi ako bahagi ng katawan,’ bahagi pa rin ito ng katawan.” (1 Cor. 12:15, 16) Ano ang ibig sabihin ni Pablo?
14 Kung ikukumpara mo ang iyong sarili sa mga kakongregasyon mo, baka hindi mo makita ang halaga mo. Baka may kakongregasyon kang mahusay magturo, mag-organisa, o magpatibay. Baka maisip mong hindi ka kasing husay nila. Ipinapakita lang nito na mapagpakumbaba ka. (Fil. 2:3) Pero mag-ingat. Kung lagi mong ikinukumpara ang sarili mo sa mahuhusay na kapatid, masisiraan ka lang ng loob. Baka maramdaman mo pa ngang wala ka talagang halaga sa kongregasyon. Ano ang makakatulong sa iyo?
15. Ayon sa 1 Corinto 12:4-11, ano ang dapat nating isipin sa anumang kakayahang mayroon tayo?
15 Pag-isipan ito: Makahimalang binigyan ni Jehova ang ilang unang-siglong Kristiyano ng kaloob ng banal na espiritu, pero magkakaiba ang natanggap nila. (Basahin ang 1 Corinto 12:4-11.) Magkakaiba ang kaloob at kakayahan na ibinigay sa mga Kristiyano, pero lahat sila ay mahalaga. Sa ngayon, hindi na tayo makahimalang binibigyan ng kaloob ng banal na espiritu. Pero gaya nila, magkakaiba rin ang kakayahan natin, pero lahat tayo ay mahalaga kay Jehova.
16. Anong payo ni apostol Pablo ang dapat nating sundin?
16 Imbes na ikumpara ang ating sarili sa ibang Kristiyano, dapat nating sundin ang payo ni apostol Pablo: “Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos. Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.”—17. Paano tayo makikinabang kung susundin natin ang payo ni Pablo?
17 Kung susundin natin ang payo ni Pablo at susuriin ang sarili natin, baka makita nating may kakayahan tayo na wala sa iba. Halimbawa, baka hindi masyadong mahusay magpahayag ang isang elder, pero baka napakahusay naman niya sa paggawa ng alagad. O baka hindi siya ganoon kahusay mag-organisa kumpara sa ibang elder, pero baka mabait naman siya at mapagmahal kaya madali siyang lapitan ng mga kapatid para hingan ng payo na galing sa Bibliya. O baka kilalá siya sa pagiging mapagpatuloy. (Heb. 13:2, 16) Kapag malinaw nating nakikita ang mga kakayahan natin, may dahilan tayo para isiping may nagagawa tayo para sa kongregasyon. At maiiwasan nating mainggit sa mga kapatid na may mga kakayahang wala tayo.
18. Paano natin mapapahusay ang ating mga kakayahan?
18 Anuman ang papel natin sa kongregasyon, lahat tayo ay dapat magsikap na mapahusay ang ating paglilingkod at mga kakayahan. Para maging mas mahusay tayo, sinasanay tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Halimbawa, sa midweek meeting, tinuturuan tayo kung paano mas magiging epektibo sa ministeryo. Sinisikap mo bang gamitin ang mga natututuhan mo doon?
19. Paano mo maaabot ang tunguhing makapag-aral sa School for Kingdom Evangelizers?
19 Ang isa pang magandang paraan ng pagsasanay ay ang School for Kingdom Evangelizers. Puwedeng mag-aral dito ang mga kapatid na nasa buong-panahong paglilingkod at nasa edad 23 hanggang 65. Baka iniisip mong hindi mo kayang abutin ang tunguhing iyan. Pero imbes na mag-isip ng mga dahilan kung bakit hindi ka makakapag-aral, ilista ang mga dahilan kung bakit gusto mong mag-aral. Pagkatapos, gumawa ng plano na tutulong sa iyo na maabot ang mga kuwalipikasyon. Sa tulong ni Jehova at sa mga pagsisikap mo, puwedeng maging posible ang inaakala mong imposible.
GAMITIN ANG KAKAYAHAN MO PARA PATIBAYIN ANG KONGREGASYON
20. Ano ang matututuhan natin sa Roma 12:6-8?
20 Ang ikatlong aral na matututuhan natin sa ilustrasyon ni Pablo ay mababasa sa Roma 12:6-8. (Basahin.) Dito, ipinakita ulit ni Pablo na magkakaiba ang kakayahan ng bawat miyembro ng kongregasyon. Pero idiniin niya ngayon na anuman ang kakayahan natin, dapat natin itong gamitin para patibayin at palakasin ang kongregasyon.
21-22. Anong aral ang matututuhan natin kina Robert at Felice?
21 Tingnan ang halimbawa ng isang brother na tatawagin nating Robert. Matapos maglingkod sa ibang bansa, naatasan siyang maglingkod sa Bethel sa sarili niyang bansa. Kahit tiniyak na sa kaniya na hindi ito dahil sa may nagawa siyang mali, sinabi pa rin niya: “Matagal akong lungkot na lungkot kasi pakiramdam ko, hindi ko nagampanang mabuti ang atas ko. May mga pagkakataong gusto ko nang lumabas ng Bethel.” Paano
naibalik ang kagalakan niya? Isang kapuwa elder ang nagpaalala sa kaniya na ang dati nating atas ay pagsasanay mula kay Jehova para mas maging epektibo tayo sa kasalukuyan nating atas. Nakita ni Robert na dapat niyang kalimutan ang nakaraan at magpokus sa magagawa niya ngayon.22 Ganiyan din ang naranasan ni Brother Felice Episcopo. Siya at ang asawa niya ay nagtapos sa Gilead noong 1956 at naglingkod sa Bolivia bilang tagapangasiwa ng sirkito. Noong 1964, nagkaanak sila. Sinabi ni Felice: “Napamahal na sa amin ang atas namin kaya nahirapan kaming iwan ito. Halos isang taon akong awang-awa sa sarili ko. Pero sa tulong ni Jehova, napaglabanan ko iyon, at nagpokus ako sa bago kong responsibilidad bilang magulang.” Nakaka-relate ka ba kay Robert o kay Felice? Lungkot na lungkot ka rin ba kasi wala na ang mga dati mong pribilehiyo? Kung oo, magiging masaya ka kung magpopokus ka sa mga puwede mong gawin ngayon para paglingkuran si Jehova at ang mga kapatid. Manatiling abala at gamitin ang mga kakayahan mo para tulungan ang iba. Magiging masaya ka habang pinapatibay mo ang kongregasyon.
23. Ano ang dapat nating pag-isipan, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
23 Ang bawat isa sa atin ay napakahalaga kay Jehova. Gusto niya tayong maging bahagi ng pamilya niya. Kung pag-iisipan natin ang mga bagay na puwede nating gawin para mapatibay ang mga kapatid at pagsisikapang gawin iyon, mas malamang na maramdaman nating bahagi tayo ng kongregasyon. Pero ano naman ang tingin natin sa ibang miyembro ng kongregasyon? Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin sila? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 24 Halikayo sa Bundok ni Jehova!
^ par. 5 Gusto nating madama na mahalaga tayo kay Jehova. Pero kung minsan, baka naiisip natin kung saan niya tayo puwedeng magamit. Tutulungan tayo ng artikulong ito na makita na ang bawat isa sa atin ay mahalaga sa kongregasyon.
^ par. 61 LARAWAN: Ipinapakita ng tatlong larawan ang mga nangyayari bago magpulong, habang nagpupulong, at pagkatapos ng pulong. Larawan 1: Masayang binabati ng elder ang isang bisita, inihahanda ng kabataang brother ang sound equipment, at nakikipagkuwentuhan ang isang sister sa may-edad na sister. Larawan 2: Sinisikap magkomento ng lahat, bata man o matanda, sa Pag-aaral sa Bantayan. Larawan 3: Isang mag-asawang naglilinis ng Kingdom Hall. Tinutulungan ng isang sister ang anak niya na maghulog ng donasyon. Isang kabataang brother ang nag-aasikaso sa mga literatura, at pinapatibay ng isang brother ang may-edad nang sister.