Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 30

Pahalagahan ang Pag-asa na Maging Miyembro ng Pamilya ni Jehova

Pahalagahan ang Pag-asa na Maging Miyembro ng Pamilya ni Jehova

“Ginawa mo siyang mas mababa nang kaunti sa mga anghel, at kinoronahan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.”​—AWIT 8:5; tlb.

AWIT 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan

NILALAMAN *

1. Ano ang puwedeng maitanong natin kapag pinag-iisipan ang lahat ng ginawa ni Jehova?

KAPAG pinag-iisipan natin ang napakalawak na uniberso na ginawa ni Jehova, baka maramdaman din natin ang naramdaman ng salmistang si David. Naitanong niya sa panalangin: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong kamay, ang buwan at ang mga bituin na inihanda mo, ano ang hamak na tao para alalahanin mo, at ang anak ng tao para pangalagaan mo?” (Awit 8:3, 4) Gaya ni David, baka humahanga tayo na kahit napakaliit natin kung ikukumpara sa uniberso, lagi pa rin tayong inaalala ni Jehova. Pero gaya ng makikita natin, hindi lang basta inalala ni Jehova ang unang mga tao, sina Adan at Eva, kundi ginawa rin niya silang miyembro ng pamilya niya.

2. Ano ang layunin ni Jehova para kina Adan at Eva?

2 Sina Adan at Eva ang unang mga anak ni Jehova sa lupa, at si Jehova naman ang kanilang mapagmahal na Ama sa langit. Inaasahan ni Jehova na magiging mabunga sila at gagawin nila ang ipinapagawa niya. Sinabi ng Diyos sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon.” (Gen. 1:28) Gusto ni Jehova na magkaanak sina Adan at Eva at pangalagaan nila ang lupang tinitirhan nila. Kung naging masunurin lang sana sila at nakipagtulungan sa layunin ni Jehova, nanatili silang miyembro ng pamilya ni Jehova magpakailanman, pati na ang mga anak nila.

3. Bakit natin masasabi na binigyang-dangal ni Jehova sina Adan at Eva bilang mga miyembro ng pamilya niya?

3 Binigyang-dangal ni Jehova sina Adan at Eva bilang mga miyembro ng pamilya niya. Sa Awit 8:5 at sa talababa nito, sinabi ni David kung paano nilalang ni Jehova ang tao: “Ginawa mo siyang mas mababa nang kaunti sa mga anghel, at kinoronahan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.” Totoo, ang mga tao ay hindi binigyan ng kapangyarihan, talino, at mga abilidad na katulad ng sa mga anghel. (Awit 103:20) Pero pansinin, “mas mababa” lang tayo “nang kaunti” sa mga anghel! Kaya sa umpisa pa lang, talagang binigyan na ni Jehova sina Adan at Eva ng magandang buhay.

4. Ano ang nangyari kina Adan at Eva dahil sa pagsuway nila kay Jehova, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

 4 Nakakalungkot, dahil sa pagsuway nina Adan at Eva, hindi na sila miyembro ng pamilya ni Jehova. Nadamay rin sa resulta nito ang mga inapo nila, gaya ng makikita natin sa artikulong ito. Pero hindi nagbago ang layunin ni Jehova. Gusto pa rin niyang maging mga anak ang masunuring mga tao. Tingnan natin kung paano tayo binigyang-dangal ni Jehova. Pagkatapos, talakayin natin kung paano natin maipapakita na gusto nating maging miyembro ng pamilya niya. Panghuli, pag-usapan natin ang mga pagpapala na mararanasan ng mga anak ni Jehova dito sa lupa magpakailanman.

KUNG PAANO BINIGYANG-DANGAL NI JEHOVA ANG MGA TAO

Paano tayo binigyang-dangal ni Jehova? (Tingnan ang parapo 5-11) *

5. Paano natin maipapakitang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil ginawa niya tayo ayon sa larawan niya?

5 Nilalang tayo ni Jehova ayon sa larawan niya. (Gen. 1:26, 27) Dahil ginawa tayo ayon sa larawan ng Diyos, kaya nating maipakita ang marami sa magagandang katangian niya, gaya ng pagiging mapagmahal, mapagmalasakit, tapat, at makatuwiran. (Awit 86:15; 145:17) Kapag sinisikap nating maging ganiyan, pinaparangalan natin si Jehova at ipinapakita nating nagpapasalamat tayo sa kaniya. (1 Ped. 1:14-16) Kapag ginagawa natin ang gusto ng ating Ama sa langit, nagiging masaya tayo at kontento. At dahil ginawa niya tayo ayon sa larawan niya, kaya nating maging gaya ng mga taong gusto ni Jehova na maging miyembro ng pamilya niya.

6. Paano binigyang-dangal ni Jehova ang mga tao nang ihanda niya ang lupa?

6 Naghanda si Jehova ng espesyal na tahanan para sa atin. Bago pa lalangin si Adan, inihanda na ni Jehova ang lupa para sa mga tao. (Job 38:4-6; Jer. 10:12) Dahil mapagmalasakit at mapagbigay si Jehova, naglaan siya ng maraming mabubuting bagay para maging masaya tayo. (Awit 104:14, 15, 24) May mga panahon na pinagmasdan niya ang mga nilikha niya, at “nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.” (Gen. 1:10, 12, 31) Binigyang-dangal ni Jehova ang mga tao nang “pinamahala” niya sila sa lahat ng ginawa niya dito sa lupa. (Awit 8:6) Layunin ng Diyos na maging masaya ang mga perpektong tao magpakailanman habang pinapangalagaan nila ang mga ginawa niya. Lagi ka bang nagpapasalamat kay Jehova dahil dito?

7. Paano ipinapakita ng Josue 24:15 na mayroon tayong kalayaang magdesisyon?

7 Binigyan tayo ni Jehova ng kalayaang magdesisyon. Makakapagdesisyon tayo kung anong landasin sa buhay ang pipiliin natin. (Basahin ang Josue 24:15.) Pero matutuwa ang mapagmahal nating Diyos kung pipiliin nating paglingkuran siya. (Awit 84:11; Kaw. 27:11) Magagamit din natin nang tama ang kalayaan nating magdesisyon sa iba pang paraan. Tingnan ang halimbawa ni Jesus.

8. Paano ginamit ni Jesus ang kalayaan niyang magdesisyon?

8 Gaya ni Jesus, puwede rin nating unahin ang iba kaysa sa sarili natin. Minsan, pagod na pagod si Jesus at ang mga apostol niya, at pumunta sila sa isang lugar na tahimik para makapagpahinga sana. Pero hindi ganoon ang nangyari, kasi sinundan sila ng mga tao na gustong-gustong matuto kay  Jesus. Sa halip na mairita, naawa si Jesus sa kanila. Kaya ano ang ginawa niya? “Tinuruan niya sila ng maraming bagay.” (Mar. 6:30-34) Kapag tinutularan natin si Jesus at isinasakripisyo ang ating panahon at lakas para tulungan ang iba, napapapurihan natin ang ating Ama sa langit. (Mat. 5:14-16) Naipapakita rin natin na gusto nating maging miyembro ng pamilya ni Jehova.

9. Ano ang dapat tandaan ng mga magulang?

9 Binigyan ni Jehova ang mga tao ng kakayahan na magkaroon ng mga anak at ng responsibilidad na turuan sila na mahalin at paglingkuran siya. Kung isa kang magulang, ipinagpapasalamat mo ba ang espesyal na regalong ito? Kung iisipin, napakaraming pagpapala ang ibinigay ni Jehova sa mga anghel pero hindi niya sila binigyan ng ganitong pribilehiyo. Kaya dapat lang na pahalagahan ng mga magulang ang pribilehiyong ito. Ipinagkatiwala sa kanila ang mahalagang pananagutan na palakihin ang mga anak nila ayon sa “disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4; Deut. 6:5-7; Awit 127:3) Para matulungan ang mga magulang, naglaan ang organisasyon ng Diyos ng maraming publikasyon, video, musika, at mga artikulo sa website na batay sa Bibliya. Talagang mahal ng ating Ama sa langit at ng kaniyang Anak ang mga bata. (Luc. 18:15-17) Kapag nagtitiwala ang mga magulang kay Jehova at ginagawa ang buong makakaya nila para alagaan ang mga anak nila, natutuwa si Jehova. Bukod diyan, nagkakaroon din ang mga anak nila ng pag-asa na maging miyembro ng pamilya ni Jehova magpakailanman!

10-11. Ano ang naging posible dahil inilaan ni Jehova ang pantubos?

10 Ibinigay ni Jehova ang pinakamamahal niyang Anak para maging miyembro ulit tayo ng pamilya Niya. Gaya ng binanggit sa  parapo 4, dahil sa kusang pagsuway nina Adan at Eva, hindi na sila miyembro ng pamilya ni Jehova, pati ang mga anak nila. (Roma 5:12) Tama lang na itinakwil ng Diyos sina Adan at Eva. Pero paano naman ang mga anak nila? Mahal ni Jehova ang mga tao kaya gumawa siya ng paraan para maampon niya ang mga masunurin. Ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak, si Jesu-Kristo, bilang pantubos. (Juan 3:16; Roma 5:19) Dahil sa sakripisyo ni Jesus, 144,000 tapat na mga tao ang inampon bilang mga anak ng Diyos.​—Roma 8:15-17; Apoc. 14:1.

11 Bukod diyan, may milyon-milyong iba pa na tapat at masunuring gumagawa ng kalooban ng Diyos. May pag-asa rin silang maging miyembro ng pamilya ni Jehova pagkatapos ng huling pagsubok sa pagtatapos ng Milenyo. (Awit 25:14; Roma 8:20, 21) Dahil sa pag-asang iyan, ngayon pa lang, tinatawag na nilang “Ama” si Jehova, ang Maylalang nila. (Mat. 6:9) Bibigyan din ng pagkakataon ang mga bubuhaying muli na malaman ang mga utos ng Diyos. At kung magiging masunurin sila sa mga iyon, magiging mga miyembro din sila ng pamilya ni Jehova.

12. Anong tanong ang sasagutin natin?

12 Gaya ng nakita natin, maraming ginawa si Jehova para bigyang-dangal ang mga tao. Inampon na niya bilang mga anak ang mga pinahiran at binigyan ng pag-asang maging mga anak niya sa bagong sanlibutan ang “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9) Paano natin maipapakita kay Jehova na gusto nating maging miyembro ng pamilya niya magpakailanman?

IPAKITA KAY JEHOVA NA GUSTO MONG MAGING MIYEMBRO NG PAMILYA NIYA

13. Ano ang puwede nating gawin para maging miyembro ng pamilya ni Jehova? (Marcos 12:30)

13 Mahalin si Jehova at paglingkuran siya nang buong puso. (Basahin ang Marcos 12:30.) Sa lahat ng regalo na ibinigay sa atin ng Diyos, masasabing ang isa sa pinakamaganda ay ang kakayahan natin na sambahin siya. Naipapakita natin kay Jehova na mahal natin siya kapag “[sinusunod] natin ang mga utos niya.” (1 Juan 5:3) Ang isa sa mga utos ni Jehova na sinabi ni Jesus ay ang gumawa ng mga alagad at bautismuhan sila. (Mat. 28:19) Sinabi rin niya na dapat nating mahalin ang isa’t isa. (Juan 13:35) Kung magiging masunurin tayo, magiging miyembro tayo ng pamilya ng mga mananamba ni Jehova.​—Awit 15:1, 2.

14. Paano natin maipapakita na mahal natin ang iba? (Mateo 9:36-38; Roma 12:10)

14 Mahalin ang iba. Pag-ibig ang pinakapangunahing katangian ni Jehova. (1 Juan 4:8) Minahal na tayo ni Jehova bago pa man natin siya makilala. (1 Juan 4:9, 10) Tinutularan natin siya kapag minamahal natin ang iba. (Efe. 5:1) Ang isa sa pinakamagandang paraan para maipakita natin na mahal natin ang mga tao ay ang tulungan sila na makilala si Jehova hangga’t may panahon pa. (Basahin ang Mateo 9:36-38.) Sa ganitong paraan, nagkakaroon sila ng pag-asang maging miyembro ng pamilya ng Diyos. Kapag nabautismuhan na ang isang tao, dapat na patuloy pa rin natin siyang mahalin at igalang. (1 Juan 4:20, 21) Paano natin iyon magagawa? Ang isang paraan ay kung hindi natin siya pagdududahan hangga’t maaari. Halimbawa, kung may ginawa siya na hindi natin maintindihan, hindi natin iisipin na masama ang motibo niya. Sa halip, irerespeto natin siya at ituturing na nakatataas sa atin.​—Basahin ang Roma 12:10; Fil. 2:3.

15. Kanino tayo dapat maging maawain at mabait?

15 Maging maawain at mabait sa lahat ng tao. Magiging mga anak lang tayo ni Jehova at matatawag natin siyang Ama magpakailanman kung isasabuhay natin ang mga sinasabi sa kaniyang Salita. Halimbawa, itinuro ni Jesus na dapat tayong maging maawain at mabait sa lahat ng tao, kahit sa mga kaaway natin. (Luc. 6:32-36) Madalas na nahihirapan tayong gawin ito. Kaya kailangan nating matutuhang mag-isip at kumilos na gaya ni Jesus. Kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para sundin si Jehova at tularan si Jesus, naipapakita natin sa ating Ama sa langit na gusto nating maging miyembro ng pamilya niya magpakailanman.

16. Paano natin maiingatan ang reputasyon ng pamilya ni Jehova?

16 Ingatan ang reputasyon ng pamilya ni Jehova. Sa isang pamilya, kadalasan nang ginagaya ng nakakabatang kapatid ang kuya o ate niya. Kung isinasabuhay ng nakakatandang kapatid ang mga prinsipyo sa Bibliya, magiging mabuting halimbawa siya sa nakakabata niyang kapatid. Pero kung mali ang gagawin niya, baka gayahin din siya ng nakakabata niyang kapatid. Ganiyan din sa pamilya ni Jehova. Kung ang isang tapat na Kristiyano ay maging apostata, imoral, o mamuhay nang masama, baka matukso rin ang iba na gayahin siya. Makakasira sila sa reputasyon ng pamilya ng mga mananamba ni Jehova. (1 Tes. 4:3-8) Dapat nating iwasang gayahin ang masasamang halimbawa at huwag nating hayaan na may anumang maglayo sa atin mula sa ating mapagmahal na Ama sa langit.

17. Ano ang hindi natin dapat isipin, at bakit?

17 Magtiwala kay Jehova, hindi sa materyal na mga bagay. Ipinapangako ni Jehova na maglalaan siya sa atin ng pagkain, damit, at tirahan kung uunahin natin ang kaniyang Kaharian at susundin ang mga utos niya. (Awit 55:22; Mat. 6:33) Kaya hindi natin dapat isipin na ang materyal na mga bagay na iniaalok ng sanlibutang ito ang tunay na magpapasaya sa atin at magbibigay ng seguridad. Alam natin na magiging panatag lang tayo kung gagawin natin ang kalooban ni Jehova. (Fil. 4:6, 7) At kahit kaya nating bumili ng maraming materyal na bagay, dapat muna nating isipin kung talagang may panahon at lakas tayo para magamit o maasikaso ang mga iyon. Masyado na bang napapamahal sa atin ang mga ari-arian natin? Dapat nating tandaan na may ipinapagawa ang Diyos sa mga miyembro ng pamilya niya. Kaya hindi dapat mawala ang pokus natin. Siguradong ayaw nating maging gaya ng lalaki na tinanggihan ang pagkakataon na paglingkuran si Jehova at maampon bilang isa sa mga anak ng Diyos dahil lang sa hindi niya maiwan-iwan ang kaunting pag-aari niya dito sa lupa!—Mar. 10:17-22.

MGA PAGPAPALANG MARARANASAN MAGPAKAILANMAN NG MGA ANAK NI JEHOVA

18. Anong malaking karangalan at mga pagpapala ang tatanggapin ng masunuring mga tao magpakailanman?

18 Tatanggapin ng masunuring mga tao ang pinakamalaking karangalan—ang pribilehiyo na mahalin at sambahin si Jehova magpakailanman! Ang mga may pag-asang mabuhay sa lupa ay magkakapribilehiyo rin na alagaan ang magandang planetang ito na perpektong dinisenyo ni Jehova para maging tahanan nila. Malapit nang gawin ng Kaharian ng Diyos na paraiso ang lupa. Aalisin ni Jesus ang lahat ng naging resulta ng pagtalikod nina Adan at Eva sa pamilya ng Diyos. Bubuhaying muli ni Jehova ang milyon-milyon at bibigyan sila ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman nang may perpektong kalusugan sa Paraisong lupa. (Luc. 23:42, 43) Habang unti-unting nagiging perpekto ang pamilya ng mga mananamba ni Jehova sa lupa, unti-unti rin nilang maipapakita ang “kaluwalhatian at karangalan” na binanggit ni David.​—Awit 8:5.

19. Ano ang dapat nating tandaan?

19 Kung kasama ka sa “malaking pulutong,” napakaganda ng pag-asa mo. Mahal ka ng Diyos, at gusto niya na maging miyembro ka ng pamilya niya. Kaya gawin mo ang buong makakaya mo para mapasaya siya. Laging isipin ang mga pangako ni Jehova at mamuhay ayon dito. Pahalagahan ang pribilehiyo mo na sambahin ang ating Ama sa langit at ang pagkakataong purihin siya magpakailanman!

AWIT 107 Tularan ang Pag-ibig ni Jehova

^ par. 5 Para maging masaya ang isang pamilya, mahalagang malaman ng bawat miyembro nito ang kailangan nilang gawin. Dapat din silang makipagtulungan sa mga kapamilya nila. Ang tatay ang nangunguna sa pamilya, ang nanay ay sumusuporta sa kaniya, at sumusunod naman at nakikipagtulungan ang mga anak sa mga magulang nila. Ganiyan din sa pamilya ni Jehova. May layunin siya para sa atin, at kung makikipagtulungan tayo dito, magiging bahagi tayo ng pamilya ni Jehova magpakailanman.

^ par. 55 LARAWAN: Dahil nilalang ng Diyos ang tao ayon sa larawan niya, naipapakita ng mag-asawa sa isa’t isa at sa mga anak nila ang pagmamahal at malasakit. Mahal ng mag-asawa si Jehova. Dahil binigyan sila ng Diyos ng kakayahang magkaanak, naituturo nila sa mga anak nila na mahalin at paglingkuran si Jehova. Gumagamit sila ng video para ipaliwanag sa mga anak nila kung bakit inilaan ni Jehova si Jesus bilang pantubos. Itinuturo din nila na sa Paraiso, aalagaan natin ang lupa at ang mga hayop magpakailanman.