Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 32

Patibayin ang Pananampalataya Mo sa Maylalang

Patibayin ang Pananampalataya Mo sa Maylalang

“Ang pananampalataya ay . . . ang malinaw na katibayan na ang hindi nakikita ay totoo.”​—HEB. 11:1.

AWIT 11 Mga Nilikha​—Pumupuri sa Diyos

NILALAMAN *

1. Ano ang itinuro sa iyo tungkol sa ating Maylalang?

KUNG pinalaki kang isang Saksi ni Jehova, malamang na bata ka pa lang, kilala mo na si Jehova. Itinuro sa iyo na siya ang Maylalang, may magaganda siyang katangian, at may layunin siya para sa mga tao.​—Gen. 1:1; Gawa 17:24-27.

2. Ano ang tingin ng ilan sa mga naniniwala sa Maylalang?

2 Pero maraming tao ang hindi naniniwala na may Diyos, lalo na kung sasabihin pang siya ang Maylalang. Para sa kanila, basta na lang nagsimula ang buhay. Sinasabi nila na ang mga simpleng anyo ng buhay ay unti-unting nag-evolve at naging mas masasalimuot na anyo ng buhay. Ang ilan sa mga taong ito ay may mataas na pinag-aralan. Sinasabi nila na napatunayan na ng siyensiya na mali ang Bibliya at na ang mga nananampalataya sa Maylalang ay mga ignorante, walang pinag-aralan, o madaling mapaniwala.

3. Bakit mahalagang patibayin natin ang ating pananampalataya?

3 Matitinag ba ng mga sinasabi ng ilang maiimpluwensiyang tao ang pananampalataya natin na si Jehova ang ating mapagmahal na Maylalang? Depende iyan sa dahilan natin kung bakit tayo naniniwala na si Jehova ang Maylalang. Naniniwala ba tayo kasi iyon ang itinuro sa atin o dahil sinuri natin mismo ang ebidensiya? (1 Cor. 3:12-15) Gaano man katagal na tayong Saksi ni Jehova, kailangan pa rin nating patuloy na patibayin ang pananampalataya natin. Kung gagawin natin iyan, hindi tayo maililigaw ng “pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya” na itinuturo ng mga hindi naniniwala sa Bibliya. (Col. 2:8; Heb. 11:6) Para matulungan tayo, tatalakayin sa artikulong ito (1) kung bakit marami ang hindi naniniwala na mayroong Maylalang, (2) kung paano mo papatibayin ang pananampalataya mo kay Jehova, ang iyong Maylalang, at (3) kung paano mo mapapanatiling matibay ang pananampalatayang iyon.

BAKIT MARAMI ANG HINDI NANINIWALA NA MAYROONG MAYLALANG?

4. Ayon sa Hebreo 11:1 at talababa, saan nakabatay ang tunay na pananampalataya?

4 Para sa ilan, ang pananampalataya ay paniniwala sa isang bagay kahit walang katibayan. Pero sinasabi ng Bibliya na hindi iyon tunay na pananampalataya. (Basahin ang Hebreo 11:1 at talababa.) Pansinin na ang pananampalataya sa mga di-nakikita, gaya ni Jehova, ni Jesus, at ng Kaharian sa langit, ay nakabatay sa nakakukumbinsing ebidensiya. (Heb. 11:3) Sinabi ng isang Saksi na biochemist: “Ang aming pananampalataya ay may basehan sa siyensiya.”

5. Bakit marami ang hindi naniniwala na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay?

5 Baka maitanong natin, ‘Kung may nakakukumbinsing ebidensiya naman pala na mayroong Maylalang, bakit ang daming hindi naniniwala na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay?’ Kasi hindi naman talaga nasuri ng ilan ang ebidensiya. Sinabi ni Robert, isang Saksi ni Jehova: “Kahit kailan, hindi itinuro sa school ang paglalang. Kaya akala ko, hindi ito totoo. Nasa 20’s na ako nang may makausap akong Saksi ni Jehova at marinig ang lohikal at nakakukumbinsing mga argumento sa Bibliya na totoo ang paglalang.” *—Tingnan ang kahong “ Pakiusap sa mga Magulang.”

6. Bakit hindi naniniwala ang ilan na mayroong Maylalang?

6 May mga tao naman na hindi naniniwala na mayroong Maylalang kasi naniniwala lang daw sila sa nakikita nila. Pero naniniwala rin naman sila sa mga bagay na di-nakikita gaya ng gravity, dahil napatunayan nilang totoo ito. Ang pananampalataya na binabanggit sa Bibliya ay nakabatay sa ebidensiya ng iba pang mga bagay na ‘hindi nakikita pero totoo.’ (Heb. 11:1) Kailangan ang panahon at pagsisikap para mapag-aralan natin ang ebidensiya, pero marami ang walang interes na gawin ito. Kapag hindi sinuri ng isa ang ebidensiya, posible talagang maisip niya na walang Diyos.

7. Lahat ba ng edukadong tao ay hindi naniniwala na nilalang ng Diyos ang uniberso? Ipaliwanag.

7 Matapos pag-aralan ng ilang scientist ang ebidensiya, nakumbinsi sila na nilalang ng Diyos ang uniberso. * Gaya ni Robert, na binanggit kanina, baka basta na lang inisip ng ilan na walang Maylalang kasi hindi itinuro sa unibersidad ang paglalang. Pero nakilala ng maraming scientist si Jehova at minahal siya. Gaya nila, dapat din nating patibayin ang ating pananampalataya sa Diyos, anuman ang pinag-aralan natin. Walang ibang makakagawa nito para sa atin.

PAANO MO PAPATIBAYIN ANG PANANAMPALATAYA MO SA MAYLALANG?

8-9. (a) Anong tanong ang tatalakayin natin? (b) Paano makakatulong sa iyo ang pag-aaral sa mga nilalang?

8 Paano mo papatibayin ang pananampalataya mo sa Maylalang? Talakayin natin ang apat na paraan.

9 Pag-aralan ang mga nilalang. Mapapatibay mo ang pananampalataya mo sa Maylalang kung oobserbahan mo ang mga hayop, halaman, at mga bituin. (Awit 19:1; Isa. 40:26) Habang mas pinag-aaralan mo ang mga ito, lalo kang makukumbinsi na si Jehova ang Maylalang. Madalas na may artikulo sa mga publikasyon natin tungkol sa iba’t ibang katangian ng mga nilalang. Kung nahihirapan kang intindihin ang mga artikulong ito, huwag mong lampasan. Sikapin mong intindihin ang kaya mong intindihin. Puwede mo ring panoorin ulit sa website natin na jw.org ang magagandang video tungkol sa paglalang na ipinakita sa nakalipas nating mga panrehiyong kombensiyon.

10. Magbigay ng halimbawa kung paano pinapatunayan ng mga nilalang na mayroong Maylalang. (Roma 1:20)

10 Kapag pinag-aaralan mo ang mga nilalang, tingnan kung ano ang itinuturo nito tungkol sa Maylalang. (Basahin ang Roma 1:20.) Halimbawa, ang araw ay nagbibigay ng init na kailangan natin. Pero naglalabas ito ng enerhiya na tinatawag na ultraviolet rays. Nakakapinsala ito sa atin pero napoprotektahan tayo laban dito! Paano? May sariling protective shield ang planetang Lupa—isang layer ng ozone gas na sumasala sa nakakapinsalang radiation. Habang mas tumitindi ang ultraviolet rays mula sa araw, kumakapal din ang ozone layer. Hindi ba pinapatunayan lang ng prosesong iyan na talagang may lumikha sa lahat ng iyan at na siya ay isang mapagmahal at matalinong Maylalang?

11. Saan ka makakakita ng mga impormasyon na magpapatibay ng pananampalataya mo sa paglalang? (Tingnan ang kahong “ Ilang Makakapagpatibay ng Pananampalataya Mo.”)

11 Marami kang makikitang impormasyon na magpapatibay ng pananampalataya mo sa paglalang kung magre-research ka sa Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova at sa jw.org. Baka gusto mong umpisahan sa mga artikulo at video mula sa seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?” Maiikli lang ang mga ito pero marami kang matututuhan tungkol sa mga kahanga-hangang hayop at iba pang nilalang. Makikita mo rin sa mga iyon kung paano ginagaya ng mga scientist ang mga disenyo sa kalikasan.

12. Kapag pinag-aaralan ang Bibliya, ano ang ilan sa mga dapat nating pag-isipan?

12 Pag-aralan ang Bibliya. Noong una, hindi naniniwala ang biochemist na binanggit kanina na mayroong Maylalang. Pero nakumbinsi rin siya nang maglaon. Sinabi niya: “Hindi lang siyensiya ang basehan ng paniniwala ko. Salig din ito sa maingat na pag-aaral ng Bibliya.” Baka alam mo na kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Pero para tumibay ang pananampalataya mo sa Maylalang, kailangan mong patuloy na pag-aralan ang Salita ng Diyos. (Jos. 1:8; Awit 119:97) Pag-isipan ang detalyadong paglalarawan ng Bibliya tungkol sa mga nangyari sa kasaysayan, ang mga hula nito na natupad, at ang pagkakasuwato ng mga nilalaman nito. Mapapatibay niyan ang pananampalataya mo na may isang mapagmahal at matalinong Maylalang na lumikha sa atin at na galing sa kaniya ang Bibliya. *2 Tim. 3:14; 2 Ped. 1:21.

13. Magbigay ng isang halimbawa ng karunungan na makikita sa Salita ng Diyos.

13 Kapag pinag-aaralan mo ang Salita ng Diyos, tingnan kung paano nakakatulong ang payo nito. Halimbawa, matagal nang sinabi ng Bibliya na ang pag-ibig sa pera ay nakakapinsala at nagiging dahilan ng “maraming kirot.” (1 Tim. 6:9, 10; Kaw. 28:20; Mat. 6:24) Totoo pa rin ba iyan hanggang sa ngayon? Sinabi ng aklat na The Narcissism Epidemic: “Sa pangkalahatan, ang mga taong materyalistiko ay di-gaanong maligaya at mas nadedepres. Kahit ang mga nag-aambisyon pa lang na yumaman ay nagkakaproblema na sa kalusugan ng isip; sinasabi rin nilang mas madalas silang [magkasakit].” Talagang malaking tulong ang payo ng Bibliya na huwag ibigin ang pera! May naiisip ka pa ba na ibang prinsipyo sa Bibliya na nakatulong sa iyo? Habang mas nakikita natin kung paano tayo natutulungan ng mga payo sa Bibliya, mas lalo tayong magtitiwala sa karunungang inilalaan ng ating mapagmahal na Maylalang. (Sant. 1:5) Kaya naman, magiging mas masaya tayo.​—Isa. 48:17, 18.

14. Ano ang matututuhan mo tungkol kay Jehova habang pinag-aaralan mo ang Bibliya?

14 Mag-aral na ang tunguhin ay mas makilala pa si Jehova. (Juan 17:3) Habang nag-aaral ka, may mapapansin kang mga katangian na makikita rin sa mga nilalang. Ang mga katangiang iyon ay malinaw na katangian ng isang totoong Persona at hindi basta imahinasyon lang. (Ex. 34:6, 7; Awit 145:8, 9) Habang nakikilala mo si Jehova, titibay ang pananampalataya mo sa kaniya, lalalim ang pag-ibig mo sa kaniya, at magiging mas malapít kayong magkaibigan.

15. Paano ka makikinabang kung sasabihin mo sa iba ang paniniwala mo sa Diyos?

15 Sabihin sa iba ang paniniwala mo sa Diyos. Mapapatibay nito ang pananampalataya mo. Paano kung may magtanong sa iyo kung talaga bang may Diyos at hindi ka sigurado kung paano mo sasagutin iyon? Maghanap ng paliwanag na batay sa Bibliya sa isa sa mga publikasyon natin. (1 Ped. 3:15) Puwede ka ring magpatulong sa isang makaranasang kapatid. Tanggapin man o hindi ng kausap mo ang sagot ng Bibliya, makikinabang ka pa rin sa pagre-research mo. Titibay ang pananampalataya mo. At hindi ka maililigaw ng marurunong at matatalinong tao sa mundong ito na nagsasabing walang Maylalang.

PANATILIHING MATIBAY ANG PANANAMPALATAYA MO!

16. Ano ang puwedeng mangyari kung hindi natin patuloy na papatibayin ang pananampalataya natin?

16 Kahit gaano na tayo katagal na naglilingkod kay Jehova, dapat na patuloy nating patibayin ang pananampalataya natin sa kaniya. Bakit? Dahil puwede itong humina kung hindi tayo mag-iingat. Tandaan na ang pananampalataya ay nakabatay sa ebidensiya ng mga bagay na di-nakikita pero totoo. Madali nating nalilimutan ang mga hindi natin nakikita. Kaya sinabi ni Pablo na ang kawalan ng pananampalataya ay “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.” (Heb. 12:1) Paano natin maiiwasan ang bitag na ito?​—2 Tes. 1:3.

17. Ano ang makakatulong para mapanatili nating matibay ang pananampalataya natin?

17 Laging humingi ng banal na espiritu kay Jehova. Bakit? Dahil ang pananampalataya ay isang katangian na bunga ng espiritu. (Gal. 5:22, 23) Hindi natin mapapanatiling matibay ang pananampalataya natin sa ating Maylalang kung wala ang tulong ng banal na espiritu niya. Kung patuloy tayong hihingi kay Jehova ng banal na espiritu, bibigyan niya tayo nito. (Luc. 11:13) Puwede nating espesipikong ipanalangin: “Palakasin mo ang pananampalataya namin.”​—Luc. 17:5.

18. Ayon sa Awit 1:2, 3, anong napakahalagang regalo ang mayroon tayo ngayon?

18 Maging regular sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. (Basahin ang Awit 1:2, 3.) Nang isulat ang awit na iyan, iilang Israelita lang ang may kumpletong kopya ng Kautusan ng Diyos. Pero makakakuha ng mga kopya nito ang hari at mga saserdote. At tuwing ikapitong taon, may kaayusan na ang “mga lalaki, babae, bata, at dayuhang naninirahan” sa Israel ay tinitipon para makinig sa pagbabasa ng Kautusan ng Diyos. (Deut. 31:10-12) Noong panahon ni Jesus, karamihan ng mga balumbon ng Kasulatan ay nasa sinagoga at iilan lang ang may kopya nito. Pero ngayon, karamihan ng tao ay makakapagbasa na ng Salita ng Diyos. Napakagandang regalo niyan! Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin ang regalong iyan?

19. Ano ang kailangan nating gawin para mapanatiling matibay ang pananampalataya natin?

19 Maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang Salita ng Diyos kung regular natin itong babasahin. Dapat tayong gumawa ng iskedyul kung kailan tayo magbabasa at mag-aaral ng Bibliya, at hindi kung kailan lang tayo may panahon. Kung may sinusunod tayong regular na iskedyul sa pag-aaral, patuloy nating mapapatibay ang pananampalataya natin.

20. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?

20 Di-gaya ng “marurunong at matatalino” sa mundong ito, may matibay tayong pananampalataya na nakabatay sa Salita ng Diyos. (Mat. 11:25, 26) Dahil sa pag-aaral natin ng Bibliya, alam natin kung bakit patuloy na lumalala ang mga kalagayan sa lupa at kung ano ang gagawin ni Jehova dito. Kaya maging determinado tayo na patibayin ang pananampalataya natin at tulungan ang mas maraming tao na manampalataya sa ating Maylalang. (1 Tim. 2:3, 4) At patuloy nating hintayin ang panahon kung kailan sasabihin ng lahat ng nabubuhay sa lupa ang pananalita sa Apocalipsis 4:11: “O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian . . . dahil nilalang mo ang lahat ng bagay.”

AWIT 2 Jehova ang Iyong Ngalan

^ par. 5 Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ang Maylalang. Pero hindi ito pinapaniwalaan ng maraming tao. Naniniwala sila na basta na lang nagsimula ang buhay. Hindi tayo matitinag ng mga paniniwalang ito kung sinisikap nating patibayin ang pananampalataya natin sa Diyos at sa Bibliya. Ipapaliwanag ng artikulong ito kung paano natin magagawa iyan.

^ par. 5 Sa maraming pampublikong paaralan, hindi man lang itinuturo ng mga guro na posibleng nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay. Kasi kung gagawin daw nila iyon, parang pinapakialaman nila ang kalayaan ng estudyante na pumili ng relihiyon.

^ par. 7 May ilang komento ng mga professional at scientist na naniniwala sa paglalang na makikita sa Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Sa ilalim ng paksang “Siyensiya at Teknolohiya,” hanapin ang heading na “‘Interbyu’ (Serye sa Gumising!).”

^ par. 12 Halimbawa, tingnan ang artikulong “Magkasuwato Ba ang Bibliya at ang Siyensiya?” sa Pebrero 2011 na isyu ng Gumising! at ang artikulong “Natutupad ang Lahat ng Inihula ni Jehova” sa Enero 1, 2008 na isyu ng Bantayan.