Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 36

Mahal ng Bayan ni Jehova ang Katuwiran

Mahal ng Bayan ni Jehova ang Katuwiran

“Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.”​—MAT. 5:6.

AWIT 9 Si Jehova ang Ating Hari!

NILALAMAN a

1. Sa anong mahirap na sitwasyon napaharap si Jose, at ano ang ginawa niya?

 NAPAHARAP sa isang mahirap na sitwasyon ang anak ni Jacob na si Jose. “Sipingan mo ako,” ang sabi ng babae sa kaniya. Ang babaeng ito ang asawa ng panginoon niyang si Potipar. Pero tumanggi si Jose. Baka isipin ng isa, ‘Bakit tinanggihan ni Jose ang tukso?’ Wala naman si Potipar. Isa pa, alipin lang si Jose; kung tatanggihan niya ang babae, kayang-kaya nitong gawing miserable ang buhay niya. Pero hindi kailanman pumayag si Jose kahit araw-araw siyang inaakit nito. Bakit? Sinabi niya: “Paano ko magagawa ang napakasamang bagay na ito at magkasala nga laban sa Diyos?”—Gen. 39:7-12.

2. Paano nalaman ni Jose na kasalanan sa Diyos ang pangangalunya?

2 Paano nalaman ni Jose na “napakasamang bagay” para sa Diyos ang pangangalunya? Mga dalawang daang taon pa ang lumipas bago ibigay sa mga Israelita ang Kautusang Mosaiko na nagsasabi, “Huwag kang mangangalunya.” (Ex. 20:14) Pero kilala ni Jose si Jehova at alam niyang hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pangangalunya. Halimbawa, siguradong alam ni Jose na ang kaayusan ni Jehova sa pag-aasawa ay para lang sa isang lalaki at isang babae. At malamang na nalaman din ni Jose ang dalawang pagkakataon na pinrotektahan ni Jehova ang lola niya sa tuhod na si Sara nang muntik na itong kunin ng iba bilang asawa. Ganiyan din ang ginawa ng Diyos sa asawa ni Isaac na si Rebeka. (Gen. 2:24; 12:14-20; 20:2-7; 26:6-11) Dahil pinag-isipan ni Jose ang mga pangyayaring ito, naging malinaw sa kaniya kung ano ang tama at mali sa paningin ng Diyos. Mahal ni Jose ang Diyos, kaya mahal din niya ang pamantayan ni Jehova ng katuwiran, at determinado siyang sundin iyon.

3. Ano ang tatalakayin natin?

3 Mahal mo ba ang katuwiran? Sigurado iyan. Pero hindi tayo perpekto, at kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong maimpluwensiyahan ng pananaw ng mundong ito tungkol sa katuwiran. (Isa. 5:20; Roma 12:2) Kaya tatalakayin natin kung ano ang katuwiran at kung paano tayo makikinabang kapag minahal natin ang katangiang ito. Tatalakayin din natin ang tatlong hakbang na tutulong sa atin para lalo nating mahalin ang mga pamantayan ni Jehova.

ANO ANG KATUWIRAN?

4. Ano ang maling pananaw ng marami tungkol sa pagiging matuwid?

4 Iniisip ng marami na kapag ang isang tao ay matuwid, mayabang siya, mapanghusga, at mapagmatuwid sa sarili. Pero ayaw ng Diyos sa mga ugaling iyan. Noong nasa lupa si Jesus, binatikos niya ang mga lider ng relihiyon dahil nagtakda sila ng sarili nilang pamantayan ng katuwiran. (Ecles. 7:16; Luc. 16:15) Ang tunay na pagiging matuwid ay malayong-malayo sa pagiging mapagmatuwid sa sarili.

5. Ayon sa Bibliya, ano ang katuwiran? Magbigay ng halimbawa.

5 Magandang katangian ang pagiging matuwid. Sa ibang salita, ginagawa ng isang tao ang tama sa paningin ng Diyos na Jehova. Sa Bibliya, ang mga salitang ginamit para sa “katuwiran” ay tumutukoy sa pamumuhay ayon sa pinakamataas na pamantayan—ang pamantayan ni Jehova. Halimbawa, iniutos ni Jehova sa mga negosyante na dapat na “eksakto [o, tapat] ang panimbang” na gagamitin nila. (Deut. 25:15) Ang orihinal na salitang Hebreo na isinaling “eksakto” o tapat ay puwede ring isaling “matuwid.” Kaya naman, kung gusto ng isang Kristiyano na maging matuwid sa paningin ng Diyos, dapat na tapat siya sa pagnenegosyo. Mahal din niya ang katarungan kaya ayaw niya na makita ang iba na pinakikitunguhan nang hindi patas. At para ‘lubusang mapalugdan’ si Jehova, iniisip ng isang taong matuwid ang magiging tingin ni Jehova sa mga desisyong gagawin niya.​—Col. 1:10.

6. Bakit tayo nagtitiwala sa pamantayan ni Jehova ng tama at mali? (Isaias 55:8, 9)

6 Sa Bibliya, inilalarawan si Jehova bilang ang Pinagmumulan ng katuwiran. Kaya naman, tinatawag siyang “tahanan ng katuwiran.” (Jer. 50:7) Bilang Maylalang, si Jehova lang ang may karapatan na magtakda ng pamantayan ng tama at mali. Dahil perpekto si Jehova, mas mataas ang kaniyang pamantayan ng tama at mali kumpara sa ating pamantayan, na madalas na naiimpluwensiyahan ng pagiging di-perpekto natin. (Kaw. 14:12; basahin ang Isaias 55:8, 9.) Pero dahil nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos, kaya pa rin nating mamuhay ayon sa kaniyang pamantayan ng katuwiran. (Gen. 1:27) At gustong-gusto nating gawin iyan. Dahil mahal natin ang ating Ama, napapakilos tayong tularan siya sa abot ng makakaya natin.​—Efe. 5:1.

7. Bakit natin kailangan ng mapagkakatiwalaang pamantayan? Ilarawan.

7 Nakikinabang tayo kapag sinusunod natin ang pamantayan ni Jehova ng tama at mali. Bakit? Isip-isipin ang mangyayari kung ang bawat bangko ay may kani-kaniyang paraan ng pagtatakda ng halaga ng pera o kung ang bawat kompanya ng konstruksiyon ay may kani-kaniyang pamantayan ng pagsukat. Siguradong magiging magulo iyon. At paano kung ang mga doktor at mga nurse ay hindi susunod sa iisang pamantayan ng paggamot? Puwede itong ikamatay ng ilang pasyente. Oo, ang mapagkakatiwalaang pamantayan ay isang proteksiyon. At ganiyan ang pamantayan ng Diyos ng tama at mali.

8. Anong mga pagpapala ang naghihintay sa mga nagsisikap gawin ang tama?

8 Pinagpapala ni Jehova ang mga nagsisikap mamuhay ayon sa kaniyang pamantayan. Ipinangako niya: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Kapag sumusunod ang lahat ng tao sa pamantayan ni Jehova, siguradong payapa, nagkakaisa, at masaya sila. Gusto ni Jehova na maranasan mo iyan. Talagang may dahilan tayo para mahalin ang katuwiran! Paano pa natin lalong mamahalin ang katangiang ito? Talakayin natin ang tatlong hakbang na puwede nating gawin.

LALO PANG MAHALIN ANG PAMANTAYAN NI JEHOVA

9. Ano ang tutulong sa atin na mahalin ang katuwiran?

9 Unang hakbang: Mahalin ang Persona na nagtakda ng pamantayan. Para magawa nating mahalin ang katuwiran, kailangan nating lalo pang mahalin ang Isa na nagtakda ng pamantayan ng tama at mali. Habang lumalalim ang pag-ibig natin kay Jehova, mas gugustuhin natin na mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na pamantayan. Halimbawa, kung minahal lang sana nina Adan at Eva si Jehova, hindi sana nila sinuway ang matuwid na mga utos niya.​—Gen. 3:1-6, 16-19.

10. Ano ang ginawa ni Abraham para mas maintindihan niya ang pag-iisip ni Jehova?

10 Siguradong ayaw nating matulad kina Adan at Eva. Maiiwasan natin ang pagkakamali nila kung patuloy nating kikilalanin si Jehova, papahalagahan ang mga katangian niya, at sisikapin na maintindihan ang paraan ng pag-iisip niya. Kapag ginawa natin iyan, lalalim ang pag-ibig natin kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ni Abraham. Talagang mahal niya si Jehova. Kahit hindi niya masyadong maintindihan ang mga desisyon ni Jehova, hindi nagrebelde si Abraham. Sa halip, sinikap niyang mas makilala pa si Jehova. Halimbawa, nang malaman niya na pupuksain ni Jehova ang Sodoma at Gomorra, sa simula, natakot si Abraham na baka puksain ng “Hukom ng buong lupa” ang mga matuwid kasama ng masasama. Hindi lubos-maisip ni Abraham na magagawa iyon ni Jehova, kaya mapagpakumbaba niyang tinanong si Jehova. Sa bawat tanong niya, matiyaga siyang sinagot ni Jehova. Nalaman ni Abraham na nababasa ni Jehova ang puso ng tao at na hindi niya paparusahan ang mga inosente kasama ng masasama.​—Gen. 18:20-32.

11. Paano ipinakita ni Abraham na mahal niya si Jehova at nagtitiwala siya sa Kaniya?

11 Malaki ang naging epekto kay Abraham ng pag-uusap nila ni Jehova tungkol sa mga lunsod ng Sodoma at Gomorra. Siguradong lalo niya pang minahal at nirespeto ang kaniyang Ama. Pagkalipas ng mga taon, nasubok ulit ang pagtitiwala ni Abraham kay Jehova. Hiniling sa kaniya ni Jehova na ihandog ang kaniyang pinakamamahal na anak, si Isaac. Pero ngayon, kilalang-kilala na ni Abraham ang Diyos, kaya hindi na niya tinanong si Jehova. Basta ginawa na lang niya ang hiniling sa kaniya ni Jehova. Siguradong napakasakit para kay Abraham habang inihahanda niya ang mga kailangan sa paghahandog sa anak niya! Malamang na pinag-isipan niyang mabuti ang mga natutuhan niya tungkol kay Jehova. Siguradong alam niya na hindi gagawa si Jehova ng kahit anong bagay na hindi matuwid o hindi maibigin. Ayon kay apostol Pablo, inisip ni Abraham na kayang buhaying muli ni Jehova si Isaac. (Heb. 11:17-19) Ipinangako kasi ni Jehova na magiging ama ng isang bansa si Isaac, pero nang panahong iyon, wala pa itong anak. Mahal ni Abraham si Jehova kaya nagtitiwala siya na laging gagawin ng kaniyang Ama ang tama. Kahit mahirap, napakilos siya ng pananampalataya na sundin si Jehova.​—Gen. 22:1-12.

12. Paano natin matutularan si Abraham? (Awit 73:28)

12 Paano natin matutularan si Abraham? Kailangan rin natin na patuloy na makilala si Jehova. Habang ginagawa natin iyan, mas mapapalapít tayo kay Jehova at mas mamahalin pa natin siya. (Basahin ang Awit 73:28.) Masasanay ang konsensiya natin na tularan ang pag-iisip ng Diyos. (Heb. 5:14) Kaya kapag may tumukso sa atin na gumawa ng mali, tatanggi tayo. Hindi man lang natin iisipin na gumawa ng kahit anong makakasakit sa ating Ama at sisira sa kaugnayan natin sa kaniya. Pero paano pa natin maipapakita na mahal natin ang katuwiran?

13. Paano tayo magsisikap na maging matuwid? (Kawikaan 15:9)

13 Ikalawang hakbang: Sikaping maging matuwid araw-araw. Kung gusto nating lumakas ang mga muscle natin, kailangan nating mag-ehersisyo araw-araw. Ganiyan din kung gusto nating mahalin ang pamantayan ni Jehova ng katuwiran. Kailangan nating magsikap araw-araw. Makatuwiran si Jehova, at hindi niya inaasahan na gagawin natin ang higit sa kaya nating gawin. (Awit 103:14) Tinitiyak niya sa atin na “mahal niya ang nagsisikap na maging matuwid.” (Basahin ang Kawikaan 15:9.) Kung mayroon tayong espesipikong tunguhin sa paglilingkod kay Jehova, nagsisikap tayo para maabot iyon. Ganiyan din kapag sinisikap nating maging matuwid. At matiyaga tayong tutulungan ni Jehova na patuloy na sumulong.​—Awit 84:5, 7.

14. Ano ang “baluti ng katuwiran,” at bakit natin ito kailangan?

14 Ipinapaalala sa atin ni Jehova na ang pagiging matuwid ay hindi pabigat. (1 Juan 5:3) Isa pa nga itong proteksiyon na kailangan natin araw-araw. Tandaan ang espirituwal na kasuotang pandigma na binanggit ni apostol Pablo. (Efe. 6:14-18) Aling bahagi ang nagbibigay ng proteksiyon sa puso ng sundalo? Ito ang “baluti ng katuwiran” na lumalarawan sa matuwid na pamantayan ni Jehova. Pinoprotektahan ng baluti ang literal na puso. Pinoprotektahan naman ng matuwid na pamantayan ni Jehova ang makasagisag na puso mo, ang buong pagkatao mo. Kaya gawin mo ang lahat para maisuot ang kasuotang pandigma, kasama na ang baluti ng katuwiran!—Kaw. 4:23.

15. Paano natin maisusuot ang baluti ng katuwiran?

15 Paano natin maisusuot ang baluti ng katuwiran? Magagawa mo iyan kung pag-iisipan mo kung paano mo masusunod ang mga pamantayan ng Diyos kapag gumagawa ka ng mga desisyon araw-araw. Kapag pumipili ka ng musika, panoorin, aklat, o paksang pag-uusapan, tanungin muna ang sarili: ‘Ano ang ipinapasok ko sa puso ko? Gusto kaya ni Jehova ang mga ito? O nagtataguyod ito ng imoralidad, karahasan, kasakiman, at pagiging makasarili—mga bagay na itinuturing ni Jehova na hindi matuwid?’ (Fil. 4:8) Kung kaayon ng kalooban ni Jehova ang mga desisyon mo, hinahayaan mong protektahan ng matuwid na pamantayan niya ang puso mo.

Ang katuwiran mo ay magiging “gaya ng mga alon sa dagat” (Tingnan ang parapo 16-17)

16-17. Paano tinitiyak ng Isaias 48:18 na puwede tayong mamuhay ayon sa pamantayan ni Jehova magpakailanman?

16 Nag-aalala ka ba kung patuloy kang makakapamuhay ayon sa matuwid na pamantayan ni Jehova sa paglipas ng mga araw, o mga taon pa nga? Pag-isipan ang ilustrasyon na ginamit ni Jehova sa Isaias 48:18. (Basahin.) Ipinapangako ni Jehova na ang katuwiran natin ay magiging “gaya ng mga alon sa dagat.” Isiping nakatayo ka sa dalampasigan, habang pinapanood mo ang walang-tigil na paghampas ng mga alon. Sa magandang tanawing iyon, iisipin mo ba na darating ang araw na hihinto ang paghampas ng alon? Hindi! Alam mo na libo-libong taon nang humahampas ang mga alon sa dalampasigang iyon, kaya tiyak na hindi iyon mawawala.

17 Ang katuwiran mo ay puwedeng maging gaya ng mga along iyon sa dagat. Paano? Kapag gagawa ka ng desisyon, alamin muna kung ano ang gusto ni Jehova na gawin mo. Pagkatapos, gawin mo iyon. Gaano man kahirap ang desisyong iyon, laging nandiyan ang iyong maibiging Ama para tulungan ka at bigyan ng lakas na mamuhay araw-araw ayon sa kaniyang matuwid na pamantayan.​—Isa. 40:29-31.

18. Bakit dapat nating iwasang hatulan ang iba base sa sarili nating pamantayan?

18 Ikatlong hakbang: Ipaubaya kay Jehova ang paghatol. Habang sinisikap nating mamuhay ayon sa matuwid na pamantayan ni Jehova, dapat nating iwasang hatulan ang iba at maging mapagmatuwid sa sarili. Sa halip na maliitin ang iba na para bang may karapatan tayong hatulan sila base sa sarili nating pamantayan, dapat nating tandaan na si Jehova ang “Hukom ng buong lupa.” (Gen. 18:25) Hindi ibinigay sa atin ni Jehova ang karapatang humatol. Sa katunayan, iniutos ni Jesus: “Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan.”​—Mat. 7:1. b

19. Paano ipinaubaya ni Jose kay Jehova ang paghatol?

19 Tingnan natin ulit ang halimbawa ng matuwid na si Jose. Hindi siya humatol sa iba kahit sa mga gumawa ng masama sa kaniya. Sinaktan siya ng mga kapatid niya, ipinagbili sa pagkaalipin, at kinumbinsi nila ang tatay nila na patay na si Jose. Pagkalipas ng maraming taon, nagkita ulit si Jose at ang mga kapamilya niya. Isa na ngayong makapangyarihang tagapamahala si Jose, kaya puwede na sana niyang parusahan ang mga kapatid niya at maghiganti. Natakot ang mga kapatid ni Jose na baka ganoon nga ang gawin niya, kahit talagang pinagsisihan na nila ang ginawa nila. Pero tiniyak sa kanila ni Jose: “Huwag kayong matakot. Diyos ba ako?” (Gen. 37:18-20, 27, 28, 31-35; 50:15-21) Mapagpakumbabang ipinaubaya ni Jose kay Jehova ang paghatol.

20-21. Paano natin maiiwasan ang pagmamatuwid sa sarili?

20 Gaya ni Jose, ipinapaubaya natin kay Jehova ang paghatol. Halimbawa, hindi natin pinag-iisipan nang masama ang motibo ng mga kapatid. Hindi tayo nakakabasa ng puso; si Jehova lang ang ‘sumusuri ng mga motibo.’ (Kaw. 16:2) Mahal ni Jehova ang lahat ng tao anuman ang pinagmulan at kultura nila. At pinapasigla tayo ni Jehova na ‘buksang mabuti ang ating puso.’ (2 Cor. 6:13) Mahal natin ang ating mga kapatid, at hindi natin sila hinahatulan.

21 Hindi rin natin hinahatulan ang mga hindi natin kapananampalataya. (1 Tim. 2:3, 4) Tiyak na hindi natin hahatulan ang isang kamag-anak na hindi natin kapananampalataya. At hindi natin sasabihin, “Hindi iyan magiging Saksi.” Kapangahasan iyan at pagmamatuwid sa sarili. Binibigyan pa rin ni Jehova ng pagkakataon ang “lahat ng tao” na magsisi. (Gawa 17:30) Tandaan na ang pagmamatuwid sa sarili ay isang uri ng pagiging di-matuwid.

22. Bakit determinado kang mahalin ang katuwiran?

22 Magpapasaya sa atin ang pagmamahal natin sa pamantayan ni Jehova ng katuwiran. Magiging halimbawa rin tayo sa iba para mas mahalin nila tayo at ang Diyos. Lagi sana tayong “nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.” (Mat. 5:6) Makakatiyak ka na nakikita ni Jehova ang mga pagsisikap mo at masaya siya na ginagawa mo ang lahat para gawin ang tama. Huwag kang panghinaan ng loob habang nakikita mo ang mga tao sa mundong ito na lalong nagiging hindi matuwid. Laging tandaan na “iniibig ni Jehova ang mga matuwid.”​—Awit 146:8.

AWIT 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay

a Mahirap makahanap ng mga matuwid na tao sa masamang mundong ito. Pero milyon-milyon pa rin ngayon ang nagsisikap na maging matuwid. Siguradong isa ka sa kanila. Sinisikap mong maging matuwid dahil mahal mo si Jehova, at mahal ni Jehova ang katuwiran. Paano pa natin mas mamahalin ang magandang katangiang ito? Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang katuwiran at kung paano tayo makikinabang kapag minahal natin ang katangiang ito. Tatalakayin din natin ang mga hakbang kung paano natin lalong mamahalin ang katangiang ito.

b Kung minsan, kailangang humatol ng mga elder sa kongregasyon pagdating sa pagsisisi at malubhang kasalanan. (1 Cor. 5:11; 6:5; Sant. 5:14, 15) Pero mapagpakumbaba nilang kinikilala na hindi sila nakakabasa ng puso at na humahatol sila para kay Jehova. (Ihambing ang 2 Cronica 19:6.) Maingat nilang sinusunod ang pamantayan ng Diyos sa paghatol—makatuwiran, may awa, at patas.