Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 35

Patuloy na “Patibayin ang Isa’t Isa”

Patuloy na “Patibayin ang Isa’t Isa”

“Patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”​—1 TES. 5:11.

AWIT 90 Patibayin ang Isa’t Isa

NILALAMAN a

1. Ayon sa 1 Tesalonica 5:11, sa anong gawain tayo nakikibahagi?

 NAKAPAGTAYO o nakapag-renovate na ba ng Kingdom Hall ang kongregasyon ninyo? Kung oo, tiyak na naalala mo ang unang dalo mo roon. Laking pasasalamat mo kay Jehova dahil dito. Baka naiyak ka pa nga sa sobrang saya at hindi makakanta sa pambukas na awit. Nagbibigay ng papuri kay Jehova ang magaganda nating Kingdom Hall. Pero mas nakakapagbigay tayo ng papuri sa kaniya kapag nakikibahagi tayo sa isa pang uri ng pagtatayo. Mas mahalaga ang pagtatayong ito kaysa sa pagtatayo ng mga gusali. Kasama kasi rito ang pagpapatibay sa mga tao na pumupunta sa mga lugar na iyon ng pagsamba. Nang isulat ni apostol Pablo ang mga salita sa temang teksto natin sa 1 Tesalonica 5:11 (basahin), ginamit niya ang salitang Griegong isinaling “patibayin” na puwede ring mangahulugang “pagtatayo.” Kaya umaasa siya na makikibahagi ang mga Kristiyano sa gayong “pagtatayo.”

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Magandang halimbawa si apostol Pablo sa pagpapatibay sa mga kapatid. May empatiya siya sa kanila. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano niya tinulungan ang mga kapatid na (1) matiis ang mga pagsubok, (2) maging mapagpayapa, at (3) patibayin ang pananampalataya nila kay Jehova. Makikita natin kung paano natin siya matutularan sa pagpapatibay sa mga kapatid sa ngayon.​—1 Cor. 11:1.

TINULUNGAN NI PABLO ANG MGA KAPATID NA MATIIS ANG MGA PAGSUBOK

3. Ano ang balanseng pananaw ni Pablo?

3 Mahal na mahal ni Pablo ang mga kapatid. Nakaranas siya ng mga pagsubok kaya alam niya kung paano magpapakita ng awa at empatiya sa mga kapatid na nakakaranas din ng mga pagsubok. Minsan, kinapos sa pinansiyal si Pablo at kinailangan niyang makahanap ng trabaho para masuportahan ang sarili niya at ang mga kasama niya. (Gawa 20:34) Naging hanapbuhay niya ang paggawa ng tolda. At noong nasa Corinto siya, nakasama niyang gumawa ng tolda sina Aquila at Priscila. Pero “tuwing sabbath,” nangangaral siya sa mga Judio at Griego. Nang dumating sina Silas at Timoteo, “naging abalang-abala si Pablo sa pangangaral ng salita.” (Gawa 18:2-5) Nanatiling nakapokus si Pablo sa pinakamahalagang bagay sa buhay niya, ang paglilingkod kay Jehova. Dahil sa magandang halimbawang ito ni Pablo, nagawa niyang patibayin ang mga kapatid. Pinayuhan niya sila na hindi nila dapat hayaang mahadlangan ng problema sa buhay at ng paglalaan sa pangangailangan ng pamilya ang pag-una sa “mas mahahalagang bagay”—ang lahat ng anyo ng pagsamba kay Jehova.​—Fil. 1:10.

4. Paano tinulungan nina Pablo at Timoteo ang mga kapatid para makayanan nila ang pag-uusig?

4 Di-nagtagal, matapos maitatag ang kongregasyon sa Tesalonica, dumanas ng matinding pag-uusig ang mga bagong mananampalataya roon. Nang hindi makita ng mga mang-uumog sina Pablo at Silas, kinaladkad nila ang “ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod,” at isinisigaw nila: “Nagrerebelde sila sa mga batas ni Cesar.” (Gawa 17:6, 7) Isip-isipin na lang ang takot ng mga bagong Kristiyanong iyon nang sila naman ang pinupuntirya ng mga lalaki ng lunsod. Puwedeng mabawasan ang sigasig nila sa paglilingkod kay Jehova, pero ayaw ni Pablo na mangyari iyon. Kahit kinailangan nilang umalis ni Silas, tiniyak nila na mapapangalagaan pa ring mabuti ang bagong kongregasyon. Ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Isinugo namin sa inyo si Timoteo, ang ating kapatid . . . , para patatagin ang pananampalataya ninyo at aliwin kayo, nang sa gayon, walang sinuman sa inyo ang manghina dahil sa mga paghihirap na ito.” (1 Tes. 3:2, 3) Malamang na nakaranas si Timoteo ng pag-uusig sa bayan nila sa Listra. Nakita niya kung paano pinatibay ni Pablo ang mga kapatid doon. Dahil nakita ni Timoteo kung paano sila pinagpala ni Jehova sa Listra, matitiyak niya sa mga bagong kapatid sa Tesalonica na magiging maayos din ang kalagayan nila.​—Gawa 14:8, 19-22; Heb. 12:2.

5. Paano nakinabang ang brother na si Bryant sa tulong ng isang elder?

5 Sa paanong paraan pa pinatibay ni Pablo ang mga kapatid? Nang dumalaw ulit sina Pablo at Bernabe sa Listra, Iconio, at Antioquia, “nag-atas . . . sila ng matatandang lalaki para sa bawat kongregasyon.” (Gawa 14:21-23) Tiyak na napatibay ng mga inatasang lalaking iyon ang mga kongregasyon, gaya ng ginagawa ng mga elder sa ngayon. Tingnan ang sinabi ng brother na si Bryant: “Noong 15-anyos ako,” ang sabi niya, “iniwan kami ni Tatay at natiwalag naman si Nanay. Pinanghinaan ako ng loob at pakiramdam ko, nag-iisa ako.” Ano ang nakatulong kay Bryant na makayanan ang mahirap na sitwasyong ito? Sinabi niya: “Lagi akong kinakausap ng elder na si Tony sa pulong at sa iba pang pagkakataon. Nagkuwento siya sa akin ng mga nakaranas ng pagsubok pero masaya pa rin sila. Ibinahagi niya sa akin ang Awit 27:10 at madalas niyang sinasabi sa akin ang tungkol kay Hezekias, na naglingkod nang tapat kahit hindi naging magandang halimbawa ang tatay nito.” Ano ang epekto kay Bryant ng tinanggap niyang tulong? “Dahil pinatibay ako ni Tony,” ang sabi ni Bryant, “di-nagtagal, pumasok ako sa buong-panahong paglilingkod.” Mga elder, bigyang-pansin at tulungan ang mga kapatid na kagaya ni Bryant, na nangangailangan ng “positibong salita” at pampatibay-loob.​—Kaw. 12:25.

6. Paano ginamit ni Pablo ang karanasan ng tapat na mga lingkod ni Jehova para patibayin ang mga kapatid?

6 Ipinaalala ni Pablo sa mga kapatid na dahil sa tulong ni Jehova, natiis ng ‘malaking ulap ng mga saksi’ ang mga pagsubok. (Heb. 12:1) Alam ni Pablo na makakatulong ang karanasan ng tapat na mga lingkod na ito para magkaroon ng lakas ng loob ang mga kapatid at manatiling nakapokus sa “lunsod ng Diyos na buháy.” (Heb. 12:22) Ganiyan din sa ngayon. Tiyak na napapatibay tayo kapag nababasa natin kung paano tinulungan ni Jehova sina Gideon, Barak, David, Samuel, at ang marami pang iba. (Heb. 11:32-35) Mapapatibay rin tayo ng mga karanasan ng tapat na mga kapatid ngayon. Madalas na nakakatanggap ang pandaigdig na punong-tanggapan ng sulat mula sa mga kapatid na napatibay ang pananampalataya nang mabasa nila ang mga karanasan ng tapat na mga lingkod ni Jehova sa ngayon.

IPINAKITA NI PABLO SA MGA KAPATID KUNG PAANO MAGIGING MAPAGPAYAPA

7. Ano ang matututuhan natin sa payo ni Pablo sa Roma 14:19-21?

7 Napapatibay natin ang mga kapatid kapag itinataguyod natin ang kapayapaan sa kongregasyon. Hindi natin hinahayaan na mabahagi tayo dahil sa pagkakaiba-iba ng opinyon. Hindi rin natin ipinipilit ang karapatan natin sa iba kung wala namang nalalabag na prinsipyo sa Bibliya. Tingnan ang isang halimbawa. Ang kongregasyon sa Roma ay binubuo ng mga Kristiyanong Judio at Gentil. Nang mapawalang-bisa ang Kautusang Mosaiko, hindi na kailangang sundin ng mga mananamba ni Jehova ang mga batas tungkol sa pagbabawal sa ilang pagkain. (Mar. 7:19) Mula noon, para sa ilang Kristiyanong Judio, puwede na nilang kainin ang lahat ng uri ng pagkain. Pero para sa ibang Judio, mali pa ring kainin ang mga pagkaing iyon. Dahil sa isyung ito, nabahagi ang kongregasyon. Idiniin ni Pablo na mahalagang panatilihin ang kapayapaan. Sinabi niya: “Mas mabuting huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na makakatisod sa iyong kapatid.” (Basahin ang Roma 14:19-21.) Tinulungan ni Pablo ang mga kapatid na makita na makakasira sa bawat indibidwal at sa buong kongregasyon ang gayong mga di-pagkakaunawaan. Handa rin niyang baguhin ang paggawi niya para hindi makatisod sa iba. (1 Cor. 9:19-22) Kung hindi rin natin ipipilit ang personal na opinyon natin sa iba, mapapatibay natin ang mga kapatid at mapapanatili natin ang kapayapaan.

8. Ano ang ginawa ni Pablo nang may bumangong mahalagang isyu na puwedeng makasira sa kapayapaan ng kongregasyon?

8 Naging halimbawa rin si Pablo sa pagpapanatili ng kapayapaan kapag may mga di-pagkakaunawaan sa mahahalagang isyu. Halimbawa, ipinipilit ng ilan sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo na dapat magpatuli ang mga Gentil na naging Kristiyano, siguro ay para hindi sila punahin ng mga Judio. (Gal. 6:12) Hindi sang-ayon si Pablo sa ideyang iyon. Pero imbes na ipilit ang opinyon niya sa iba, mapagpakumbaba siyang humingi ng payo sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. (Gawa 15:1, 2) Dahil sa ginawa ni Pablo, napanatili ng mga Kristiyanong iyon ang kagalakan at kapayapaan sa kongregasyon.​—Gawa 15:30, 31.

9. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo?

9 Kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, maitataguyod natin ang kapayapaan kung hihingi tayo ng payo sa mga inatasan ni Jehova na mangalaga sa kongregasyon. Madalas na nakakakuha tayo ng payo mula sa ating mga salig-Bibliyang publikasyon o sa mga tagubiling inilalaan ng organisasyon. Kung susundin natin iyon imbes na ang sarili nating opinyon, maitataguyod natin ang kapayapaan sa kongregasyon.

10. Ano pa ang ginawa ni Pablo para maitaguyod ang kapayapaan sa kongregasyon?

10 Itinaguyod din ni Pablo ang kapayapaan nang banggitin niya ang magagandang katangian ng mga kapatid, hindi ang mga kahinaan nila. Halimbawa, sa huling bahagi ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma, binanggit niya ang pangalan ng maraming kapatid. Binigyan niya ng komendasyon ang karamihan sa kanila o sinabi niya ang personal na mga detalye tungkol sa kanila. Matutularan natin si Pablo kung magsasabi rin tayo ng magagandang katangian ng mga kapatid natin. Kapag ginawa natin iyan, mapapatibay natin ang pagkakaibigan at pag-ibig ng mga kapatid sa loob ng kongregasyon.

11. Paano tayo makikipagpayapaan kapag may di-pagkakaunawaan?

11 Kung minsan, puwede ring magkaroon ng di-pagkakaunawaan o pagtatalo kahit pa nga ang may-gulang na mga Kristiyano. Nangyari iyan kay Pablo at sa malapít niyang kaibigang si Bernabe. Hindi nila mapagkasunduan kung isasama nila si Marcos o hindi sa susunod nilang paglalakbay bilang misyonero. Nagkaroon sila ng “mainitang pagtatalo” at naghiwalay ng landas. (Gawa 15:37-39) Pero nakipagpayapaan sa isa’t isa sina Pablo, Bernabe, at Marcos. Ipinakita nila na mahalaga sa kanila ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon. Maganda pa nga ang sinabi ni Pablo tungkol kina Bernabe at Marcos. (1 Cor. 9:6; Col. 4:10) Kung mayroon tayong di-pagkakaunawaan sa isang kapatid sa kongregasyon, kailangan natin itong ayusin at patuloy na tingnan ang magagandang katangian niya. Kapag ginawa natin iyan, maitataguyod natin ang kapayapaan at pagkakaisa.​—Efe. 4:3.

PINATIBAY NI PABLO ANG PANANAMPALATAYA NG MGA KAPATID

12. Ano ang ilang pagsubok na nararanasan ng mga kapatid?

12 Kailangan din nating patibayin ang pananampalataya ng mga kapatid kay Jehova. Tinutuya ang ilan ng mga di-Saksing kapamilya nila, katrabaho, o kaeskuwela. Ang iba ay may malalang sakit o nasaktan ng iba ang damdamin nila. Ang iba naman ay maraming taon nang bautisadong Kristiyano at matagal nang naghihintay na matapos ang sistemang ito. Sa ganitong mga sitwasyon, nasusubok ang pananampalataya ng mga Kristiyano. Ganiyan din ang naranasan ng mga kapatid noong unang siglo. Ano ang ginawa ni Pablo para patibayin sila?

Gaya ni apostol Pablo, paano mo mapapatibay ang iba? (Tingnan ang parapo 13) b

13. Paano tinulungan ni Pablo ang mga kapatid na tinutuya dahil sa mga paniniwala nila?

13 Ginamit ni Pablo ang Kasulatan para patibayin ang pananampalataya ng mga kapatid. Halimbawa, baka hindi alam ng mga Kristiyanong Judio ang isasagot nila sa mga di-sumasampalatayang kapamilya nila na nagsasabing nakahihigit ang Judaismo sa Kristiyanismo. Tiyak na napatibay nang husto ang mga Kristiyanong iyon sa liham ni Pablo sa mga Hebreo. (Heb. 1:5, 6; 2:2, 3; 9:24, 25) Nakatulong ang mapuwersang mga pangangatuwiran niya para malaman nila ang sasabihin sa mga sumasalansang sa kanila. Matutulungan din natin sa ngayon ang mga kapatid nating tinutuya na gamitin ang ating mga salig-Bibliyang publikasyon para ipaliwanag ang kanilang paniniwala. Kung pinagtatawanan ang mga kabataan dahil naniniwala sila sa paglalang, matutulungan natin silang makahanap ng impormasyon sa mga brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? at The Origin of Life—Five Questions Worth Asking. Magagamit nila ang mga ito para ipakita kung bakit naniniwala sila na may lumalang ng buhay.

Gaya ni apostol Pablo, paano mo mapapatibay ang iba? (Tingnan ang parapo 14) c

14. Kahit abala si Pablo sa pangangaral at pagtuturo, ano pa rin ang ginawa niya?

14 Pinasigla ni Pablo ang mga kapatid na magpakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng ‘paggawa ng mabuti.’ (Heb. 10:24) Tinulungan niya ang mga kapatid hindi lang sa salita, kundi pati sa gawa. Halimbawa, nang makaranas ng taggutom ang mga kapatid sa Judea, tumulong si Pablo sa pamamahagi ng pangangailangan nila. (Gawa 11:27-30) Ang totoo, abala si Pablo sa pangangaral at pagtuturo. Pero lagi pa rin siyang humahanap ng pagkakataon para tulungan ang mga nangangailangan sa materyal. (Gal. 2:10) Dahil diyan, napatibay ni Pablo ang pagtitiwala ng mga kapatid na pangangalagaan sila ni Jehova. Sa ngayon, napapatibay rin natin ang pananampalataya ng mga kapatid kapag ginagamit natin ang ating panahon, lakas, at mga kasanayan para tumulong sa mga naapektuhan ng sakuna at kapag regular tayong nagbibigay ng donasyon sa pambuong-daigdig na gawain. Sa paggawa nito, natutulungan natin ang mga kapatid na magtiwala na hinding-hindi sila pababayaan ni Jehova.

Gaya ni apostol Pablo, paano mo mapapatibay ang iba? (Tingnan ang parapo 15-16) d

15-16. Paano natin matutulungan ang mga kapatid na nanghihina ang pananampalataya?

15 Patuloy na tinulungan ni Pablo ang mga kapatid na nanghina ang pananampalataya. Naawa siya sa kanila at kinausap niya sila sa mabait at positibong paraan. (Heb. 6:9; 10:39) Halimbawa, sa liham niya sa mga Hebreo, madalas niyang sinasabi ang mga salitang “natin,” “tayo,” at “atin” para ipakitang kailangan din niyang sundin ang ipinapayo niya. (Heb. 2:1, 3) Gaya ni Pablo, patuloy din nating tinutulungan ang mga kapatid na nanghihina ang pananampalataya. Napapatibay natin sila kapag nagpapakita tayo ng personal na interes sa kanila. Sa ganitong paraan, naipapadama natin sa kanila na mahal natin sila. At kapag nakikipag-usap tayo sa kanila, mas mapapatibay sila kung gagawin natin ito sa mabait at mahinahong paraan.

16 Tiniyak ni Pablo sa mga kapatid na nakikita ni Jehova ang mga ginagawa nilang mabuti. (Heb. 10:32-34) Magagawa rin natin iyan. Kapag nanghihina ang pananampalataya ng isang kapatid, puwede natin siyang tanungin kung paano niya nalaman ang katotohanan o pasiglahin siya na alalahanin kung paano siya tinulungan noon ni Jehova. Pagkakataon ito para tiyakin sa kaniya na hindi nalilimutan ni Jehova ang pag-ibig na ipinakita niya sa Kaniya at na hinding-hindi siya iiwan ni Jehova. (Heb. 6:10; 13:5, 6) Puwedeng mapasigla ang mga kapatid na ito sa ganitong mga pag-uusap para makapagpatuloy sila sa paglilingkod kay Jehova.

“PATULOY NINYONG PASIGLAHIN ANG ISA’T ISA”

17. Ano ang mga puwede nating mapasulong?

17 Kung paanong humuhusay ang isang construction worker sa paglipas ng panahon, puwede rin tayong maging mas epektibo sa pagpapatibay sa iba. Mapapatibay natin ang iba na makapagtiis ng mga pagsubok kung ibabahagi natin sa kanila ang halimbawa ng mga taong nakapagtiis din. Maitataguyod natin ang kapayapaan kung babanggitin natin ang magagandang katangian ng iba. Dapat din nating panatilihin ang kapayapaan kapag may mga pagkakaiba ng opinyon o di-pagkakaunawaan. At patuloy nating mapapatibay ang pananampalataya ng mga kapatid kung ibabahagi natin sa kanila ang mahahalagang katotohanan mula sa Bibliya, magbibigay ng praktikal na tulong, at kung aalalayan natin ang mga nanghihina sa espirituwal.

18. Ano ang determinado mong gawin?

18 Masaya at kontento ang mga nagtatayo ng teokratikong mga pasilidad. Magiging masaya at kontento rin tayo kung papatibayin natin ang pananampalataya ng mga kapatid. Ang mga itinayong gusali ay masisira, pero ang resulta ng pagpapatibay natin sa mga kapatid ay mananatili magpakailanman! Maging determinado sana tayo na “patuloy [na] pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”​—1 Tes. 5:11.

AWIT 100 Maging Mapagpatuloy

a Napakahirap ng buhay sa sistemang ito. Nakakaranas ng maraming problema ang mga kapatid natin. Puwede tayong maging pagpapala para sa kanila kung hahanap tayo ng mga pagkakataon na patibayin sila. Makakatulong sa atin ang halimbawa ni apostol Pablo tungkol sa bagay na iyan.

b LARAWAN: Tatay na ipinapakita sa anak niyang babae kung paano nito magagamit ang mga mungkahi sa mga publikasyon natin para tanggihan ang panggigipit na magdiwang ng Pasko.

c LARAWAN: Mag-asawang pumunta sa ibang bahagi ng bansa para tumulong sa mga naapektuhan ng sakuna.

d LARAWAN: Elder na dumadalaw sa isang brother na nanghihina ang pananampalataya. Ipinapakita ng elder sa brother ang ilang litrato nila noong magkasama silang nag-aral sa Pioneer Service School, mga ilang taon na ang nakakaraan. Habang tinitingnan ng brother ang mga litrato, naaalala niya ang masasayang panahong iyon. Gusto ng brother na maranasan ulit ang saya noong naglilingkod pa siya kay Jehova. Di-nagtagal, sumasama na ulit siya sa kongregasyon.