Natatandaan Mo Ba?
Nabasa mo bang mabuti ang nakaraang mga isyu ng Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang mga sumusunod:
Anong katibayan sa Kasulatan ang nagpapakitang may empatiya ang Diyos sa atin?
Nang ang sinaunang bayan ng Israel ay dumanas ng pang-aalipin sa Ehipto, alam ng Diyos ang kanilang pinagdaraanan. (Ex. 3:7; Isa. 63:9) Ginawa tayo ayon sa larawan ng Diyos, kaya nakapagpapakita tayo ng empatiya. May empatiya siya sa atin kahit pakiramdam natin ay hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig niya.—wp18.3, p. 8-9.
Paano natulungan ng mga turo ni Jesus ang mga tao na daigin ang pagtatangi?
Maraming Judio noong panahon ni Jesus ang nagtatangi. Idiniin ni Kristo na kailangan ang kapakumbabaan, at hinatulan niya ang pagmamapuri dahil sa lahi. Hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na ituring ang isa’t isa bilang kapatid.—w18.06, p. 9-10.
Ano ang matututuhan natin sa hindi pagpapahintulot ng Diyos kay Moises na pumasok sa Lupang Pangako?
Si Moises ay may malapít na kaugnayan kay Jehova. (Deut. 34:10) Sa pagtatapos ng 40 taon sa ilang, nagreklamo na naman ang bayan dahil sa kawalan ng tubig. Sinabi ng Diyos kay Moises na magsalita sa bato. Pero sa halip na magsalita sa bato, hinampas ito ni Moises. Kaya nagalit si Jehova, posibleng dahil hindi sinunod ni Moises ang Kaniyang tagubilin o dahil hindi iniukol ni Moises sa Diyos ang kaluwalhatian. (Bil. 20:6-12) Itinuturo nito sa atin ang kahalagahan ng pagsunod kay Jehova at pag-uukol sa kaniya ng kaluwalhatian.—w18.07, p. 13-14.
Bakit tayo madaling magkamali kapag humahatol tayo batay sa panlabas na anyo?
May tatlong aspekto na nakaiimpluwensiya sa marami para gawing batayan ang panlabas na anyo: lahi o etnikong grupo, kayamanan, at edad. Mahalagang tingnan natin ang iba ayon sa pananaw ni Jehova—walang pagtatangi. (Gawa 10:34, 35)—w18.08, p. 8-12.
Sa ano-anong paraan tumutulong sa iba ang mga may-edad nang brother?
Ang isang may-edad nang brother na nabigyan ng bagong atas ay mahalaga pa rin sa Diyos at malaking tulong sa iba. Matutulungan niya ang mga di-sumasampalatayang asawa at mga di-aktibo, makapagdaraos siya ng mga Bible study, at makapagpapalawak siya ng kaniyang ministeryo.—w18.09, p. 8-11.
Ano-ano ang nasa Toolbox sa Pagtuturo ng mga Kristiyano?
May mga contact card at imbitasyon. Walong magagandang tract at mga magasing Bantayan at Gumising! May ilang brosyur din, dalawang aklat para sa pag-aaral, at apat na video kasama na ang Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?—w18.10, p. 16.
Paano magagawa ng isang Kristiyano na ‘bilhin ang katotohanan,’ gaya ng sinasabi sa Kawikaan 23:23?
Hindi natin kailangan ang pera para bilhin ang katotohanan. Pero kailangan nating maglaan ng panahon at magsikap para matamo ito.—w18.11, p. 4.
Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Oseas sa asawa niyang si Gomer?
Paulit-ulit na nangalunya si Gomer, pero pinatawad siya ni Oseas at hindi siya hiniwalayan nito. Kapag nakagawa ng seksuwal na imoralidad ang asawa ng isang Kristiyano, puwede siyang patawarin ng pinagkasalahang kabiyak. Kung ipagpapatuloy ng isa ang seksuwal na kaugnayan niya sa kaniyang nagkasalang asawa, mawawala na ang makakasulatang saligan sa diborsiyo.—w18.12, p. 13.