Natatandaan Mo Ba?
Masasagot mo ba ang mga tanong na ito batay sa mga isyu ng Bantayan sa 2019?
Ano ang ibig sabihin ng pangako ng Diyos na “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay”? (Isa. 54:17)
Makakapagtiwala tayo na poprotektahan tayo ng Diyos mula sa “bugso ng mga mapaniil.” (Isa. 25:4, 5) Hindi magtatagumpay ang mga kaaway natin na gawan tayo ng permanenteng pinsala.—w19.01, p. 6-7.
Paano makikita ang katarungan ng Diyos sa pakikitungo niya sa mga Canaanita at masuwaying mga Israelita?
Pinarusahan ng Diyos ang mga nakikibahagi sa nakapandidiring seksuwal na mga gawain at ang mga nagmamaltrato sa mga babae at bata. Pinagpala niya ang mga masunurin sa kaniya at nakikitungo nang patas sa iba.—w19.02, p. 22-23.
Ano ang dapat nating gawin kung nandoon tayo habang nananalangin ang isa na di-kapananampalataya?
Puwede tayong manatiling tahimik at magalang pero hindi tayo magsasabi ng “amen” at hindi rin natin hahawakan ang kamay ng iba na nandoon. Puwede tayong manalangin nang tahimik.—w19.03, p. 31.
Gaano kaseryoso ang pang-aabuso sa bata?
Ang pang-aabuso sa bata ay kasalanan sa biktima, sa kongregasyon, sa pamahalaan, at sa Diyos. Kapag nakasaad sa batas ng pamahalaan na ireport ang mga kaso ng pang-aabuso, sumusunod ang mga elder.—w19.05, p. 9-10.
Paano mo mababago ang takbo ng iyong isip?
Kausapin si Jehova sa panalangin. Magbulay-bulay na may tunguhing suriin ang sarili. Piliing mabuti ang mga kasama.—w19.06, p. 11.
Ano ang puwede nating gawin ngayon para makapaghanda sa pag-uusig?
Kailangan nating patibayin ang kaugnayan natin kay Jehova. Magtiwalang mahal niya tayo at hinding-hindi niya tayo pababayaan. Basahin ang Bibliya araw-araw, at regular na manalangin. Maging kumbinsidong magkakatotoo ang mga pagpapala ng Kaharian. Sauluhin ang paborito mong teksto at awit ng papuri.—w19.07, p. 2-4.
Paano natin matutulungan ang ating mga kapamilya na maligtas?
Dapat tayong maging makonsiderasyon, magpakita ng mabuting paggawi, at maging matiyaga at mabait.—w19.08, p. 15-17.
Paano tayo nagiginhawahan, gaya ng ipinangako ni Jesus sa Mateo 11:28?
Nasa atin ang mapagmahal na mga tagapangasiwa, pinakamabubuting kasama, at pinakamagandang gawain.—w19.09, p. 23.
Paano ibibigay sa atin ng Diyos ang pagnanais at lakas para kumilos? (Fil. 2:13)
Kapag binabasa natin ang Salita ng Diyos at binubulay-bulay ito, napapasigla tayo ng Diyos at binibigyan niya tayo ng pagnanais na gawin ang kalooban niya at ng lakas para kumilos. Mapapasulong natin ang mga kakayahan natin sa tulong ng banal na espiritu.—w19.10, p. 21.
Anong mga hakbang ang dapat nating gawin bago tayo gumawa ng seryosong desisyon?
May limang hakbang: Magsaliksik nang mabuti. Manalangin para sa karunungan. Suriin ang motibo mo. Magkaroon ng espesipikong tunguhin. Maging realistiko.—w19.11, p. 27-29.
Ang ideya ba na may imortal na kaluluwa ay nagmula sa sinabi ni Satanas kay Eva?
Lumilitaw na hindi. Ang sinabi ni Satanas kay Eva ay hindi siya mamamatay. Hindi niya sinabi kay Eva na magmumukha lang siyang namatay. Ang lahat ng huwad na pagsamba ay napawi sa Baha. Ang paniniwala na may imortal na kaluluwa ay malamang na nabuo bago pangalatin ng Diyos ang mga tao na nagtayo ng tore ng Babel.—w19.12, p. 15.