Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 50

Pinalaya Ka ni Jehova

Pinalaya Ka ni Jehova

“Maghahayag kayo ng paglaya sa lupain para sa lahat ng nakatira dito.”​—LEV. 25:10.

AWIT 22 Dumating Nawa ang Kaharian!

NILALAMAN *

1-2. (a) Ano ang jubileo? (Tingnan ang kahong “ Ano ang Jubileo?”) (b) Tungkol saan ang sinabi ni Jesus sa Lucas 4:16-18?

SA ILANG bansa, may mga espesyal na selebrasyon para sa ika-50 anibersaryo ng pamamahala ng isang hari o reyna. Karaniwan nang tinatawag iyon na jubileo. Ang selebrasyong iyon ay puwedeng tumagal nang isang araw, isang linggo, o mas mahaba pa, pero natatapos din ito at nalilimutan.

2 Pag-aaralan natin ang isang mas magandang jubileo, mas maganda pa kaysa sa buong-taóng selebrasyon sa Israel kada 50 taon. Ang Jubileo na iyon ay nagpapalaya sa mga nagdiriwang nito. Bakit dapat tayong maging interesado rito? Dahil ipinapaalaala nito ang napakagandang kaayusan na ginawa ni Jehova para sa atin. Magbibigay ito sa atin ng walang-hanggang kalayaan, at nakikinabang na tayo rito ngayon pa lang. Sinabi ni Jesus ang tungkol sa kalayaang ito.​—Basahin ang Lucas 4:16-18.

Nagsasaya ang Israel sa panahon ng Jubileo dahil ang mga alipin ay nakakabalik sa kanilang pamilya at lupain (Tingnan ang parapo 3) *

3. Gaya ng ipinapakita sa Levitico 25:8-12, paano nakinabang ang mga Israelita sa Jubileo?

3 Mas maiintindihan natin ang tinutukoy ni Jesus na kalayaan kapag sinuri natin ang Jubileo na isinaayos ng Diyos para sa bayan niya noon. Sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Pababanalin ninyo ang ika-50 taon at maghahayag kayo ng paglaya sa lupain para sa lahat ng nakatira dito. Ito ay magiging isang Jubileo para sa inyo, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa pag-aari niya at sa pamilya niya.” (Basahin ang Levitico 25:8-12.) Sa naunang artikulo, tinalakay natin kung paano nakinabang ang mga Israelita sa lingguhang Sabbath. Paano naman nakinabang ang mga Israelita sa Jubileo? Isiping nabaon sa utang ang isang Israelita kaya napilitan siyang ibenta ang lupa niya para makabayad. Sa taon ng Jubileo, ibabalik sa kaniya ang lupa niya. Kaya siya ay makakabalik “sa pag-aari niya,” at hindi mawawala ang mana ng mga anak niya. O baka kinailangang ibenta ng isang tao ang anak niya, o kahit ang sarili niya, para maging alipin at makabayad sa utang. Sa taon ng Jubileo, ang alipin ay ibabalik “sa pamilya niya.” Kaya may pag-asang makalaya ang lahat ng alipin! Talagang nagmamalasakit si Jehova sa bayan niya!

4-5. Bakit dapat tayong maging interesado sa kaayusan ng Jubileo?

4 Ano pa ang magandang epekto ng Jubileo? Ipinaliwanag ni Jehova: “Walang sinuman sa inyo ang maghihirap, dahil tiyak na pagpapalain ka ni Jehova sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos bilang mana.” (Deut. 15:4) Ibang-iba iyan sa nangyayari ngayon sa mundo, dahil ang mayaman ay mas yumayaman, at ang mahirap ay mas naghihirap!

5 Tayong mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kaya hindi na tayo sumusunod sa kaayusan ng Jubileo sa pagpapalaya ng alipin, pagkansela ng utang, at pagbabalik ng minanang lupain. (Roma 7:4; 10:4; Efe. 2:15) Pero dapat pa rin tayong maging interesado sa Jubileo. Bakit? Dahil mararanasan natin ang pagpapalaya na katulad ng ginawa ni Jehova sa mga Israelita.

INIHAYAG NI JESUS ANG PAGLAYA

6. Mula saan kailangang mapalaya ang mga tao?

6 Lahat tayo ay kailangang mapalaya, dahil masakit mang isipin, mga alipin tayo ng kasalanan. Kaya naman tumatanda tayo, nagkakasakit, at namamatay. Nakikita iyan ng marami kapag nananalamin sila o nagpapadoktor. Nasisiraan din tayo ng loob kapag nagkakasala tayo. Inamin ni apostol Pablo na siya ay ginagawang “bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa katawan” niya. Idinagdag pa niya: “Miserableng tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan na umaakay sa akin sa kamatayang ito?”—Roma 7:23, 24.

7. Ano ang inihula ni Isaias tungkol sa pagpapalaya?

7 Mabuti na lang, gumawa ang Diyos ng paraan para mapalaya tayo sa kasalanan. Mangyayari iyan sa pamamagitan ni Jesus. Mahigit 700 taon bago bumaba si Jesus sa lupa, inihula ni propeta Isaias ang isang dakilang pagpapalaya. Ang dakilang pagpapalayang iyon ay di-hamak na mas malaki ang magagawa kaysa sa pagpapalaya sa taon ng Jubileo sa Israel. Isinulat niya: “Ang espiritu ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ay sumasaakin, dahil inatasan ako ni Jehova na maghayag ng mabuting balita sa maaamo. Isinugo niya ako para pagalingin ang mga may pusong nasasaktan, para ihayag ang paglaya ng mga bihag.” (Isa. 61:1) Sino ang tinutukoy sa hulang ito?

8. Sino ang tinutukoy sa hula ni Isaias tungkol sa pagpapalaya?

8 Nagsimulang matupad ang mahalagang hulang iyan tungkol sa pagpapalaya nang simulan ni Jesus ang ministeryo niya. Nang pumunta siya sa sinagoga sa bayan niya, ang Nazaret, binasa niya ang mga salitang iyon ni Isaias sa harap ng mga Judiong naroon. Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito patungkol sa kaniya: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin dahil inatasan niya ako na maghayag ng mabuting balita sa mahihirap. Isinugo niya ako para ihayag ang paglaya ng mga bihag at paggaling ng mga bulag, at para palayain ang mga naaapi, para ipangaral ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova.” (Luc. 4:16-19) Paano tinupad ni Jesus ang hulang ito?

ANG MGA UNANG PINALAYA

Ang paglaya ay inihayag ni Jesus sa sinagoga ng Nazaret (Tingnan ang parapo 8-9)

9. Anong kalayaan ang gusto ng mga tao noong panahon ni Jesus?

9 Ang paglaya na inihula ni Isaias at binasa ni Jesus ay nagsimulang matupad noong unang siglo. Kinumpirma iyan ni Jesus nang sabihin niya: “Ang kasulatang ito na karirinig lang ninyo ay natutupad ngayon.” (Luc. 4:21) Baka inisip ng marami sa nakarinig kay Jesus na magkakaroon ng pagbabago sa politika at mapapalaya sila mula sa Roma. Baka gaya sila ng dalawang lalaki na nagsabi: “Inaasahan namin na ang taong ito ang magliligtas sa Israel.” (Luc. 24:13, 21) Pero alam natin na hindi hinikayat ni Jesus ang mga tagasunod niya na magrebelde sa Roma. Ang totoo, itinuro niyang ibayad nila “kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” (Mat. 22:21) Kaya paano pinalaya ni Jesus ang mga tao noon?

10. Mula saan pinalaya ni Jesus ang mga tao?

10 Tinulungan ng Anak ng Diyos ang mga tao na maging malaya mula sa dalawang bagay. Una, nagbukas si Jesus ng daan para mapalaya ang mga tao sa mga turo ng mga lider ng relihiyon na nagpapahirap sa kanila. Maraming Judio noon ang alipin ng mga tradisyon at maling paniniwala. (Mat. 5:31-37; 15:1-11) Ang mga nag-aangking tumutulong sa mga tao na sambahin ang Diyos ay masasabing bulag. Nang itakwil nila ang Mesiyas at ang mga katotohanang itinuro niya, nanatili sila sa kadiliman at kasalanan. (Juan 9:1, 14-16, 35-41) Sa pagtuturo ng katotohanan at pagpapakita ng magandang halimbawa, ipinakita ni Jesus sa maaamo kung paano makakalaya sa huwad na mga turo.​—Mar. 1:22; 2:23–3:5.

11. Ano ang ikalawang pagpapalaya na naging posible dahil kay Jesus?

11 Ikalawa, ginawang posible ni Jesus na mapalaya ang mga tao mula sa minanang kasalanan. Salig sa sakripisyo ni Jesus, mapapatawad na ng Diyos ang mga kasalanan ng mga nananampalataya at tumatanggap sa pantubos na ibinigay Niya. (Heb. 10:12-18) Sinabi ni Jesus: “Kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay magiging tunay na malaya.” (Juan 8:36) Mas magandang kalayaan iyan kaysa sa nararanasan ng mga Israelita kapag taon ng Jubileo! Kasi, ang isang taong napalaya sa Jubileo ay puwedeng maging alipin ulit, at mamamatay rin ito sa bandang huli.

12. Sino ang mga unang nakinabang sa pagpapalayang inihayag ni Jesus?

12 Noong Pentecostes 33 C.E., pinahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang mga apostol at iba pang tapat na lalaki at babae. Inampon niya sila bilang mga anak para mabuhay-muli sa langit at makasama ni Jesus na maghari sa hinaharap. (Roma 8:2, 15-17) Sila ang unang nakinabang sa pagpapalaya na inihayag ni Jesus sa sinagoga ng Nazaret. Ang mga lalaki at babaeng iyon ay hindi na alipin ng mga huwad na turo at di-makakasulatang gawain ng mga Judiong lider ng relihiyon. Para sa Diyos, malaya na rin sila sa kasalanan na humahantong sa kamatayan. Ang makasagisag na Jubileo na nagsimula nang pahiran ang mga tagasunod ni Kristo noong 33 C.E. ay magwawakas sa katapusan ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus. Ano na kaya ang kalagayan sa panahong iyon?

MILYON-MILYON PA ANG PINAPALAYA

13-14. Bukod sa mga pinahirang Kristiyano, sino pa ang nakikinabang sa kalayaang inihayag ni Jesus?

13 Sa panahon natin, milyon-milyong tapat-puso mula sa iba’t ibang bansa ang kabilang sa “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Hindi sila pinili ng Diyos para magharing kasama ni Jesus sa langit. Pero sinasabi ng Bibliya na may pag-asa silang mabuhay magpakailanman sa lupa. Iyan ba ang pag-asa mo?

14 Ngayon pa lang, puwede mo na ring maranasan ang ilan sa mga pagpapalang natatanggap ng mga magiging bahagi ng Kaharian ng Diyos sa langit. Dahil sa pananampalataya mo sa dugo ni Jesus, puwede kang humingi ng kapatawaran sa mga kasalanan mo. Sa gayon, magkakaroon ka ng matuwid na katayuan at malinis na konsensiya sa harap ng Diyos. (Efe. 1:7; Apoc. 7:14, 15) Isipin din ang mga pagpapalang tinanggap mo dahil malaya ka na sa huwad na mga turo. Sinabi ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Napakasaya ngang maging malaya!

15. Anong kalayaan at mga pagpapala ang maaasahan natin sa hinaharap?

15 Pero hindi lang iyan ang kalayaang mararanasan mo. Malapit nang puksain ni Jesus ang lahat ng huwad na relihiyon at tiwaling pamahalaan ng tao. Poprotektahan ng Diyos ang “isang malaking pulutong” na naglilingkod sa kaniya at bibigyan sila ng maligayang buhay sa paraisong lupa. (Apoc. 7:9, 14) Napakaraming bubuhaying muli at magkakaroon ng pagkakataon na lumaya sa lahat ng epekto ng kasalanan ni Adan.​—Gawa 24:15.

16. Anong dakilang kalayaan ang naghihintay sa lahat ng tao?

16 Sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari, tutulungan ni Jesus at ng kaniyang mga kasamang tagapamahala ang lahat ng tao na magkaroon ng perpektong kalusugan at kaugnayan sa Diyos. Ang panahong ito ng pagbabalik at paglaya ay magiging kagaya ng Jubileo sa Israel. Ang lahat ng tapat na naglilingkod kay Jehova sa lupa ay magiging perpekto, malaya sa kasalanan.

Sa bagong sanlibutan, magkakaroon tayo ng maganda at kasiya-siyang trabaho (Tingnan ang parapo 17)

17. Ano ang inihula ng Isaias 65:21-23 tungkol sa bayan ng Diyos? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

17 Ang magiging kalagayan ng lupa ay inilalarawan sa Isaias 65:21-23. (Basahin.) Hindi tayo mauubusan ng gagawin doon. Ipinapakita ng Bibliya na ang bayan ng Diyos ay magkakaroon ng maganda at kasiya-siyang trabaho. Pagkatapos ng sanlibong taon, makakasiguro tayong “ang lahat ng nilalang ay [mapapalaya] rin mula sa pagkaalipin sa kabulukan at [magkakaroon] ng maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

18. Bakit tayo makakapagtiwalang magiging masaya ang buhay natin sa hinaharap?

18 Kung paanong tiniyak ni Jehova na magiging balanse sa pagtatrabaho at pagpapahinga ang mga Israelita, ganoon din ang gagawin niya sa bayan niya sa Sanlibong-Taóng Pamamahala ni Kristo. Siguradong may panahon para sa espirituwal na mga gawain. Sa ngayon, napakahalaga ng pagsamba sa Diyos para maging masaya, at iyan ang gagawin natin sa bagong sanlibutan. Talagang magiging masaya ang lahat ng tapat na tao sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo dahil sa kasiya-siyang trabaho at paglilingkod sa Diyos!

AWIT 142 Manalig sa Ating Pag-asa

^ par. 5 Gumawa si Jehova ng espesyal na kaayusan para sa pagpapalaya sa mga Israelita noon. Iyon ang Jubileo. Wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano, pero may matututuhan tayo sa Jubileo. Sa artikulong ito, ipapaalaala sa atin ng Jubileo sa Israel ang kaayusang ginawa ni Jehova para sa atin at kung paano tayo makikinabang dito.

^ par. 61 LARAWAN: Sa Jubileo, ang mga alipin ay pinapalaya at puwede nang bumalik sa kanilang pamilya at lupain.