Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 49

Sigurado ang Pagkabuhay-Muli!

Sigurado ang Pagkabuhay-Muli!

“Umaasa ako . . . na bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.”​—GAWA 24:15.

AWIT 151 Tatawag Siya

NILALAMAN *

1-2. Ano ang magandang pag-asa ng mga lingkod ni Jehova?

NAPAKAHALAGA ng pag-asa. Ang ilan ay umaasang magkakaroon sila ng matagumpay na pag-aasawa, makakapagpalaki ng malulusog na anak, o gagaling sa isang malubhang sakit. Posibleng gusto rin natin iyan. Pero ang pinakagusto natin ay ang mabuhay magpakailanman at buhaying muli ang mga mahal natin sa buhay.

2 Sinabi ni apostol Pablo: “Umaasa ako . . . na bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Hindi si Pablo ang unang bumanggit tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli. Binanggit din iyan noon ni Job. Sigurado siyang aalalahanin siya ng Diyos at bubuhaying muli.​—Job 14:7-10, 12-15.

3. Paano makakatulong sa atin ang 1 Corinto kabanata 15?

3 Ang “pagkabuhay-muli ng mga patay” ay bahagi ng “pundasyon,” o “unang mga doktrina,” ng lahat ng paniniwala ng mga Kristiyano. (Heb. 6:1, 2; tlb.) Mababasa sa 1 Corinto kabanata 15 ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagkabuhay-muli. Siguradong napatibay nito ang unang-siglong mga Kristiyano. Mapapatibay din tayo nito at lalong magiging totoong-totoo sa atin ang pagkabuhay-muli.

4. Bakit sigurado tayong bubuhaying muli ang mga mahal natin sa buhay?

4 Dahil binuhay-muli si Jesu-Kristo, sigurado tayong bubuhaying muli ang mga mahal natin sa buhay. Kasama iyan sa “mabuting balita” na sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto. (1 Cor. 15:1, 2) Sinabi pa nga niya na kung hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli ang isang Kristiyano, walang silbi ang pananampalataya nito. (1 Cor. 15:17) Dahil naniniwala tayo na binuhay-muli si Jesus, naniniwala rin tayo na bubuhaying muli ang iba.

5-6. Ano ang ibig sabihin para sa atin ng 1 Corinto 15:3, 4?

5 Sa binanggit ni Pablo tungkol sa pagkabuhay-muli, may sinabi siyang tatlong katotohanan: (1) “Si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan.” (2) “Inilibing siya.” (3) “Binuhay siyang muli nang ikatlong araw ayon sa Kasulatan.”​—Basahin ang 1 Corinto 15:3, 4.

6 Ano ang ibig sabihin para sa atin ng kamatayan, libing, at pagkabuhay-muli ni Jesus? Inihula ni propeta Isaias na ang Mesiyas ay ‘aalisin sa lupain ng mga buháy’ at ‘bibigyan ng libingan kasama ng masasama.’ Pero hindi lang iyan. Sinabi pa niya na dadalhin ng Mesiyas ang “kasalanan ng maraming tao.” Ginawa ito ni Jesus nang ilaan niya ang pantubos. (Isa. 53:8, 9, 12; Mat. 20:28; Roma 5:8) Kaya ang kamatayan, libing, at pagkabuhay-muli ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng matibay na saligan para umasang makakalaya tayo sa kasalanan at kamatayan at makakapiling nating muli ang mga namatay nating mahal sa buhay.

PATUNAY MULA SA MARAMING NAKASAKSI

7-8. Ano ang nakatulong sa mga Kristiyano na maniwalang binuhay-muli si Jesus?

7 Ang ating pag-asa sa pagkabuhay-muli ay konektado sa pagkabuhay-muli ni Jesus, kaya dapat tayong maging kumbinsido na binuhay-muli si Jesus. Bakit tayo nakakatiyak na binuhay-muli ni Jehova si Jesus?

8 Maraming nakasaksi ang nagpatunay na binuhay-muli si Jesus. (1 Cor. 15:5-7) Ang unang tinukoy ni Pablo ay si apostol Pedro (Cefas). Sinabi rin ng isang grupo ng mga alagad na nakita ni Pedro ang binuhay-muling si Jesus. (Luc. 24:33, 34) Nakita rin ng “12 apostol” si Jesus matapos siyang buhayin. Pagkatapos, “nagpakita [si Kristo] sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon,” posibleng sa masayang pagtitipon sa Galilea na binanggit sa Mateo 28:16-20. “Nagpakita rin [si Jesus] kay Santiago,” malamang na kapatid sa ina ni Jesus, na dating hindi naniniwala na si Jesus ang Mesiyas. (Juan 7:5) Pero nang makita niya ang binuhay-muling si Jesus, naniwala na siya. Kapansin-pansin, noong mga 55 C.E., nang isulat ni Pablo ang liham na ito, marami sa mga nakakita kay Jesus matapos siyang buhaying muli ang buháy pa. Kaya puwedeng magtanong sa kanila ang sinumang nagdududa na binuhay-muli si Jesus.

9. Ayon sa Gawa 9:3-5, bakit mapapatunayan din ni Pablo na binuhay-muli si Jesus?

9 Nang maglaon, nagpakita si Jesus kay Pablo. (1 Cor. 15:8) Papunta noon si Pablo (Saul) sa Damasco nang marinig niya ang tinig ng binuhay-muling si Jesus at makita ang pangitain nito sa langit. (Basahin ang Gawa 9:3-5.) Ang karanasan ni Pablo ay isa pang ebidensiya na talagang binuhay-muli si Jesus.​—Gawa 26:12-15.

10. Ano ang nagawa ni Pablo dahil kumbinsido siyang binuhay-muli si Jesus?

10 Talagang magkakainteres ang ilan sa patotoo ni Pablo kasi dati niyang inuusig ang mga Kristiyano. Nang makumbinsi siyang binuhay-muli si Jesus, sinikap din niyang kumbinsihin ang iba na maniwala sa katotohanang ito. Nakayanan niya ang mga hampas, pagkabilanggo, at pagkawasak ng barko habang ipinapangaral ang katotohanang namatay si Jesus at binuhay-muli. (1 Cor. 15:9-11; 2 Cor. 11:23-27) Siguradong-sigurado si Pablo na binuhay-muli si Jesus, at handa siyang mamatay para ipagtanggol ang paniniwala niya. Nakumbinsi ka rin ba ng patotoo ng unang mga Kristiyano na binuhay-muli si Jesus? At napatibay rin ba nito ang paniniwala mo sa pagkabuhay-muli?

ITINUWID ANG MALING PANINIWALA

11. Bakit mali ang paniniwala ng ilang taga-Corinto tungkol sa pagkabuhay-muli?

11 Mali ang paniniwala ng ilang taga-Griegong lunsod ng Corinto tungkol sa pagkabuhay-muli, at sinasabi pa nga nilang “walang pagkabuhay-muli.” Bakit? (1 Cor. 15:12) Pinagtatawanan ng mga pilosopo sa Griegong lunsod ng Atenas ang ideya na binuhay-muli si Jesus. Posibleng nakaimpluwensiya ito sa ilang taga-Corinto. (Gawa 17:18, 31, 32) Baka iniisip naman ng iba na ang pagkabuhay-muli ay nangangahulugan na ang isang tao ay dating “patay” dahil sa kasalanan pero “nabuhay” nang maging Kristiyano. Anuman ang dahilan nila, kung hindi sila naniniwala sa pagkabuhay-muli, walang saysay ang pananampalataya nila. Kung hindi binuhay-muli ng Diyos si Jesus, walang ibinayad na pantubos at lahat tayo ay mananatiling makasalanan. Kaya walang tunay na pag-asa ang mga ayaw maniwala sa pagkabuhay-muli.​—1 Cor. 15:13-19; Heb. 9:12, 14.

12. Ayon sa 1 Pedro 3:18, 22, bakit naiiba ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa mga naunang pagkabuhay-muli?

12 Alam na alam ni Pablo na “binuhay-muli si Kristo.” Nakakahigit ang pagkabuhay-muling iyan sa mga naunang pagkabuhay-muli, dahil ang mga taong iyon ay namatay rin nang maglaon. Sinabi ni Pablo na si Jesus ang “unang bunga sa mga natulog sa kamatayan.” Bakit? Siya kasi ang unang taong binuhay-muli bilang espiritu at unang umakyat sa langit.​—1 Cor. 15:20; Gawa 26:23; basahin ang 1 Pedro 3:18, 22.

ANG MGA “BUBUHAYIN”

13. Ayon kay Pablo, ano ang pagkakaiba ni Adan at ni Jesus?

13 Paano mabubuhay ang milyon-milyon dahil sa kamatayan ng isang tao? Malinaw ang sagot ni Pablo. Ipinaliwanag niya kung ano ang nangyari sa mga tao dahil sa ginawa ni Adan at kung ano ang posibleng mangyari dahil sa sakripisyo ni Kristo. Tungkol kay Adan, sinabi ni Pablo: “Nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao.” Nang magkasala si Adan, ipinahamak niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga inapo. Patuloy tayong nagdurusa dahil sa pagsuway niya. Pero posible tayong magkaroon ng magandang kinabukasan dahil binuhay ng Diyos ang Anak niya! “Ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao,” si Jesus. “Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay,” ang sabi ni Pablo, “kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin.”​—1 Cor. 15:21, 22.

14. Bubuhayin bang muli si Adan? Ipaliwanag.

14 Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “kay Adan, ang lahat ay namamatay”? Nasa isip ni Pablo ang mga inapo ni Adan, na nagmana ng kasalanan at pagiging di-perpekto mula kay Adan at namamatay. (Roma 5:12) Hindi kasama si Adan sa mga “bubuhayin.” Hindi makikinabang si Adan sa pantubos ni Kristo, dahil si Adan ay perpekto at kusang sumuway sa Diyos. Ang nangyari kay Adan ay mangyayari din sa mga hahatulan ng “Anak ng tao” bilang “kambing,” ibig sabihin, “walang-hanggang kamatayan.”​—Mat. 25:31-33, 46; Heb. 5:9.

Si Jesus ang unang binuhay-muli tungo sa langit (Tingnan ang parapo 15-16) *

15. Sino ang kasama sa “lahat” ng “bubuhayin”?

15 Pansinin na sinabi ni Pablo na ‘kay Kristo, ang lahat ay bubuhayin.’ (1 Cor. 15:22) Ang liham ni Pablo ay para sa mga pinahirang Kristiyano sa Corinto na bubuhaying muli tungo sa langit. Sila ay “pinabanal at kaisa ni Kristo Jesus, mga tinawag para maging banal.” May binanggit din si Pablo na “mga namatay na kaisa ni Kristo.” (1 Cor. 1:2; 15:18; 2 Cor. 5:17) Sa isa pang liham ni Pablo, sinabi niya na ang mga ‘naging kaisa ni Jesus dahil namatay silang gaya niya’ ay ‘magiging kaisa niya dahil bubuhayin silang muli na gaya niya.’ (Roma 6:3-5) Binuhay si Jesus bilang espiritu at umakyat sa langit. Ganiyan din ang mangyayari sa lahat ng “kaisa ni Kristo,” ang lahat ng pinahiran.

16. Bakit tinawag ni Pablo si Jesus na “unang bunga”?

16 Sinabi ni Pablo na si Kristo ay binuhay-muli bilang “unang bunga sa mga natulog sa kamatayan.” Tandaan na ang ibang binuhay-muli, gaya ni Lazaro, ay binuhay dito sa lupa, pero si Jesus ang kauna-unahang binuhay bilang espiritu at tumanggap ng buhay na walang hanggan. Gaya siya ng mga unang bunga ng ani na inihahandog ng mga Israelita sa Diyos. Bukod diyan, nang tawagin ni Pablo si Jesus na “unang bunga,” ipinapahiwatig niya na mayroon pang ibang bubuhaying muli tungo sa langit. Ang mga apostol at ang iba pa na “kaisa ni Kristo” ay susunod kay Jesus. Sa takdang panahon, bubuhayin silang muli tungo sa langit gaya ni Jesus.

17. Kailan bubuhaying muli tungo sa langit ang mga “kaisa ni Kristo”?

17 Hindi pa binubuhay-muli tungo sa langit ang mga “kaisa ni Kristo” noong panahong sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto. Ipinapahiwatig ni Pablo na sa hinaharap pa iyon mangyayari: “Bawat isa ayon sa tamang pagkakasunod-sunod: si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya.” (1 Cor. 15:23; 1 Tes. 4:15, 16) Nabubuhay tayo ngayon sa inihulang “presensiya” ni Kristo. Oo, kailangang hintayin ng mga namatay na apostol at iba pang mga pinahiran ang presensiyang iyan bago nila tanggapin ang kanilang gantimpala sa langit at ‘maging kaisa ni Jesus dahil bubuhayin silang muli na gaya niya.’

SIGURADO ANG PAG-ASA MO!

18. (a) Bakit natin masasabi na may iba pang pagkabuhay-muli pagkatapos ng pagkabuhay-muli tungo sa langit? (b) Gaya ng makikita sa 1 Corinto 15:24-26, ano ang magaganap sa langit?

18 Paano naman ang lahat ng tapat na Kristiyano na hindi makakasama ni Kristo sa langit? May pag-asa din sila na buhaying muli. Sinasabi ng Bibliya na mararanasan ni Pablo at ng iba pang magtutungo sa langit ang ‘mas maagang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.’ (Fil. 3:11) Ipinapahiwatig niyan na may iba pang mangyayaring pagkabuhay-muli. Kaayon iyan ng sinabi ni Job na mangyayari sa kaniya sa hinaharap. (Job 14:15) Ang “mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya” ay kasama na niya sa langit kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Kahit “ang huling kaaway, ang kamatayan” ay mawawala na rin. Ang lahat ng bubuhayin tungo sa langit ay hindi na mamamatay. Pero paano naman ang iba?​—Basahin ang 1 Corinto 15:24-26.

19. Ano ang aasahan ng mga may makalupang pag-asa?

19 Ano ang aasahan ng mga may makalupang pag-asa? Makakaasa sila sa sinabi ni Pablo: “Umaasa ako . . . na bubuhaying muli . . . ang mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) Maliwanag na hindi makakaakyat sa langit ang mga di-matuwid, kaya ang tinutukoy ni Pablo ay pagkabuhay-muli sa lupa sa hinaharap.

Kung naniniwala tayo sa pagkabuhay-muli, makakaasa tayo sa isang masayang buhay sa hinaharap (Tingnan ang parapo 20) *

20. Paano napatibay ang pag-asa mo?

20 Siguradong magkakaroon ng pagkabuhay-muli! Ang mga bubuhaying muli sa lupa ay magkakaroon ng pagkakataong mabuhay dito magpakailanman. Makakapagtiwala ka sa pangakong iyan. Mapapatibay ka ng pag-asang ito kapag naiisip mo ang mga namatay mong mahal sa buhay. Puwede silang buhaying muli sa loob ng 1,000-taóng paghahari ni Kristo at ng mga kasama niya. (Apoc. 20:6) Makakapagtiwala tayo na mamatay man tayo bago magsimula ang Sanlibong-Taóng Paghahari, siguradong bubuhayin tayong muli. ‘Hindi mabibigo ang pag-asang ito.’ (Roma 5:5) Mapapatibay ka nito at magiging mas masaya ka sa paglilingkod sa Diyos. Pero may matututuhan pa tayo sa 1 Corinto kabanata 15, at iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

AWIT 147 Buhay na Walang Hanggan—Isang Pangako

^ par. 5 Nakapokus sa pagkabuhay-muli ang 1 Corinto kabanata 15. Bakit mahalaga sa atin ang turong ito, at bakit tayo makakasiguro na binuhay-muli si Jesus? Sasagutin sa artikulong ito ang mga tanong na iyan at ang iba pang mahahalagang tanong tungkol sa pagkabuhay-muli.

^ par. 56 LARAWAN: Si Jesus ang unang iniakyat sa langit. (Gawa 1:9) Ang ilan sa mga alagad na makakasama niya ay sina Tomas, Santiago, Lydia, Juan, Maria, at Pablo.

^ par. 58 LARAWAN: Namatay ang asawa ng brother na matagal niyang kasama sa paglilingkod. Nagtitiwala siyang bubuhaying muli ang misis niya, at patuloy siyang naglilingkod nang tapat kay Jehova.