Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Determinadong ‘Ipagpatuloy ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid’!

Maging Determinadong ‘Ipagpatuloy ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid’!

“Magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid.”—HEB. 13:1.

AWIT: 72, 119

1, 2. Bakit lumiham si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo?

NOON ay 61 C.E. Ang mga kongregasyong Kristiyano sa buong Israel ay nagtatamasa ng kapayapaan. Kahit nakabilanggo si apostol Pablo sa Roma, umaasa siyang malapit na siyang palayain. Kalalaya lang ng kasama niyang si Timoteo, at plano nilang dalawin ang mga kapatid sa Judea. (Heb. 13:23) Pero lingid sa kanilang kaalaman, limang taon na lang, ang Jerusalem ay “[paliligiran] ng nagkakampong mga hukbo,” gaya ng inihula ni Jesus. Ang mga Kristiyano sa Judea, lalo na ang mga nakatira sa Jerusalem, ay kailangang kumilos agad. Sinabi ni Jesus na kapag nakita nilang napaliligiran ng mga hukbo ang lunsod, kailangan na nilang tumakas.—Luc. 21:20-24.

2 Sa loob ng 28 taon mula nang sabihin ni Jesus ang hulang iyon, maraming pagsalansang at pag-uusig ang napagtagumpayan ng tapat na mga Judiong Kristiyano na nakatira sa Israel. (Heb. 10:32-34) Pero alam ni Pablo na malapit na silang mapaharap sa pinakamatinding pagsubok sa kanilang pananampalataya. (Mat. 24:20, 21; Heb. 12:4) Gusto niyang maging handa sila sa anumang mapapaharap sa kanila. Kakailanganin nila ng pagbabata at matibay na pananampalataya para masunod ang utos ni Jesus at manatiling buháy. (Basahin ang Hebreo 10:36-39.) Kaya naman pinakilos si Pablo ng espiritu ni Jehova na lumiham sa minamahal na mga kapatid na iyon para patibayin sila. Ang liham na iyon ay tinatawag ngayon bilang aklat ng Mga Hebreo.

3. Bakit dapat tayong maging interesado sa aklat ng Mga Hebreo?

3 Lahat tayo ngayon ay dapat maging interesado sa liham ni Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo noong unang siglo. Bakit? Dahil pareho tayo ng sitwasyon. Sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan,” marami nang pagsalansang at pag-uusig ang napagtagumpayan ng bayan ni Jehova. (2 Tim. 3:1, 12) Napatunayan natin na matibay ang ating pananampalataya at debosyon. Gayunman, marami sa atin ang nabubuhay nang payapa at hindi tuwirang pinag-uusig. Pero gaya ng mga Kristiyano noong panahon ni Pablo, kailangan nating maging alerto dahil malapit na tayong mapaharap sa pinakamatinding pagsubok sa ating pananampalataya!—Basahin ang Lucas 21:34-36.

4. Ano ang taunang teksto para sa 2016, at bakit ito angkop?

4 Paano natin mapaghahandaan ang mga bagay na malapit nang mangyari? Sa aklat ng Mga Hebreo, maraming binanggit si Pablo na makatutulong para mapatibay ang ating pananampalataya. Ang isa sa mga ito ay nasa unang talata ng huling kabanata ng liham na iyon. Ang talatang iyon ang pinili na maging taunang teksto para sa 2016. Pinasisigla tayo nito: “Magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid.”—Heb. 13:1.

Ang ating taunang teksto para sa 2016: “Magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid.”—Hebreo 13:1

ANO ANG PAG-IBIG NA PANGKAPATID?

5. Ano ang pag-ibig na pangkapatid?

5 Ano ba ang pag-ibig na pangkapatid? Ang terminong Griego na ginamit ni Pablo ay phi·la·del·phiʹa, na literal na nangangahulugang “pagmamahal sa kapatid.” Ito ay masidhi, mainit, at personal na pagkagiliw, gaya ng nadarama ng magkakapamilya o malalapít na magkakaibigan para sa isa’t isa. (Juan 11:36) Hindi tayo nagkukunwaring magkakapatid—talagang magkakapatid tayo. (Mat. 23:8) Sinabi ni Pablo: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Ipinakikita nito kung gaano tayo kalapít sa mga kapatid natin. Kapag ang pag-ibig na pangkapatid ay nilakipan ng a·gaʹpe, ang pag-ibig na inuugitan ng mga simulain, tutulong ito para magkaisa ang bayan ng Diyos.

6. Para sa mga tunay na Kristiyano, ano ang pag-ibig na pangkapatid?

6 Ayon sa isang iskolar, “ang ‘pag-ibig na pangkapatid’ ay isang termino na bihirang-bihirang gamitin sa di-Kristiyanong mga literatura.” Sa Judaismo, ginagamit ang salitang “kapatid” para tumukoy kahit sa mga di-kamag-anak, pero limitado lang sa mga kapuwa Judio at hindi kailanman ginagamit sa mga Gentil. Sa kabaligtaran, tinatanggap ng mga Kristiyano ang lahat ng kapananampalataya nila, anuman ang lahi ng mga ito. (Roma 10:12) Bilang magkakapatid, tinuruan tayo ni Jehova na ibigin ang isa’t isa. (1 Tes. 4:9) Pero bakit kailangan nating ipagpatuloy ang ating pag-ibig na pangkapatid?

BAKIT NAPAKAHALAGANG PATULOY NA IPAKITA ANG PAG-IBIG NA PANGKAPATID?

7. (a) Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit kailangan tayong magpakita ng pag-ibig na pangkapatid? (b) Magbigay ng isa pang dahilan kung bakit mahalagang patibayin ang pag-ibig natin sa isa’t isa.

7 Ang simpleng sagot ay dahil kahilingan ito ni Jehova. Hindi natin masasabing iniibig natin ang Diyos kung hindi natin iniibig ang ating mga kapatid. (1 Juan 4:7, 20, 21) Karagdagan pa, kailangan natin ang isa’t isa, lalo na sa mahihirap na panahon. Nang lumiham si Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo, alam niya na malapit na nilang iwan ang kanilang tahanan at ari-arian. Inilarawan ni Jesus kung gaano kahirap ang magiging sitwasyon. (Mar. 13:14-18; Luc. 21:21-23) Kaya bago dumating ang panahong iyon, kailangang patibayin ng mga Kristiyanong iyon ang pag-ibig nila sa isa’t isa.—Roma 12:9.

8. Ano ang kailangan nating gawin ngayon bago magsimula ang malaking kapighatian?

8 Di-magtatagal, pakakawalan na ang mapamuksang hangin ng malaking kapighatian. (Mar. 13:19; Apoc. 7:1-3) Sa panahong iyon, makabubuting sundin natin ang payong ito: “Yumaon ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga loobang silid, at isara mo ang iyong mga pinto sa likuran mo. Magtago ka nang sandali hanggang sa makaraan ang pagtuligsa.” (Isa. 26:20) Ang “mga loobang silid” na ito ay maaaring tumutukoy sa mga kongregasyon. Dito tayo nagtitipon bilang magkakapatid para sumamba kay Jehova. Pero hindi lang basta pagtitipon nang regular ang dapat nating gawin. Pinaalalahanan ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo na dapat nilang samantalahin ang gayong mga pagkakataon para “mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Heb. 10:24, 25) Kailangan nating palaguin ngayon ang pag-ibig na pangkapatid para maharap natin ang anumang pagsubok na darating.

9. (a) Sa ano-anong pagkakataon natin maipakikita ang ating pag-ibig na pangkapatid sa ngayon? (b) Magbigay ng mga halimbawa kung paano nagpapakita ng pag-ibig na pangkapatid ang bayan ni Jehova.

9 Kahit ngayon, bago magsimula ang malaking kapighatian, kailangang-kailangan natin ang pag-ibig na pangkapatid. Marami tayong kapatid na nagdurusa dahil sa lindol, baha, bagyo, tsunami, o iba pang sakuna. May mga kapatid na sinasalansang at inuusig. (Mat. 24:6-9) Nariyan din ang araw-araw na hirap ng buhay dahil sa tiwaling sanlibutan. (Apoc. 6:5, 6) Habang dumarami ang gayong mga problema, dumarami rin ang pagkakataon nating ipakita kung gaano natin kamahal ang ating mga kapatid. Kahit ‘lumalamig ang pag-ibig ng nakararami,’ kailangan nating patuloy na ipakita ang ating pag-ibig na pangkapatid.—Mat. 24:12. [1]

PAANO NATIN MAIPAGPAPATULOY ANG ATING PAG-IBIG NA PANGKAPATID?

10. Ano ang susuriin natin ngayon?

10 Sa kabila ng mga problemang kinakaharap natin, paano natin patuloy na maipakikita ang ating pag-ibig na pangkapatid? Paano natin mapatutunayan na mayroon tayong pag-ibig na pangkapatid? Matapos sabihing “magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid,” bumanggit si Pablo ng ilang paraan kung paano natin ito magagawa. Suriin natin ngayon ang anim sa mga ito.

11, 12. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mapagpatuloy? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

11 “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy.” (Basahin ang Hebreo 13:2.) Sa orihinal na wika, ang terminong isinalin bilang “pagkamapagpatuloy” ay nangangahulugang “kabaitan sa mga estranghero.” Ipinaaalaala sa atin nito ang halimbawa nina Abraham at Lot. Pareho silang nagpakita ng kabaitan sa mga bisitang hindi nila kilala, na mga anghel pala. (Gen. 18:2-5; 19:1-3) Napasigla ng mga halimbawang ito ang mga Kristiyanong Hebreo na magpakita ng pag-ibig na pangkapatid sa pamamagitan ng pagiging mapagpatuloy.

12 Paano tayo magiging mapagpatuloy? Puwede nating anyayahan sa ating bahay ang mga kapatid para kumain at magpatibayan. Hindi naman kailangang marami o mamahalin ang handa natin para masabing mapagpatuloy tayo. At ayaw rin nating mag-imbita lang ng mga makagaganti sa atin sa ibang paraan. (Luc. 10:42; 14:12-14) Ang tunguhin natin ay magpatibay, hindi magpasikat! Kahit hindi natin masyadong kilala ang ating tagapangasiwa ng sirkito at ang asawa niya, gusto rin nating maging mapagpatuloy sa kanila. (3 Juan 5-8) Abala man tayo at may mga problema, “huwag [nating] kalilimutan ang pagkamapagpatuloy”!

13, 14. Paano natin ‘maiingatan sa isipan yaong mga nasa gapos ng bilangguan’?

13 “Ingatan ninyo sa isipan yaong mga nasa gapos ng bilangguan.” (Basahin ang Hebreo 13:3.) Nang isulat ito ni Pablo, tinutukoy niya ang mga kapatid na nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Mga apat na taon na siyang nakabilanggo nang isulat niya ang liham na iyon sa mga Kristiyanong Hebreo. (Fil. 1:12-14) Binigyan niya ng komendasyon ang mga kapatid dahil sila ay “nagpahayag ng pakikiramay doon sa mga nasa bilangguan.” (Heb. 10:34) Di-tulad ng mga personal na tumulong kay Pablo noong nakabilanggo siya, ang mga Kristiyanong Hebreo ay nasa malayo. Kaya paano nila iingatan sa isipan si Pablo? Sa pamamagitan ng patuloy na pananalangin para sa kaniya.—Heb. 13:18, 19.

14 Sa ngayon, marami tayong kapatid na nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Tinutulungan sila ng mga kapatid na nakatira malapit sa bilangguan. Pero marami sa atin ang malayo sa kanila. Kaya paano natin maipakikita ang ating pakikiramay at pag-ibig na pangkapatid? Kung patuloy natin silang aalalahanin at ipananalangin. Halimbawa, puwede nating ipanalangin ang mga brother, sister, pati ang mga batang nakabilanggo sa Eritrea—kasama ang tatlong brother na sina Paulos Eyassu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam, na mahigit 20 taon nang nakabilanggo.

15. Paano natin gagawing marangal ang ating pag-aasawa?

15 “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat.” (Basahin ang Hebreo 13:4.) Maipakikita rin natin ang pag-ibig na pangkapatid sa pamamagitan ng pananatiling malinis sa moral. (1 Tim. 5:1, 2) Kung gagawa tayo ng seksuwal na imoralidad sa isang kapatid, mapipinsala natin ang taong iyon at ang pamilya niya. Masisira ang tiwala sa gitna ng kapatirang Kristiyano. (1 Tes. 4:3-8) Isip-isipin din ang madarama ng isang asawang babae kung mahuli niyang nanonood ng pornograpya ang kaniyang mister. Sa gayong kalagayan, masasabi ba ng asawang lalaki na mahal niya ang kaniyang kabiyak at nirerespeto ang kaayusan ng pag-aasawa?—Mat. 5:28.

16. Paano tumutulong ang pagkakontento para makapagpakita tayo ng pag-ibig na pangkapatid?

16 Maging “kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.” (Basahin ang Hebreo 13:5.) Ang tunay na pagkakontento ay salig sa tiwala kay Jehova. Tumutulong ito para magkaroon tayo ng timbang na pananaw sa materyal na ari-arian. (1 Tim. 6:6-8) Tumutulong din ito para maunawaan natin na mas mahalaga ang kaugnayan natin kay Jehova at sa ating mga kapatid kaysa sa pera o materyal na mga bagay. Ang taong kontento ay hindi nagrereklamo, naghihinanakit, o namimintas; hindi rin siya mainggitin o sakim—mga saloobing sisira sa pag-ibig na pangkapatid. Sa halip, ang taong kontento ay bukas-palad.—1 Tim. 6:17-19.

17. Paano nakatutulong ang lakas ng loob para maipakita natin ang pag-ibig na pangkapatid?

17 “Magkaroon ng lakas ng loob.” (Basahin ang Hebreo 13:6.) Dahil sa tiwala kay Jehova, mayroon tayong lakas ng loob na harapin ang anumang hamon. Tinutulungan tayo ng lakas ng loob na maging positibo. At kapag positibo tayo at may pag-ibig na pangkapatid, mapatitibay at maaaliw natin ang ating mga kapananampalataya. (1 Tes. 5:14, 15) Kahit sa panahon ng malaking kapighatian, magagawa nating ‘tumindig nang tuwid at itaas ang ating mga ulo’ dahil alam nating malapit na ang katubusan natin.—Luc. 21:25-28.

Pinahahalagahan mo ba ang pagsisikap ng mga elder para sa atin? (Tingnan ang parapo 18)

18. Paano natin mapalalalim ang ating pag-ibig na pangkapatid para sa mga elder?

18 “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo.” (Basahin ang Hebreo 13:7, 17.) Kung iisipin natin ang lahat ng pagsisikap ng mga elder para sa atin—na ginagawa nila nang walang bayad—lalalim ang pag-ibig at pagpapahalaga natin sa kanila. Ayaw nating magbuntonghininga sila o mawalan ng kagalakan dahil sa atin. Pero kung masunurin tayo at mapagpasakop, binibigyan natin sila ng “di-pangkaraniwang konsiderasyon sa pag-ibig dahil sa kanilang gawain.”—1 Tes. 5:13.

PATULOY ITONG GAWIN NANG LALONG HIGIT

19, 20. Paano pa natin higit na maipakikita ang pag-ibig na pangkapatid?

19 Kilalang-kilala ang bayan ni Jehova sa kanilang pag-ibig na pangkapatid. Totoo rin iyan noong panahon ni Pablo. Pero pinayuhan pa rin niya ang lahat na “patuloy na gawin iyon nang lalo pang higit.” (1 Tes. 4:9, 10) Maliwanag, mayroon pa tayong puwedeng pasulungin!

20 Kapag tinitingnan natin ang ating taunang teksto, bulay-bulayin ang mga tanong na ito: Puwede ba akong maging mas mapagpatuloy? Paano ko matutulungan ang mga kapatid na nasa bilangguan? Iginagalang ko ba ang kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa? Ano ang tutulong sa akin na maging tunay na kontento? Paano ko mapatitibay ang tiwala ko kay Jehova? Paano ako magiging mas masunurin sa mga nangunguna? Kung sisikapin nating sumulong sa anim na aspektong ito, ang ating taunang teksto ay hindi lang basta isang karatula sa Kingdom Hall. Ipaaalaala nito sa atin ang payo: “Magpatuloy nawa ang inyong pag-ibig na pangkapatid.”—Heb. 13:1.

^ [1] (parapo 9) Para sa mga halimbawa kung paano ipinakita ng mga Saksi ni Jehova ang pag-ibig na pangkapatid sa panahon ng sakuna, tingnan ang Bantayan, Hulyo 15, 2002, p. 8-9, at Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, kab. 19.