ARALING ARTIKULO 5
Ano ang Naipapakita ng Pagdalo Natin sa mga Pulong?
“Patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.”—1 COR. 11:26.
AWIT 18 Salamat sa Pantubos
NILALAMAN *
1-2. (a) Ano ang nakikita ni Jehova kapag nagtitipon ang milyon-milyon para sa Hapunan ng Panginoon? (Tingnan ang larawan sa pabalat.) (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
ISIPIN ang nakikita ni Jehova kapag nagtitipon ang milyon-milyon sa buong mundo para sa Hapunan ng Panginoon. Nakikita niya, hindi lang ang mga grupo sa kabuoan, kundi ang bawat indibidwal na naroroon. Halimbawa, nakikita niya ang mga regular na dumadalo taon-taon. Baka ang ilan sa kanila ay nagsisikap makapunta sa kabila ng matinding pag-uusig. Ang ilan ay hindi naman regular na dumadalo sa ibang pulong, pero mahalaga para sa kanila na makadalo sa Memoryal. Napapansin din ni Jehova ang mga dumalo sa unang pagkakataon dahil gusto lang nilang mag-usisa.
2 Siguradong tuwang-tuwa si Jehova na marami ang dumadalo sa Memoryal. (Luc. 22:19) Pero hindi nakapokus si Jehova sa dami ng pumupunta. Mas importante sa kaniya ang dahilan kung bakit sila pumunta. Mahalaga kay Jehova ang motibo. Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang isang mahalagang tanong: Bakit natin dinadaluhan, hindi lang ang taunang Memoryal, kundi pati ang lingguhang mga pulong na inihanda ni Jehova para sa mga nagmamahal sa kaniya?
DUMADALO TAYO DAHIL SA KAPAKUMBABAAN
3-4. (a) Bakit tayo dumadalo sa mga pulong? (b) Ano ang naipapakita ng pagdalo natin sa mga pulong? (c) Ayon sa 1 Corinto 11:23-26, bakit hindi natin dapat kaligtaan ang pagdalo sa Memoryal?
3 Dumadalo tayo sa mga pulong, pangunahin na, dahil bahagi ito ng ating pagsamba. Dumadalo rin tayo dahil tinuturuan tayo ni Jehova sa mga pulong. Ayaw ng mayayabang na 3 Juan 9) Pero gustong-gusto nating maturuan tayo ni Jehova at ng organisasyong ginagamit niya.—Isa. 30:20; Juan 6:45.
tinuturuan sila. (4 Naipapakita ng pagdalo natin sa mga pulong na tayo ay mapagpakumbaba—handa tayong matuto at gusto nating matuto. Dadalo tayo sa gabi ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus, hindi lang dahil obligado tayo, kundi dahil mapagpakumbaba rin tayong sumusunod sa utos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Basahin ang 1 Corinto 11:23-26.) Napapatibay ng pagtitipong iyon ang pag-asa natin sa hinaharap, at ipinaaalaala nito kung gaano tayo kamahal ni Jehova. Pero alam ni Jehova na kailangan tayong mapatibay hindi lang isang beses sa isang taon. Kaya naghanda siya ng mga pulong linggo-linggo at gusto niyang dumalo tayo. Sumusunod tayo dahil sa kapakumbabaan. Naglalaan tayo ng maraming oras linggo-linggo para maghanda at dumalo sa mga pulong na ito.
5. Bakit tumutugon sa paanyaya ni Jehova ang mapagpakumbaba?
5 Taon-taon, maraming mapagpakumbaba ang tumatanggap sa paanyaya na maturuan ni Jehova. (Isa. 50:4) Natuwa sila nang dumalo sila sa Memoryal kaya dumalo na rin sila sa iba pang pulong. (Zac. 8:20-23) Nasisiyahan tayo na sama-samang maturuan at magabayan ni Jehova, ang ating ‘tulong at Tagapaglaan ng pagtakas.’ (Awit 40:17) May mas masaya pa ba—at mas mahalaga—kaysa sa pagtanggap sa paanyayang maturuan ni Jehova at ni Jesus, ang Anak na pinakamamahal niya?—Mat. 17:5; 18:20; 28:20.
6. Paano nakatulong sa isang lalaki ang kapakumbabaan para dumalo siya sa Memoryal?
6 Taon-taon, sinisikap nating imbitahan sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus ang mas maraming tao hangga’t posible. Maraming mapagpakumbaba ang nakinabang dahil tinanggap nila ang imbitasyong iyan. Tingnan ang isang halimbawa. Ilang taon na ang nakararaan, nakatanggap ng nakaimprentang imbitasyon sa Memoryal ang isang lalaki. Sinabi niya sa brother na nag-imbita sa kaniya na hindi siya makakapunta. Pero nang gabi ng Memoryal, nagulat ang brother dahil dumating ang lalaki sa Kingdom Hall. Naantig ang lalaki sa mainit na pagtanggap sa kaniya kaya dumalo na rin siya sa ating lingguhang pagpupulong. Ang totoo, tatlong beses lang siyang hindi nakadalo sa buong taon. Bakit ganoon kapositibo ang pagtugon niya? Maamo siya, kaya handa niyang baguhin ang isip niya. Sinabi ng brother na nag-imbita sa kaniya, “Talagang mapagpakumbaba siya.” Siguradong inakay ni Jehova ang lalaking iyon para sumamba sa kaniya, at bautisado na siya ngayon.—2 Sam. 22:28; Juan 6:44.
7. Paano tayo natutulungang maging mapagpakumbaba ng mga natututuhan natin sa pulong at nababasa natin sa Bibliya?
7 Ang mga natututuhan natin sa mga pulong at mga nababasa natin sa Bibliya ay tumutulong sa atin na maging mapagpakumbaba. Sa mga linggo bago ang Memoryal, ang mga pulong natin ay nakapokus sa halimbawa ni Jesus at sa kapakumbabaang ipinakita niya nang ibigay niya ang kaniyang buhay bilang pantubos. At ilang araw bago ang Memoryal, pinasisigla tayong basahin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga pangyayari bago mamatay at buhaying muli si Jesus. Ang mga natututuhan natin sa mga pulong na iyan at mga nababasa nating ulat sa Bibliya ay nagpapalalim sa pagpapahalaga natin sa sakripisyo ni Jesus para sa atin. Napapakilos tayo na tularan ang kaniyang kapakumbabaan at gawin ang kalooban ni Jehova, kahit mahirap itong gawin kung minsan.—Luc. 22:41, 42.
DUMADALO TAYO DAHIL SA LAKAS NG LOOB
8. Paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob?
8 Tinutularan din natin si Jesus sa pagpapakita ng lakas ng loob. Isipin kung paano niya iyan ipinakita mga ilang araw bago siya mamatay. Alam niyang malapit na siyang ipahiya, bugbugin, at patayin ng kaniyang mga kaaway. (Mat. 20:17-19) Pero lakas-loob niyang hinarap ang kamatayan. Nang dumating na ang oras, sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol na kasama niya sa Getsemani: “Tumindig kayo, humayo na tayo. Narito! Ang magkakanulo sa akin ay papalapit na.” (Mat. 26:36, 46) At nang dumating ang mga mang-uumog na may mga sandata, hinarap niya sila, nagpakilala siya, at sinabihan ang mga kawal na hayaang umalis ang mga apostol niya. (Juan 18:3-8) Talagang napakalakas ng loob ni Jesus! Sa ngayon, tinutularan din ng pinahirang mga Kristiyano at ng ibang mga tupa ang lakas ng loob ni Jesus. Paano?
9. (a) Bakit kailangan ng lakas ng loob para makadalo nang regular sa mga pulong? (b) Paano nakaaapekto ang halimbawa natin sa mga kapatid na nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya?
9 Para makadalo nang regular sa mga pulong, baka kailangan natin ng lakas ng loob sa mahihirap na sitwasyon. May mga kapatid tayo na dumadalo sa pulong kahit nagdadalamhati, pinanghihinaan ng loob, o may sakit. Ang iba naman ay lakas-loob na dumadalo kahit pinag-uusig ng pamilya o ng gobyerno. Isipin kung paano nakaaapekto ang halimbawa natin sa mga kapatid na nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. (Heb. 13:3) Kapag nababalitaan nilang patuloy tayong naglilingkod kay Jehova sa kabila ng mga pagsubok, napapatibay ang kanilang pananampalataya, lakas ng loob, at katapatan. May ganiyang karanasan si apostol Pablo. Noong nakabilanggo siya sa Roma, natuwa siya nang mabalitaan niyang tapat na naglilingkod sa Diyos ang kaniyang mga kapatid. (Fil. 1:3-5, 12-14) Noong malapit na siyang palayain o kalalaya lang niya, isinulat ni Pablo ang liham sa mga Hebreo. Pinasigla niya ang tapat na mga Kristiyanong iyon na patuloy na ipakita ang “pag-ibig na pangkapatid” at huwag pabayaan ang mga pulong.—Heb. 10:24, 25; 13:1.
10-11. (a) Sino ang mga dapat nating imbitahan sa Memoryal? (b) Ayon sa Efeso 1:7, bakit natin ito ginagawa?
10 Nagpapakita tayo ng lakas ng loob kapag iniimbitahan natin sa Memoryal ang ating mga kamag-anak, katrabaho, at kapitbahay. Bakit natin sila iniimbitahan? Lubos tayong nagpapasalamat sa ginawa ni Jehova at ni Jesus kaya gustong-gusto nating imbitahan ang iba na dumalo sa Memoryal. Gusto nating malaman nila kung paano rin sila makikinabang sa “di-sana-nararapat na kabaitan” ni Jehova sa pamamagitan ng pantubos.—Basahin ang Efeso 1:7; Apoc. 22:17.
11 Habang lakas-loob tayong dumadalo sa mga pulong, naipapakita natin ang isa pang mahalagang katangiang ipinapakita rin ng
Diyos at ng kaniyang Anak sa kahanga-hangang paraan.DUMADALO TAYO DAHIL SA PAG-IBIG
12. (a) Paano nakakatulong ang mga pulong para lumalim ang pag-ibig natin kay Jehova at kay Jesus? (b) Ano ang sinasabi ng 2 Corinto 5:14, 15 na dapat nating gawin para matularan si Jesus?
12 Dumadalo tayo dahil mahal natin si Jehova at si Jesus. At ang natututuhan naman natin sa mga pulong ay lalo pang nagpapalalim ng pag-ibig natin sa kanila. Sa mga pulong, laging naipaaalaala sa atin ang ginawa nila para sa atin. (Roma 5:8) Ang Memoryal, partikular na, ay nagpapaalaala sa atin kung gaano kalalim ang pag-ibig nila, kahit sa mga hindi pa nagpapahalaga sa pantubos. Dahil sa laki ng ating utang na loob, sinisikap nating tularan si Jesus sa ating pamumuhay araw-araw. (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15.) Nauudyukan din tayo na purihin si Jehova dahil sa paglalaan ng pantubos. Napapapurihan natin siya kapag nagkokomento tayo sa pulong.
13. Paano natin maipapakita kung gaano natin kamahal si Jehova at ang kaniyang Anak? Ipaliwanag.
13 Maipapakita natin kung gaano natin kamahal si Jehova at ang kaniyang Anak kung handa tayong magsakripisyo. Kadalasan nang marami tayong isinasakripisyo para lang makadalo. Maraming kongregasyon ang nagpupulong sa gabi, pagkatapos ng trabaho, kaya malamang na pagod na tayo. Sa dulong sanlinggo naman, nagpupulong tayo kung kailan nagpapahinga ang iba. Nakikita ba ni Jehova na dumadalo tayo kahit pagód tayo? Oo! Ang totoo, habang mas malaki ang isinasakripisyo natin, lalong napapahalagahan ni Jehova ang pag-ibig natin sa kaniya.—Mar. 12:41-44.
14. Paano nagpakita si Jesus ng halimbawa ng mapagsakripisyong pag-ibig?
14 Nag-iwan ng halimbawa si Jesus sa pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig. Hindi lang siya handang mamatay para sa mga alagad niya, kundi sa bawat araw, inuna niya ang kapakanan nila imbes na ang sa kaniya. Halimbawa, nakipagkita siya sa mga alagad kahit pagód siya o may inaalala. (Luc. 22:39-46) At nagpokus siya sa maibibigay niya sa iba, hindi sa matatanggap niya. (Mat. 20:28) Kapag ganiyan kalalim ang pag-ibig natin kay Jehova at sa mga kapatid, ibibigay natin ang ating buong makakaya para madaluhan ang Hapunan ng Panginoon at ang lahat ng iba pang pulong sa kongregasyon.
15. Sino ang gustong-gusto nating tulungan?
15 Bahagi tayo ng nag-iisang tunay na kapatirang Kristiyano, at gusto nating gamitin ang lahat ng panahong maibibigay natin para imbitahan ang iba na sumama sa atin. Pero gustong-gusto rin nating tulungan ang “mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya” na naging di-aktibo. (Gal. 6:10) Maipapakita nating mahal natin sila kung pasisiglahin natin silang dumalo sa mga pulong, lalo na sa Memoryal. Gaya ni Jehova at ni Jesus, masayang-masaya tayo kapag ang mga di-aktibo ay nanunumbalik kay Jehova, ang ating mapagmahal na Ama at Pastol.—Mat. 18:14.
16. (a) Paano natin mapapatibay ang isa’t isa, at ano ang epekto sa atin ng ating mga pulong? (b) Bakit magandang panahon ito ng taon para alalahanin ang sinabi ni Jesus sa Juan 3:16?
16 Sa darating na mga linggo, imbitahan ang lahat hangga’t posible para makadalo sila sa Memoryal sa Biyernes ng gabi, Abril 19, 2019. (Tingnan ang kahong “ Iimbitahan Mo Ba Sila?”) Sa buong taon, patibayin nawa natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa lahat ng pulong na inihanda ni Jehova. Habang papalapit ang wakas ng sistemang ito, kailangan nating dumalo sa mga pulong para manatili tayong mapagpakumbaba, malakas ang loob, at maibigin. (1 Tes. 5:8-11) Buong puso nawa nating ipakita ang nadarama natin para kay Jehova at sa kaniyang Anak dahil sa walang-kapantay na pag-ibig nila sa atin!—Basahin ang Juan 3:16.
AWIT 126 Manatiling Gisíng at Magpakatibay
^ par. 5 Ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa Biyernes ng gabi, Abril 19, 2019, ang pinakamahalagang pagtitipon ng taon. Bakit tayo dumadalo sa pagtitipong ito? Siguradong dahil gusto nating pasayahin si Jehova. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang naipapakita ng pagdalo natin sa Memoryal at sa iba pang pulong.
^ par. 50 LARAWAN SA PABALAT: Milyon-milyon ang tinatanggap sa Hapunan ng Panginoon sa buong mundo
^ par. 52 LARAWAN: Isang brother na nakabilanggo dahil sa pananampalataya ang napatibay ng isang liham mula sa kaniyang pamilya. Masaya siya dahil hindi siya nalilimutan ng pamilya niya at nananatili silang tapat kay Jehova kahit magulo ang sitwasyon sa politika sa lugar nila.