Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 2

“Magbagong-Anyo Kayo sa Pamamagitan ng Pagbabago ng Inyong Pag-iisip”

“Magbagong-Anyo Kayo sa Pamamagitan ng Pagbabago ng Inyong Pag-iisip”

“Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, para mapatunayan ninyo sa inyong sarili kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos.”—ROMA 12:2.

AWIT 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

NILALAMAN a

1-2. Ano ang dapat na patuloy nating gawin pagkatapos ng bautismo? Ipaliwanag.

 GAANO mo kadalas linisin ang bahay mo? Siguradong nilinis mong mabuti iyon bago ka lumipat doon. Pero ano ang mangyayari kung hindi mo na iyon lilinisin ulit? Siyempre, dudumi ulit iyon. Para manatiling presentable ang bahay mo, kailangan mo itong palaging linisin.

2 Ganiyan din ang kailangan nating gawin sa pag-iisip at personalidad natin. Siyempre, bago tayo nagpabautismo, gumawa na tayo ng mga pagbabago sa buhay natin para “linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu.” (2 Cor. 7:1) Pero ngayon, kailangan nating sundin ang payo ni apostol Pablo na ‘patuloy na magbago.’ (Efe. 4:23) Bakit? Kasi puwede pa rin tayong marumihan ng sanlibutang ito. Para maiwasan natin iyan at manatiling malinis sa harap ni Jehova, dapat nating regular na suriin ang ating pag-iisip, personalidad, at mga pagnanasa.

PATULOY NA ‘BAGUHIN ANG INYONG PAG-IISIP’

3. Ano ang ibig sabihin ng pagbabago ng pag-iisip? (Roma 12:2)

3 Ano ang kailangan nating gawin para mabago natin ang ating pag-iisip, o ang ating paraan ng pag-iisip? (Basahin ang Roma 12:2.) Ang ‘pagbabago ng pag-iisip’ ay hindi lang basta paggawa ng ilang mabubuting bagay sa buhay natin. Sa halip, dapat nating suriin kung sino talaga tayo at gumawa ng kinakailangang pagbabago sa abot ng makakaya natin para makapamuhay tayo ayon sa mga pamantayan ni Jehova. At dapat natin itong patuloy na gawin, hindi lang minsan.

Makikita ba sa mga desisyong ginagawa mo pagdating sa edukasyon at karera na inuuna mo ang Kaharian? (Tingnan ang parapo 4-5) c

4. Paano natin maiiwasang maimpluwensiyahan ng masamang sanlibutang ito ang pag-iisip natin?

4 Kapag perpekto na tayo, lagi na nating mapapasaya si Jehova sa lahat ng ginagawa natin. Pero hangga’t hindi pa nangyayari iyan, kailangan nating patuloy na magsikap para mapasaya si Jehova. Sa Roma 12:2, pansinin na sinabi ni Pablo na kailangan nating baguhin ang pag-iisip natin para malaman kung ano ang gusto ng Diyos na gawin natin. Imbes na basta na lang magpaimpluwensiya sa masamang sanlibutang ito, dapat nating suriin ang sarili natin kung talagang nagpapaimpluwensiya tayo sa kaisipan ng Diyos—hindi sa kaisipan ng sanlibutan—pagdating sa mga tunguhin at desisyon natin.

5. Paano natin masusuri ang sarili natin kung talagang isinasaisip natin na malapit na ang araw ni Jehova? (Tingnan ang larawan.)

5 Tingnan ang isang halimbawa. Gusto ni Jehova na ‘isaisip natin ang pagdating ng araw niya.’ (2 Ped. 3:12) Tanungin ang sarili: ‘Makikita ba sa pamumuhay ko na naiintindihan ko na malapit na ang wakas ng sistemang ito? Makikita ba sa mga desisyon ko tungkol sa edukasyon at trabaho na ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamahalaga sa buhay ko? Nagtitiwala ba ako na paglalaanan ako ni Jehova pati na ang pamilya ko, o lagi akong nag-aalala sa materyal na mga bagay?’ Siguradong masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin ang kalooban niya.—Mat. 6:25-27, 33; Fil. 4:12, 13.

6. Ano ang kailangan nating patuloy na gawin?

6 Kailangan nating regular na suriin ang pag-iisip natin at gumawa ng kinakailangang pagbabago. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya; patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Cor. 13:5) Ang pagiging “nasa pananampalataya” ay hindi lang basta pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa ministeryo paminsan-minsan. Kasama rin dito ang mga iniisip natin, gusto, at motibo. Kaya patuloy nating mababago ang pag-iisip natin kung babasahin natin ang Salita ng Diyos, iaayon ang pag-iisip natin sa pag-iisip niya, at gagawin ang anumang kailangan para magawa natin ang kalooban ni Jehova.—1 Cor. 2:14-16.

“ISUOT ANG BAGONG PERSONALIDAD”

7. Ayon sa Efeso 4:31, 32, ano pa ang kailangan nating gawin, at bakit hindi iyon madali?

7 Basahin ang Efeso 4:31, 32. Bukod sa pagbabago ng pag-iisip, kailangan din nating “isuot ang bagong personalidad.” (Efe. 4:24) Talagang dapat natin itong pagsikapang gawin. Kailangan nating magsikap na alisin ang mga damdaming gaya ng matinding hinanakit, galit, at poot. Bakit hindi madaling gawin iyan? Kasi may mga pangit na ugali na mahirap alisin. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na may mga taong “magagalitin” at “madaling magalit.” (Kaw. 29:22) Baka mahirapang magbago ang ganitong mga tao kahit nabautismuhan na sila, gaya ng makikita natin sa isang karanasan.

8-9. Paano ipinapakita ng karanasan ni Stephen na kailangan nating patuloy na hubarin ang lumang personalidad?

8 Naging problema ng brother na si Stephen na kontrolin ang galit niya. “Kahit nabautismuhan na ako,” ang sabi niya, “kailangan ko pa ring kontrolin ang aking galit. Minsan, habang nangangaral sa bahay-bahay, hinabol ko ang nagnakaw ng radyo ng kotse ko. Nang malapit ko na siyang maabutan, binitiwan niya ang radyo at nagtatakbo. Nang ikuwento ko sa mga kasama ko kung paano ko nabawi ang radyo, tinanong ako ng isang elder sa grupo, ‘Stephen, ano’ng gagawin mo kung naabutan mo siya?’ Pinag-isip ako ng tanong na iyon; ito ang nag-udyok sa akin na patuloy na pagsikapang maging mapagpayapa.” b

9 Gaya ng ipinapakita ng karanasan ni Stephen, puwedeng biglang lumitaw ang isang pangit na ugali, kahit akala natin, kontrolado na natin iyon. Kung mangyari iyan sa iyo, huwag masiraan ng loob at huwag isiping hindi mo na mababago iyon. Inamin ni apostol Pablo: “Kapag gusto kong gawin ang tama, ang masama ang nasa akin.” (Roma 7:21-23) Dahil hindi perpekto ang lahat ng Kristiyano, may mga ugali sila na patuloy pa ring bumabalik, gaya ng dumi na naiipon sa loob ng bahay. Kailangan nating magsikap para manatiling malinis. Paano?

10. Paano natin malalabanan ang mga pangit na ugali? (1 Juan 5:14, 15)

10 Ipanalangin kay Jehova ang pangit na ugali na gusto mong maalis, at magtiwala na papakinggan at tutulungan ka niya. (Basahin ang 1 Juan 5:14, 15.) Hindi makahimalang aalisin ni Jehova ang ugaling iyon, pero papatibayin ka niya na huwag sumuko. (1 Ped. 5:10) At gaya ng ipinanalangin mo, iwasan ang mga bagay na puwedeng maging dahilan para bumalik ang lumang personalidad mo. Halimbawa, maging maingat sa pinapanood mong pelikula, programa sa TV, o binabasang mga kuwento na nagpapakitang wala namang masama sa mga ugali na sinisikap mong alisin. At alisin mo sa isip mo ang maling mga pagnanasa.—Fil. 4:8; Col. 3:2.

11. Ano ang mga puwede nating gawin para patuloy na maisuot ang bagong personalidad?

11 Kung nahubad mo na ang lumang personalidad, mahalagang panatilihing nakasuot ang bagong personalidad. Paano mo magagawa iyan? Gawing tunguhin na tularan si Jehova habang natututuhan mo ang mga katangian niya. (Efe. 5:1, 2) Halimbawa, kapag nagbasa ka ng isang ulat sa Bibliya tungkol sa pagpapatawad ni Jehova, tanungin ang sarili, ‘Nagpapatawad ba ako?’ Kapag binabasa mo naman ang tungkol sa pagiging maawain ni Jehova sa mahihirap, tanungin ang sarili, ‘Naaawa rin ba ako sa mga kapatid na nangangailangan, at ipinapakita ko ba iyon sa gawa?’ Patuloy mong mababago ang pag-iisip mo kung isusuot mo ang bagong personalidad at kung magiging makatuwiran ka sa inaasahan mo sa sarili mo.

12. Paano napatunayan ni Stephen na kayang baguhin ng Bibliya ang isang tao?

12 Nakita ni Stephen, ang brother na binanggit kanina, na unti-unti na niyang naisusuot ang bagong personalidad. Sinabi niya: “Mula nang mabautismuhan ako, may mga sitwasyong nasubok ang pagiging mapagpayapa ko. Natuto akong lumayo na lang kapag ginagalit ako ng mga tao o kaya’y pakalmahin ang sitwasyon sa ibang paraan. Natutuwa ang marami, pati na ang asawa ko, sa paraan ng pagharap ko sa mga ganitong sitwasyon. Hindi rin nga ako makapaniwala! Pero alam kong hindi ko ito magagawa kung sa sarili ko lang. Naniniwala akong patunay ito na kayang baguhin ng Bibliya ang isang tao.”

PATULOY NA LABANAN ANG MALING MGA PAGNANASA

13. Ano ang makakatulong para malabanan natin ang maling mga pagnanasa? (Galacia 5:16)

13 Basahin ang Galacia 5:16. Binibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu para tulungan tayong magawa ang tama. Kapag nag-aaral tayo ng Salita ng Diyos, hinahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng espiritung iyon. Tumatanggap din tayo ng banal na espiritu kapag dumadalo tayo sa mga pulong. Nakakasama natin doon ang mga kapatid na nagsisikap ding gawin ang tama, at nakakapagpatibay iyon. (Heb. 10:24, 25; 13:7) At kapag nilalapitan natin si Jehova sa panalangin at hinihingi ang tulong niya na mapaglabanan natin ang ilang kahinaan, bibigyan niya tayo ng banal na espiritu para patuloy na labanan ito. Malamang na hindi naman maaalis ng espirituwal na mga gawaing ito ang maling mga pagnanasa, pero tutulungan tayo ng mga ito para mapigilan nating gawin ang mga pagnanasang iyon. Ganito ang sinasabi ng Galacia 5:16 tungkol sa mga patuloy na lumalakad ayon sa espiritu: “Hindi [nila] kailanman maisasagawa ang [kanilang] makalamang mga pagnanasa.”

14. Bakit mahalagang patuloy na labanan ang maling mga pagnanasa?

14 Kapag mayroon na tayong espirituwal na rutin, mahalagang panatilihin natin iyon at patuloy na labanan ang maling mga pagnanasa. Bakit? Kasi laging nandiyan ang isa sa mga kaaway natin—ang tuksong gumawa ng mali. Kahit nabautismuhan na tayo, baka matukso pa rin tayong gawin ang mga bagay na alam nating mali, gaya ng pagsusugal, pag-abuso sa alak, o pagtingin sa pornograpya. (Efe. 5:3, 4) Inamin ng isang kabataang brother: “Ang isa sa pinakamahirap na bagay na pinaglalabanan ko ay ang pagkakaroon ng damdamin para sa isang kasekso. Akala ko, lumipas na ang damdaming iyon, pero hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin iyon.” Ano ang makakatulong sa iyo kapag sobrang tindi ng isang maling pagnanasa?

Kapag nagkakaroon ka ng maling pagnanasa, huwag isiping wala ka nang pag-asa, kasi napaglabanan na iyan ng iba (Tingnan ang parapo 15-16)

15. Bakit nakakapagpatibay malaman na “nararanasan din ng ibang tao” ang maling mga pagnanasa? (Tingnan ang larawan.)

15 Habang pinaglalabanan mo ang isang napakatinding pagnanasa, tandaang hindi ka nag-iisa. Sinasabi ng Bibliya: “Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.” (1 Cor. 10:13a) Isinulat ang mga salitang iyan para sa mga lalaki at babaeng Kristiyano sa Corinto. Ang ilan sa kanila ay dating mga mangangalunya, homoseksuwal, at lasenggo. (1 Cor. 6:9-11) Pagkatapos kaya ng bautismo nila, wala na silang maling mga pagnanasa na kailangang paglabanan? Siyempre, mayroon pa rin. Kahit pinahirang Kristiyano na silang lahat, hindi pa rin sila perpekto. Tiyak na may pinaglalabanan pa rin silang maling mga pagnanasa paminsan-minsan. Nakakapagpatibay iyon para sa atin. Bakit? Kasi ipinapakita nito na anumang maling pagnanasa ang pinaglalabanan mo, napaglabanan na ito ng iba. Oo, makakapanatili kang ‘matatag sa pananampalataya, dahil alam mong ang ganoon ding mga pagdurusa ay nararanasan ng lahat ng kapatid mo sa buong mundo.’—1 Ped. 5:9.

16. Ano ang hindi natin dapat isipin, at bakit?

16 Iwasang isipin na walang nakakaintindi sa kahinaang pinaglalabanan mo. Kapag iyan ang inisip mo, madarama mong wala ka nang pag-asa at na hindi mo kayang labanan ang maling mga pagnanasa. Pero hindi iyan ang sinasabi ng Bibliya. Sinasabi nito: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis ninyo ang tukso.” (1 Cor. 10:13b) Kaya kahit napakatindi ng isang pagnanasa, mapaglalabanan mo ito. Sa tulong ni Jehova, mapipigilan tayong gawin ang mga pagnanasang iyon.

17. Ano ang dapat nating gawin kapag lumilitaw ang maling mga pagnanasa?

17 Tandaan ito: Dahil hindi ka perpekto, lilitaw at lilitaw pa rin ang maling mga pagnanasa. Kapag nangyari iyan, labanan agad ito, gaya ng ginawa ni Jose nang tumakbo siya papalayo mula sa asawa ni Potipar. (Gen. 39:12) Hindi mo kailangang magpadala sa maling mga pagnanasa!

PATULOY NA MAGSIKAP

18-19. Ano ang mga puwede nating itanong habang sinisikap nating baguhin ang ating pag-iisip?

18 Kailangan ang patuloy na pagsisikap para mabago natin ang ating pag-iisip at pagkilos at maiayon ito sa kalooban ni Jehova. Para magawa iyan, suriin ang sarili natin: ‘Makikita ba sa pamumuhay ko na naniniwala akong malapit na ang wakas? Sumusulong ba ako pagdating sa pagsusuot ng bagong personalidad? Nagpapagabay ba ako sa espiritu ni Jehova para mapigilan akong gawin ang maling mga pagnanasa?’

19 Habang sinusuri mo ang sarili mo, isipin mong hindi ka perpekto at maging masaya sa nagagawa mong pagsulong. Kapag may kailangan kang pasulungin, huwag masiraan ng loob. Sa halip, sundin ang payo sa Filipos 3:16: “Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.” Kapag ginawa mo iyan, tiyak na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mong patuloy na baguhin ang pag-iisip mo.

AWIT 36 Bantayan ang Ating Puso

a Pinasigla ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya niya na huwag magpahubog sa sistemang ito. Magandang payo rin iyan sa atin sa ngayon. Kailangan nating tiyakin na hindi tayo naiimpluwensiyahan ng masamang sanlibutang ito. Para magawa iyan, dapat na lagi nating ituwid ang paraan ng pag-iisip natin kapag nakikita nating hindi na ito kaayon ng kalooban ng Diyos. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano natin magagawa iyan.

b Tingnan ang artikulong “Pasamâ Nang Pasamâ ang Buhay Ko” sa Bantayan, isyu ng Hulyo 1, 2015.

c LARAWAN: Pinag-iisipan ng isang brother kung mag-aaral siya sa kolehiyo o magpapayunir.