Ipalaganap ang Mabuting Balita ng Di-sana-nararapat na Kabaitan
“Lubusang magpatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.”—GAWA 20:24.
1, 2. Paano ipinakita ni apostol Pablo ang pasasalamat niya sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?
MAY-KATAPATANG nasabi ni apostol Pablo: “Ang . . . di-sana-nararapat na kabaitan sa akin [ng Diyos] ay hindi nawalan ng kabuluhan.” (Basahin ang 1 Corinto 15:9, 10.) Alam na alam ni Pablo na hindi siya karapat-dapat sa dakilang awa ng Diyos dahil dati siyang mang-uusig ng mga Kristiyano.
2 Nang malapit na siyang mamatay, sumulat si Pablo sa kamanggagawa niyang si Timoteo: “Ako ay nagpapasalamat kay Kristo Jesus na ating Panginoon, na nagbigay ng kapangyarihan sa akin, sapagkat itinuring niya akong tapat sa pamamagitan ng pag-aatas sa akin sa isang ministeryo.” (1 Tim. 1:12-14) Ano ang ministeryong iyon? Sinabi ni Pablo sa matatanda sa kongregasyon sa Efeso kung ano ang kabilang dito: “Hindi ko itinuturing ang aking kaluluwa na may anumang halaga at waring mahal sa akin, matapos ko lamang ang aking takbuhin at ang ministeryo na tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.”—Gawa 20:24.
3. Anong espesyal na ministeryo ang ibinigay kay Pablo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
Efe. 3:1, 2) Inatasan si Pablo na ipalaganap ang mabuting balita sa mga di-Judio para mapabilang din sila sa mga tatawagin para mamahalang kasama ni Kristo sa Mesiyanikong Kaharian. (Basahin ang Efeso 3:5-8.) Ang sigasig na ipinakita ni Pablo sa kaniyang ministeryo ay mahusay na halimbawa para sa mga Kristiyano sa ngayon at nagpapakita na ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa kaniya ay “hindi nawalan ng kabuluhan.”
3 Anong “mabuting balita” ang ipinangaral ni Pablo na nagtatampok ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova? Sinabi niya sa mga Kristiyano sa Efeso: “Narinig ninyo ang tungkol sa pagiging katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ibinigay sa akin ukol sa inyo.” (INUUDYUKAN KA BA NG DI-SANA-NARARAPAT NA KABAITAN NG DIYOS?
4, 5. Bakit natin masasabi na ‘ang mabuting balita ng kaharian’ ay ang mabuting balita rin ng “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos”?
4 Sa panahong ito ng kawakasan, ang bayan ni Jehova ay inatasan na ipangaral ang “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14) Masasabi na ang mensaheng ipinalalaganap natin ay “mabuting balita [rin] tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” dahil lahat ng pagpapalang tatanggapin natin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay dahil sa kabaitang ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo. (Efe. 1:3) Tinutularan ba natin si Pablo at ipinakikita ang ating pasasalamat sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa ministeryo?—Basahin ang Roma 1:14-16.
5 Sa naunang artikulo, natutuhan natin na bilang mga makasalanan, nakikinabang tayo sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa maraming paraan. Kaya naman pananagutan nating ipaalam sa lahat ng tao kung paano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang pag-ibig at kung paano sila makikinabang dito. Ano ang ilang bagay tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na dapat nating ituro sa iba?
IPALAGANAP ANG MABUTING BALITA TUNGKOL SA HAING PANTUBOS
6, 7. Paano natin naipalalaganap ang mabuting balita ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos kapag ipinaliliwanag natin sa mga tao ang pantubos?
6 Sa ngayon, marami ang hindi na nakokonsensiya kapag gumagawa ng kasalanan, kung kaya hindi nila nauunawaan na kailangan ng tao ang pantubos. Pero napatutunayan din ng marami na ang maluwag na pamumuhay ay hindi nagdudulot ng tunay na kaligayahan. Kapag nakausap nila ang mga Saksi ni Jehova, saka lang nila nauunawaan kung ano ang kasalanan, kung paano ito nakaaapekto sa atin, at kung ano ang dapat nating gawin para maligtas tayo sa pagkaalipin sa kasalanan. Laking ginhawa sa mga tapat-puso na malamang dahil sa dakilang pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, isinugo niya sa lupa ang kaniyang Anak para tubusin tayo mula sa kasalanan at sa kamatayang dulot nito.—1 Juan 4:9, 10.
7 Tungkol sa minamahal na Anak ni Jehova, isinulat ni Pablo: “Sa pamamagitan niya [ni Jesus] ay taglay natin ang paglaya sa pamamagitan ng pantubos dahil sa dugo ng isang iyon, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakamali, ayon sa kayamanan ng kaniyang [ni Jehova] di-sana-nararapat na kabaitan.” (Efe. 1:7) Ang haing pantubos ni Kristo ang pinakadakilang katibayan ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, at ipinakikita nito ang saganang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Nakagiginhawang malaman na kung mananampalataya tayo sa itinigis na dugo ni Jesus, patatawarin ang ating mga kasalanan at magiging malinis ang ating budhi! (Heb. 9:14) Talagang mabuting balita ito na dapat ibahagi sa iba!
TULUNGAN ANG MGA TAO NA MAGING KAIBIGAN NG DIYOS
8. Bakit kailangang maipagkasundo sa Diyos ang makasalanang mga tao?
8 Ang mga taong hindi pa nananampalataya sa hain ni Jesus ay itinuturing ng Diyos bilang mga kaaway. Kaya naman pananagutan nating ipaalam sa ating kapuwa na maaari silang maging kaibigan ng Maylalang. Isinulat ni apostol Juan: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.” (Juan 3:36) Mabuti na lang, dahil sa hain ni Kristo, maaari tayong maipagkasundo sa Diyos. Sinabi ni Pablo: “Kayo nga na mga dating hiwalay at mga kaaway sa dahilang ang inyong mga pag-iisip ay nasa mga gawang balakyot ay muli niya ngayong ipinakipagkasundo sa pamamagitan ng katawang laman ng isang iyon sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan.”—Col. 1:21, 22.
9, 10. (a) Anong pananagutan ang ibinigay ni Kristo sa kaniyang mga pinahirang kapatid? (b) Paano tinutulungan ng “ibang mga tupa” ang kanilang mga pinahirang kapatid?
9 Ibinigay ni Kristo sa kaniyang mga pinahirang kapatid sa lupa ang tinatawag ni Pablo na “ministeryo ng pakikipagkasundo.” Bilang paliwanag, ganito ang isinulat ni Pablo sa unang-siglong mga pinahirang Kristiyano: “Ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos, na ipinagkasundo kami sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Kristo at nagbigay sa amin ng ministeryo ng pakikipagkasundo, samakatuwid nga, na sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagkakamali, at ipinagkatiwala niya sa amin ang salita ng pakikipagkasundo. Kami samakatuwid ay mga embahador na humahalili para kay Kristo, na para bang ang Diyos ay namamanhik sa pamamagitan namin. Bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’”—2 Cor. 5:18-20.
10 Para sa “ibang mga tupa,” pribilehiyo nilang tulungan ang kanilang mga pinahirang kapatid sa ministeryong ito. (Juan 10:16) Bilang mga sugo ni Kristo, ang “ibang mga tupa” ang may pinakamalaking bahagi sa pagtuturo sa mga tao ng katotohanan tungkol sa Diyos at pagtulong sa mga ito na maging kaibigan ni Jehova. Napakahalagang bahagi ito ng lubusang pagpapatotoo sa mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.
IBAHAGI ANG MABUTING BALITA NA ANG DIYOS AY DUMIRINIG NG MGA PANALANGIN
11, 12. Bakit mabuting balita para sa mga tao na malamang maaari silang manalangin kay Jehova?
11 Marami ang nagdarasal dahil gumagaan ang pakiramdam nila, pero hindi naman sila naniniwala na pinakikinggan ng Diyos ang mga panalangin nila. Kailangan nilang malaman na si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” Isinulat ng salmistang si David: “O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman. Ang mga bagay na may kamalian ay naging mas malakas kaysa sa akin. Kung tungkol sa aming mga pagsalansang, ikaw ang magtatakip sa mga iyon.”—Awit 65:2, 3.
12 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung hihingi kayo ng anumang bagay sa pangalan ko, gagawin ko iyon.” (Juan 14:14) Ibig sabihin, maaari nating ipanalangin ang “anumang bagay” na kaayon ng kalooban ni Jehova. Tinitiyak sa atin ni Juan: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Napakasarap ngang ituro sa iba na ang panalangin ay hindi lang basta pampagaan ng loob kundi isang kahanga-hangang paraan ng paglapit sa “trono ng di-sana-nararapat na kabaitan” ni Jehova! (Heb. 4:16) Kung tuturuan natin sila kung paano mananalangin, kung kanino dapat manalangin, at kung ano ang ipananalangin, matutulungan natin silang maging malapít kay Jehova at magkaroon ng kaaliwan sa panahon ng kabagabagan.—Awit 4:1; 145:18.
DI-SANA-NARARAPAT NA KABAITAN SA BAGONG SISTEMA NG MGA BAGAY
13, 14. (a) Anong kahanga-hangang mga pribilehiyo ang tatanggapin ng mga pinahiran sa hinaharap? (b) Anong kamangha-manghang gawain ang gagawin ng mga pinahiran para sa sangkatauhan?
13 Lalo pang ipakikita ni Jehova ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan kapag napuksa na ang kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay. Tungkol sa kamangha-manghang pribilehiyong ibinigay ng Diyos sa 144,000, na maghaharing kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian, ganito ang isinulat ni Pablo: “Ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig na ipinang-ibig niya sa atin, ay bumuhay sa atin kasama ng Kristo, maging nang tayo ay patay sa mga pagkakamali—sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ay iniligtas na kayo—at ibinangon niya tayong magkakasama at pinaupo tayong magkakasama sa makalangit na mga dako kaisa ni Kristo Jesus, upang sa darating na mga sistema ng mga bagay ay maipakita ang nakahihigit na kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa kaniyang kagandahang-loob sa atin na kaisa ni Kristo Jesus.”—Efe. 2:4-7.
14 Mahirap gunigunihin ang kamangha-manghang mga bagay na inihanda ni Jehova sa mga pinahirang Kristiyano kapag nakaupo na sila sa mga trono sa langit para mamahalang kasama ni Kristo. (Luc. 22:28-30; Fil. 3:20, 21; 1 Juan 3:2) Pantanging ipakikita sa kanila ni Jehova “ang nakahihigit na kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.” Sila ang bubuo sa “bagong Jerusalem,” ang kasintahang babae ni Kristo. (Apoc. 3:12; 17:14; 21:2, 9, 10) Makakasama sila ni Jesus sa “pagpapagaling sa mga bansa,” na tinutulungan ang masunuring mga tao na lumaya sa kasalanan at kamatayan at maging sakdal.—Basahin ang Apocalipsis 22:1, 2, 17.
15, 16. Sa hinaharap, paano ipakikita ni Jehova ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa “ibang mga tupa”?
15 Mababasa natin sa Efeso 2:7 na ipakikita ng Diyos ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan “sa darating na mga sistema ng mga bagay.” Sa panahong iyon, tiyak na mararanasan ng lahat sa lupa ang “nakahihigit na kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.” (Luc. 18:29, 30) Ang isa sa pinakadakilang kapahayagan ng kahanga-hangang kabaitan ni Jehova ay ang pagkabuhay-muli ng mga tao mula sa libingan. (Job 14:13-15; Juan 5:28, 29) Ang sinaunang tapat na mga lalaki at babae na namatay bago mamatay si Kristo, pati na ang lahat ng “ibang mga tupa” na mamamatay nang tapat sa panahon ng mga huling araw, ay muling bubuhayin para patuloy na makapaglingkod kay Jehova.
16 Bubuhaying muli rin ang milyon-milyong namatay nang hindi nakakilala sa Diyos. Bibigyan sila ng pagkakataong magpasakop sa soberanya ni Jehova. Isinulat ni Juan: “Nakita ko ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit, na nakatayo sa harap ng trono, at nabuksan ang mga balumbon. Ngunit may iba pang balumbon na nabuksan; ito ang balumbon ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan batay sa mga bagay na nakasulat sa mga balumbon ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan sila nang isa-isa ayon sa kanilang mga gawa.” (Apoc. 20:12, 13) Siyempre pa, kailangang matutuhan ng mga bubuhaying muli kung paano ikakapit ang mga simulain ng Diyos na nasa Bibliya. Bukod diyan, kailangan nilang sundin ang bagong mga tagubilin na isisiwalat sa “mga balumbon” na naglalahad ng mga kahilingan ni Jehova para sa mga maninirahan sa bagong sistema ng mga bagay. Ang pagsisiwalat sa nilalaman ng mga balumbong ito ay isa pang pagpapakita ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova.
PATULOY NA IPALAGANAP ANG MABUTING BALITA
17. Ano ang dapat nating tandaan kapag nakikibahagi tayo sa gawaing pagpapatotoo?
17 Higit kailanman, napakahalagang ipangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian dahil malapit na ang wakas! (Mar. 13:10) Di-maikakailang itinatampok ng mabuting balita ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Dapat natin itong tandaan kapag nakikibahagi tayo sa gawaing pagpapatotoo. Ang layunin natin sa pangangaral ay ang parangalan si Jehova. Magagawa natin ito kung ipakikita natin sa mga tao na ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa bagong sanlibutan ay mga kapahayagan ng kamangha-manghang kabaitan ni Jehova.
18, 19. Paano natin naluluwalhati ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova?
18 Habang nagpapatotoo sa iba, maipaliliwanag natin na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo, tatanggapin ng mga tao ang lahat ng pakinabang ng pantubos at unti-unti silang magiging sakdal. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Magiging posible lang ito dahil sa pambihirang kabaitan ni Jehova.
19 Pribilehiyo nating ibahagi sa lahat ng makikinig ang kapana-panabik na pangakong nasa Apocalipsis 21:4, 5: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” At si Jehova, ang isa na nakaupo sa trono, ay nagsabi: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Kapag masigasig nating ipinangangaral ang mabuting balitang ito sa iba, talagang naluluwalhati natin ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova!