Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Ghana
MAY kilala ka bang brother o sister na lumipat sa ibang bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mamamahayag ng Kaharian? Mga “need-greater” ang kadalasang tawag natin sa kanila. Naitanong mo na ba sa iyong sarili: ‘Ano ang nag-udyok sa kanila na maglingkod sa ibang bansa? Paano nila inihanda ang kanilang sarili sa ganitong uri ng paglilingkod? Magagawa ko rin ba iyon?’ Para malaman natin ang sagot sa mga ito, kausapin natin ang ilan sa kanila.
ANO ANG NAG-UUDYOK SA KANILA?
Paano pumasok sa isip ninyo na maglingkod sa ibang bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan? Si Amy, na ngayon ay mahigit 30 anyos na, ay mula sa United States. Sinabi niya: “Ilang taon ko nang pinag-iisipang maglingkod sa ibang bansa, pero parang hindi ko ito kayang gawin.” Bakit nagbago ang isip niya? “Noong 2004, inanyayahan ako ng isang mag-asawang naglilingkod sa Belize na bisitahin sila at magpayunir kasama nila sa loob ng isang buwan. Ginawa ko iyon—at nag-enjoy ako! Pagkalipas ng isang taon, lumipat ako sa Ghana para magpayunir.”
Ilang taon pa lang ang nakararaan, sinuri ni Stephanie, na ngayon ay malapit nang mag-30 anyos at mula rin sa United States, ang kaniyang kalagayan at nag-isip: ‘Malusog ako at walang obligasyon sa pamilya. Mas marami pa akong magagawa para kay Jehova kaysa sa nagagawa ko ngayon.’ Dahil sa tapatang pagsusuring ito sa sarili, naudyukan siya na lumipat sa Ghana para palawakin ang kaniyang ministeryo. Pangarap nina Filip at Ida, mag-asawang payunir na mahigit 60 anyos at mula sa Denmark, na lumipat sa teritoryo na mas malaki ang pangangailangan. Gumawa sila ng paraan para matupad ito. “Nang dumating ang pagkakataon,” ang sabi ni Filip, “para bang sinabi sa amin ni Jehova: ‘Sige, pumunta kayo!’” Noong 2008, lumipat sila sa Ghana at naglingkod doon nang mahigit tatlong taon.
1 Cro. 17:1-4, 11, 12; 22:5-11) Dagdag pa ni Brook, “Gusto ni Jehova na kumatok kami sa iba pang pinto.”
Sina Hans at Brook, mag-asawang payunir na mahigit 30 anyos, ay naglilingkod sa United States. Noong 2005, tumulong sila sa disaster relief pagkatapos manalasa ang Bagyong Katrina. Nang maglaon, nag-aplay sila para tumulong sa internasyonal na mga proyekto ng pagtatayo pero hindi sila naanyayahan. “Pagkatapos,” ang naalaala ni Hans, “nakarinig kami ng isang pahayag sa kombensiyon kung saan binanggit na tinanggap ni Haring David na hindi siya ang magtatayo ng templo, kaya binago niya ang kaniyang tunguhin. Nakatulong ito sa amin na makitang ayos lang pala na baguhin ng isa ang kaniyang teokratikong mga tunguhin.” (Pagkatapos marinig ang magagandang karanasan ng kanilang mga kaibigan na naglilingkod sa ibang mga lupain, naudyukan sina Hans at Brook na subukang magpayunir sa ibang bansa. Noong 2012, nagpunta sila sa Ghana at nakapaglingkod doon nang apat na buwan, na tumutulong sa isang sign-language congregation. Bagaman kinailangan nilang bumalik sa United States, ang paglilingkod nila sa Ghana ay nagpasidhi ng kanilang pagnanais na unahin ang kapakanan ng Kaharian. Mula noon, tumulong sila sa proyekto ng pagtatayo sa sangay ng Micronesia.
MGA HAKBANG PARA MAABOT ANG KANILANG TUNGUHIN
Paano kayo naghanda para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan? “Nag-research ako sa mga artikulo ng Bantayan tungkol sa paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan,” ang sabi ni Stephanie. * “Nakipag-usap din ako sa mga elder sa kongregasyon namin at sa tagapangasiwa ng sirkito at sa kaniyang maybahay tungkol sa kagustuhan kong maglingkod sa ibang bansa. Higit sa lahat, madalas kong ipinanalangin kay Jehova ang tunguhin ko.” Kasabay nito, pinanatiling simple ni Stephanie ang kaniyang buhay para makaipon ng pansuporta sa sarili habang naglilingkod sa ibang bansa.
Sinabi ni Hans: “Sa panalangin, hiniling namin ang patnubay ni Jehova dahil
gusto naming pumunta kung saan niya kami gustong maglingkod. Sinabi rin namin sa panalangin ang espesipikong petsa kung kailan namin gagawin ang aming plano.” Nagpadala ang mag-asawa ng mga liham sa apat na tanggapang pansangay. Nang makatanggap sila ng magandang tugon mula sa sangay sa Ghana, naglakbay sila roon para bumisita lang sana nang dalawang buwan. “Nasiyahan kami nang husto sa paggawa kasama ng kongregasyon,” ang sabi ni Hans, “kaya naman nagtagal pa kami roon.”Tinandaan nina George at Adria, mag-asawang malapit nang mag-40 anyos at mula sa Canada, na pinagpapala ni Jehova ang magagandang desisyon, hindi lang ang mabubuting intensiyon. Kaya gumawa sila ng mga hakbang para maabot ang kanilang tunguhin. Kinontak nila ang isang sister na naglilingkod sa isang lugar sa Ghana kung saan malaki ang pangangailangan at marami silang itinanong sa kaniya. Sumulat din sila sa sangay sa Canada at sa sangay sa Ghana. “At,” ang sabi ni Adria, “naghanap kami ng mga paraan para lalo pang pasimplehin ang aming buhay.” Nakatulong ang mga hakbang na iyon para makalipat sila sa Ghana noong 2004.
PAGHARAP SA MGA HAMON
Anong mga hamon ang napaharap sa inyo pagkatapos ninyong lumipat, at paano ninyo napagtagumpayan ang mga iyon? Para kay Amy, homesickness ang una niyang naging hamon. “Lahat ay ibang-iba sa nakasanayan ko.” Ano ang nakatulong sa kaniya? “Tinatawagan ako ng mga kapamilya ko para sabihin na pinahahalagahan nila ang aking paglilingkod. Nakatulong ito para hindi ko makalimutan kung bakit ako nagpasiyang lumipat. Nang maglaon, nagbi-video chat na kami ng mga kapamilya ko. At dahil nakikita
na namin ang isa’t isa, parang ang lapit-lapit lang nila.” Sinabi ni Amy na ang pakikipagkaibigan sa isang makaranasang sister na tagaroon ay nakatulong sa kaniya na maunawaan ang iba’t ibang kaugalian. “Ang kaibigan ko ang lagi kong nilalapitan kapag hindi ko maintindihan ang reaksiyon ng mga tao. Dahil sa kaniya, natutuhan ko kung ano-ano ang dapat kong gawin at iwasan, na napakalaking tulong para makapaglingkod ako nang may kagalakan.”Sinabi nina George at Adria na nang una silang lumipat sa Ghana, para silang bumalik sa nakaraan. “Sa halip na washing machine, timba ang ginagamit namin. Parang 10 beses na mas matagal ang paghahanda ng pagkain kaysa sa nakasanayan namin,” ang sabi ni Adria. “Pero di-nagtagal, ang mahihirap na kalagayang iyon ay naging mga bagong karanasan na lang.” Sinabi ni Brook: “Sa kabila ng mga hadlang na kinakaharap naming mga payunir, kasiya-siya ang aming buhay. Kung pagsasama-samahin namin ang aming nakapagpapatibay na mga karanasan, ang mga ito ay parang isang bouquet ng magagandang alaala.”
KASIYA-SIYANG MINISTERYO
Bakit ninyo inirerekomenda sa iba ang ganitong uri ng paglilingkod? “Napakasayang mangaral sa teritoryo kung saan may mga indibiduwal na sabik matuto ng katotohanan at gustong magpa-Bible study sa iyo araw-araw,” ang sabi ni Stephanie. “Ang paglipat at paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay isa sa magagandang desisyong nagawa ko!” Noong 2014, napangasawa ni Stephanie si Aaron, at ngayon ay naglilingkod sila sa tanggapang pansangay sa Ghana.
“Napakagandang karanasan ito,” ang sabi ni Christine, isang payunir mula sa Germany, na ngayon ay mahigit nang 30 anyos. Naglingkod si Christine sa Bolivia bago siya lumipat sa Ghana. Idinagdag niya: “Dahil malayo ang mga kapamilya ko, kay Jehova ako palaging humihingi ng tulong. Naging mas totoo siya sa akin. Nararanasan ko rin ang natatanging pagkakaisa ng bayan ni Jehova. Pinasaya ng paglilingkod na ito ang buhay ko.” Kamakailan, napangasawa ni Christine si Gideon, at magkasama silang patuloy na naglilingkod sa Ghana.
Ikinuwento nina Filip at Ida ang ginawa nila para sumulong ang kanilang mga inaaralan sa Bibliya. “Dati, 15 o higit pa ang Bible study namin, pero nilimitahan namin ito sa 10 para maturuan namin sila nang husto.” Nakinabang ba ang kanilang mga tinuturuan? Sinabi ni Filip: “Ini-study ko ang kabataang lalaki na si Michael. Puwede kaming mag-study araw-araw at naghahanda siyang mabuti, kaya naman natapos namin ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa loob lang ng isang buwan. Pagkatapos, naging di-bautisadong mamamahayag siya. Sa kaniyang unang araw ng paglilingkod sa larangan, tinanong niya ako, ‘Puwede mo ba akong tulungan sa mga Bible study ko?’ Nagulat ako. Ipinaliwanag ni Michael na nakapagpasimula siya ng tatlong study at kailangan niya ng tulong.” Isip-isipin, sa laki ng pangangailangan para sa mga tagapagturo, kahit ang mga tinuturuan sa Bibliya ay nagtuturo na rin!
Nakita agad ni Amy ang isang malaking pangangailangan. Sinabi niya: “Pagkarating namin sa Ghana, nangaral kami sa isang maliit na nayon at naghanap ng mga bingi. Doon pa lang, hindi iisa, kundi walong bingi ang natagpuan namin!” Samantala, napangasawa ni Amy si Eric, at magkasama silang naglilingkod bilang special pioneer. Sumuporta sila sa isang sign-language congregation para matulungan ang ilan sa mahigit 300 mamamahayag at interesado na bingi sa Ghana. Para kina George at Adria, natikman nila ang buhay-misyonero dahil sa paglilingkod sa Ghana. Kaya naman napakasaya nila nang maanyayahan silang mag-aral sa ika-126 na klase ng Paaralang Gilead! Sa ngayon, naglilingkod sila bilang misyonero sa Mozambique.
UDYOK NG PAG-IBIG
Nakatutuwang makita ang napakaraming kapatid mula sa iba’t ibang bansa na puspusang gumagawang kasama ng lokal na mga kapatid sa gawaing pag-aani. (Juan 4:35) Sa katamtaman, 120 ang nababautismuhan sa Ghana linggo-linggo. Gaya ng karanasan ng 17 need-greater na lumipat sa Ghana, libo-libong ebanghelisador sa buong daigdig ang nauudyukan ng pag-ibig kay Jehova na ‘kusang-loob na ihandog ang kanilang sarili.’ Naglilingkod sila sa mga lugar kung saan kailangan ang mas maraming tagapaghayag ng Kaharian. Tiyak na napasasaya ng kusang-loob na mga manggagawang ito ang puso ni Jehova!—Awit 110:3; Kaw. 27:11.
^ par. 9 Halimbawa, tingnan ang mga artikulong “Makapaglilingkod Ka Ba Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan?” at “Maaari Ka Bang Tumawid sa Macedonia?”—Ang Bantayan, Abril 15 at Disyembre 15, 2009.