Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Makitangis sa mga Tumatangis’

‘Makitangis sa mga Tumatangis’

“Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa.”—1 TES. 5:11.

AWIT: 121, 75

1, 2. Bakit natin tatalakayin kung paano tayo makapagbibigay ng kaaliwan sa mga namatayan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

“HALOS isang taon pagkamatay ng aming anak na lalaki, nakadama kami ng matinding sakit ng damdamin,” ang sabi ni Susi. Sinabi naman ng isang brother na nang biglang mamatay ang misis niya, nakaranas siya ng “di-maipaliwanag na kirot sa katawan.” Nakalulungkot na napakarami ang dumaranas ng gayong matinding paghihirap. Hindi inaasahan ng maraming Kristiyano na mamamatay ang kanilang mga mahal sa buhay bago ang Armagedon. Namatayan ka man o may kilala kang nagdadalamhati, baka maisip mo, ‘Paano kaya matutulungan ang mga nagdadalamhati na makayanan ang pinagdaraanan nila?’

2 May mga nagsasabi na lahat ng sugat ay naghihilom sa paglipas ng panahon. Pero totoo ba iyan? “Nakita ko na mas tamang sabihin na ang ginagawa mo sa iyong panahon ang nakakatulong sa paghihilom,” ang sabi ng isang biyuda. Oo, gaya ng isang sugat, ang kirot sa damdamin ay puwedeng unti-unting gumaling kung maingat itong gagamutin. Ano kaya ang makatutulong sa mga namatayan para maghilom ang kanilang sugat sa damdamin?

SI JEHOVA—“ANG DIYOS NG BUONG KAALIWAN”

3, 4. Bakit tayo makatitiyak na nauunawaan ni Jehova ang mga nagdadalamhati?

3 Si Jehova, ang ating mahabagin at makalangit na Ama, ang pangunahing pinagmumulan ng kaaliwan. (Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.) Siya ang pinakamagandang halimbawa ng empatiya, at tiniyak niya sa kaniyang bayan: “Ako ang Isa na umaaliw sa inyo.”—Isa. 51:12; Awit 119:50, 52, 76.

4 Naranasan mismo ng ating Ama ng magiliw na kaawaan ang pagkamatay ng mga minamahal niya, gaya nina Abraham, Isaac, Jacob, Moises, at Haring David. (Bil. 12:6-8; Mat. 22:31, 32; Gawa 13:22) Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na minimithi at pinananabikan ni Jehova ang panahon na bubuhayin niya silang muli. (Job 14:14, 15) Magiging masaya sila at magkakaroon ng magandang kalusugan. Tandaan din na dumanas ng napakasakit na kamatayan ang minamahal na Anak ng Diyos—ang isa na “lubhang kinagigiliwan niya.” (Kaw. 8:22, 30) Hindi natin kayang ilarawan ang kirot na naramdaman ni Jehova dahil dito.—Juan 5:20; 10:17.

5, 6. Paano tayo inaaliw ni Jehova?

5 Makapagtitiwala tayo na kikilos si Jehova alang-alang sa atin. Kaya huwag tayong mag-atubili na sabihin sa panalangin ang laman ng ating puso. Nakaaaliw ngang malaman na nauunawaan ni Jehova ang kirot na nararamdaman natin at na naglalaan siya ng kaaliwan na kailangang-kailangan natin! Pero paano?

6 Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng “kaaliwan mula sa banal na espiritu.” (Gawa 9:31) Napakamakapangyarihan ng aktibong puwersang ito ng Diyos. Ipinangako ni Jesus na ang Ama sa langit ay “magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Luc. 11:13) Sinabi ni Susi, na nabanggit kanina: “Maraming beses na napapaluhod na lang kami at nagsusumamo kay Jehova na aliwin niya kami. At lagi namang binabantayan ng kapayapaan ng Diyos ang aming puso at isip.”—Basahin ang Filipos 4:6, 7.

SI JESUS—ISANG MADAMAYING MATAAS NA SASERDOTE

7, 8. Bakit tayo makapagtitiwala na maglalaan si Jesus ng kaaliwan?

7 Ang magiliw na empatiya ni Jehova ay kitang-kita sa mga sinabi at ginawa ng kaniyang mahabaging Anak na si Jesus noong nasa lupa ito. (Juan 5:19) Isinugo si Jesus para maglaan ng kaaliwan sa mga “may pusong wasak” at sa “lahat ng nagdadalamhati.” (Isa. 61:1, 2; Luc. 4:17-21) Nagpakita siya ng matinding habag—ang pakikiramay sa pagdurusa ng iba at pagnanais na maibsan iyon.—Heb. 2:17.

8 Noong bata pa si Jesus, tiyak na may mga kapamilya at kaibigan din siya na namatay. Malamang na namatay ang kaniyang ama-amahan na si Jose noong nasa kabataan si Jesus. * Isip-isipin si Jesus, malamang ay tin-edyer o mga 20 anyos, na nagdadalamhati at dinadamayan din ang kaniyang ina at mga kapatid.

9. Nang mamatay si Lazaro, paano nagpakita si Jesus ng empatiya?

9 Sa kaniyang ministeryo, ipinakita ni Jesus na talagang nauunawaan niya ang mga tao at may empatiya siya sa kanila. Halimbawa, nang mamatay ang mahal niyang kaibigan na si Lazaro, nadama rin ni Jesus ang matinding kirot ng damdamin nina Maria at Marta. Dahil sa kaniyang empatiya, lumuha siya, kahit alam niyang bubuhayin niyang muli si Lazaro.—Juan 11:33-36.

10. Bakit tayo makapagtitiwala na may simpatiya si Jesus sa atin?

10 Paano makatutulong sa atin ang pagpapakita noon ni Jesus ng simpatiya? Tinitiyak sa atin ng Kasulatan na “si Jesu-Kristo ay gayon pa rin kahapon at ngayon, at magpakailanman.” (Heb. 13:8) Dahil personal na nauunawaan ng “Punong Ahente ng buhay” ang nadarama ng mga nagdadalamhati, “magagawa niyang saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok.” (Gawa 3:15; Heb. 2:10, 18) Kaya makapagtitiwala tayo na nararamdaman ni Kristo ang pagdadalamhati ng iba, naiintindihan niya ang kanilang pinagdaraanan, at maglalaan siya ng kaaliwan sa “tamang panahon.”—Basahin ang Hebreo 4:15, 16.

“KAALIWAN MULA SA KASULATAN”

11. Anong mga teksto ang nakapagbibigay ng kaaliwan sa iyo?

11 Ang ulat tungkol sa matinding pagdadalamhati ni Jesus nang mamatay si Lazaro ay isa lang sa maraming nakaaaliw na teksto sa Salita ng Diyos. Hindi na ito nakapagtataka dahil “ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Kung nagdadalamhati ka, puwede ka ring makakuha ng kaaliwan sa mga tekstong gaya nito:

  • “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18, 19.

  • “Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.”—Awit 94:19.

  • “Nawa’y ang ating Panginoong Jesu-Kristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na umibig sa atin at nagbigay ng walang-hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan, ay umaliw sa inyong mga puso at magpatatag sa inyo.”—2 Tes. 2:16, 17. *

ANG KONGREGASYON—ISANG PINAGMUMULAN NG KAALIWAN

12. Ano ang isang mahalagang paraan para makapaglaan tayo ng kaaliwan sa iba?

12 Ang isa pang pinagmumulan ng kaaliwan para sa mga nagdadalamhati ay ang kongregasyong Kristiyano. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:11.) Paano mo mapatitibay at maaaliw ang mga may “bagbag na espiritu”? (Kaw. 17:22) Tandaan na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:7) Ipinaliwanag ng biyudang si Dalene: “Kailangan ng mga namatayan ang mapaghihingahan ng kanilang niloloob. Kaya ang pinakamahalagang magagawa mo para sa namatayan ay ang makinig—nang hindi sumasabat.” Sinabi naman ni Junia, na ang kuya ay nagpakamatay: “Kahit hindi mo lubusang naiintindihan ang nadarama nila, ang mahalaga ay gusto mong maunawaan iyon.”

13. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa pagdadalamhati?

13 Tandaan din na iba-iba ang nararanasan ng mga nagdadalamhati at ang pagpapahayag nila ng kanilang damdamin. Kung minsan, ang taong nagdadalamhati lang ang nakaaalam ng kirot na kaniyang nadarama, at baka hindi niya ito kayang ipaliwanag. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Nababatid ng puso ang kapaitan ng kaluluwa ng isa, at sa pagsasaya nito ay walang ibang taong manghihimasok.” (Kaw. 14:10) At kahit maipahayag pa ng isa ang kaniyang nadarama, hindi laging madali para sa iba na maunawaan ang gusto niyang sabihin.

14. Ano ang puwede nating sabihin bilang kaaliwan para sa namatayan?

14 Kaya naman, mahirap malaman kung ano ang sasabihin sa nagdadalamhati. Pero sinasabi ng Bibliya na “ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kaw. 12:18) Marami ang nakakita ng nakaaaliw na pananalita mula sa brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. * Pero ang pinakamagandang magagawa mo ay ang “makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) “Sa pag-iyak, nailalabas ko ang nadarama ko,” ang sabi ni Gaby, na namatayan ng mister. “Kaya naman naaaliw ako kapag kasama kong umiiyak ang mga kaibigan ko. Sa panahong iyon, nadarama kong hindi ako nagdadalamhating mag-isa.”

15. Paano tayo makapaglalaan ng kaaliwan kung hiráp tayong gawin ito nang personal? (Tingnan din ang kahong “ Nakagiginhawang mga Salita.”)

15 Kung nahihirapan kang personal na magsabi ng nakaaaliw na pananalita, puwede mo itong daanin sa sympathy card, e-mail, text, o liham. Puwede kang gumamit ng isang nakaaaliw na teksto, bumanggit ng ilang magagandang katangian ng namatay, o ng isang masayang alaala na hindi mo malilimutan. “Malaking tulong sa akin kapag nakatanggap ako ng maikli at nakapagpapatibay na mensahe o kapag inanyayahan ako ng isang kapananampalataya na makasama siya,” ang sabi ni Junia. “Dahil sa mga iyon, nadarama kong may nagmamahal at nagmamalasakit sa akin.”

16. Ano ang isa pang epektibong paraan para makapaglaan ng kaaliwan?

16 Mahalaga ring ipanalangin ang kapananampalatayang namatayan at manalanging kasama niya. Mahirap mang gawin iyan dahil baka naiiyak ka at nanginginig ang boses mo, ang iyong taos-pusong pagsusumamo alang-alang sa kaniya ay makapagbibigay ng kaaliwan. “Minsan, kapag dinadalaw ako ng mga sister para makiramay,” ang naalaala ni Dalene, “hinihilingan ko sila kung puwede silang mag-pray. Madalas, hiráp silang magsimula, pero pagkatapos ng ilang pangungusap, lumalakas na ang boses nila at nakakapanalangin sila nang taos-puso. Talagang napapatibay ako sa kanilang matatag na pananampalataya, pag-ibig, at malasakit.”

PATULOY NA MAGLAAN NG KAALIWAN

17-19. Bakit kailangan nating patuloy na maglaan ng kaaliwan?

17 Magkakaiba ang pagdadalamhati ng bawat tao. Kaya maglaan ng panahon, hindi lang sa mga unang araw habang kasama ng namatayan ang kaniyang mga kaibigan at kapamilya, kundi pati sa susunod na mga buwan kapag bumalik na ang lahat sa kanilang normal na buhay. “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kaw. 17:17) Maaari tayong maglaan ng kaaliwan sa namatayan hanggang sa makabangon siya.—Basahin ang 1 Tesalonica 3:7.

18 Tandaan na puwedeng biglang makaramdam ng pagdadalamhati ang mga namatayan dahil sa mga anibersaryo, ilang musika, litrato, gawain, o kahit sa isang espesipikong amoy, tunog, o panahon. Para sa namatayan ng asawa, may mga bagay na baka napakahirap gawin nang mag-isa sa unang pagkakataon—gaya ng pagdalo sa asamblea o Memoryal. “Alam kong magiging masakit ang unang anibersaryo namin ng misis ko pagkamatay niya,” ang sabi ng isang brother, “at hindi nga ito naging madali. Pero may mga kapatid na nagplano ng maliit na salusalo para sa akin at sa malalapít kong kaibigan para hindi ako mapag-isa.”

19 Tandaan din na kailangan ng mga namatayan ang pampatibay hindi lang sa espesyal na mga okasyon. “Kadalasan, malaki ang nagagawa ng pagtulong at pakikipagsamahan kahit walang espesyal na anibersaryo,” ang sabi ni Junia. “Pinahahalagahan ko ang mga iyon at talagang nakakagaan ng loob.” Totoo, hindi natin lubusang maaalis ang pagdadalamhati o mapupunan ang nawala dahil sa pagkamatay ng kanilang minamahal, pero makapaglalaan tayo ng kaaliwan sa pamamagitan ng praktikal na tulong. (1 Juan 3:18) Naalaala ni Gaby: “Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa maibiging mga elder na umalalay sa akin sa mahihirap na panahon. Ipinadama nila sa akin ang maibiging kalinga ni Jehova.”

20. Bakit malaking kaaliwan sa atin ang mga pangako ni Jehova?

20 Nakaaaliw ngang malaman na aalisin ni Jehova, na Diyos ng buong kaaliwan, ang lahat ng pagdadalamhati at maglalaan siya ng walang-hanggang kaaliwan dahil “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng [tinig ni Kristo] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Nangangako ang Diyos na “lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isa. 25:8) Sa panahong iyon, sa halip na “makitangis sa mga taong tumatangis,” ang lahat ay ‘makikipagsaya sa mga taong nagsasaya.’—Roma 12:15.

^ par. 8 Huling binanggit si Jose noong 12 taóng gulang si Jesus. Noong unang himala ni Jesus, nang gawin niyang alak ang tubig, hindi na nabanggit si Jose—kahit sa sumunod na mga ulat. Habang nasa pahirapang tulos si Jesus, inihabilin niya kay apostol Juan ang kaniyang ina na si Maria. Malamang na hindi ito gagawin ni Jesus kung nabubuhay pa si Jose.—Juan 19:26, 27.

^ par. 14 Tingnan din ang artikulong “Aliwin ang mga Namatayan, Gaya ng Ginawa ni Jesus” sa Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2010.